Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino ang Nagbibigay ng Kaluwalhatian sa Diyos sa Ngayon?

Sino ang Nagbibigay ng Kaluwalhatian sa Diyos sa Ngayon?

Sino ang Nagbibigay ng Kaluwalhatian sa Diyos sa Ngayon?

“Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan.”​—APOCALIPSIS 4:11.

1, 2. (a) Anu-anong halimbawa ang naglalarawan sa larangan na tinatawag na biomimetics? (b) Anong tanong ang bumabangon, at ano ang sagot?

ISANG araw noong dekada ng 1940, naglakad-lakad ang inhinyerong Swiso na si George de Mestral kasama ang kaniyang aso. Nang makauwi na sila, napansin niya na punô ng matitinik na bunót ang kaniyang damit at ang balahibo ng aso. Palibhasa’y gustong mag-usisa, sinuri niya ang matitinik na bunót sa ilalim ng mikroskopyo at napukaw ang kaniyang pansin sa mumunting kawit na sumasabit sa anumang bagay na may likaw. Nang dakong huli, umimbento siya ng sintetikong katumbas nito​—ang Velcro. * Hindi lamang si de Mestral ang kumopya sa kalikasan. Sa Estados Unidos, nagdisenyo ng eroplano ang magkapatid na Wright matapos pag-aralan ang paglipad ng malalaking ibon. Dinisenyo ng inhinyerong Pranses na si Alexandre-Gustave Eiffel ang tore sa Paris na ipinangalan sa kaniya, na ginagamit ang saligang mga simulain na siyang dahilan kung bakit nadadala ng buto ng hita ng tao ang bigat ng katawan.

2 Malinaw na inilalarawan ng mga halimbawang ito ang tinatawag na biomimetics, ang larangan ng siyensiya na naghahangad na tularan ang mga disenyong nakikita sa kalikasan. * Gayunman, makatuwirang itanong: Gaano kadalas ibigay ng mga imbentor ang kapurihan sa Isa na nagdisenyo ng matitinik na bunót, ng malalaking ibon, ng buto ng hita ng tao, at ng lahat ng iba pang kahanga-hangang likas na mga bagay na pinagsaligan ng maraming imbensiyon ng tao? Ang malungkot na katotohanan sa daigdig sa ngayon ay na bihirang ibigay sa Diyos ang papuri o kaluwalhatiang nararapat sa kaniya.

3, 4. Ano ang kahulugan ng salitang Hebreo na isinaling “kaluwalhatian,” at sa ano ito dapat tumukoy kapag ginamit para kay Jehova?

3 ‘Aba,’ baka ipagtaka ng ilan, ‘kailangan pa bang magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos? Hindi ba’t maluwalhati na ang Diyos?’ Totoo, si Jehova ang pinakamaluwalhating Persona sa uniberso, ngunit hindi ito nangangahulugang maluwalhati siya sa paningin ng lahat ng tao. Sa Bibliya, ang salitang Hebreo na isinaling “kaluwalhatian” ay may saligang diwa na “kabigatan.” Tumutukoy ito sa anumang bagay na nagiging dahilan upang maging waring matimbang o mahalaga ang isang tao sa iba. Kapag ginamit para sa Diyos, tumutukoy ito sa mga dahilan kung bakit nagiging kahanga-hanga ang Diyos sa tao.

4 Kakaunti sa ngayon ang nakapapansin sa mga dahilan kung bakit kahanga-hanga ang Diyos. (Awit 10:4; 14:1) Sa katunayan, ang prominenteng mga tao sa lipunan, kung naniniwala man sila sa Diyos, ay madalas na nakaiimpluwensiya sa mga tao na makitungo nang walang paggalang sa Maylalang ng uniberso. Sa anu-anong paraan nila ito ginagawa?

