Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Pinahalagahan mo ba ang pagbabasa sa katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Kung gayon, tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:

Ano ang maaaring gawin ng isang Kristiyano kapag nakararanas siya ng emosyonal at espirituwal na pagkapagod?

Kailangan nating alamin ang sanhi ng ating panghihimagod. Makatutulong kung susuriin natin ang ating mga kaugalian at pag-aari, anupat inaalis ang di-kinakailangang mga pabigat. Makapagtatakda tayo ng makatotohanang mga tunguhin alinsunod sa ating mga kalagayan. Mahalaga ang pangangalaga sa ating espirituwal na kalusugan at dapat na kasali rito ang regular na pananalangin at pagbubulay-bulay.​—8/15, pahina 23-6.

Bakit literal ang pagkaunawa ng mga Saksi ni Jehova sa bilang na 144,000?

Matapos banggitin kay apostol Juan ang tungkol sa 144,000, nakita niya ang “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao.” (Apocalipsis 7:4, 9) Kung ang bilang na 144,000 ay makasagisag, mawawalan ng bisa ang paghahambing. Tinukoy ni Jesus na “munting kawan” ang mga mamamahalang kasama niya. (Lucas 12:32)​—9/1, pahina 30.

Bakit maipagbibili ng isang Israelita sa isang banyaga ang pinatay na hayop na di-pinatulo ang dugo?

Ang isang banyaga o naninirahang dayuhan na hindi naging proselita ay wala sa ilalim ng Kautusan. Kaya pinahihintulutan ang isang Israelita na ibigay o ipagbili sa kaniya ang gayong mga hayop. (Deuteronomio 14:21) Ngunit ang isang proselita ay dapat sumunod sa Kautusan at hindi siya kakain ng karne ng gayong hayop na di-pinatulo ang dugo. (Levitico 17:10)​—9/15, pahina 26.

Ano ang biomimetics, at bakit maaaring maging interesado rito ang mga Kristiyano?

Ito ang larangan ng siyensiya na naghahangad na tularan ang mga disenyong nakikita sa kalikasan. Halimbawa, nagdisenyo ng eroplano ang magkapatid na Wright matapos pag-aralan ang paglipad ng malalaking ibon. Kaya, maaaring mapakilos ang isang Kristiyano na magbigay ng kaluwalhatian sa Maylalang dahil sa biomimetics.​—10/1, pahina 9.

Sino ang tinukoy sa 2 Corinto 12:2-4 na inagaw patungo sa paraiso?

Ang tekstong iyan ay kasunod ng mga talata na doo’y ipinagtanggol ni Pablo ang kaniyang pagiging apostol. Yamang walang binabanggit ang Bibliya na ibang tao na nakaranas ng gayon at yamang si Pablo ang nagsabi sa atin ng tungkol dito, malamang na si Pablo ang nakakita sa pangitaing ito.​—10/15, pahina 8.

Ano ang ilang katangian ni Jesus na nagpaging kuwalipikado sa kaniya na maglingkod bilang Lider na pinili ng Diyos?

Nakapagpanatili ng sakdal na katapatan si Jesus, yamang siya ay naging matapat at matuwid sa kaniyang paggawi. Siya ay lubusang nakaalay sa Diyos. May matinding pagmamalasakit si Jesus sa mga tao at handa siyang magtrabaho.​—11/1, pahina 6-7.

Nasaan ang mga demonyo sa panahon ng Milenyo?

Maaari nating makatuwirang isipin na sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo, ibubulid sila sa kalaliman kasama ni Satanas. (Apocalipsis 20:1-3) Inihula sa Genesis 3:15 ang pagsugat sa ulo ng serpiyente, na dito’y kasali ang pagbubulid sa kaniya sa kalaliman sa panahon ng Milenyo. Kasali sa kaniyang binhi ang balakyot na mga anghel, o mga demonyo. Ang kanilang ipinakitang pagkatakot sa kalaliman ay nagpapahiwatig na batid nila ang napipintong pagbubulid na ito. (Lucas 8:31)​—11/15, pahina 30-1.

Bakit dapat mag-ingat ang isang tao sa pag-inom ng mga inuming de-alkohol, kahit na iniiwasan niyang uminom hanggang sa punto na mahalatang siya ay lasing na?

Hindi gaanong halata sa ilang tao ang pagkalasing kahit marami na silang nainom. Gayunman, ang isang indibiduwal ay maaaring unti-unting dumepende sa inuming de-alkohol at ‘mapaalipin sa maraming alak.’ (Tito 2:3) Nagbabala si Jesus na baka ‘mapabigatan ang isa dahil sa labis na pagkain at labis na pag-inom.’ (Lucas 21:34, 35) Hindi naman kailangang umabot sa punto na malasing muna sa pag-inom ang isang tao bago siya antukin at tamarin​—sa pisikal man o sa espirituwal na paraan.​—12/1, pahina 19-21.