Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Makinabang sa Pagtataguyod ng Espirituwal na mga Simulain

Makinabang sa Pagtataguyod ng Espirituwal na mga Simulain

Makinabang sa Pagtataguyod ng Espirituwal na mga Simulain

“Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni ang sinumang maibigin sa yaman ay masisiyahan sa kita.”​—Eclesiastes 5:10.

ANG sobrang pagtatrabaho ay maaaring humantong sa kaigtingan, at ang kaigtingan ay maaaring umakay sa mga suliranin sa kalusugan, na kung minsan ay nauuwi sa kamatayan. Sa maraming lupain, nagkakawatak-watak ang mga pamilya dahil sa diborsiyo. Kadalasan, ang labis na pagkabalisa sa materyal na mga bagay ang nasa likod ng gayong mga trahedya. Sa halip na masiyahan sa tinataglay niya, ang isang tao na nawiwili sa pagtatamo ng mga pag-aari ay madalas na naghahangad ng higit pa, anuman ang maging kapalit nito sa kaniyang kapakanan. Sinasabi ng isang aklat tungkol sa sariling sikap: “Ang pakikipagsabayan sa kapitbahay ay naging isang paboritong libangan, kahit na ang kapitbahay ay isang taong subsob sa trabaho anupat nanganganib na atakihin sa puso sa edad na kuwarenta’y tres.”

Baka maging labis-labis ang paghahangad ng higit pa, anupat ninanakaw ang kagalakan na dapat sana’y tamasahin ng isang tao. Ang ating kahinaan sa bagay na ito bilang tao ay malimit na sinasamantala ng isang napakalakas na puwersa​—ang pag-aanunsiyo! Ang mga programa sa telebisyon ay siksik sa mga patalastas na humihimok sa iyo na bumili ng mga bagay na malamang ay hindi mo naman kailangan at marahil ay hindi mo pa nga kayang bilhin. Hahantong sa malaking pinsala ang lahat ng ito.

Kung di-maaawat ang ating pagpapalugod sa sarili, maaari itong magkaroon ng di-nahahalata ngunit nakapipinsalang epekto sa atin, kapuwa sa pisikal at sa moral. Halimbawa, sinabi ng matalinong si Haring Solomon: “Ang pusong mahinahon ay buhay ng katawan.” (Kawikaan 14:30) Sa kabaligtaran, ang sobrang pagpapagod, kabalisahan, at mga panggigipit na magtipon ng materyal na kayamanan ay maaaring sumira sa ating kalusugan at kaligayahan. Naaapektuhan din ang mga ugnayan kapag nangingibabaw sa ating buhay ang materyal na mga tunguhin. At kapag nasira ang buhay pampamilya at pakikisalamuha sa iba ng isang tao, gayundin ang nangyayari sa kalidad ng kaniyang buhay sa pangkalahatan.

Ang Kahigitan ng Espirituwal na mga Simulain

“Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay,” ang payo ni apostol Pablo maraming siglo na ang nakalilipas. (Roma 12:2) Iniibig ng sanlibutan yaong nagtataguyod ng mga simulain nito. (Juan 15:19) Sinisikap nitong akitin ang iyong paningin, pandamdam, panlasa, pang-amoy, at pandinig​—oo, upang hikayatin kang sumunod sa isang materyalistikong paraan ng pamumuhay. Idiniriin ang “pagnanasa ng mga mata” upang itaguyod mo at ng iba pa ang materyal na pakinabang.​—1 Juan 2:15-17.

Ngunit may mga simulaing nakahihigit sa salapi, katanyagan, at materyal na kayamanan. Mga dantaon na ang nakalilipas, nakamit ni Haring Solomon ang lahat ng materyal na bagay na maiaalok ng sanlibutan. Nagtayo siya ng mga bahay at nagkaroon ng mga hardin, taniman, alila, hayupan, mga lalaki at babaing mang-aawit, pati na ng napakaraming ginto at pilak. Nahigitan ni Solomon ang mga ari-arian na tinaglay niyaong lahat ng mga nauna sa kaniya. Napakayaman niya. Taglay ni Solomon ang halos lahat ng bagay na maaaring mithiin ng isa. Gayunman, nang pagmasdan niya ang lahat ng kaniyang nagawa, sinabi niya: “Ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan at paghahabol sa hangin.”​—Eclesiastes 2:1-11.

Taglay ang nakahihigit na karunungang ipinagkaloob sa kaniya, batid ni Solomon na higit ang kasiyahang nanggagaling sa pagtataguyod ng espirituwal na mga simulain. Sumulat siya: “Ang katapusan ng bagay, matapos marinig ang lahat, ay: Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”​—Eclesiastes 12:13.