“Wala Silang Maidadahilan”

5. Paano ipinaliliwanag ng maraming siyentipiko ang kahanga-hangang mga bagay sa sangnilalang?

5 Iginigiit ng maraming siyentipiko na walang Diyos. Kung gayon, paano nila ipinaliliwanag ang kahanga-hangang mga bagay sa sangnilalang, pati na ang sangkatauhan? Sinasabi nila na ang gayong mga kababalaghan ay bunga ng ebolusyon, isang basta puwersa lamang na sanhi ng di-inaasahang pangyayari. Halimbawa, isinulat ng ebolusyonistang si Stephen Jay Gould: “Narito tayo dahil ang isang kakaibang grupo ng mga isda ay may pambihirang anatomiya ng palikpik na maaaring magbago at maging mga binti para sa mga kinapal sa lupa . . . Maaaring magnais tayo ng ‘mas matayog’ na kasagutan​—subalit wala nang mas matayog pa rito.” Gayundin naman, sumulat ang mga ebolusyonistang sina Richard E. Leakey at Roger Lewin: “Marahil ang uring tao ay isa lamang napakalaking biyolohikal na pagkakamali.” Maging ang ilang siyentipiko na pumupuri sa kagandahan at disenyo sa kalikasan ay hindi nakapagbibigay ng papuri sa Diyos.

6. Ano ang nakahihikayat sa marami na huwag ibigay ang papuring nararapat sa Diyos bilang ang Maylalang?

6 Kapag iginigiit ng edukadong mga indibiduwal na totoo ang ebolusyon, ipinahihiwatig nila na ang mga walang-alam lamang ang ayaw maniwala rito. Ano ang reaksiyon ng marami sa gayong paggigiit? Mga ilang taon na ang nakalipas, kinapanayam ng isang lalaking may malaking kaalaman sa ebolusyon ang mga taong tumanggap sa teoriya. Sinabi niya: “Natuklasan ko na ang karamihan sa mga naniniwala sa ebolusyon ay naniniwala dahil sinabihan sila na lahat ng matatalinong tao ay naniniwala.” Oo, kapag ipinahahayag ng edukadong mga indibiduwal ang kanilang ateistikong mga pangmalas, nahihikayat ang iba na huwag ibigay ang papuring nararapat sa Diyos bilang ang Maylalang.​—Kawikaan 14:15, 18.

7. Ayon sa Roma 1:20, ano ang maaaring malinaw na makita sa pamamagitan ng nakikitang sangnilalang, at bakit?

7 Nabuo ba ng mga siyentipiko ang kanilang mga konklusyon dahil gayon nga ang ipinakikita ng mga katotohanan at katibayan? Hinding-hindi! Napalilibutan tayo ng katibayan na may isang Maylalang. Tungkol sa Kaniya, sumulat si apostol Pablo: “Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan [sangkatauhan], sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, anupat wala silang [ang mga di-sumasampalataya] maidadahilan.” (Roma 1:20) Malinaw na makikita sa mga gawa ng Maylalang ang katibayan na umiiral siya. Kaya sinasabi ni Pablo na mula sa pasimula ng pag-iral ng sangkatauhan, maaari nang ‘maunawa’ ng mga tao ang katibayan ng pag-iral ng Diyos sa pamamagitan ng nakikitang sangnilalang. Nasaan ang katibayang ito?

8. (a) Paano nagpapatotoo ang literal na langit sa kapangyarihan at karunungan ng Diyos? (b) Ano ang nagpapahiwatig na may Tagapagpasimula ang uniberso?

