Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gaano Katagal Maaaring Mabuhay ang mga Tao?

Gaano Katagal Maaaring Mabuhay ang mga Tao?

Gaano Katagal Maaaring Mabuhay ang mga Tao?

NOONG Marso 3, 1513, pinasimulan ng manggagalugad na Kastila na si Juan Ponce de León ang isang natatanging ekspedisyon. Naglayag siya mula Puerto Rico sa pag-asang makarating sa isla ng Bimini. Ayon sa alamat, hinanap niya ang isang makahimalang bukal​—ang Bukal ng Kabataan. Subalit nakarating siya sa tinatawag ngayong estado ng Florida, E.U.A. Siyempre pa, hindi niya nasumpungan kailanman ang hindi naman umiiral na bukal.

Sa ngayon, ang mga tao sa pangkalahatan ay nabubuhay lamang nang mga 70 o 80 taon. Bagaman iniuulat ng Bibliya ang mga tao na lubhang mahaba ang buhay, sinasabi ng 2002 Guinness Book of World Records na ang edad ng pinakamatandang tao na nabuhay kailanman ay 122 taon at 164 na araw. (Genesis 5:3-32) Gayunman, sinabi ng tagasuri ng biyoetika na si John Harris: “Ipinakikita ng bagong pananaliksik sa ngayon na baka posible nang maranasan ang isang daigdig kung saan ang pagtanda​—at maging ang kamatayan​—ay maaari nang maiwasan.” May mga mananaliksik sa ika-21 siglo na bumabanggit tungkol sa “pagiging halos imortal,” “walang-takdang haba ng buhay ng mga tao pagsapit ng 2099,” “kakayahan ng mga selula na magparami nang walang katapusan,” at mga katulad nito.

Sa kaniyang aklat na The Dream of Eternal Life, sinabi ni Mark Benecke: “Halos lahat ng selula ng katawan ay nagbabago nang ilang ulit sa buong yugto ng buhay. . . . Kada pitong taon, nagkakaroon talaga tayo ng isang bagong katawan.” Gayunman, hindi ito nagpapatuloy nang walang hanggan dahil humihinto sa pagdami ang mga selula pagkaraan ng takdang bilang ng paghahati-hati. Ngunit kung hindi lamang sana gayon, sinabi ni Benecke na “kayang baguhing muli ng katawan ng tao ang sarili nito sa loob ng napakahabang panahon​—kahit magpakailanman.”

Isaalang-alang din ang lubhang kagila-gilalas na kakayahan ng utak ng tao, na katiting lamang nito ang nagagamit natin sa ating maikling buhay. Ayon sa Encyclopædia Britannica, ang utak ng tao “ay may lubhang nakahihigit na potensiyal kaysa sa nagagawa nito sa buong yugto ng buhay ng isang tao.” (1976 Edisyon, Tomo 12, pahina 998) Ang aklat na How the Brain Learns, ni David A. Sousa, ay nagsasabi: “Halos saanman gamitin, ang kakayahan ng utak na mag-imbak ng impormasyon ay walang limitasyon.”​—Pahina 78, Ikalawang Edisyon, copyright 2001.

Bakit walang masumpungang dahilan ang mga mananaliksik sa ating pisikal na kayarian na nagpapaliwanag kung bakit tayo namamatay? At bakit may gayon na lamang kalaking kakayahan ang utak ng tao? Posible kaya na dinisenyo tayo upang patuloy na kumuha ng kaalaman magpakailanman? Bakit pa nga ba natin naiisip ang buhay na walang hanggan?

Sinasabi ng Bibliya: “Maging ang panahong walang takda ay inilagay [ng Diyos] sa kanilang puso, upang hindi kailanman matuklasan ng mga tao ang gawa na ginawa ng tunay na Diyos mula sa pasimula hanggang sa katapusan.” (Eclesiastes 3:11) Ipinakikita ng mga salitang ito na ikinintal sa atin ng Diyos ang ideya na mabuhay magpakailanman. Dahil diyan, lagi tayong may matututuhan tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga gawa. Kung mabubuhay tayo nang bilyun-bilyong taon​—oo, magpakailanman​—laging madaragdagan ang ating matututuhan tungkol sa kamangha-manghang mga nilalang ng Diyos.

Ipinakikita rin ng mga salita ni Jesu-Kristo na posibleng mabuhay nang walang hanggan ang tao. Sinabi niya: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Kumusta ka naman? Gusto mo bang mabuhay magpakailanman?

[Mga larawan sa pahina 3]

Hinanap ni Juan Ponce de León ang bukal ng kabataan

[Credit Line]

Ponce de León: Harper’s Encyclopædia of United States History