Higit na mahalaga sa ginto o pilak ang kayamanang masusumpungan sa mga pahina ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Kawikaan 16:16) Tulad ng mga hiyas, nariyan ang malalalim na katotohanan upang tuklasin mo. Hahanapin at huhukayin mo ba ang mga ito? (Kawikaan 2:1-6) Ganiyan ang hinihimok ng ating Maylalang, ang Pinagmumulan ng tunay na mga simulain, na gawin mo, at tutulungan ka niya. Paano?

Naglalaan si Jehova ng mga hiyas ng katotohanan sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ng kaniyang espiritu, at ng kaniyang organisasyon. (Awit 1:1-3; Isaias 48:17, 18; Mateo 24:45-​47; 1 Corinto 2:10) Magkakaroon ka ng pagkakataong piliin nang may katalinuhan ang pinakamainam at lubhang kasiya-siyang paraan ng pamumuhay sa pamamagitan ng pagsusuri sa pambihirang mga hiyas na ito na di-masusukat ang halaga. At hindi naman iyan magiging mahirap sapagkat alam ni Jehova, ang ating Maylalang, kung ano ang kailangan natin upang maging tunay na maligaya.

Itinataguyod ng Bibliya ang Pinakamataas na mga Simulain

Kapuwa praktikal at di-mapapantayan ang mahusay na payo, o tagubilin, na masusumpungan sa Bibliya. Di-mahihigitan ang moral na mga pamantayang inirerekomenda nito. Laging kapaki-pakinabang ang mga payo nito. Subók na ito ng panahon. Ang mga halimbawa ng mahuhusay na payo ng Bibliya ay ang pagiging masipag, pagiging tapat, matalinong paggamit ng salapi, at pag-iwas sa katamaran.​—Kawikaan 6:6-8; 20:23; 31:16.

Kasuwato nito, sinabi ni Jesus: “Huwag na kayong mag-imbak para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa, kung saan ang tangà at kalawang ay nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay nanloloob at nagnanakaw. Sa halip, mag-imbak kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan kahit ang tangà o ang kalawang man ay hindi nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay hindi nanloloob at nagnanakaw.”​—Mateo 6:19, 20.

Ang napapanahong payo na ito ay kapit pa rin sa ngayon tulad noong 2,000 taon na ang nakalipas. Sa halip na maging subsob sa paghahangad ng materyal na kayamanan, makikinabang tayo ngayon sa pamamagitan ng pagtataguyod ng isang nakahihigit na paraan ng pamumuhay. Ang susi ay ang pag-iimbak ng espirituwal na mga kayamanan, na aakay sa isang tunay na maligaya at kasiya-siyang buhay. Paano natin ito magagawa? Sa pamamagitan ng pagbabasa ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, at pagkakapit ng mga turo nito.

Nagdudulot ng Gantimpala ang Espirituwal na mga Simulain

Kapag wastong ikinapit, ang espirituwal na mga simulain ay pakikinabangan natin sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na paraan. Kung paanong ipinagsasanggalang tayo ng ozone layer na nasa atmospera mula sa nakapipinsalang sinag ng araw, ang mahusay na mga simulain sa moral ay tumutulong na ipagsanggalang tayo sa pamamagitan ng pagsisiwalat sa atin ng mapanganib na mga epekto ng materyalismo. Sumulat ang Kristiyanong apostol na si Pablo: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.”​—1 Timoteo 6:9, 10.

Pag-ibig sa kayamanan ang gumaganyak sa mga tao na maghanap ng higit pang kayamanan, katayuan, at kapangyarihan. Napakadalas gamitin ang tuso at madayang mga paraan upang maabot ang mga tunguhing ito. Ang pagsusumakit para sa materyal na mga bagay ay nagnanakaw ng panahon, lakas, at mga kakayahan ng isang tao. Baka hindi pa nga nito patulugin nang mahimbing ang isang tao. (Eclesiastes 5:12) Ang paghahangad ng higit pa ay walang-alinlangang humahadlang sa espirituwal na pagsulong. Maliwanag na ipinakita ng pinakadakilang tao na nabuhay kailanman, si Jesu-Kristo, ang mas mainam na paraan: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Batid niya na ang espirituwal na mga kayamanan ay magdudulot ng permanenteng mga gantimpala at makapupong higit na mahalaga kaysa sa panandaliang materyal na pakinabang.​—Lucas 12:13-31.

Talaga Bang Kapaki-pakinabang Ito?

