Isang Katangiang Taglay Lamang ng Tao
Isang Katangiang Taglay Lamang ng Tao
Si Jodie ay may negosyong tinatawag na “estate-sales” (pagbubukud-bukod ng mga ari-arian ng taong namatay upang malaman ang halaga ng mga ito para sa kaniyang mga tagapagmana). Tinutulungan niya ang isang babae na pagbukud-bukurin at ibenta ang mga gamit sa bahay ng ate nito na namatay. Habang naghahalungkat sa palibot ng lumang apuyan, nakakita siya ng dalawang lumang kahon na pinaglalagyan ng mga kagamitan sa pangingisda. Nang tingnan niya kung ano ang nasa loob ng isa sa mga ito, hindi siya makapaniwala sa nakita niya. Nakabalot sa “aluminum foil” ang nakabilot na mga perang tig-$100—may kabuuang halaga na $82,000! Nag-iisa si Jodie sa silid. Ano ang dapat niyang gawin? Tahimik na kukunin ang kahon o sasabihin sa kaniyang kliyente na nasumpungan niya ang pera?
ITINATAMPOK sa problema ni Jodie ang isa sa mga katangiang taglay natin ngunit hindi taglay ng mga hayop. Sinasabi sa The World Book Encyclopedia: “Ang isa sa mga natatanging ugali ng tao ay ang pagsasaalang-alang ng masinsinang mga tanong tungkol sa kung ano ang dapat o hindi dapat gawin.” Kapag nakakita ng isang piraso ng karne sa ibabaw ng mesa ang isang gutóm na aso, hindi na ito mag-iisip kung dapat bang kainin ang karne. Subalit si Jodie ay may kakayahang mag-isip kung magiging tama ba ang kaniyang desisyon. Kung kukunin niya ang pera, nagnanakaw siya, pero malamang na hindi naman siya mahuli. Hindi sa kaniya ang pera; pero hindi naman alam ng kaniyang kliyente ang tungkol doon. Bukod dito, iisipin ng karamihan sa mga tao sa lugar ni Jodie na isang kamangmangan na ibigay ang pera sa kaniyang kliyente.
Ano ang gagawin mo kung ikaw si Jodie? Ang pagsagot mo sa tanong na ito ay depende sa mga pamantayan sa etika na sinusunod mo sa buhay.
Ano ang Kahulugan ng Etika?
Ang “etika” ay inilarawan bilang “ang pag-aaral sa mga tanong tungkol sa kung ano ang tama at ang mali sa moral na paraan.” (Collins Cobuild English Dictionary) Ganito ang sabi ng
awtor na si Eric J. Easton: “Pareho ang saligang kahulugan ng ‘etika’ at ‘moralidad.’ Ang una ay galing sa Griego (ethikos) at ang pangalawa ay sa Latin (moralis), at kapuwa tumutukoy sa awtoridad ng kostumbre at tradisyon.”Sa loob ng mahabang panahon, ang relihiyon ang karaniwang nagdidikta ng mga pamantayan sa etika na sinusunod ng mga tao. Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay may malakas na impluwensiya sa maraming lipunan. Gayunman, itinatakwil ng parami nang paraming tao sa buong daigdig ang iba’t ibang relihiyosong pamantayan anupat itinuturing na hindi na praktikal ang mga ito at lipas na raw ang mga pamantayang moral ng Bibliya. Ano naman ang pumalit sa mga ito? Sinasabi ng aklat na Ethics in Business Life na “dinaig ng sekular na pangangatuwiran . . . ang awtoridad na dating taglay ng relihiyon.” Sa halip na bumaling sa relihiyon, marami ang humihingi ng patnubay sa sekular na mga eksperto sa mga pag-aaral sa etika. Sinabi naman ng propesor sa etika at batas na si Paul McNeill: “Sa palagay ko, ang mga espesyalista sa etika ang nagsisilbing mga pari ng mga tao. . . . Nagsasalita ngayon ang mga tao ayon sa etika hindi tulad noon na ayon sa relihiyon.”
Kapag napapaharap ka sa mahihirap na desisyon, paano mo makikilala ang tama at ang mali? Ang Diyos ba o ikaw ang nagpapasiya kung anu-anong pamantayan sa etika ang susundin mo?