Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tama at Mali—Paano Ka ba Dapat Magpasiya?

Tama at Mali—Paano Ka ba Dapat Magpasiya?

Tama at Mali​—Paano Ka ba Dapat Magpasiya?

SINO ang may awtoridad na magtakda ng mga pamantayan ng tama at ng mali? Bumangon ang tanong na iyan sa simula pa lamang ng kasaysayan ng tao. Ayon sa aklat ng Bibliya na Genesis, itinalaga ng Diyos ang isang punungkahoy na nasa hardin ng Eden bilang “ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 2:9) Inutusan ng Diyos ang unang mag-asawang tao na huwag kainin ang bunga ng punungkahoy na ito. Gayunman, iminungkahi ng kaaway ng Diyos, si Satanas na Diyablo, na kung kakain sila mula sa punungkahoy na ito, ang kanilang mga mata ay “madidilat” at sila ay “magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”​—Genesis 2:16, 17; 3:1, 5; Apocalipsis 12:9.

Kinailangang magpasiya sina Adan at Eva​—dapat ba nilang sundin ang mga pamantayan ng Diyos tungkol sa mabuti at masama o dapat na ang kanila ang masunod? (Genesis 3:6) Pinili nilang suwayin ang Diyos at kumain mula sa punungkahoy. Ano ang ipinahiwatig ng simpleng pagkilos na ito? Sa pagtangging igalang ang mga hangganang itinakda ng Diyos sa kanila, iginiit nila na sila at ang kanilang mga supling ay mapapabuti kung sila ang mismong magtatakda ng mga pamantayan ng tama at ng mali. Gaano ba katagumpay ang sangkatauhan sa pagtatangkang tularan ang kapangyarihang ito ng Diyos?

Nagkakaibang mga Opinyon

Matapos repasuhin ang mga turo ng mga prominente at palaisip na mga tao sa nakalipas ng mga siglo, sinasabi sa Encyclopædia Britannica na mula noong panahon ng pilosopong Griego na si Socrates hanggang sa ika-20 siglo, nagkaroon ng “paulit-ulit na mga debate tungkol sa kung ano nga ba ang kabutihan at kung ano ang pamantayan ng tama at ng mali.”

Halimbawa, ang mga Sopista ay isang prominenteng grupo ng mga gurong Griego noong ikalimang siglo B.C.E. Itinuro nila na ang opinyon ng nakararami ang nagtatakda ng mga pamantayan ng tama at ng mali. Ganito ang sabi ng isa sa gayong mga guro: “Anumang bagay ang itinuturing ng bawat lunsod na matuwid at mainam, iyon ang matuwid at mainam para sa mga tao sa lunsod na iyon, hangga’t gayon ang palagay nila.” Kung ito ang pagbabatayan ni Jodie, na nabanggit sa naunang artikulo, dapat nga niyang kunin ang pera yamang ganiyan ang malamang na gagawin ng karamihan sa mga tao sa kanilang lugar, o “lunsod.”

Iba naman ang pangmalas na ipinahayag ni Immanuel Kant, isang kilalang pilosopo noong ika-18 siglo. Ganito ang sabi ng babasahing Issues in Ethics: “Si Immanuel Kant at ang ibang gaya niya . . . ay nagtuon ng pansin sa karapatan ng bawat isa na pumili para sa kaniyang sarili.” Ayon sa pilosopiya ni Kant, hangga’t hindi nilalabag ni Jodie ang karapatan ng iba, nasa kaniya na kung kukunin man niya ang pera o hindi. Hindi niya dapat hayaang maimpluwensiyahan ng opinyon ng nakararami ang kaniyang mga pamantayan.

Kaya paano ba nilutas ni Jodie ang kaniyang problema? Iba ang kaniyang pinili. Ikinapit niya ang turo ni Jesu-Kristo, ang isa na may mga pamantayan sa moral na pinuri kapuwa ng mga Kristiyano at mga di-Kristiyano. Itinuro ni Jesus: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Nagulat ang kaniyang kliyente nang iabot sa kaniya ni Jodie ang $82,000. Nang tanungin siya kung bakit hindi niya iyon kinuha, ipinaliwanag ni Jodie na isa siyang Saksi ni Jehova at sinabi: “Hindi sa akin ang pera.” Sinunod ni Jodie ang mga salita ni Jesus na nakaulat sa Bibliya sa Mateo 19:18: “Huwag kang magnanakaw.”

Maaasahan Bang Patnubay ang Opinyon ng Nakararami?

Baka sabihin ng ilang tao na isang kamangmangan ang pagiging labis na matapat ni Jodie. Subalit ang opinyon ng nakararami ay di-maaasahang patnubay. Halimbawa, kung nabuhay ka sa isang lipunan na doo’y pinaniniwalaan ng nakararami na katanggap-tanggap ang paghahain ng mga bata, gaya ng inakala ng ilang lipunan noong nakalipas na panahon, magiging tama ba ang gawaing iyon? (2 Hari 16:3) Paano kung isinilang ka sa isang lipunan na nagtuturing na isang kagalingan ang kanibalismo? Mangangahulugan ba iyan na hindi naman talaga masamang kainin ang laman ng tao? Hindi nagiging tama ang isang gawain dahil lamang sa ito ay popular. Matagal nang nagbabala ang Bibliya laban sa silong iyan, sa pagsasabi: “Huwag kang susunod sa karamihan ukol sa masasamang pakay.”​—Exodo 23:2.

Tinukoy ni Jesu-Kristo ang isa pang dahilan kung bakit dapat magpakaingat sa paggamit sa opinyon ng nakararami bilang patnubay sa kung ano ang tama at ang mali. Ibinunyag niya na si Satanas “ang tagapamahala ng sanlibutan.” (Juan 14:30; Lucas 4:6) Ginagamit ni Satanas ang kaniyang posisyon upang iligaw ang “buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Kaya naman, kung itatakda mo ang iyong mga pamantayan ng tama at ng mali batay lamang sa opinyon ng nakararami, baka sinusunod mo na ang pangmalas ni Satanas sa moralidad, at tiyak na kapaha-pahamak iyan.

Mapagkakatiwalaan Mo ba ang Iyong Sariling Pagpapasiya?

Kung gayon, ang bawat tao ba ang dapat magpasiya para sa kaniyang sarili kung ano ang tama at ang mali? Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa.” (Kawikaan 3:5) Bakit? Sapagkat minana ng lahat ng tao ang isang saligang kapintasan na maaaring pumilipit sa kanilang pagpapasiya. Nang maghimagsik sa Diyos sina Adan at Eva, sinunod nila ang mga pamantayan ng sakim at traidor na si Satanas at pinili siya bilang kanilang espirituwal na ama. Pagkatapos ay ipinasa nila sa kanilang mga supling ang isang katangian ng pamilya​—isang mapandayang puso na may kakayahang makilala ang tama ngunit may hilig na gawin ang mali.​—Genesis 6:5; Roma 5:12; 7:21-24.

Tungkol sa etika, ganito ang sabi ng Encyclopædia Britannica: “Waring hindi kataka-taka na alam ng mga tao ang tama na dapat nilang gawin subalit sa halip ay ginagawa naman ang ayon sa kanilang mga interes. Isang malaking suliranin pa rin sa etika ng mga taga-Kanluran kung paano bibigyan ng mga dahilan ang gayong mga tao para gawin ang tama.” Tama ang pagkakasabi ng Bibliya tungkol dito: “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib. Sino ang makakakilala nito?” (Jeremias 17:9) Pagtitiwalaan mo ba ang isang tao na kilala sa pagiging mapandaya at mapanganib?

Totoo, kahit yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay may kakayahang kumilos sa paraang matuwid sa moral at magkaroon ng praktikal at marangal na mga pamantayan sa etika. Subalit kadalasan, nakikita ang pamantayang moral ng Bibliya sa mahuhusay na simulaing nakapaloob sa kanilang mga pamantayan. Bagaman maaaring itanggi ng gayong mga tao ang pag-iral ng Diyos, ipinakikita ng kanilang mga ideya na sila ay may likas na kakayahang ipaaninaw ang personalidad ng Diyos. Pinatutunayan nito na gaya ng isinisiwalat sa Bibliya, ang tao sa pasimula ay nilalang “sa larawan ng Diyos.” (Genesis 1:27; Gawa 17:26-​28) Sinabi ni apostol Pablo: “Sila mismo ang nagpapakita na ang diwa ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso.”​—Roma 2:15.

Sabihin pa, isang bagay ang malaman kung ano ang tama; ibang bagay naman ang magkaroon ng katatagan ng loob na gawin ang tama. Paano nagkakaroon ang isa ng kinakailangang katatagan ng loob? Yamang puso ang gumaganyak ng pagkilos, ang paglinang ng pag-ibig sa Awtor ng Bibliya, ang Diyos na Jehova, ay makatutulong sa isang tao na magkaroon ng ganiyang katatagan.​—Awit 25:4, 5.