“Sinikap nang husto ng mga magulang ko na kumbinsihin akong di-praktikal ang espirituwal na mga simulain,” naaalaala ni Greg. “Subalit nagkaroon ako ng malalim na kapayapaan ng isip sa pagtataguyod sa espirituwal na mga tunguhin dahil malaya ako mula sa kaigtingan na kaakibat ng pakikipagpaligsahan para sa kayamanan.”

Tumutulong din ang espirituwal na mga simulain sa pagbuo ng mas mabubuting ugnayan. Naaakit sa iyo ang tunay na mga kaibigan dahil sa kung sino ka, at hindi dahil sa kung ano ang mayroon ka. Inirerekomenda ng Bibliya: “Makisama sa marurunong at dudunong ka.” (Kawikaan 13:20, Biblia ng Sambayanang Pilipino) Isa pa, naitatatag ang isang matagumpay na pamilya sa pamamagitan ng karunungan at pag-ibig, hindi ng materyal na mga ari-arian.​—Efeso 5:22–6:4.

Hindi tayo ipinanganak na likas na taglay ang mga simulain. Kailangan nating matutuhan ang mga ito mula sa ating mga kasamahan o mula sa isang nakahihigit na pinagmulan. Kaya naman maaaring baguhin ng edukasyong salig sa Bibliya ang ating buong pag-iisip hinggil sa materyal na mga bagay. “Natulungan ako na pag-isipang muli ang tungkol sa aking mga simulain, at natuto akong maging kontento sa mga bagay na kinakailangan,” sabi ni Don, isang dating bangkero.

Magtaguyod ng Namamalaging Espirituwal na mga Kayamanan

Itinatampok ng espirituwal na mga simulain ang pangmatagalang mga gantimpala, hindi ang panandaliang kaluguran. Sumulat si Pablo: “Ang mga bagay na nakikita [materyal] ay pansamantala, ngunit ang mga bagay na di-nakikita [espirituwal] ay walang hanggan.” (2 Corinto 4:18) Totoo na maaaring bigyang kasiyahan ng materyal na mga tunguhin ang panandaliang mga hangarin, ngunit hindi nagdudulot ng permanenteng kapakinabangan ang kasakiman. Ang espirituwal na mga simulain ay namamalagi magpakailanman.​—Kawikaan 11:4; 1 Corinto 6:9, 10.

Hinahatulan ng Bibliya ang pagtutuon ng pansin sa materyal na mga bagay na siyang nangingibabaw sa panahong ito. Tinuturuan tayo nito kung paano susupilin ang mapag-imbot na pagnanasa sa pamamagitan ng pagpapanatiling simple ng ating mga mata, na nakapokus sa higit na mahahalagang bagay, ang espirituwal na mga kayamanan. (Filipos 1:10) Inilalantad nito ang tunay na kahulugan ng kasakiman​—ang pagsamba sa sarili. Habang ikinakapit natin ang natututuhan mula sa Salita ng Diyos, nadarama natin ang higit na kaligayahan. Bumabaling ang ating kaisipan mula sa pagtanggap tungo sa pagbibigay. Tunay ngang isang matinding pangganyak upang palitan ng espirituwal na mga simulain ang pagpapalugod sa sarili!

Totoo na sa isang banda, ang salapi ay maaaring magsilbing isang proteksiyon. (Eclesiastes 7:12) Ngunit makatotohanang sinasabi ng Bibliya: “Madaling mawala ang kayamanan, ito’y simbilis ng agila sa paglipad sa kalawakan.” (Kawikaan 23:5, Magandang Balita Biblia) Malaki ang isinasakripisyo ng mga tao kapalit ng materyalismo​—ang kalusugan, pamilya, at maging ang isang mabuting budhi​—na may kapaha-pahamak na mga resulta. Sa kabilang dako, sinasapatan ng pagkakaroon ng espirituwalidad ang ating pinakamahahalagang pangangailangan​—ang pangangailangan na ibigin, magkaroon ng layunin, at ang pangangailangan na sambahin ang maibiging Diyos na si Jehova. Itinuturo rin nito ang daan tungo sa buhay na walang hanggan taglay ang kasakdalan bilang tao sa isang paraisong lupa​—ang pag-asang inilalaan ng Diyos para sa atin.

Malapit nang matupad nang lubusan sa bagong sanlibutan ng Diyos ang kasaganaang pinapangarap ng sangkatauhan. (Awit 145:16) Sa panahong iyon ay “mapupuno ng kaalaman kay Jehova” ang buong lupa. (Isaias 11:9) Magtatagumpay ang espirituwal na mga simulain. Lubusang mapaparam ang materyalismo at ang pangit na mga epekto nito. (2 Pedro 3:13) Kung magkagayon, ang mga bagay na nagbibigay ng namamalaging kabuluhan sa ating buhay​—sakdal na kalusugan, kasiya-siyang gawain, kapaki-pakinabang na paglilibang, magiliw na mga ugnayang pampamilya, at namamalaging pakikipagkaibigan sa Diyos​—ay magdudulot ng tunay na kaligayahan sa sangkatauhan magpakailanman.