8 Nakikita natin sa mabituing langit ang katibayan na may Diyos. “Ang langit ay naghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos,” ang sabi ng Awit 19:1. “Ang langit”​—ang araw, buwan, at mga bituin​—ay nagpapatotoo sa kapangyarihan at karunungan ng Diyos. Nalilipos tayo ng pagkasindak dahil sa napakalaking bilang ng mga bituin. At lahat ng mga bagay na ito sa langit ay kumikilos sa kalawakan, hindi nang walang patutunguhan, kundi ayon sa eksaktong pisikal na mga batas. * (Isaias 40:26) Makatuwiran bang sabihin na ang gayong kaayusan ay bunga lamang ng di-inaasahang pangyayari? Kapansin-pansin naman, sinasabi ng maraming siyentipiko na may biglaang pasimula ang uniberso. Sa pagpapaliwanag sa ibig sabihin nito, isang propesor ang sumulat: “Mas katanggap-tanggap sa [pangmalas ng] isang ateistiko o agnostiko ang isang uniberso na walang pasimula at walang katapusan. Sa katulad na paraan, ang isang uniberso na may pasimula ay waring nangangailangan ng tagapagpasimula; sapagkat sino ang mag-iisip na magkakaroon ng gayong epekto kung walang sapat na sanhi?”

9. Paano nakikita sa nilalang na mga hayop ang katibayan ng karunungan ni Jehova?

9 Nakikita rin natin sa lupa ang katibayan na may Diyos. Bumulalas ang salmista: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha.” (Awit 104:24) Ang “mga likha” ni Jehova, lakip na ang nilalang na mga hayop, ay nagpapatotoo sa kaniyang karunungan. Gaya ng nakita natin sa pasimula, gayon na lamang kahusay ang disenyo ng nabubuhay na mga bagay anupat kadalasan ay hinahangad ng mga siyentipiko na gayahin ito. Isaalang-alang ang ilan pang halimbawa. Pinag-aaralan ng mga mananaliksik ang mga sungay ng usa upang makagawa ng mas matitibay na helmet; sinusuri nila ang isang uri ng langaw na may matalas na pandinig upang mapahusay ang mga pantulong sa pandinig (hearing aid); at sinusuri nila ang mga balahibo ng pakpak ng mga kuwago para mapasulong ang mga eroplanong hindi nasasagap ng radar (stealth plane). Ngunit gaanuman ang pagsisikap ng tao, hindi niya talaga matutularan ang sakdal na disenyo ng likas na mga bagay na masusumpungan sa kalikasan. Ganito ang sabi ng aklat na Biomimicry​—Innovation Inspired by Nature: “Nagagawa ng nabubuhay na mga bagay ang lahat ng nais nating gawin, nang hindi inuubos ang maraming panggatong na fosil, hindi dinudumhan ang planeta, o isinasapanganib ang kanilang kinabukasan.” Talagang karunungan nga ito!

10. Bakit hindi makatuwirang itatwa ang pag-iral ng isang Dakilang Disenyador? Ilarawan.

10 Tumingin ka man sa langit sa itaas o magmasid sa mga nilalang dito mismo sa lupa, malinaw ang katibayan na may isang Maylalang. (Jeremias 10:12) Dapat tayong sumang-ayon nang buong-puso sa makalangit na mga nilalang na sumisigaw: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay.” (Apocalipsis 4:11) Gayunman, hindi nakikita ng maraming siyentipiko ang katibayan sa pamamagitan ng ‘mga mata ng kanilang puso,’ bagaman maaaring namamangha sila sa disenyo ng mga bagay na nakikita nila sa pamamagitan ng kanilang literal na mga mata. (Efeso 1:18) Maaari natin itong ilarawan sa ganitong paraan: Hindi makatuwirang hangaan ang kagandahan at disenyo sa kalikasan at pagkatapos ay itatwa ang pag-iral ng isang Dakilang Disenyador, kung paanong hindi rin makatuwirang hangaan ang isang kahanga-hangang ipinintang larawan at kasabay nito’y itatwa ang pag-iral ng pintor na nagpangyaring maging obra maestra ang isang blangkong kambas. Hindi nga kataka-taka na sabihing ‘walang maidadahilan’ ang mga tumatangging maniwala sa Diyos!

Maraming Naililigaw ang “mga Bulag na Tagaakay”

11, 12. Nakasalig sa anong palagay ang doktrina ng predestinasyon, at ano ang nagpapakita na hindi lumuluwalhati sa Diyos ang doktrinang ito?

