Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagtitiwala sa Maibiging Pangangalaga ni Jehova

Nagtitiwala sa Maibiging Pangangalaga ni Jehova

Nagtitiwala sa Maibiging Pangangalaga ni Jehova

AYON SA SALAYSAY NI ANNA DENZ TURPIN

“Ang dami mong tanong na ‘BAKIT’!” ang bulalas ng aking ina habang nakangiti. Noong maliit pa ako, napakarami kong tanong sa aking mga magulang. Subalit hindi ako kailanman pinagalitan nina Itay at Inay dahil sa aking pagkamausisa na likas lamang sa isang bata. Sa halip, tinuruan nila akong mangatuwiran at gumawa ng sariling desisyon batay sa budhing sinanay sa Bibliya. Totoong napakahalaga ng pagsasanay na iyon! Isang araw nang ako’y 14 na taóng gulang, inihiwalay sa akin ng mga Nazi ang mahal kong mga magulang, at hindi ko na sila muling nakita.

ANG aking ama, si Oskar Denz, at ang aking ina, si Anna Maria, ay nakatira sa Lörrach, isang lunsod sa Alemanya na malapit sa hanggahan ng Switzerland. Palibhasa’y aktibo sa pulitika noong nasa kabataan pa sila, kilala at iginagalang sila ng mga tao sa komunidad. Subalit noong 1922, di-nagtagal matapos silang makasal, binago ng aking mga magulang ang kanilang pananaw sa pulitika at ang kanilang mga tunguhin sa buhay. Nagsimulang makipag-aral ng Bibliya si Inay sa mga Estudyante ng Bibliya, na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, at tuwang-tuwa siya nang matutuhan niyang magiging mapayapa ang lupa sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos. Nang maglaon, sumama na rin si Itay sa pag-aaral ni Inay, at nagsimula silang dumalo sa mga pulong ng mga Estudyante ng Bibliya. Binigyan pa nga ni Itay si Inay ng isang aklat sa pag-aaral ng Bibliya, ang The Harp of God, bilang pamasko nang taóng iyon. Ako ang nag-iisa nilang anak na isinilang noong Marso 25, 1923.

Kaysaya ng mga alaala ng aming buhay pampamilya​—ang aming paglalakad sa tahimik na Black Forest tuwing tag-araw at ang pagtuturo sa akin ni Inay ng mga gawain sa bahay! Parang nakikita ko pa rin siyang nakatayo sa kusina samantalang tinuturuan ang kaniyang munting kusinera. Higit na mahalaga, tinuruan ako ng aking mga magulang na ibigin at pagtiwalaan ang Diyos na Jehova.

Ang aming kongregasyon ay binubuo ng mga 40 masisipag na mangangaral ng Kaharian. Kayang-kaya ng aking mga magulang na akayin ang usapan hinggil sa Kaharian. Dahil sa dati nilang mga gawain sa komunidad, sanay silang makihalubilo sa iba, at mabuti ang pagtanggap sa kanila ng mga tao. Nang maging pitong taóng gulang na ako, gusto ko na ring mangaral sa bahay-bahay. Sa kauna-unahang paglabas ko sa larangan, iniabot sa akin ng kapareha ko ang ilang literatura, itinuro ang isang bahay, at basta sinabi, “Pumunta ka roon at alamin mo kung gusto nila ito.” Noong 1931, dumalo kami sa kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa Basel, Switzerland. Doon nabautismuhan ang aking mga magulang.

Kaguluhan na Humantong sa Paniniil

Napakagulo sa Alemanya noong mga panahong iyon, at nagsasagupaan sa mga lansangan ang iba’t ibang pangkat sa pulitika. Isang gabi, bigla akong nagising dahil sa hiyawan sa aming kapitbahay. Pinatay ng dalawang lalaking tin-edyer ang kanilang kuya sa pamamagitan ng tinidor ng dayami dahil hindi sila sang-ayon sa kaniyang pulitikal na mga pananaw. Lubha ring tumindi ang pagkapoot laban sa mga Judio. Sa paaralan, isang batang babae ang pinatayong mag-isa sa sulok dahil lamang sa isa siyang Judio. Awang-awa ako sa kaniya, subalit wala akong kamalay-malay na malapit ko na rin palang maranasang itakwil ng iba.

