Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matatag ang Aming Pasiya Para sa Pamamahala ng Diyos

Matatag ang Aming Pasiya Para sa Pamamahala ng Diyos

Matatag ang Aming Pasiya Para sa Pamamahala ng Diyos

AYON SA SALAYSAY NI MICHAL ŽOBRÁK

Matapos ang isang buwan sa loob ng bartolina, kinaladkad ako papunta sa isang tagapagsiyasat. Di-nagtagal, namula siya at sumigaw: “Mga espiya kayo! Mga espiya ng Amerika!” Bakit ba siya galit na galit? Tinanong lamang niya ako kung ano ang relihiyon ko, at sumagot naman ako: “Isa ako sa mga Saksi ni Jehova.”

NANGYARI ito mahigit nang 50 taon ang nakalipas. Noon, pinamamahalaan ng mga Komunista ang bansang tinitirahan ko. Subalit matagal na bago pa nito, nakaranas na kami ng matinding pagsalansang sa aming Kristiyanong gawaing pagtuturo.

Naranasan Namin ang Lupit ng Digmaan

Walong taóng gulang ako nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914. Noon, ang aming nayon na Zálužice ay sakop ng monarkiya ng Imperyo ng Austria at Hungary. Hindi lamang ginulo ng digmaan ang tanawin sa daigdig kundi bigla rin nitong winakasan ang aking pagkabata. Ang aking amang sundalo ay namatay noon pa lamang unang taon ng paglalabanan. Dahil dito, ako, ang aking ina, at dalawang nakababatang kapatid na babae ay naiwang naghihikahos. Bilang panganay at nag-iisang lalaki sa pamilya, maaga kong binalikat ang maraming pananagutan sa aming maliit na bukid at sa tahanan. Sa murang edad, napakarelihiyoso ko na. Hiniling pa nga ng ministro sa aming Reformed (Calvinist) Church na halinhan ko siya at turuan ang aking mga kamag-aral habang wala siya.

Natapos ang Malaking Digmaan noong 1918, anupat nabunutan kami ng tinik. Naibagsak ang Imperyo ng Austria at Hungary, at kami ay naging mga mamamayan ng Republika ng Czechoslovakia. Di-nagtagal, ang marami sa aming mga kababayan na nandayuhan sa Estados Unidos ay nagsiuwi sa aming lugar. Kabilang sa kanila si Michal Petrík, na dumating sa aming nayon noong 1922. Nang dalawin niya ang isang pamilya sa aming lugar, kami ng aking ina ay inanyayahan din.

Naging Tunay sa Amin ang Pamamahala ng Diyos

Si Michal ay isang Estudyante ng Bibliya, na siyang pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova, at nagsalita siya tungkol sa mahahalagang isyu sa Bibliya na pumukaw ng aking interes. Pangunahin na rito ang pagdating ng Kaharian ni Jehova. (Daniel 2:44) Nang sabihin niyang magkakaroon ng Kristiyanong pagpupulong sa nayon ng Záhor sa susunod na Linggo, ako’y nagpasiyang pumunta. Bumangon ako nang alas 4:00 n.u. at naglakad nang mga walong kilometro hanggang sa bahay ng aking pinsan upang manghiram ng bisikleta. Pagkatapos kumpunihin ang isang flat na gulong, naglakbay pa ako nang 24 na kilometro patungo sa Záhor. Hindi ko alam kung saan gaganapin ang pulong, kaya dahan-dahan akong namisikleta sa isa sa mga kalye. Pagkatapos ay narinig ko ang isang awiting pang-Kaharian na inaawit sa isa sa mga bahay. Tuwang-tuwa ako. Pumasok ako sa bahay na iyon at ipinaliwanag ko kung bakit ako naroroon. Inanyayahan akong mag-almusal kasama ng pamilya, at saka nila ako isinama sa pulong. Bagaman kinailangan kong mamisikleta at maglakad nang 32 pang kilometro pauwi, hindi ako nakadama ng pagod.​—Isaias 40:31.