11 Taimtim na naniniwala ang maraming relihiyosong tao na nagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos ang anyo ng kanilang pagsamba. (Roma 10:2, 3) Gayunman, ang relihiyon sa pangkalahatan ay isa pang bahagi ng lipunan ng tao na aktuwal na humahadlang sa milyun-milyon sa pagluwalhati sa Diyos. Paano? Isaalang-alang natin ang dalawang paraan.

12 Una, inaalis ng mga relihiyon ang kaluwalhatian sa Diyos sa pamamagitan ng maling mga turo. Kuning halimbawa ang turo ng predestinasyon. Nakasalig ang doktrinang ito sa palagay na yamang may kapangyarihan ang Diyos na alamin ang mangyayari sa hinaharap, malamang na patiuna na niyang alam ang mangyayari sa lahat ng bagay. Kaya ipinahihiwatig ng predestinasyon na noon pa man ay patiuna nang itinalaga ng Diyos ang mangyayari​—mabuti man o masama​—sa bawat indibiduwal. Ayon sa palagay na ito, dapat isisi sa Diyos ang lahat ng pagdurusa at kabalakyutan sa sanlibutang ito. Tiyak na hindi nakaluluwalhati sa Diyos kung sa kaniya ibubunton ang sisi na nararapat sana sa kaniyang pangunahing Kaaway, si Satanas, ang isa na tinatawag ng Bibliya na “tagapamahala ng sanlibutan”!​—Juan 14:30; 1 Juan 5:19.

13. Bakit kamangmangang isipin na hindi kayang kontrolin ng Diyos ang kaniyang kakayahang alamin ang mangyayari sa hinaharap? Ilarawan.

13 Ang predestinasyon ay isang di-makakasulatang turo na sumisirang-puri sa Diyos. Pinalalabo nito ang pagkaunawa sa kung ano ang maaari niyang gawin at kung ano ang talagang ginagawa niya. Malinaw na isinasaad sa Bibliya ang katotohanan na kayang alamin ng Diyos ang mga mangyayari sa hinaharap. (Isaias 46:9, 10) Gayunman, hindi makatuwirang isipin na hindi niya kayang kontrolin ang kaniyang kakayahang alamin ang mangyayari sa hinaharap o na siya ang may pananagutan sa lahat ng nangyayari. Upang ilarawan: Ipagpalagay na napakalakas mo. Dahil ba rito’y mauudyukan ka nang buhatin ang bawat mabigat na bagay na makita mo? Siyempre hindi! Gayundin naman, ang pagkakaroon ng kakayahang alamin ang mangyayari sa hinaharap ay hindi nag-uudyok sa Diyos na patiunang alamin o patiunang italaga ang bawat bagay. Pinipili niya at pinag-iisipan kung kailan niya gagamitin ang kaniyang kakayahang umalam nang patiuna. * Maliwanag, ang maling mga turo, lakip na ang predestinasyon, ay hindi lumuluwalhati sa Diyos.

14. Sa anong paraan winawalang-dangal ng organisadong relihiyon ang Diyos?

14 Ang ikalawang paraan na sa pamamagitan nito’y winawalang-dangal ng organisadong relihiyon ang Diyos ay may kaugnayan sa paggawi ng mga tagasunod nito. Ang mga Kristiyano ay inaasahang susunod sa mga turo ni Jesus. Bukod sa iba pang mga bagay, itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na ‘ibigin ang isa’t isa’ at manatiling “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:12; 17:14-16) Kumusta naman ang mga miyembro ng klero ng Sangkakristiyanuhan? Talaga bang sinusunod nila ang mga turong iyon?

15. (a) Ano ang rekord ng klero kung tungkol sa mga digmaan ng mga bansa? (b) Ano ang epekto ng paggawi ng klero sa milyun-milyong tao?