Noong Enero 30, 1933, si Adolf Hitler ang naging kansilyer ng Alemanya. Sa layong dalawang bloke, pinanood namin samantalang itinataas ng nagbubunying mga Nazi ang bandilang swastika sa bahay-pamahalaan ng lunsod. Sa paaralan, tinuruan kami ng aming masiglang guro na bigkasin ang pagbating “Heil Hitler!” Nang hapong iyon, sinabi ko kay Itay ang tungkol dito. Nabagabag siya. “Hindi ko gusto ‘yan,” ang sabi niya. “Ang ‘heil’ ay nangangahulugang kaligtasan. Kung bibigkasin natin ang ‘Heil Hitler,’ nangangahulugang umaasa tayo ng kaligtasan sa kaniya sa halip na kay Jehova. Sa palagay ko’y hindi tama iyan, pero ikaw mismo ang dapat magpasiya kung ano ang gagawin mo.”

Para akong itinakwil ng aking mga kaeskuwela dahil ipinasiya kong huwag sumaludo kay Hitler. Binubugbog pa nga ako ng ilang batang lalaki kapag hindi sila nakikita ng mga guro. Nang maglaon, tumigil na rin sila, pero sinabi sa akin maging ng mga kaibigan ko na pinagbawalan sila ng kanilang mga ama na makipaglaro sa akin. Masyado raw akong mapanganib.

Pagkalipas ng dalawang buwan matapos humawak ng kapangyarihan ang mga Nazi sa Alemanya, ipinagbawal nila ang mga Saksi ni Jehova dahil itinuturing silang panganib sa Estado. Isinara ng mga storm trooper (malulupit na hukbong Nazi) ang tanggapan sa Magdeburg at ipinagbawal ang aming mga pagpupulong. Gayunman, yamang nakatira kami malapit sa hanggahan, nakakuha ng pahintulot si Itay para makatawid kami patungong Basel, kung saan kami dumadalo ng pulong tuwing Linggo. Lagi niyang sinasabi na sana’y makatanggap din ng gayong espirituwal na pagkain ang mga kapatid sa Alemanya upang matulungan silang harapin ang kinabukasan nang may lakas ng loob.

Mapanganib na mga Pamamasyal

Pagkatapos isara ang tanggapan sa Magdeburg, isang dating tauhan doon, si Julius Riffel, ang dumating sa Lörrach, ang tinubuang bayan niya, upang mag-organisa ng palihim na gawaing pangangaral. Agad na nag-alok ng tulong si Itay. Pinaupo niya kami ni Inay at ipinaliwanag niyang sumang-ayon siya na tumulong sa pagdadala ng mga literatura sa Bibliya mula Switzerland patungong Alemanya. Sinabi niya na lubhang mapanganib ito at na maaari siyang maaresto anumang oras. Hindi niya kami inobliga na masangkot dito sapagkat manganganib rin kami. Agad na sinabi ni Inay, “Kasama mo ako.” Sabay silang tumingin sa akin, at sinabi ko naman, “Kasama rin po ninyo ako!”

Gumawa si Inay ng isang ginantsilyong hanbag na halos kasinlaki ng magasing Bantayan. Ipinapasok niya ang literatura sa isang bukasan sa tagiliran ng hanbag at pagkatapos ay isinasara ito sa pamamagitan ng gantsilyo. Gumawa siya ng panloob na mga bulsa sa mga damit ni Itay at ng dalawang damit-panloob na maaari naming paglagyan ni Inay ng maliliit na mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya nang hindi madaling napupuna. Sa tuwing matagumpay naming naiuuwi ang aming lihim na kayamanan, nakahihinga kami nang maluwag at nagpapasalamat kay Jehova. Itinago namin ang mga literatura sa aming atik.