Nasiyahan ako sa malinaw at salig-Bibliyang mga paliwanag ng mga Saksi ni Jehova. Lubhang nakaantig sa akin ang pag-asa na tamasahin ang isang abala at kasiya-siyang buhay sa ilalim ng pamamahala ng Diyos. (Awit 104:28) Ipinasiya namin ni Inay na magsumite ng liham ng pagbibitiw sa aming simbahan. Naging usap-usapan ito sa aming nayon. May panahon na ayaw kaming kausapin ng ilang tao, subalit naging mainam naman ang pakikipagsamahan namin sa maraming Saksi sa aming lugar. (Mateo 5:11, 12) Hindi nagtagal at nabautismuhan ako sa Ilog Uh.

Naging Buhay Namin ang Ministeryo

Ginamit namin ang bawat pagkakataon upang mangaral tungkol sa Kaharian ni Jehova. (Mateo 24:14) Lalo kaming nagtuon ng pansin sa napakaorganisadong mga kampanya sa pangangaral tuwing Linggo. Karaniwan nang maagang gumigising ang mga tao noon, kaya medyo maaga kaming nakapagsisimula sa pangangaral. Sa bandang hapon, may isinaayos na isang pulong pangmadla. Ang mga guro sa Bibliya ay kadalasang nagpapahayag nang ekstemporanyo. Isinasaalang-alang nila ang bilang ng mga taong interesado, ang kanilang relihiyosong pinagmulan, at ang mga isyung ikinababahala nila.

Binuksan ng mga katotohanan sa Bibliya na ipinangaral namin ang mga mata ng maraming tapat-pusong mga tao. Hindi nagtagal pagkatapos kong mabautismuhan, nangaral ako sa nayon ng Trhovište. Sa isang bahay, nakausap ko ang isang napakabait at palakaibigang babae na si Gng. Zuzana Moskal. Siya at ang kaniyang pamilya ay mga Calvinist, tulad ko rin noon. Sa kabila ng pagiging pamilyar niya sa Bibliya, marami siyang tanong tungkol sa Bibliya na hindi nasasagot. Umabot nang isang oras ang pag-uusap namin, at naipasakamay ko sa kaniya ang aklat na The Harp of God. *

Agad na inilakip ng mga Moskal ang aklat na Harp sa kanilang regular na sesyon ng pagbasa sa Bibliya. Karamihan sa mga pamilya sa nayong iyon ay nagpakita ng interes at nagsimulang dumalo sa aming mga pulong. Nagbigay ng mahigpit na babala ang kanilang ministrong Calvinist laban sa amin at sa aming literatura. Pagkatapos ay iminungkahi sa ministro ng ilang interesado na dumalo siya mismo sa aming pulong at patunayang mali ang aming mga turo sa isang pangmadlang debate.

Dumating naman ang ministro, ngunit hindi siya nakapagharap ng kahit isang argumento mula sa Bibliya upang patunayan ang kaniyang mga turo. Upang ipagtanggol ang kaniyang sarili, sinabi niya: “Hindi natin maaaring paniwalaan ang lahat ng nasa Bibliya. Ito ay isinulat ng mga tao, at ang mga tanong tungkol sa relihiyon ay maaaring ipaliwanag sa iba’t ibang paraan.” Ito ang hudyat ng malaking pagbabago para sa marami. Ang ilan ay nagsabi sa ministro na kung hindi siya naniniwala sa Bibliya, hindi na sila magsisimba at makikinig sa kaniyang mga sermon. Kaya naman, pinutol nila ang kanilang kaugnayan sa Calvinist Church, at mga 30 katao mula sa nayong iyon ang nanindigang matatag para sa katotohanan ng Bibliya.

Naging buhay namin ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, kaya likas lamang na maghanap ako ng makakasama sa buhay mula sa isang pamilyang matibay sa espirituwal. Ang isa sa aking mga kamanggagawa sa ministeryo ay si Ján Petruška, na nakaalam ng katotohanan sa Estados Unidos. Hinangaan ko ang kaniyang anak na si Mária sa pagiging handa nitong magpatotoo sa kaninuman, tulad ng kaniyang ama. Nagpakasal kami noong 1936, at si Mária ay naging tapat na kasama ko sa loob ng 50 taon, hanggang sa mamatay siya noong 1986. Ang aming nag-iisang anak na si Eduard ay isinilang noong 1938. Ngunit nang panahong iyon, waring napipinto ang isang digmaan sa Europa. Paano kaya ito makaaapekto sa aming gawain?