15 Isaalang-alang ang rekord ng klero kung tungkol sa digmaan. Sinuportahan, kinunsinti, at pinangunahan pa nga nila ang maraming digmaan ng mga bansa. Binasbasan nila ang mga hukbo at binigyang-katuwiran ang pagpatay. Hindi natin maiiwasang itanong, ‘Hindi ba kailanman sumagi sa isip ng gayong mga klerigo na gayundin ang ginagawa ng kanilang karelihiyong mga klerigo na nasa panig ng kalaban?’ (Tingnan ang kahong “Kanino Kaya Panig ang Diyos?”) Hindi niluluwalhati ng klero ang Diyos kapag inaangkin nilang sinusuportahan Niya sila sa madugong mga digmaan; ni niluluwalhati nila siya kapag sinasabi nilang makaluma na ang mga pamantayan ng Bibliya at kinukunsinti ang anumang uri ng seksuwal na imoralidad. Tunay ngang ipinaaalaala nila sa atin ang relihiyosong mga lider na tinawag ni Jesus na “mga manggagawa ng katampalasanan” at “mga bulag na tagaakay”! (Mateo 7:15-23; 15:14) Dahil sa paggawi ng klero ay lumamig ang pag-ibig ng milyun-milyong tao sa Diyos.​—Mateo 24:12.

Sino ang Talagang Nagbibigay ng Kaluwalhatian sa Diyos?

16. Upang masagot ang tanong na sino talaga ang nagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos, bakit tayo dapat bumaling sa Bibliya?

16 Kung sa pangkalahatan ay hindi lumuwalhati sa Diyos ang prominente at maimpluwensiyang mga tao sa daigdig, kung gayon, sino talaga ang gumagawa nito? Upang masagot ang tanong na iyan, dapat tayong bumaling sa Bibliya. Tutal, may karapatan ang Diyos na sabihin kung paano siya dapat luwalhatiin, at itinatakda niya ang mga pamantayan sa kaniyang Salita, ang Bibliya. (Isaias 42:8) Isaalang-alang natin ang tatlong paraan upang maluwalhati ang Diyos, anupat sa bawat paraan ay isinasaalang-alang ang tanong kung sino sa ngayon ang talagang lumuluwalhati sa kaniya.

17. Paano ipinahiwatig ni Jehova mismo na isang mahalagang aspekto ng kaniyang kalooban ang pagluwalhati sa pangalan niya, at sino sa ngayon ang pumupuri sa pangalan ng Diyos sa buong lupa?

17 Una, maluluwalhati natin ang Diyos sa pamamagitan ng pagpuri sa kaniyang pangalan. Ipinakikita sa sinabi ni Jehova kay Jesus na isang mahalagang aspekto ng kalooban ng Diyos ang paggawa nito. Ilang araw bago siya mamatay, nanalangin si Jesus: “Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” Pagkatapos ay sumagot ang isang tinig: “Kapuwa ko ito niluwalhati at luluwalhatiing muli.” (Juan 12:28) Walang alinlangan na si Jehova mismo ang nagsalita. Mula sa kaniyang tugon, maliwanag na mahalaga sa kaniya ang pagluwalhati sa pangalan niya. Kung gayon, sino sa ngayon ang lumuluwalhati kay Jehova sa pamamagitan ng paghahayag at pagpuri sa kaniyang pangalan sa buong lupa? Ang mga Saksi ni Jehova, at ginagawa nila ito sa 235 lupain!​—Awit 86:11, 12.

18. Paano natin makikilala ang mga sumasamba sa Diyos sa “katotohanan,” at anong grupo ang mahigit isang siglo nang nagtuturo ng katotohanan sa Bibliya?