Noong una, hindi kami pinaghinalaan ng mga Nazi. Hindi nila kami pinagtatatanong ni hinalughog man ang aming bahay. Gayunpaman, nagpasiya kaming gumamit ng kodigo upang babalaan ang aming mga kapatid kung sakali mang magkaproblema​—4711, ang tatak ng isang kilalang pabango. Kung mapanganib na pumunta sa aming bahay, bababalaan namin sila​—na ginagamit sa paanuman ang bilang na iyon. Sinabi rin sa kanila ni Itay na tumingin muna sa mga bintana ng aming salas bago pumasok sa bahay. Kung nakabukas ang kaliwang bintana, may masamang nangyari, at dapat silang lumayo.

Noong 1936 at 1937, nagsagawa ng lansakang pag-aresto ang Gestapo at ipiniit ang libu-libong Saksi sa mga bilangguan at kampong piitan, kung saan napakalupit at makahayop silang pinakitunguhan. Ang tanggapang pansangay sa Bern, Switzerland, ay nagsimulang magtipon ng mga ulat, kasali na ang mga ulat na ipinuslit mula sa mga kampo, na nang maglaon ay inilimbag bilang aklat na pinamagatang Kreuzzug gegen das Christentum (Krusada Laban sa Kristiyanismo), na nagsisiwalat sa mga krimeng ginawa ng mga Nazi. Pinasimulan namin ang mapanganib na paghahatid ng lihim na mga ulat patawid ng hanggahan patungong Basel. Kapag natuklasan ng mga Nazi ang dala naming ipinagbabawal na mga dokumento, kaagad kaming ibibilanggo. Umiiyak ako samantalang binabasa ang mga pagpapahirap na dinaranas ng ating mga kapatid. Gayunman, hindi ako natakot. Nagtitiwala ako na hindi ako pababayaan ni Jehova at ng aking mga magulang, na siyang pinakamatalik kong mga kaibigan.

Nakatapos ako ng pag-aaral sa edad na 14 at nagtrabaho bilang klerk sa isang tindahan ng hardwer. Kadalasan, tuwing Sabado ng hapon o Linggo kami naghahatid ng mga literatura, kapag walang pasok si Itay. Karaniwan na, ginagawa namin ito tuwing ikalawang linggo. Tulad lamang kami ng iba pang pamilya na lumalabas upang mamasyal tuwing dulong sanlinggo, at sa loob ng halos apat na taon, hindi kami pinahinto ni kinapkapan man ng mga guwardiya sa hanggahan​—subalit nagbago ang lahat isang araw noong Pebrero 1938.

Natuklasan!

Hindi ko malimutan ang reaksiyon ng aking ama nang dumating kami sa pinagkukunan namin ng literatura malapit sa Basel at makita ang napakaraming salansan ng mga literatura na kailangan naming dalhin. Naaresto ang isang pamilyang nagdadala ng literatura, kaya kailangan naming dalhin ang karagdagang mga aklat na ito. Pagdating sa hanggahan, pinaghinalaan kami ng opisyal ng adwana at pinakapkapan kami. Nang makita niya ang mga aklat, tinutukan niya kami ng baril at pinalakad patungo sa sasakyan ng mga pulis. Nang paandarin ng mga opisyal ang sasakyan, mahigpit na hinawakan ni Itay ang kamay ko at bumulong: “Huwag kang magtraidor. Huwag mong ipagkanulo ang sinuman!” “Umasa po kayo,” tiniyak ko sa kaniya. Pagdating namin sa Lörrach, isinama nila ang mahal kong ama. Nakita ko siya sa huling pagkakataon samantalang isinasara ang pintuan ng bilangguan.

