Isang “Napakahusay” na Salin
Isang “Napakahusay” na Salin
AYON sa isang pagtantiya, mga 55 bagong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Ingles ang inilathala mula 1952 hanggang 1990. Ipinakikita ng mga terminong ginamit ng mga tagapagsalin na walang isa man sa mga ito ang magkaparehong-magkapareho. Upang tayahin ang pagkamaaasahan ng mga gawang ito ng mga tagapagsalin, sinuri at pinaghambing ni Jason BeDuhn, katulong na propesor sa mga pag-aaral hinggil sa relihiyon sa Northern Arizona University, sa Flagstaff, Arizona, E.U.A., ang kawastuan ng walong pangunahing salin, kasama na ang New World Translation of the Holy Scriptures, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Ang resulta?
Bagaman hindi siya sumasang-ayon sa ilan sa mga terminong ginamit dito, tinawag ni BeDuhn ang New World Translation na isang “napakahusay” na salin, “di-hamak na mahusay” at “laging mas mahusay” kaysa sa iba pang salin na sinuri. Ipinalagay ni BeDuhn na sa kabuuan, ang New World Translation “ay isa sa pinakatumpak na mga salin ng Bagong Tipan sa Ingles na makukuha sa ngayon” at “ang pinakatumpak sa mga salin na pinaghambing-hambing.”—Truth in Translation: Accuracy and Bias in English Translations of the New Testament.
Binanggit din ni BeDuhn na maraming tagapagsalin ang napipilitang “bigyang-pakahulugan o palawakin ang sinasabi ng Bibliya upang mapagbigyan kung ano ang nais at kailangang marinig ng makabagong mga mambabasa.” Sa kabilang panig, binanggit ni BeDuhn na naiiba ang New World Translation dahil sa “higit na kawastuan ng NW na isang literal at napakaingat na salin ng orihinal na pananalita ng mga manunulat ng Bagong Tipan.”
Gaya ng kinikilala ng New World Bible Translation Committee sa paunang salita ng kanilang salin, isang “napakalaking pananagutan” na isalin sa makabagong wika ang Banal na Kasulatan mula sa orihinal na mga wika. Ganito pa ang sinabi ng Committee: “Ang mga tagapagsalin ng gawang ito, na may takot at pag-ibig sa Banal na May-akda ng Banal na Kasulatan, ay nakadarama ng pantanging pananagutan sa Kaniya na ihatid ang kaniyang mga kaisipan at kapahayagan sa pinakatumpak na paraan hangga’t maaari.”
Mula nang ilimbag ito noong 1961, makukuha na ang New World Translation of the Holy Scriptures sa 32 wika at 2 edisyon sa Braille. Ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ng New World Translation, o “Bagong Tipan,” ay makukuha na sa karagdagan pang 18 wika at isang edisyon sa Braille. Pinasisigla ka naming basahin ang Salita ng Diyos sa makabago at “napakahusay” na saling ito, na marahil ay makukuha sa iyong sariling wika.