Sino “ang Tunay na Diyos at ang Walang-Hanggang Buhay”?
Sino “ang Tunay na Diyos at ang Walang-Hanggang Buhay”?
SI Jehova, ang Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang tunay na Diyos. Siya ang Maylalang, ang nagbibigay ng walang-hanggang buhay sa mga umiibig sa kaniya. Ganiyan sasagutin ng marami na nagbabasa at naniniwala sa Bibliya ang tanong sa pamagat sa itaas. Tunay nga, si Jesus mismo ang nagsabi: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
Gayunman, marami sa mga nagsisimba ang nagbibigay ng ibang kahulugan sa pananalitang iyan. Ang mga salita sa pamagat ay mula sa 1 Juan 5:20, na ang bahagi ay nagsasabi: “Tayo ay kaisa ng isa na tunay, sa pamamagitan ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo. Ito ang tunay na Diyos at ang walang-hanggang buhay.”
Naniniwala ang mga nanghahawakan sa doktrina ng Trinidad na ang panghalip na pamatlig na “ito” (houʹtos) ay tumutukoy sa sinusundan nitong pangngalan na Jesu-Kristo. Iginigiit nila na si Jesus “ang tunay na Diyos at ang walang-hanggang buhay.” Gayunman, ang interpretasyong ito ay salungat sa ibang bahagi ng Kasulatan. At maraming kinikilalang iskolar na may awtoridad ang hindi tumatanggap sa pananaw na ito ng mga Trinitaryo. Sumulat ang iskolar sa Cambridge University na si B. F. Westcott: “Ang pinakalohikal na tukuyin [ng panghalip na houʹtos] ay ang pinag-uusapang persona na siyang nasa isip ng apostol at hindi yaong pinakamalapit dito.” Kaya naman, ang nasa isip ni apostol Juan ay ang Ama ni Jesus. Sumulat ang teologong Aleman na si Erich Haupt: “Kailangang tiyakin kung ang [houʹtos] sa susunod na pangungusap ay tumutukoy sa sinusundan nitong pangngalan . . . o sa mas naunang pangngalan na Diyos. . . . Waring mas kasuwato ng huling babala laban sa mga idolo kung uunawain ito bilang patotoo sa iisang tunay na Diyos sa halip na pagpapatunay na Diyos si Kristo.”
Ganito ang sabi maging ng A Grammatical Analysis of the Greek New Testament, na inilathala ng Pontifical Biblical Institute sa Roma: “[Houʹtos]: bilang kasukdulan ng 1 Juan 5 [talata] 18-20 ay halos tiyak na [tumutukoy] sa Diyos na totoo at tunay, [na salungat naman sa] paganismo (t. 21 1Ju 5:21).”
Ang houʹtos, na karaniwang isinasalin na “ito” o “isang ito,” ay kadalasang hindi tumutukoy sa sinusundan nitong simuno sa parirala. Ipinakikita ito ng iba pang kasulatan. Sa 2 Juan 7, ganito ang isinulat ng apostol ding iyon at manunulat ng unang sulat: “Maraming manlilinlang ang humayo na sa sanlibutan, mga taong hindi naghahayag na si Jesu-Kristo ay dumating sa laman. Ito [houʹtosʹ] ang manlilinlang at ang antikristo.” Ang panghalip dito ay hindi maaaring tumukoy sa sinusundan nitong pangngalan na Jesus. Maliwanag, ang “ito” ay tumutukoy sa mga nagkaila kay Jesus. Sila bilang isang grupo “ang manlilinlang at ang antikristo.”
Sa kaniyang Ebanghelyo, sumulat si apostol Juan: “Si Andres na kapatid ni Simon Pedro ang isa sa dalawa na nakarinig sa sinabi ni Juan at sumunod kay Jesus. Una ay nasumpungan ng isang ito [houʹtos] ang sarili niyang kapatid, si Simon.” (Juan 1:40, 41) Maliwanag na ang “isang ito” ay tumutukoy, hindi sa huling pangalan na binanggit, kundi kay Andres. Sa 1 Juan 2:22, ginamit ng apostol ang panghalip ding iyon sa katulad na paraan.