[Kahon/​Larawan sa pahina 6]

Maging Matalino sa Paggamit ng Iyong Pera!

Alamin ang iyong mga pangangailangan. Tinuruan tayo ni Jesus na manalangin: “Ibigay mo sa amin ang aming tinapay para sa araw na ito ayon sa pangangailangan sa araw na ito.” (Lucas 11:3) Huwag mong ituring na pangangailangan yaong mga bagay na gusto mo lamang. Tandaan na ang iyong buhay ay hindi resulta ng mga bagay na tinataglay mo.​—Lucas 12:16-21.

Magbadyet. Huwag magpatangay sa padalus-dalos na pagbili. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan, ngunit ang bawat isa na padalus-dalos ay tiyak na patungo sa kakapusan.” (Kawikaan 21:5) Pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig na tuusin muna ang halaga bago magsimula ng anumang proyekto na tutustusan ng salapi.​—Lucas 14:28-30.

Iwasan ang di-kinakailangang utang. Hangga’t maaari, mag-ipon para makabili sa halip na umutang. Ganito ang pagkasabi tungkol dito ng kawikaan: “Ang nanghihiram ay lingkod ng taong nagpapahiram.” (Kawikaan 22:7) Sa pamamagitan ng pagpipigil sa sarili at pananatili sa iyong badyet, maaari ka pa ngang makapagplano nang mahusay para sa mas malakihang pagbili.

Huwag mag-aksaya. Patagalin ang mga bagay na taglay mo na sa pamamagitan ng maingat na pag-aalaga sa mga ito, sa gayo’y nababawasan ang nasasayang. Ipinakita ni Jesus ang wastong pagpapahalaga sa pagtitipid may kinalaman sa mga bagay na ginamit niya.​—Juan 6:10-13.

Unahin ang mga dapat unahin. Ang isang taong marunong ay ‘bibili ng panahon’ upang itaguyod ang mas mahahalagang tunguhin.​—Efeso 5:15, 16.

[Kahon/​Larawan sa pahina 7]

Pagkatuto Mula sa Karanasan​—May Nakahihigit Pang Paraan

Matuturuan tayo ng personal na karanasan​—kapuwa maganda at masama​—ng mahahalagang aral. Ngunit totoo ba na karanasan ang siyang pinakamahusay na guro, gaya ng ipinahihiwatig ng isang kasabihan? Hindi, may isang nakahihigit na pinagmumulan ng patnubay. Tinukoy iyon ng salmista nang sabihin niya sa panalangin: “Ang iyong salita ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.”​—Awit 119:105.

Bakit nga ba makapupong higit ang pagkatuto mula sa instruksiyon ng Diyos kaysa sa pagkatuto mula sa personal na karanasan? Una, ang pagkatuto mula sa karanasan lamang​—pag-eeksperimento​—ay maaaring kapuwa magastos at masakit. Hindi rin ito kailangan. “O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos!” ang sabi ng Diyos sa sinaunang mga Israelita. “Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.”​—Isaias 48:18.

Isang dahilan kung bakit nakahihigit ang Salita ng Diyos bilang pinagmumulan ng instruksiyon ay ang bagay na naglalaman ito ng pinakamatanda at pinakatumpak na ulat ng karanasan ng tao. Malamang na batid mong ang pagkatuto mula sa tagumpay at kabiguan ng iba nang hindi ka nasasaktan ay mas mainam kaysa sa pag-ulit ng kanilang mga pagkakamali. (1 Corinto 10:6-​11) Higit na mahalaga, sa Bibliya ay inilalaan sa atin ng Diyos ang mahuhusay na batas at umuugit na mga simulain na talagang maaasahan. “Ang kautusan ni Jehova ay sakdal . . . Ang paalaala ni Jehova ay mapagkakatiwalaan, na nagpaparunong sa walang-karanasan.” (Awit 19:7) Walang alinlangan, ang pagkatuto mula sa karunungan ng ating maibiging Maylalang ang siyang pinakamahusay na paraan.

[Mga larawan sa pahina 4]

Ibig ng sanlibutan na sundin mo ang materyalistikong istilo nito ng pamumuhay

[Larawan sa pahina 5]

Higit na mahalaga sa ginto o pilak ang kayamanang masusumpungan sa Bibliya