Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Nang isulat ni apostol Juan na “itinataboy ng sakdal na pag-ibig ang takot,” ano ang ibig niyang sabihin sa pananalitang “sakdal na pag-ibig,” at ano namang “takot” ang itinataboy?
“Walang takot sa pag-ibig,” ang sulat ni apostol Juan, “kundi itinataboy ng sakdal na pag-ibig ang takot, sapagkat ang takot ay nagsisilbing pamigil. Tunay nga, siya na nasa ilalim ng takot ay hindi pa napasasakdal sa pag-ibig.”—1 Juan 4:18.
Ipinakikita ng konteksto na tinatalakay ni Juan ang hinggil sa kalayaan sa pagsasalita—partikular na ang kaugnayan ng pag-ibig sa Diyos at ng kalayaan sa pagsasalita sa Kaniya. Makikita ito sa mababasa natin sa talata 17: “Sa ganitong paraan pinasakdal sa atin ang pag-ibig, upang magkaroon tayo ng kalayaan sa pagsasalita sa araw ng paghuhukom.” Ang antas ng pag-ibig ng isang Kristiyano sa Diyos at ang nadarama niyang pag-ibig ng Diyos sa kaniya ay may tuwirang epekto sa kaniyang kalayaan sa pagsasalita—o sa kawalan nito—kapag lumalapit siya sa Diyos sa panalangin.
Makahulugan ang pananalitang “sakdal na pag-ibig.” Sa Bibliya, ang salitang “sakdal” ay hindi laging nangangahulugan ng kasakdalan sa ganap na diwa, samakatuwid nga, sa sukdulang antas, kundi mas madalas itong tumutukoy sa kasakdalan sa relatibong diwa. Halimbawa, sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Dapat kayong magpakasakdal, kung paanong ang inyong makalangit na Ama ay sakdal.” Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na kung iniibig lamang nila yaong mga umiibig sa kanila, ang kanilang pag-ibig ay hindi kumpleto, hindi sapat, at may kakulangan. Dapat nilang pasakdalin, o lubusin, ang kanilang pag-ibig sa pamamagitan ng pagpapamalas ng katangiang ito maging sa kanilang mga kaaway. Samakatuwid, nang isulat ni Juan ang hinggil sa “sakdal na pag-ibig,” tinutukoy niya ang pag-ibig sa Diyos na buong puso, ganap na nalinang, at sumasaklaw sa lahat ng aspekto ng buhay ng isang indibiduwal.—Mateo 5:46-48; 19:20, 21.
Kapag lumalapit sa Diyos sa panalangin, alam na alam ng isang Kristiyano na siya ay makasalanan at hindi sakdal. Gayunman, kapag ganap na nalinang ang kaniyang pag-ibig sa Diyos at ang nadarama niyang pag-ibig ng Diyos sa kaniya, hindi siya napipigilan ng takot na siya’y mahatulan o hindi pakinggan. Sa halip, nagtatamasa siya ng kalayaan sa pagsasalita kapag ipinahahayag niya ang nilalaman ng kaniyang puso at humihiling ng kapatawaran salig sa haing pantubos na maibiging inilaan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Nakatitiyak siya na ang kaniyang mga pagsusumamo ay malugod na pinakikinggan ng Diyos.
Paano ‘mapasasakdal sa pag-ibig’ ang isang tao at sa gayo’y ‘maitaboy’ ang takot na siya’y mahatulan o hindi pakinggan? “Sinuman na tumutupad sa . . . salita [ng Diyos], tunay na sa taong ito ay pinasakdal na ang pag-ibig sa Diyos,” ang sabi ni apostol Juan. (1 Juan 2:5) Pag-isipan ito: Kung inibig tayo ng Diyos samantalang tayo’y makasalanan pa, hindi ba lalo niya tayong iibigin kung talagang nagsisisi tayo at masikap nating ‘tinutupad ang kaniyang salita’? (Roma 5:8; 1 Juan 4:10) Sa katunayan, habang nananatili tayong tapat, maaari tayong magkaroon ng katiyakang gaya ng tinaglay ni apostol Pablo na nagsabi hinggil sa Diyos: “Siya na hindi nagkait maging ng kaniyang sariling Anak kundi ibinigay niya siya para sa ating lahat, bakit hindi rin niya may-kabaitang ibibigay sa atin ang lahat ng iba pang bagay kasama siya?”—Roma 8:32.