Ginamit din ni Lucas ang panghalip na ito, gaya ng makikita sa Gawa 4:10, 11: “Sa pangalan ni Jesu-Kristo na Nazareno, na ibinayubay ninyo ngunit ibinangon ng Diyos mula sa mga patay, sa pamamagitan ng isang ito kung kaya ang taong ito ay nakatayo rito at magaling na sa harap ninyo. Ito [houʹtosʹ] ‘ang bato na itinuring ninyong mga tagapagtayo bilang walang halaga na naging ulo ng panulukan.’ ” Ang panghalip na “ito” ay maliwanag na hindi tumutukoy sa taong pinagaling, bagaman siya ang binabanggit bago ang houʹtos. Tiyak na ang “ito” sa talata 11 ay tumutukoy kay Jesu-Kristo na Nazareno, ang “batong-panulok” na siyang pundasyon ng kongregasyong Kristiyano.—Efeso 2:20; 1 Pedro 2:4-8.
Makikita rin ang puntong ito sa Gawa 7:18, 19: “Bumangon ang ibang hari sa Ehipto, na hindi nakakakilala kay Jose. Ang isang ito [houʹtos] ay gumamit ng katusuhan sa pamamahala laban sa ating lahi.” Ang “isang ito” na naniil sa mga Judio ay hindi si Jose, kundi si Paraon, ang hari ng Ehipto.
Sinusuhayan ng mga talatang ito ang binanggit ng Griegong iskolar na si Daniel Wallace, na sa mga panghalip pamatlig sa Griego, “ang pinakamalapit na pangngalan sa panghalip na nasa konteksto ay maaaring hindi siyang nasa isip ng awtor.”
“Isa na Tunay”
Tulad ng isinulat ni apostol Juan, ang “Isa na tunay” ay si Jehova, ang Ama ni Jesu-Kristo. Siya ang tanging tunay na Diyos, ang Maylalang. Kinilala ni apostol Pablo: “Sa atin nga ay may iisang Diyos ang Ama, na pinagmulan ng lahat ng bagay.” (1 Corinto 8:6; Isaias 42:8) Ang isa pang dahilan kung kaya si Jehova ang “isa na tunay” na tinutukoy sa 1 Juan 5:20 ay sapagkat siya ang Bukal ng katotohanan. Tinawag ng salmista si Jehova na “Diyos ng katotohanan” sapagkat Siya ay tapat sa lahat ng Kaniyang ginagawa at hindi makapagsisinungaling. (Awit 31:5; Exodo 34:6; Tito 1:2) Tinutukoy ang kaniyang makalangit na Ama, sinabi ng Anak: “Ang iyong salita ay katotohanan.” At hinggil sa kaniyang mga turo, sinabi ni Jesus: “Ang itinuturo ko ay hindi sa akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.”—Juan 7:16; 17:17.
Si Jehova rin ang “walang-hanggang buhay.” Siya ang Bukal ng buhay, ang Isa na nagbibigay nito bilang di-sana-nararapat na kaloob sa pamamagitan ni Kristo. (Awit 36:9; Roma 6:23) Kapansin-pansin, sinabi ni apostol Pablo na ang Diyos ang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Ginantimpalaan ng Diyos ang kaniyang Anak nang ibangon Niya siya mula sa mga patay, at ibibigay ng Ama ang gantimpalang buhay na walang hanggan sa mga naglilingkod sa Kaniya nang buong puso.—Gawa 26:23; 2 Corinto 1:9.
Kung gayon, ano ang dapat na maging konklusyon natin? Na si Jehova, at wala nang iba pa, ang “tunay na Diyos at ang walang-hanggang buhay.” Siya lamang ang karapat-dapat tumanggap ng bukod-tanging pagsamba mula sa kaniyang mga nilalang.—Apocalipsis 4:11.