“Kay Rami ng Iyong mga Gawa, O Jehova!”
“Kay Rami ng Iyong mga Gawa, O Jehova!”
SA KABUKIRAN man o sa lunsod tayo naninirahan, sa bundok man o sa tabing dagat, napalilibutan tayo ng kagila-gilalas na karilagan ng sangnilalang. Angkop naman, itinatampok sa 2004 Calendar of Jehovah’s Witnesses ang mga tanawin ng lubhang kamangha-manghang mga gawa ng Diyos na Jehova.
Lagi nang interesado ang mapagpahalagang mga tao sa mga gawa ng Diyos. Halimbawa, tingnan natin si Solomon, na ang karunungan “ay mas malawak kaysa sa karunungan ng lahat ng taga-Silangan.” Sinasabi ng Bibliya: “Siya ay nagsasalita tungkol sa mga punungkahoy, mula sa sedrong nasa Lebanon hanggang sa isopo na tumutubo sa pader; at siya ay nagsasalita tungkol sa mga hayop at tungkol sa mga lumilipad na nilalang at tungkol sa mga bagay na gumagala at tungkol sa mga isda.” (1 Hari 4:30, 33) Madalas magbulay-bulay ang ama ni Solomon na si Haring David tungkol sa mga obra maestra ng Diyos. Napabulalas siya ng ganito tungkol sa kaniyang Maylikha: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha.”—Awit 104:24. *
Dapat din nating pagmasdan at pag-isipan ang tungkol sa sangnilalang. Halimbawa, makabubuting ‘itingin natin ang ating mga mata sa itaas’ at itanong: “Sino ang lumalang ng mga bagay na ito?” Aba, ang Diyos na Jehova, na taglay ang “kasaganaan ng dinamikong lakas” at tunay na ‘malakas ang kapangyarihan’!—Isaias 40:26.
Paano dapat makaapekto sa atin ang pagbubulay-bulay sa mga nilalang ni Jehova? Sa kahit tatlong paraan man lamang. Maaari itong (1) magpaalaala sa atin na pakamahalin ang ating buhay, (2) magpakilos sa atin na tulungan ang iba na matuto mula sa sangnilalang, at (3) gumanyak sa atin na kilalanin at pahalagahan pa nang lubusan ang ating Maylalang.
Dahil sa ating buhay bilang mga tao, na lubhang nakahihigit sa “walang-katuwirang mga hayop,” napagmamasdan at napahahalagahan natin ang mga kababalaghan ng sangnilalang. (2 Pedro 2:12) Nakikita ng ating mga mata ang kagandahan ng lupain. Naririnig ng ating mga tainga ang malalambing na awit ng mga ibon. At ang ating kabatiran sa panahon at lugar ay nagpapagunita sa atin ng masasayang alaala. Kahit na hindi sakdal ang ating kasalukuyang buhay, talagang sulit ang mabuhay!
Nasisiyahan ang mga magulang sa likas na pagkaakit ng kanilang mga anak sa mga bagay na nilalang. Talaga namang tuwang-tuwa ang mga bata na hanapin ang mga kabibi sa dalampasigan, haplusin ang isang alagang hayop, at akyatin ang isang punungkahoy! Nanaisin ng mga magulang na tulungan ang kanilang mga anak na makita ang kaugnayan sa pagitan ng nilalang at ng Maylalang. Habambuhay na mananatili sa mga bata ang kanilang nalinang na paghanga at paggalang sa mga nilalang ni Jehova.—Awit 111:2, 10.
Magiging lubhang makitid ang ating pananaw kung hahangaan natin ang nilalang subalit hindi naman pahahalagahan ang Maylalang. Tinutulungan Isaias 40:28.
tayo ng hula ni Isaias upang pag-isipan ang mismong bagay na ito nang sabihin nito: “Hindi mo ba nalaman o hindi mo ba narinig? Si Jehova, ang Maylalang ng mga dulo ng lupa, ay Diyos hanggang sa panahong walang takda. Hindi siya napapagod o nanlulupaypay. Hindi maaarok ang kaniyang unawa.”—Oo, pinatutunayan ng mga gawa ni Jehova ang kaniyang walang-kapantay na karunungan, ang kaniyang sukdulang kapangyarihan, at ang kaniyang matinding pag-ibig sa atin. Kapag nakikita natin ang kagandahan sa ating paligid at nakikilala ang mga katangian ng Isa na gumawa ng lahat ng ito, mapakilos sana tayo na bigkasin ang mga salita ni David: “Walang katulad mo . . . , O Jehova, ni mayroon mang mga gawa na tulad ng sa iyo.”—Awit 86:8.
Makatitiyak tayong patuloy na mabibighani ang masunuring mga tao sa mga nilalang ni Jehova. Magpakailanman, magkakaroon tayo ng walang-katapusang mga pagkakataon na matuto pa nang higit tungkol kay Jehova. (Eclesiastes 3:11) At habang nakikilala natin siya, lalo nating iibigin ang ating Maylalang.
[Mga talababa]
^ par. 4 Tingnan ang 2004 Calendar of Jehovah’s Witnesses, November/December.
[Larawan sa pahina 9]
Kapurihan sa Maylalang
Nasasaksihan ng maraming mapagpahalagang siyentipiko ang papel ng Diyos sa paglalang. Narito ang ilang halimbawa:
“Ang kabuluhan at kagalakan sa aking agham ay nadarama ko sa paminsan-minsang sandali ng pagkatuklas ng bagong bagay at pagsasabi sa aking sarili, ‘Ayun, ganoon pala ang pagkagawa ng Diyos dito.’ Ang tunguhin ko ay ang maunawaan kahit ang maliit na bahagi ng plano ng Diyos.”—Henry Schaefer, propesor sa kemistri.
“Kung tungkol sa sanhi ng paglawak ng Uniberso, ang mambabasa na ang magbibigay ng kaniyang sariling opinyon, ngunit hindi kumpleto ang pagkaunawa namin kung wala Siya [ang Diyos].”—Edward Milne, Britanong kosmologo.
“Alam namin na ang kalikasan ay ipinaliliwanag sa pamamagitan ng pinakamahusay na matematika dahil nilalang ito ng Diyos.”—Alexander Polyakov, Rusong matematiko.
“Sa aming pag-aaral tungkol sa likas na mga bagay, isinasaalang-alang namin ang mga kaisipan ng Maylalang, binabasa ang kaniyang mga ideya, anupat ipinaliliwanag ang isang sistema na Kaniya at hindi sa amin.”—Louis Agassiz, Amerikanong biyologo.
[Larawan sa pahina 8, 9]
Mga “gentoo penguin,” Antarctic Peninsula
[Larawan sa pahina 9]
Grand Teton National Park, Wyoming, E.U.A.
[Credit Line]
Jack Hoehn/Index Stock Photography