Nasubok ang Aming Kristiyanong Neutralidad

Nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II, nasa ilalim ng impluwensiya ng Nazi ang Slovakia, na naging isang hiwalay na bansa. Gayunman, walang espesipikong hakbang na ginawa ang pamahalaan laban sa mga Saksi ni Jehova bilang isang organisasyon. Sabihin pa, kinailangan kaming gumawa nang palihim, at sinuri ang aming literatura. Gayunpaman, maingat naming ipinagpatuloy ang gawain.​—Mateo 10:16.

Habang tumitindi ang digmaan, kinalap ako sa hukbo, bagaman ako ay mahigit nang 35 anyos. Dahil sa aking Kristiyanong neutralidad, tumanggi akong makibahagi sa digmaan. (Isaias 2:2-4) Mabuti na lamang, bago magpasiya ang mga awtoridad kung ano ang dapat gawin sa akin, ako at ang lahat niyaong kaedad ko ay pinalaya.

Natalos naming mas mahirap para sa aming mga kapatid sa mga lunsod na tustusan ang kanilang sarili kaysa sa amin na naninirahan sa kabukiran. Ibig naming ibahagi kung ano ang mayroon kami. (2 Corinto 8:14) Kaya naman, dinadala namin ang lahat ng pagkaing kaya naming dalhin at naglalakbay kami nang mahigit sa 500 kilometro patawid ng bansa patungo sa Bratislava. Ang mga buklod ng Kristiyanong pagkakaibigan at pag-ibig na nabuo namin noong mga taon ng digmaan ang siyang umalalay sa amin sa mahihirap na taóng kasunod nito.

Nakamit ang Kinakailangang Pampatibay ng Loob

Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ang Slovakia ay muling naging bahagi ng Czechoslovakia. Mula 1946 hanggang 1948, idinaos ang pambansang mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova alinman sa Brno o sa Prague. Kaming mula sa bandang silangan ng Slovakia ay naglakbay sakay ng pantanging mga tren na isinaayos para sa mga delegado sa kombensiyon. Matatawag mong umaawit na tren ang mga tren na ito, yamang umaawit kami habang naglalakbay.​—Gawa 16:25.

Pantangi kong natatandaan ang kombensiyon noong 1947 sa Brno, kung saan naroroon ang tatlong Kristiyanong tagapangasiwa mula sa pandaigdig na punong-tanggapan, kabilang si Brother Nathan H. Knorr. Upang ianunsiyo ang pahayag pangmadla, marami sa amin ang naglakad sa buong lunsod suot ang mga plakard na nag-aanunsiyo ng tema. Ang aming anak na si Eduard, na noo’y siyam na taóng gulang pa lamang, ay nalungkot dahil wala siyang plakard. Kaya gumawa ang mga kapatid ng mas maliliit na karatula hindi lamang para sa kaniya kundi para na rin sa marami pang ibang bata. Napakahusay ng nagawa ng mga batang ito sa pag-aanunsiyo ng pahayag!

Humawak ng kapangyarihan ang mga Komunista noong Pebrero 1948. Batid namin na sa malao’t madali ay gagawa ng mga hakbang ang pamahalaan upang pigilin ang aming ministeryo. Isang kombensiyon ang idinaos sa Prague noong Setyembre 1948, at masidhi ang aming damdamin habang hinihintay namin ang isa pang pagbabawal sa aming pampublikong mga pagtitipon, pagkatapos lamang ng tatlong taon ng kalayaang magtipon. Bago lumisan sa kombensiyon, pinagtibay namin ang isang resolusyon na, sa isang bahagi, ay nagsasabi: “Kaming mga Saksi ni Jehova, na nagtitipon . . . , ay nagpasiyang palawakin pa ang pinagpalang paglilingkod na ito, at, sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoon, magmatiyaga rito sa kapanahunan at sa mga panahon ng pagsubok, at ihayag ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos taglay ang higit pang sigasig.”

“Mga Kaaway ng Estado”

Mga dalawang buwan pa lamang pagkatapos ng kombensiyon sa Prague, nilusob ng mga sekreta ang tahanang Bethel malapit sa Prague. Sinamsam nila ang ari-arian, kinumpiska ang anumang literaturang nasumpungan nila, at inaresto ang lahat ng mga Bethelite at ang ilan pang mga kapatid. Pero hindi lamang iyan.

