Gusto Mo Bang Mabuhay Magpakailanman?
Gusto Mo Bang Mabuhay Magpakailanman?
“HINDI ako takot mamatay,” ang sabi ng isang may-edad nang babae sa Hapon. “Ngunit nalulungkot ako na maiiwan ko ang mga bulaklak na ito.” Naunawaan ng isang ministrong Kristiyano na dumadalaw sa tahanan ng babaing ito ang ibig nitong sabihin, sapagkat maganda ang hardin ng babaing ito. Marami sa mga nagsasabing hindi sila takot mamatay ang lubhang nasisiyahan sa kahanga-hangang mga bagay sa sangnilalang at malamang na umaasa pala na mabuhay magpakailanman.
Mabubuhay magpakailanman? Ipagkikibit-balikat ng marami ang gayong kaisipan. Baka sabihin pa nga ng ilan na hindi sila interesadong mabuhay magpakailanman. Bakit gayon ang nadarama ng iba?
Buhay na Walang Hanggan—Nakababagot Ba?
Inaakala ng iba na nakababagot ang mabuhay magpakailanman. Baka tukuyin nila ang nakasasawang buhay ng maraming retirado na halos walang magawa kundi umupo at manood ng telebisyon. Kung ganiyan ang nadarama mo, pag-isipan ang sinabi ng astronomong si Robert Jastrow nang tanungin siya kung pagpapala o sumpa ang buhay na walang hanggan. Sumagot si Jastrow: “Magiging pagpapala ito sa mga mausisa at may walang-katapusang hangaring matuto. Magiging lubhang nakaaaliw sa kanila ang ideya na maaari silang kumuha ng kaalaman nang walang hanggan. Ngunit para sa iba na nakadaramang natutuhan na nila ang lahat ng dapat matutuhan at sa mga may saradong isipan, magiging nakapanghihilakbot na sumpa ito. Hindi nila alam kung paano gagamitin ang kanilang panahon.”
Nakadepende nang malaki sa iyong saloobin kung magiging nakababagot o hindi ang buhay na walang hanggan para sa iyo. Kung ‘mausisa ka at walang katapusan ang hangarin mong matuto,’ isipin na lamang ang magagawa mo sa larangan ng sining, musika, arkitektura, paghahalaman, o anumang makabuluhang gawain na kawili-wili sa iyo. Ang walang-hanggang buhay sa lupa ay maglalaan ng magagandang pagkakataon para mapasulong ang iyong potensiyal sa iba’t ibang larangan ng gawain.
Magiging kasiya-siya nga ang walang-hanggang buhay kung maipamamalas mo at mararanasan ang pag-ibig magpakailanman. Nilalang tayo na may kakayahang magpamalas ng pag-ibig, at gustung-gusto natin kapag nadarama nating iniibig tayo. Ang pagpapakita ng tunay na pag-ibig sa isa’t isa ay nagdudulot ng matinding kasiyahan na hindi nagmamaliw sa paglipas ng panahon. Ang pamumuhay magpakailanman ay magbibigay ng walang-katapusang pagkakataon para malinang ang pag-ibig hindi lamang sa ating mga kapuwa kundi lalo na sa Diyos. “Kung iniibig ng sinuman ang Diyos,” ang sabi ni apostol Pablo, “ang isang ito ay kilala niya.” (1 Corinto 8:3) Kaygandang pagkakataon—makilala ang Soberano ng sansinukob at maging kakilala niya! Bukod diyan, walang katapusan ang pagkuha ng kaalaman tungkol sa ating maibiging Maylalang. Kaya, paano masasabing kabagut-bagot at di-kasiya-siya ang buhay na walang hanggan?
Ang Buhay—Panandalian at Mahalaga
Inaakala ng ilan na ang buhay ay napakahalaga dahil sa kaiklian nito. Maaari nilang ihambing ang buhay sa ginto, na bihirang masumpungan. Kung mamimina ang ginto kahit saan, ang sabi nila, bababa ang halaga nito. Gayunman, maganda pa rin ang ginto. Totoong-totoo rin ito kung tungkol sa buhay.
Maaari nating ihambing ang pagtatamasa ng walang-hanggang buhay sa pagkakaroon ng saganang hangin. Ituturing ng mga magdaragat na
nasa loob ng di-makaahong submarino na napakahalaga ng hangin. Matapos silang sagipin, sa palagay mo kaya’y walang-pagpapahalaga nilang irereklamo ang muling pagtatamasa ng saganang hangin? Siyempre hindi!Katulad ng mga magdaragat na iyon, maaari tayong sagipin ngunit taglay ang mas dakilang pag-asa na mabuhay nang walang hanggan. “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan,” ang sulat ni apostol Pablo, “ngunit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 6:23) Sa pamamagitan ng haing pantubos ni Jesus, aalisin ng Diyos ang di-kasakdalan ng tao at ang kamatayan at ipagkakaloob sa masunuring sangkatauhan ang regalong buhay na walang hanggan. Dapat nga nating ipagpasalamat ang gayong maibiging kaayusan!
Paano Naman ang Iyong mga Minamahal?
Baka isipin ng ilang indibiduwal: ‘Paano naman ang mga minamahal ko? Hindi magiging makabuluhan sa akin ang buhay na walang hanggan kung hindi ko sila kasama.’ Marahil ay nakakuha ka na ng kaalaman sa Bibliya at natutuhan mo na maaari palang mabuhay nang walang hanggan sa isang paraisong lupa. (Lucas 23:43; Juan 3:16; 17:3) Likas lamang na naisin mong makasama roon ang iyong mga kapamilya, iba pang mga mahal sa buhay, at minamahal na mga kaibigan, anupat tatamasahin ninyo ang mismong mga kagalakan na inaasahan mong maranasan sa ipinangako ng Diyos na bagong sanlibutan ng katuwiran.—2 Pedro 3:13.
Ngunit paano kung ang iyong mga kaibigan at minamahal ay hindi interesadong mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa? Huwag mong hayaang pahinain nito ang iyong loob. Patuloy kang kumuha ng tumpak na kaalaman sa Kasulatan, at kumilos kaayon nito. Sumulat si apostol Pablo: “Ano’ng malay ninyo, mga babae, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa? At ano’ng malay ninyo, mga lalaki, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa?” (1 Corinto 7:16, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Maaaring magbago ang mga tao. Halimbawa, isang lalaki na dating sumasalansang sa Kristiyanismo ang nagbago at naging elder sa kongregasyong Kristiyano nang dakong huli. Sabi niya: “Nagpapasalamat ako na ang aking mahal na pamilya ay matapat na nanindigan sa kanilang mga simulain sa Bibliya sa kabila ng lahat ng pagsalansang ko.”
Lubhang nagmamalasakit ang Diyos sa iyong buhay at sa buhay ng iyong mga minamahal. Sa katunayan, ‘hindi nais ni Jehova na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.’ (2 Pedro 3:9) Nais ng Diyos na Jehova na ikaw at ang iyong mga minamahal ay mabuhay magpakailanman. Mas dakila ang kaniyang pag-ibig kaysa sa di-sakdal na mga tao. (Isaias 49:15) Kaya bakit hindi linangin ang mabuting kaugnayan sa Diyos? Kung gayon ay matutulungan mo ang iyong mga minamahal na gawin din ang gayon. Kahit hindi pa nila taglay ngayon ang pag-asang mabuhay magpakailanman, maaaring magbago ang kanilang saloobin kapag nakikita ka nilang kumikilos kasuwato ng tumpak na kaalaman sa Bibliya.
Paano naman ang mga mahal mo sa buhay na namatay na? Para sa milyun-milyong namatay, inilalaan ng Bibliya ang kahanga-hangang pag-asa ng pagkabuhay-muli—ng pagbangon mula sa kamatayan at pamumuhay sa Paraiso sa lupa. Nangako si Jesu-Kristo: “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay . . . lalabas.” (Juan 5:28, 29) Maging yaong mga namatay nang hindi nakakakilala sa Diyos ay muling bubuhayin, sapagkat sinasabi ng Bibliya: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Kalugud-lugod ngang salubungin ang mga binuhay-muling iyon!
Walang-Hanggang Buhay—Isang Nakagagalak na Pag-asa
Kung nakasusumpong ka ng kaligayahan at kasiyahan ngayon sa kabila ng lahat ng problema sa daigdig na ito, tiyak na masisiyahan ka sa walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa. Gayunman, nang banggitin ng isang Saksi ni Jehova ang mga pagpapalang idudulot ng buhay na walang hanggan, isang babae ang nagsabi: “Ayaw kong mabuhay magpakailanman. Tama na sa akin ang mabuhay nang 70 o 80 taon.” Tinanong siya ng isang Kristiyanong elder na nagkataong naroroon:
“Naisip mo na ba kung ano ang madarama ng mga anak mo kapag namatay ka?” Tumulo ang luha sa kaniyang mga pisngi nang maisip niya ang dalamhating mararanasan nila kapag namatay ang kanilang ina. “Sa kauna-unahang pagkakataon, napag-isip-isip ko na makasarili pala ako,” ang pag-amin niya, “at naunawaan ko na hindi makasariling pag-asa ang buhay na walang hanggan kundi nangangahulugan ito ng pamumuhay para sa iba.”Baka nadarama ng ilan na hindi mahalaga kaninuman kung mabuhay man sila o mamatay. Subalit mahalaga ito sa ating Tagapagbigay-Buhay, na nagsabi: “Buháy ako, . . . ako ay nalulugod, hindi sa kamatayan ng balakyot, kundi sa panunumbalik ng balakyot mula sa kaniyang lakad upang patuloy nga siyang mabuhay.” (Ezekiel 33:11) Kung gayon na lamang ang pagmamalasakit ng Diyos sa buhay ng mga balakyot, tiyak na lubha siyang nagmamalasakit sa mga umiibig sa kaniya.
Nagtitiwala si Haring David ng sinaunang Israel sa maibiging pangangalaga ni Jehova. Minsan ay sinabi ni David: “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin.” (Awit 27:10) Malamang na sigurado si David na iniibig siya ng kaniyang mga magulang. Ngunit sakali mang iwan siya maging ng kaniyang mga magulang—ang kaniyang pinakamalapit na kamag-anak—alam niya na hindi siya pababayaan ng Diyos. Dahil sa kaniyang pag-ibig at pagmamalasakit, nag-aalok si Jehova ng buhay na walang hanggan at di-nagmamaliw na pakikipagkaibigan sa kaniya. (Santiago 2:23) Hindi ba natin dapat tanggapin nang may pagpapahalaga ang kamangha-manghang mga kaloob na ito?
[Larawan sa pahina 7]
Magiging kalugud-lugod ang pamumuhay magpakailanman kung may pag-ibig tayo sa Diyos at sa kapuwa