Magkaroon ng Katatagan na Gawin ang Mabuti

Ang unang hakbang para matutuhang ibigin ang Diyos ay ang tuklasin na talaga ngang makatuwiran at praktikal ang kaniyang mga utos. “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos,” ang sabi ni apostol Juan, “na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.” (1 Juan 5:3) Halimbawa, naglalaman ang Bibliya ng praktikal na payo na makatutulong sa mga kabataan na makilala ang tama at ang mali kapag nagpapasiya kung dapat silang uminom ng alak, gumamit ng droga, o makipagtalik bago magpakasal. Makatutulong ang Bibliya sa mga mag-asawa na maunawaan kung paano lulutasin ang mga di-pagkakaunawaan, at makapaglalaan ito sa mga magulang ng mga alituntunin sa pagpapalaki sa mga anak. * Kapag ikinapit, pakikinabangan ng mga bata at matatanda ang mga pamantayang moral ng Bibliya, anuman ang kanilang katayuan sa lipunan, natapos sa paaralan, o kulturang pinagmulan.

Kung paanong ang nakapagpapalusog na pagkain ay nagbibigay sa iyo ng lakas upang makapagtrabaho, ang pagbabasa ng Salita ng Diyos ay nagbibigay sa iyo ng katatagan na mamuhay ayon sa kaniyang mga pamantayan. Itinulad ni Jesus ang pananalita ng Diyos sa tinapay na tumutustos ng buhay. (Mateo 4:4) Sinabi rin niya: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” (Juan 4:34) Natulungan si Jesus na tanggihan ang mga tukso at gumawa ng matatalinong pasiya dahil sa pagkuha niya ng espirituwal na pagkain mula sa salita ng Diyos.​—Lucas 4:1-13.

Sa simula, baka mahirapan kang kumuha ng espirituwal na pagkain mula sa Salita ng Diyos at sundin ang kaniyang mga pamantayan. Ngunit alalahanin mo na noong bata ka pa, baka hindi mo rin gusto ang lasa ng mga pagkain na makabubuti sa iyo. Upang lumaking malakas, kinailangan mong matutuhang masiyahan sa gayong nakapagpapalusog na pagkain. Gayundin, mangangailangan ng panahon upang magkaroon ka ng pagkahilig sa mga pamantayan ng Diyos. Kung magtitiyaga ka, matututuhan mong mahalin ang mga ito at maging malakas sa espirituwal. (Awit 34:8; 2 Timoteo 3:15-​17) Matututo kang magtiwala kay Jehova at magaganyak na ‘gumawa ng mabuti.’​—Awit 37:3.

Baka hindi ka naman mapaharap sa isang situwasyon na kagaya ng napaharap kay Jodie. Gayunpaman, bawat araw ay gumagawa ka ng mga pasiya may kinalaman sa etika, maliliit at malalaki. Kaya hinihimok ka ng Bibliya: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kawikaan 3:5, 6) Hindi ka lamang makikinabang ngayon sa pagkatutong magtiwala kay Jehova kundi mabubuksan din sa iyo ang pagkakataong mabuhay magpakailanman, sapagkat ang pagsunod sa Diyos na Jehova ay aakay sa buhay.​—Mateo 7:13, 14.

[Talababa]

^ par. 18 Masusumpungan ang praktikal na mga payo mula sa Bibliya hinggil dito at sa iba pang mahahalagang paksa sa mga aklat na Mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas at Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 6]

Maaaring naiimpluwensiyahan ng di-nakikitang mga puwersa ang opinyon ng nakararami

[Mga larawan sa pahina 5]

Sa nakalipas na mga panahon, pinagtalunan ng mga taong palaisip ang usapin sa kung ano ang tama at ang mali

SOCRATES

KANT

CONFUCIUS

[Credit Lines]

Kant: Mula sa aklat na The Historian’s History of the World; Socrates: Mula sa aklat na A General History for Colleges and High Schools; Confucius: Sung Kyun Kwan University, Seoul, Korea

[Mga larawan sa pahina 7]

Hindi lamang tayo tinutulungan ng Bibliya na makilala ang tama at ang mali kundi ginaganyak din tayo nito na gawin ang tama