Noong gabi ng Pebrero 3-4, 1952, nilibot ng mga puwersa ng seguridad ang bansa at inaresto ang mahigit sa 100 Saksi. Isa ako sa kanila. Mga alas tres ng madaling araw noon, ginising ng mga pulis ang aking buong pamilya. Inutusan nila akong sumama sa kanila nang walang anumang paliwanag. Ako’y nakakadena at nakapiring na isinakay sa likod ng isang trak kasama ng iba pa. Humantong ako sa bartolina.

Lumipas ang isang buong buwan na walang sinumang kumakausap sa akin. Ang tao lamang na nakikita ko ay yaong guwardiya na nagtutulak ng kaunting pagkain sa isang awang sa pintuan. Pagkatapos ay ipinatawag ako ng tagapagsiyasat na nabanggit sa pasimula. Pagkatapos niya akong tawaging isang espiya, sinabi pa niya: “Kamangmangan ang relihiyon. Walang Diyos! Hindi namin mapapayagang linlangin ninyo ang uring manggagawa. Alinman sa bibitayin ka o mabubulok ka sa bilangguan. At kung paparito ang Diyos mo, papatayin din namin siya!”

Yamang batid ng mga awtoridad na walang espesipikong batas na nagbabawal sa aming mga gawaing Kristiyano, ibig nilang bigyan ng ibang kahulugan ang aming mga gawain upang umangkop sa umiiral na mga batas sa pamamagitan ng paglalarawan sa amin bilang “mga kaaway ng Estado” at bilang banyagang mga espiya. Upang magawa iyan, kailangan nilang sirain ang aming determinasyon at itulak kaming “umamin” sa gawa-gawang mga paratang. Pagkatapos ng pagtatanong nang gabing iyon, hindi ako pinatulog. Pagkaraan ng ilang oras, pinagtatatanong na naman ako. Sa pagkakataong ito ay ibig ng tagapagsiyasat na lumagda ako sa isang dokumento na kababasahan ng ganito: “Ako bilang isang kaaway ng People’s Democratic Czechoslovakia ay tumangging magtrabaho sa [bukid na pinangangasiwaan ng pamahalaan] sapagkat hinihintay ko ang mga Amerikano.” Nang hindi ako lumagda sa gayong kasinungalingan, dinala ako sa isang selda.

Pinagbawalan akong matulog, mahiga, o kahit man lamang maupo. Puwede lamang akong tumayo o maglakad-lakad. Nang mapagod na ako, humiga ako sa sahig na semento. Nang magkagayon ay ibinalik ako ng mga guwardiya sa opisina ng tagapagsiyasat. “Lalagda ka na ba ngayon?” ang tanong niya. Nang tumanggi na naman ako, sinuntok niya ako. Nagdugo ang mukha ko. Saka pagalit niyang sinabi sa mga guwardiya: “Gusto niyang magpakamatay. Bantayan siyang maigi para mapigilan siya!” Ibinalik ako sa bartolina. Sa loob ng anim na buwan, ang ganitong taktika sa pagtatanong ay inulit sa maraming pagkakataon. Walang anumang panghihikayat sa pamamagitan ng ideolohiya o mga pagtatangkang paaminin ako bilang isang kaaway ng Estado ang nakapagpahina sa aking pasiya na manatiling tapat kay Jehova.

Isang buwan bago ako litisin, dumating ang isang piskal mula sa Prague at pinagtatanong ang bawat isa sa aming grupo ng 12 kapatid. Itinanong niya sa akin: “Ano ang gagawin mo kung sasalakayin ng mga imperyalistang Kanluranin ang ating bansa?” “Kung ano ang ginawa ko nang salakayin ng bansang ito kasama ni Hitler ang USSR. Hindi ako nakipaglaban noon, at hindi ako makikipaglaban ngayon dahil sa ako ay isang Kristiyano at ako ay neutral.” Pagkatapos ay sinabi niya sa akin: “Hindi namin mapahihintulutan ang mga Saksi ni Jehova. Kailangan natin ang mga sundalo sakaling atakihin tayo ng mga imperyalistang Kanluranin, at kailangan natin ang mga sundalo upang mapalaya ang ating uring manggagawa sa Kanluran.”