Sa loob ng apat na oras, pinagtatanong ako ng apat na tauhan ng Gestapo at pinipilit akong ibigay ang mga pangalan at adres ng iba pang mga Saksi. Nang tumanggi ako, nagalit ang isang opisyal at nagbanta, “May iba pa kaming paraan para mapagsalita ka!” Wala akong isiniwalat na anuman. Pagkatapos ay dinala nila kami ni Inay sa aming bahay, na hinalughog nila sa kauna-unahang pagkakataon. Ibinilanggo nila ang aking ina at inihatid ako sa bahay ng aking tiyahin upang doon tumira, palibhasa’y hindi nila alam na Saksi rin siya. Bagaman pinahintulutan akong magtrabaho, araw-araw na ipinaparada ng apat na tauhan ng Gestapo ang kanilang sasakyan sa harap ng bahay upang manmanan ang bawat kilos ko samantalang isang pulis naman ang nagpapatrulya sa bangketa.

Pagkalipas ng ilang araw, lumabas ako ng bahay sa oras ng pananghalian at nakita ko ang isang kabataang sister na nagbibisikleta papalapit sa akin. Habang papalapit siya, napansin kong may ihahagis siyang isang piraso ng papel sa akin. Pagkasalo ko nito, agad akong lumingon upang tingnan kung nakita ba ng Gestapo ang ginawa ko. Laking gulat ko, nang mismong oras na iyon, hindi nila ako nakita dahil tawa sila nang tawa!

Nakasaad sa papel na ibinigay ng sister na pumunta ako sa bahay ng kaniyang mga magulang sa katanghaliang-tapat. Subalit minamanmanan ako ng Gestapo, at hindi ko magagawang ipahamak ang kaniyang mga magulang. Tumingin ako sa apat na tauhan ng Gestapo na nasa sasakyan at pagkatapos ay sa pulis na nagpapatrulya nang paroo’t parito sa lansangan. Hindi ko alam ang gagawin ko, kaya nanalangin ako nang marubdob kay Jehova para tulungan ako. Biglang-bigla, lumapit ang pulis sa sasakyan ng Gestapo at nakipag-usap sa mga lalaki. Pagkatapos ay sumakay siya sa kanilang sasakyan, at umalis na sila!

Nang sandaling iyon, naglalakad sa di-kalayuan ang aking tiyahin. Lagpas na nang tanghali noon. Binasa niya ang nakasaad sa papel at ipinasiya niyang pumunta kami sa bahay gaya ng itinagubilin, anupat ipinapalagay na isinaayos ng mga kapatid na dalhin ako sa Switzerland. Pagdating namin doon, ipinakilala sa akin ng pamilya ang isang lalaking noon ko lamang nakita, si Heinrich Reiff. Sinabi niya sa akin na natutuwa siyang nakarating ako nang ligtas at na dumating siya upang tulungan akong makatakas patungong Switzerland. Binigyan niya ako ng kalahating oras upang makipagkita sa kaniya sa kakahuyan.

Buhay Bilang Isang Tapon

Nakipagtagpo ako kay Brother Reiff habang lumuluha, lungkot na lungkot dahil maiiwan ko ang aking mga magulang. Napakabilis ng mga pangyayari. Pagkatapos ng ilang maiigting na sandali, nakihalubilo kami sa isang grupo ng mga turista at tumawid nang ligtas sa hanggahan ng Switzerland.

Pagdating ko sa tanggapang pansangay sa Bern, nalaman kong isinaayos pala ng mga kapatid doon ang aking pagtakas. May-kabaitan nila akong pinaglaanan ng matutuluyan. Nagtrabaho ako sa kusina, na nagustuhan ko nang husto. Subalit napakahirap mamuhay bilang isang tapon, anupat hindi nalalaman kung ano ang mangyayari sa aking mga magulang, na kapuwa sinentensiyahang mabilanggo nang dalawang taon! Paminsan-minsan, nadaraig ako ng pamimighati at kabalisahan, at nagkukulong ako sa banyo upang doon umiyak. Pero nagawa ko namang makipagsulatan nang regular sa aking mga magulang, at pinatibay nila ako na manatiling matapat.

Palibhasa’y naantig ako sa halimbawa ng pananampalataya ng aking mga magulang, inialay ko ang aking buhay kay Jehova at nagpabautismo noong Hulyo 25, 1938. Pagkatapos manatili nang isang taon sa Bethel, nagtrabaho naman ako sa Chanélaz, isang bukid na binili ng sangay sa Switzerland upang maglaan ng pagkain sa pamilyang Bethel at magsilbing tuluyan ng mga kapatid na nagsitakas dahil sa pag-uusig.

Nang matapos ang sentensiyang pagkakabilanggo ng aking mga magulang noong 1940, sinabi ng mga Nazi na makalalaya lamang sila kung itatakwil nila ang kanilang pananampalataya. Palibhasa’y nanindigan, dinala sila sa mga kampong piitan, si Itay sa Dachau at si Inay naman sa Ravensbrück. Noong taglamig ng 1941, ang aking ina at ang iba pang kababaihang Saksi sa kampo ay tumangging magtrabaho para sa militar. Bilang parusa, 3 araw at 3 gabi silang pinatayo sa labas na doo’y napakaginaw, at saka sila ikinulong sa madidilim na selda at binigyan lamang ng kaunting pagkain sa loob ng 40 araw. Pagkatapos ay pinagpapalo sila. Namatay si Inay noong Enero 31, 1942, tatlong linggo makaraan ang malupit na pambubugbog.

Inilipat si Itay mula Dachau patungong Mauthausen sa Austria. Sa kampong ito, sistematikong pinatay ng mga Nazi ang mga bilanggo sa pamamagitan ng paggutom sa kanila at pagpapatrabaho nang mabigat. Subalit anim na buwan pagkamatay ni Inay, pinatay ng mga Nazi ang aking ama sa naiibang pamamaraan​—ginawa siyang eksperimento sa medisina. Ang mga bilanggong gagamitin sa eksperimento ay sadyang hinawahan ng tuberkulosis ng mga doktor sa kampo. Pagkatapos, tinurukan ang mga bilanggo ng nakamamatay na kemikal sa puso. Sinasabi ng opisyal na rekord na namatay si Itay dahil sa “mahinang kalamnan ng puso.” Siya’y 43 taóng gulang noon. Nabalitaan ko lamang ang makahayop na pamamaslang na iyon pagkalipas ng ilang buwan. Naiiyak pa rin ako kapag naaalaala ko ang aking mahal na mga magulang. Subalit, kahit noon pa man, naaaliw akong malaman na sina Inay at Itay, na may makalangit na pag-asa, ay ligtas sa mga kamay ni Jehova.

Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, nagkapribilehiyo akong mag-aral sa ika-11 klase ng Watchtower Bible School of Gilead sa New York. Lubha akong nasiyahan sa limang buwan ng puspusang pag-aaral ng Kasulatan! Sa gradwasyon noong 1948, ipinadala ako sa Switzerland upang maglingkod bilang misyonera. Di-nagtagal pagkatapos nito, nakilala ko si James L. Turpin, isang tapat na kapatid na nagtapos sa ikalimang klase ng Gilead. Nang itatag ang unang tanggapang pansangay sa Turkey, naglingkod siya bilang tagapangasiwa nito. Nagpakasal kami noong Marso 1951, at di-nagtagal ay nalaman namin na magiging mga magulang na kami! Lumipat kami sa Estados Unidos at doon ko ipinanganak ang aming sanggol na babae, si Marlene, noong Disyembre ng taóng iyon.

Sa loob ng maraming taon, nakasumpong kami ni Jim ng masidhing kagalakan sa paglilingkod sa Kaharian. Nasisiyahan ako kapag naaalaala ko ang isang estudyante sa Bibliya, isang dalagang Tsino na nagngangalang Penny, na wiling-wili sa pag-aaral ng Bibliya. Nabautismuhan siya at nang maglaon ay napangasawa ni Guy Pierce, na naglilingkod ngayon bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Ang minamahal na mga kapatid na katulad niya ay nakatulong para maibsan ang pangungulila ko sa aking mga magulang.