18 Ikalawa, maluluwalhati natin ang Diyos sa pamamagitan ng pagtuturo ng katotohanan tungkol sa kaniya. Sinabi ni Jesus na ang tunay na mga mananamba ay ‘sasamba sa Diyos sa katotohanan.’ (Juan 4:24) Paano natin makikilala ang mga sumasamba sa Diyos sa “katotohanan”? Dapat nilang tanggihan ang mga doktrina na hindi nakasalig sa Bibliya at mali ang itinuturo hinggil sa Diyos at sa kaniyang kalooban. Sa halip, dapat nilang ituro ang dalisay na mga katotohanan ng Salita ng Diyos, lakip na ang sumusunod: Si Jehova ang Kataas-taasang Diyos, at siya lamang ang karapat-dapat sa kaluwalhatian ng posisyong ito (Awit 83:18); si Jesus ang Anak ng Diyos at hinirang na Tagapamahala ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos (1 Corinto 15:27, 28); pababanalin ng Kaharian ng Diyos ang pangalan ni Jehova at tutuparin ang kaniyang layunin sa lupang ito at sa mga taong nananahan dito (Mateo 6:9, 10); ang mabuting balita hinggil sa Kahariang ito ay dapat ipangaral sa buong lupa. (Mateo 24:14) Sa loob ng mahigit isang siglo, isang grupo lamang ang tapat na nagtuturo ng gayong mahahalagang katotohanan​—mga Saksi ni Jehova!

19, 20. (a) Bakit maaaring magdulot ng kaluwalhatian sa Diyos ang mainam na paggawi ng isang Kristiyano? (b) Anu-anong tanong ang makatutulong sa atin upang matiyak kung sino sa ngayon ang lumuluwalhati sa Diyos dahil sa pag-iingat ng mainam na paggawi?

19 Ikatlo, maluluwalhati natin ang Diyos sa pamamagitan ng pamumuhay kasuwato ng kaniyang mga pamantayan. Sumulat si apostol Pedro: “Panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang, sa bagay na sinasalita nila laban sa inyo na gaya ng mga manggagawa ng kasamaan, luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagsisiyasat bilang resulta ng inyong maiinam na gawa na dito sila ay mga saksi.” (1 Pedro 2:12) Masasalamin ang pananampalataya ng isang Kristiyano sa kaniyang iginagawi. Kapag ganiyan ang pangmalas ng mga nagmamasid​—samakatuwid nga, kapag nakikita nila na ang mainam na paggawi ng Kristiyano ay tuwirang resulta ng kaniyang pananampalataya​— nagdudulot ito ng kaluwalhatian sa Diyos.

20 Sino sa ngayon ang lumuluwalhati sa Diyos dahil sa ng pag-iingat ng mainam na paggawi? Buweno, anong relihiyosong grupo ang pinupuri ng maraming pamahalaan sa pagiging mapayapa, mga mamamayang masunurin sa batas na nagbabayad ng kanilang buwis? (Roma 13:1, 3, 6, 7) Anong grupo ng mga tao ang kilalá sa buong daigdig dahil kaisa nila ang kanilang mga kapananampalataya​—isang pagkakaisa na nangingibabaw sa pagkakaiba ng lahi, bansa, at etniko? (Awit 133:1; Gawa 10:34, 35) Anong grupo ang kilalá sa buong daigdig dahil sa kanilang gawaing pagtuturo ng Bibliya na nagtataguyod ng paggalang sa batas, mga pamantayan sa pamilya, at moralidad ng Bibliya? May isa lamang grupo na ang kanilang mainam na paggawi sa iba’t ibang larangang ito ay nagpapatotoo sa ganang sarili​—ang mga Saksi ni Jehova!

Nagbibigay Ka ba ng Kaluwalhatian sa Diyos?

21. Bakit natin dapat isaalang-alang kung personal tayong nagbibigay ng kaluwalhatian kay Jehova?

21 Dapat itanong ng bawat isa sa atin, ‘Personal ba akong nagbibigay ng kaluwalhatian kay Jehova?’ Ayon sa Awit 148, ang karamihan sa sangnilalang ay nagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos. Ang mga anghel, ang literal na langit, ang lupa at ang nilalang na mga hayop na nananahan dito​—sila ay pawang pumupuri kay Jehova. (Talata 1-10) Lubhang nakalulungkot nga na hindi ito ginagawa ng karamihan sa mga tao sa ngayon! Sa pamamagitan ng pamumuhay sa paraang nagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos, nakikiisa ka sa iba pang mga nilalang na pumupuri kay Jehova. (Talata 11-13) Ito na ang pinakamahusay na paraan ng paggamit sa iyong buhay.

22. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaluwalhatian kay Jehova, sa anu-anong paraan ka pinagpapala, at ano ang dapat na maging kapasiyahan mo?

22 Sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaluwalhatian kay Jehova, pinagpapala ka sa maraming paraan. Habang nananampalataya ka sa haing pantubos ni Kristo, naipagkakasundo ka sa Diyos at nagtatamasa ng mapayapa at kasiya-siyang kaugnayan sa iyong makalangit na Ama. (Roma 5:10) Habang naghahanap ka ng mga dahilan upang magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos, lalo kang nagiging positibo at mapagpahalaga. (Jeremias 31:12) Kung gayon, nasa kalagayan kang tumulong sa iba na mamuhay nang maligaya at kasiya-siya, sa gayon ay nakasusumpong ka mismo ng higit na kaligayahan. (Gawa 20:35) Mapabilang ka nawa sa mga matatag na nagpasiyang magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos​—ngayon at magpakailanman!

[Mga talababa]

^ par. 1 Isang magkapares na materyales, ang isang kapares ay may masinsin at mumunting mga kawit at ang isa naman ay may masinsing mga himulmol, na nagdirikit kapag pinaglapat, at ito ay ginagamit na pansara ng mga damit, bagahe, sapatos atbp., sa halip na mga butones, siper atbp.

^ par. 2 Ang terminong “biomimetics” ay galing sa Griegong biʹos, na nangangahulugang “buhay,” at miʹme·sis, na nangangahulugang “paggaya.”

^ par. 8 Para sa higit pang detalye kung paano ipinakikita ng literal na langit ang karunungan at kapangyarihan ng Diyos, tingnan ang kabanata 5 at 17 ng aklat na Maging Malapít kay Jehova, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 13 Tingnan ang Tomo 1, pahina 853, ng Insight on the Scriptures at ang pahina 408 ng Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

Naaalaala Mo Ba?

• Bakit natin masasabi na ang mga siyentipiko sa pangkalahatan ay hindi nakatulong sa mga tao na luwalhatiin ang Diyos?

• Sa anong dalawang paraan hinadlangan ng organisadong relihiyon ang mga tao sa pagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos?

• Sa anu-anong paraan natin maluluwalhati ang Diyos?

• Bakit mo dapat isaalang-alang kung personal kang nagbibigay ng kaluwalhatian kay Jehova?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon sa pahina 12]

“Kanino Kaya Panig ang Diyos?”

Ganito ang gunita ng isang lalaking kabilang sa German Air Force noong Digmaang Pandaigdig II ngunit nang maglaon ay naging isang Saksi ni Jehova:

“Ang nakabagabag sa akin noong mga taon na iyon ng digmaan . . . ay ang makita ang mga klerigo ng halos lahat ng denominasyon​—Katoliko, Luterano, Episkopal, at iba pa​—na nagbabasbas ng sasakyang panghimpapawid at ng mga sasakay rito bago sila lumipad patungo sa kanilang mga misyon na maghulog ng nakamamatay na kargamento. Madalas kong isipin, ‘Kanino kaya panig ang Diyos?’

“Nagsusuot ang mga sundalong Aleman ng isang sinturong may hibilya na doo’y nakaukit ang mga salitang Gott mit uns (Ang Diyos ay sumasaatin). Ngunit naisip ko, ‘Bakit naman hindi papanig ang Diyos sa mga sundalong nasa kabilang hukbo na kapareho namin ng relihiyon at nananalangin din sa iisang Diyos?’”

[Larawan sa pahina 10]

Sa buong lupa, ang mga Saksi ni Jehova ay talagang nagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos