Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Paano ba minamalas ng kongregasyong Kristiyano ang katakawan?

Hinahatulan ng Salita ng Diyos kapuwa ang kalasingan at katakawan bilang paggawing hindi kaayaaya sa mga naglilingkod sa Diyos. Kung gayon, ang pangmalas ng kongregasyong Kristiyano sa isang kompirmadong matakaw ay kagaya ng pangmalas ng kongregasyon sa isang lasenggo. Hindi maaaring maging bahagi ng kongregasyong Kristiyano ang isang lasenggo o ang isang matakaw.

Ganito ang sinasabi ng Kawikaan 23:20, 21: “Huwag kang sumama sa mga labis uminom ng alak, sa matatakaw kumain ng karne. Sapagkat ang lasenggo at ang matakaw ay sasapit sa karalitaan, at ang antok ay magdaramit sa isa ng mga basahan lamang.” Sa Deuteronomio 21:20, mababasa natin ang tungkol sa isang “sutil at mapaghimagsik” na indibiduwal, na nararapat parusahan ng kamatayan sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. Ayon sa talatang ito, ang dalawang litaw na katangian ng mapaghimagsik at di-nagsisising indibiduwal na iyon ay ang pagiging “matakaw at lasenggo.” Maliwanag na sa sinaunang Israel, ang katakawan ay isang di-kaayaayang paggawi para sa mga nagnanais maglingkod sa Diyos.

Gayunman, paano ba masasabi na ang isa ay matakaw, at ano ang sinasabi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan hinggil sa paksang ito? Ang isang matakaw ay binibigyang-katuturan bilang “isa na nakaugaliang maging sakim at masiba sa pagkain at pag-inom.” Kaya unang-una, isang anyo ng kasakiman ang katakawan, at sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos na ang “mga taong sakim” ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos. (1 Corinto 6:9, 10; Filipos 3:18, 19; 1 Pedro 4:3) Bukod dito, nang babalaan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano laban sa pagsasagawa ng “mga gawa ng laman,” binanggit niya ang “mga paglalasingan, mga walang-taros na pagsasaya, at mga bagay na tulad ng mga ito.” (Galacia 5:19-21) Kadalasan nang kaakibat ng labis na pagkain ang mga paglalasingan at walang-taros na pagsasaya. Karagdagan pa, tiyak na kasama ang katakawan sa pananalita ni Pablo na “at mga bagay na tulad ng mga ito.” Katulad ng iba pang “mga gawa ng laman,” ang isang Kristiyano na kilala sa kaniyang katakawan at may-pagmamatigas na tumatangging baguhin ang kaniyang sakim na paggawi ay dapat alisin sa kongregasyon.​—1 Corinto 5:11, 13. *

Bagaman sa Salita ng Diyos ay magkapareho lamang ng antas ang isang lasenggo at isang matakaw, mas madaling makilala ang isang lasenggo kaysa sa isang matakaw. Karaniwan nang kitang-kita ang mga palatandaan ng kalasingan. Gayunman, mas mahirap malaman kung ang isang indibiduwal ay naging kompirmadong matakaw dahil hindi ito makikita sa panlabas na hitsura lamang. Samakatuwid, kapag hinahawakan ang ganitong mga situwasyon, kailangang maging lubhang maingat ang matatanda sa kongregasyon at unawain nilang mabuti ang mga bagay-bagay.

Halimbawa, ang sobrang katabaan (obesity) ay maaaring isang palatandaan ng katakawan, pero hindi palaging gayon. Maaaring ang sobrang timbang ng isang tao ay resulta ng isang karamdaman. Namamana rin ang sobrang katabaan. Dapat din nating isaisip na ang sobrang katabaan ay isang pisikal na kalagayan, samantalang ang katakawan ay isang mental na saloobin. Binibigyang-katuturan ang sobrang katabaan bilang “isang kalagayan na kakikitaan ng labis-labis na taba sa katawan,” samantalang ang katakawan ay “kasakiman o labis-labis na pagpapakasasa.” Kaya hindi nakikita ang katakawan sa laki ng katawan ng isa kundi sa kaniyang saloobin sa pagkain. Maaaring normal ang laki ng katawan ng isa o marahil ay payat pa nga siya pero maituturing naman na matakaw. Karagdagan pa, ang itinuturing na kaayaayang timbang o hubog ng katawan ay lubhang nagkakaiba depende sa lugar.

Anu-ano ba ang mga palatandaan ng katakawan? Ang isang matakaw ay palaging hindi nagpipigil, anupat labis na nagpapakabusog sa pagkain hanggang sa sumamâ na ang kaniyang pakiramdam o magkasakit siya. Ang kaniyang kawalan ng pagpipigil sa sarili ay nagpapahiwatig na wala siyang tunay na pagmamalasakit sa upasalang naidudulot niya kay Jehova at sa mabuting reputasyon ng Kaniyang bayan. (1 Corinto 10:31) Sa kabilang dako naman, ang isang tao na sobra kung kumain paminsan-minsan ay hindi naman kaagad maituturing na “taong sakim.” (Efeso 5:5) Magkagayunman, salig sa espiritu ng Galacia 6:1, baka kailangang tulungan ang gayong Kristiyano. Sinabi ni Pablo: “Mga kapatid, bagaman ang isang tao ay makagawa ng anumang maling hakbang bago niya mabatid ito, kayong may mga espirituwal na kuwalipikasyon ay magsikap na ibalik sa ayos ang gayong tao sa espiritu ng kahinahunan.”

Bakit lalo nang mahalaga sa ngayon ang payo ng Bibliya na iwasan ang labis-labis na pagkain? Dahil nagbabala si Jesus, lalo na hinggil sa panahon natin: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang na ang araw na iyon ay kagyat na mapasainyo na gaya ng silo.” (Lucas 21:34, 35) Ang hindi pagpapakalabis sa pagkain ay isang mahalagang paraan upang maiwasan ang istilo ng pamumuhay na nakasisira sa espirituwal.

Isang kagalingang Kristiyano ang pagiging katamtaman. (1 Timoteo 3:2, 11) Kung gayon, tiyak na tutulungan ni Jehova ang lahat ng marubdob na nagsisikap na ikapit ang payo ng Bibliya hinggil sa katamtamang mga kaugalian sa pagkain at pag-inom.​—Hebreo 4:16.

[Talababa]

^ par. 5 Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Mayo 1, 1986, isyu ng Ang Bantayan.