Noong pasimula ng 2004, ang mga kapatid sa Lörrach, ang tinubuang bayan ng aking mga magulang, ay nagtayo ng isang bagong Kingdom Hall sa Stich Street. Palibhasa’y kinikilala ang nagawa ng mga Saksi ni Jehova, ipinasiya ng sangguniang panlunsod na palitan ang pangalan ng lansangan at gawing Denzstraße (Kalye Denz) bilang parangal sa aking mga magulang. Ang Badische Zeitung, isang lokal na pahayagan, sa ilalim ng ulong balita na “Bilang Pag-alaala sa Pinaslang na Mag-asawang Denz: Bagong Pangalan ng Lansangan,” ay nagsasabi na ang aking mga magulang ay “pinaslang sa kampong piitan sa panahon ng Third Reich dahil sa kanilang pananampalataya.” Hindi ko inaasahan na gagawin ito ng sangguniang panlunsod subalit nakaaantig ng damdamin ang pagbabagong ito ng mga kalagayan.

Madalas noong sabihin ni Itay na dapat kaming magplano nang patiuna na para bang hindi darating sa aming panahon ang Armagedon subalit mamuhay na para bang darating na ito bukas​—isang mahalagang payo na lagi kong sinisikap sundin. Hindi laging madaling pagtimbangin ang pagtitiis at ang may-pananabik na pag-asam, lalo na ngayong hindi ako makaalis ng bahay dahil sa mga pinsalang dulot ng pagtanda. Gayunman, hindi ako nag-aalinlangan sa pangako ni Jehova sa lahat ng kaniyang tapat na mga lingkod: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso . . . Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”​—Kawikaan 3:5, 6.

[Kahon/​Larawan sa pahina 29]

PINAKAMAMAHAL NA MGA LIHAM NOONG NAKALIPAS

Isang babae na nakatira sa malayong nayon ang dumalaw sa Lörrach noong dekada ng 1980. Noong panahong iyon, idinidispatsa ng taong-bayan ang hindi na nila kailangang mga gamit sa isang pampublikong lugar at maaari itong pagpilian at iuwi ng iba kung nais nila. Nasumpungan ng babaing ito ang isang kahon ng mga gamit sa pananahi at iniuwi ito. Nang maglaon, nakita niya sa ilalim ng kahong ito ang mga litrato ng isang batang babae at mga liham na nakasulat sa papel na ginagamit sa kampong piitan. Lubhang naging interesado ang babaing ito sa mga liham at nagtataka siya kung sino ang maliit na batang babaing ito na nakatirintas ang buhok.

Isang araw noong taóng 2000, nakita ng babaing ito ang isang artikulo sa diyaryo hinggil sa makasaysayang eksibit sa Lörrach. Inilarawan sa artikulo ang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova noong panahon ng mga Nazi, kasali na ang kasaysayan ng aming pamilya. Nakalimbag dito ang mga litrato ko noong ako’y tin-edyer pa. Nang makita niya ang mga pagkakatulad, nakipag-ugnayan siya sa peryodista at binanggit dito ang tungkol sa mga liham​—lahat-lahat ay 42! Makalipas ang ilang linggo, nasa akin na ang mismong mga liham na ito. Sulat-kamay ito ng aking mga magulang at lagi nilang itinatanong sa aking tiyahin ang tungkol sa kalagayan ko. Hindi kailanman naglaho ang kanilang maibiging pagkabahala sa akin. Talagang kamangha-mangha na naingatan ang mga liham na ito at lumitaw pagkalipas ng mahigit na 60 taon!

[Mga larawan sa pahina 25]

Nagkawatak-watak ang aming maligayang pamilya nang humawak ng kapangyarihan si Hitler

[Credit Line]

Hitler: U.S. Army photo

[Mga larawan sa pahina 26]

1. Ang tanggapan sa Magdeburg

2. Libu-libong Saksi ang inaresto ng Gestapo

[Larawan sa pahina 28]

Nakasumpong kami ni Jim ng masidhing kagalakan sa paglilingkod sa Kaharian