Noong Hulyo 24, 1953, ipinasok kami sa isang hukuman. Isa-isa, kaming 12 ay tinawag upang humarap sa isang panel ng mga hukom. Sinamantala namin ang pagkakataon upang magpatotoo tungkol sa aming pananampalataya. Matapos naming sagutin ang mga maling paratang laban sa amin, tumayo ang isang abogado at sinabi: “Maraming beses na akong nasa hukumang ito. Karaniwan na, maraming nagaganap na pag-amin, pagsisisi, at pagluha pa nga. Pero aalis dito ang mga lalaking ito na mas malakas kaysa nang sila’y dumating.” Pagkaraan, kaming 12 ay ipinahayag na nagkasala ng pakikipagsabuwatan laban sa Estado. Ako ay sinentensiyahang mabilanggo nang tatlong taon at kukunin ng Estado ang lahat ng aking ari-arian.

Ang Pagtanda ay Hindi Nakapigil sa Akin

Nang ako ay makauwi, minamanmanan pa rin ako ng mga sekreta. Sa kabila nito, ipinagpatuloy ko ang aking teokratikong mga gawain at ipinagkatiwala sa akin ang espirituwal na pangangasiwa sa aming kongregasyon. Bagaman pinayagan kaming manirahan sa aming kumpiskadong bahay, iyon ay legal na naibalik lamang sa amin pagkaraan ng mga 40 taon, nang bumagsak ang Komunismo.

Hindi lamang ako sa aking pamilya ang nabilanggo. Tatlong taon pa lamang akong nakalalaya nang si Eduard ay kalapin para magsilbi sa hukbo. Dahil sa kaniyang budhing sinanay sa Bibliya, siya ay tumanggi at ibinilanggo. Pagkaraan ng mga taon, kahit ang aking apong si Peter ay nabilanggo rin kahit na mahina ang kaniyang kalusugan.

Bumagsak ang rehimeng Komunista sa Czechoslovakia noong 1989. Anong ligaya ko nang malaya na akong makapangangaral sa bahay-bahay pagkatapos ng apat na dekada ng pagbabawal! (Gawa 20:20) Hangga’t ipinahihintulot ng aking kalusugan, nasisiyahan ako sa ganitong uri ng paglilingkod. Ngayong 98 anyos na ako, hindi na gaya ng dati ang aking kalusugan, pero ikinagagalak kong nakapagpapatotoo pa rin ako sa mga tao tungkol sa maluwalhating mga pangako ni Jehova para sa hinaharap.

Labindalawang pinuno ng limang iba’t ibang bansa ang natatandaan kong namahala sa aming bayan. Kabilang sa kanila ang mga diktador, mga presidente, at isang hari. Walang isa man sa kanila ang nakapaglaan ng namamalaging solusyon sa mga suliraning bumabagabag sa mga tao sa ilalim ng kanilang pamamahala. (Awit 146:3, 4) Nagpapasalamat ako kay Jehova na pinahintulutan niya akong makilala siya nang maaga. Sa gayon, naunawaan ko ang kaniyang solusyon sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian at naiwasan ko ang kawalang-saysay ng isang buhay na walang Diyos. Mahigit 75 taon na akong aktibong nangangaral ng pinakamabuting balita, at binigyan ako nito ng layunin sa buhay, ng kasiyahan, at ng maaliwalas na pag-asang buhay na walang hanggan sa lupa. Ano pa nga ba ang mahihiling ko? *

[Mga talababa]

^ par. 14 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova ngunit hindi na inililimbag ngayon.

^ par. 38 Nakalulungkot, naubos na ang lakas ni Brother Michal Žobrák. Siya ay namatay na tapat, anupat may tiwala sa pag-asa na pagkabuhay-muli, samantalang inihahanda sa paglalathala ang artikulong ito.

[Larawan sa pahina 26]

Pagkatapos ng aming kasal

[Larawan sa pahina 26]

Kasama si Eduard noong mga unang taon ng dekada ng 1940

[Larawan sa pahina 27]

Pag-aanunsiyo ng kombensiyon sa Brno, 1947