Isang Kapanganakang Hindi Malilimutan
Isang Kapanganakang Hindi Malilimutan
“Ipinanganak sa inyo ngayon ang isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon.”—Lucas 2:11.
MGA dalawang libong taon na ang nakalilipas, isang babae sa bayan ng Betlehem ang nagsilang ng isang sanggol na lalaki. Iilang tagaroon lamang ang nakabatid sa kahalagahan ng kapanganakang ito. Subalit ang ilang pastol, na nagpapalipas ng gabi kasama ng kanilang mga kawan sa parang, ay nakakita ng maraming anghel at narinig nilang umaawit ang mga ito: “Kaluwalhatian sa kaitaasan sa Diyos, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.”—Lucas 2:8-14.
Pagkatapos ay nasumpungan ng mga pastol si Maria at ang kaniyang asawa, si Jose, sa isang kuwadra, gaya ng sinabi ng mga anghel. Pinangalanan ni Maria ang bata na Jesus, at inihiga niya ito sa sabsaban sa kuwadra. (Lucas 1:31; 2:12) Ngayon, pagkalipas ng dalawang libong taon, halos sangkatlo ng buong sangkatauhan ang nag-aangking sumusunod kay Jesu-Kristo. At ang mga pangyayaring naganap noong kaniyang kapanganakan ang saligan ng isang kuwento na malamang ay mas madalas ilahad kaysa sa lahat ng iba pang kuwento sa kasaysayan ng tao.
Ang Espanya, isang bansa na mahigpit ang kapit sa tradisyong Katoliko at mahusay sa pagdaraos ng tradisyonal na mga kapistahan, ay nakagawa ng maraming paraan upang alalahanin ang natatanging gabing iyon sa Betlehem.
Ang Pasko sa Espanya
Mula noong ika-13 siglo, ang Belen ang isa sa mga pinakapamilyar na aspekto ng mga pagdiriwang sa Espanya. Maraming pamilya ang gumagawa ng maliit na modelo ng sabsaban kung saan inihiga si Jesus. Inilalarawan ng mga pigurang gawa sa luwad ang mga pastol at mga Mago (o “tatlong hari”), gayundin sina Jose, Maria, at si Jesus. Ang mas malalaking Belen na may mga pigurang halos kasinlaki ng tao ay madalas na inilalagay malapit sa mga munisipyo sa panahon ng Pasko. Lumilitaw na pinasinayaan ni Francis ng Assisi ang kostumbreng ito sa Italya upang ituon ang pansin ng mga tao sa kapanganakan ni Jesus ayon sa ulat ng mga Ebanghelyo. Nang maglaon, naging tanyag ito sa Espanya at sa maraming iba pang bansa dahil sa mga mongheng Pransiskano.
May prominenteng papel na ginagampanan ang mga Mago sa mga pagdiriwang ng Pasko sa Espanya, na kagayang-kagaya ng papel ni Santa Claus sa ibang mga bansa. Ipinapalagay na ang mga Mago ay nagbibigay ng mga regalo sa mga batang Kastila tuwing Enero 6, Día de Reyes (Araw ng mga Hari), kung paanong nagdala noon ang mga Mago ng mga regalo sa kasisilang na si Jesus, ayon sa popular na paniniwala. Gayunman, iilang tao lamang ang nakaaalam na hindi binabanggit ng ulat ng Ebanghelyo kung gaano karaming Mago ang dumalaw kay Jesus. Sa halip na mga hari, sila ay may-katumpakang ipinakilala bilang mga astrologo. * Karagdagan pa, pagkatapos ng pagdalaw ng mga Mago, ipinapatay ni Herodes ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem “mula dalawang taóng gulang pababa” sa kaniyang pagtatangkang patayin si Jesus. Ipinahihiwatig nito na ang kanilang pagdalaw ay naganap mga ilang panahon na ang lumipas pagkatapos maipanganak si Jesus.—Mateo 2:11, 16.
Mula noong ika-12 siglo, itinatanghal sa teatro ng ilang bayan sa Espanya ang kapanganakan ni Jesus, pati na ang pagdalaw ng mga pastol sa Betlehem at nang maglaon ay ang pagbisita ng mga Mago. Sa ngayon, idinaraos ng karamihan sa mga lunsod sa Espanya ang isang cabalgata, o parada, tuwing Enero 5, kung kailan sumasakay ang “tatlong hari” sa magagarbong karosa sa sentro ng lunsod at namimigay ng mga kendi sa mga tagapagmasid. Ang tradisyonal na mga dekorasyon sa Pasko at villancicos (mga awiting pamasko) ay nagbibigay-buhay sa kapistahan.
Gustung-gusto ng karamihan sa mga pamilyang Kastila na mag-Noche Buena (Disyembre 24). Kasama sa tradisyonal na salu-salo ang mga pagkaing gaya ng turrón (mga minatamis na gawa sa almendras at pulot-pukyutan), marzipan, pinatuyong mga prutas, inihaw na tupa, at pagkaing-dagat. Ang mga miyembro ng pamilya, maging ang mga nakatira sa malalayong lugar, ay maaari pa ngang gumawa ng pantanging pagsisikap upang magsama-sama sa okasyong ito. Sa isa pang tradisyonal na salu-salo, tuwing Enero 6, kinakain ng pamilya ang isang roscón de reyes, isang hugis-singsing na keyk ng “mga Hari” na may sorpresa (isang maliit na pigurin) na nakatago sa loob. Sa isang katulad na kostumbre noong panahon ng mga Romano, ang isang alipin na nakakuha ng bahaging nagtataglay ng nakatagong bagay ay ginagawang “hari” sa loob ng isang araw.
“Ang Pinakamasaya at Pinakaabalang Panahon ng Taon”
Anumang lokal na kostumbre ang umiral, ang Pasko ang naging pangunahing kapistahan ng daigdig. Inilalarawan ng The World Book Encyclopedia ang Pasko bilang “ang pinakamasaya at pinakaabalang panahon ng taon para sa milyun-milyong Kristiyano at sa ilang di-Kristiyano sa buong daigdig.” Mabuti ba ito?
Maliwanag na isang makasaysayang pangyayari ang kapanganakan ni Kristo. Ang bagay na ibinalita ito ng mga anghel bilang palatandaan ng “kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob” ay malinaw na patotoo sa kahalagahan nito.
Magkagayunman, “noong sinaunang mga araw ng Kristiyanismo, hindi ipinagdiriwang ang Kapanganakan ni Jesus bilang kapistahan,” ang sabi ng peryodistang Kastila na si Juan Arias. Kung gayon, saan nagmula ang pagdiriwang ng Pasko? Ano ba ang pinakamainam na paraan upang alalahanin ang kapanganakan at buhay ni Jesus? Masusumpungan mo ang sagot sa mga tanong na ito sa susunod na artikulo.
[Talababa]
^ par. 8 Ipinaliwanag ng La Sagrada Escritura—Texto y comentario por profesores de la Compañía de Jesús (Ang Banal na Kasulatan—Teksto at Komentaryo ng mga Propesor ng Company of Jesus) na “sa mga Persiano, Medo, at Caldeo, ang mga Mago ay bumubuo ng isang uring saserdote na nagtataguyod ng siyensiya ng okulto, astrolohiya, at medisina.” Gayunpaman, pagsapit ng Edad Medya, ang grupo ng mga Mago na naglakbay para makita ang batang si Jesus ay idineklara bilang mga santo at binigyan ng mga pangalang Melchior, Gaspar, at Balthasar. Ang kanilang mga labí ay nakatago diumano sa katedral ng Cologne, Alemanya.