Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano ba Dapat Alalahanin si Jesu-Kristo?

Paano ba Dapat Alalahanin si Jesu-Kristo?

Paano ba Dapat Alalahanin si Jesu-Kristo?

Si Jesu-Kristo “ay tiyak na isa sa pinakamaimpluwensiyang tao na nabuhay kailanman.”​—“The World Book Encyclopedia.”

KARANIWAN nang naaalaala ang dakilang mga tao dahil sa kanilang nagawa. Kung gayon, bakit naaalaala ng marami si Jesus sa kaniyang kapanganakan sa halip na sa kaniyang mga nagawa? Sa buong Sangkakristiyanuhan, natatandaan ng karamihan sa mga tao ang mga pangyayari noong isilang siya. Gaano karami ang nakaaalaala at nagsisikap na ikapit ang kaniyang pinakamahusay na turo na masusumpungan sa Sermon sa Bundok?

Sabihin pa, kapansin-pansin naman ang kapanganakan ni Jesus, pero higit na binigyang-pansin ng kaniyang sinaunang mga alagad ang kaniyang ginawa at itinuro. Tiyak na hindi kailanman nilayon ng Diyos na mangibabaw ang kapanganakan ni Kristo kaysa sa buhay nito bilang isang may-gulang na lalaki. Gayunman, nagtagumpay ang Pasko na palabuin ang pagkatao ni Kristo noong nasa lupa siya sa pamamagitan ng samu’t saring alamat at kuwentong-bayan tungkol sa Kapanganakan ni Jesus.

Isa pang nakababagabag na tanong ang bumabangon hinggil sa mga pagdiriwang ng Pasko. Kung babalik si Jesus sa lupa ngayon, ano kaya ang iisipin niya hinggil sa lantarang komersiyalismo ng Pasko? Dalawang libong taon na ang nakalilipas, dinalaw ni Jesus ang templo sa Jerusalem. Galít na galít siya sa mga tagapagpalit ng salapi at mga tagapagbentang nananamantala sa relihiyosong kapistahan ng mga Judio upang kumita ng pera. “Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito!” ang sabi niya. “Huwag na ninyong gawing bahay ng pangangalakal ang bahay ng aking Ama!” (Juan 2:13-16) Maliwanag na hindi sinang-ayunan ni Jesus ang paghahalo ng komersiyo at relihiyon.

Maraming taimtim na Katolikong Kastila ang nagpahayag ng pagkabahala sa tumitinding komersiyalismo tuwing Pasko. Subalit malamang na hindi maiiwasan ang gayong hilig sa komersiyalismo kung iisipin ang pinagmulan ng maraming kaugalian sa Pasko. Ganito ang sinabi ng peryodistang si Juan Arias: “Ang mga kabilang sa Kristiyanismo na pumupuna sa pagiging ‘pagano’ ng Pasko at sa higit na pagtutuon nito ng pansin sa kasiyahan at sa pamimili kaysa sa relihiyon, ay karaniwan nang hindi nakababatid na maging ang mismong pinagmulan ng Pasko . . . ay nahaluan ng maraming pitak ng Romanong paganong kapistahan [ng araw].”​—El País, Disyembre 24, 2001.

Nitong nakaraang mga taon, maraming peryodista at ensayklopidiyang Kastila ang nagkomento hinggil sa paganong pinagmulan ng tradisyonal na mga kapistahan ng Pasko, gayundin hinggil sa bahid ng komersiyo sa mga ito. May kinalaman sa petsa ng mga pagdiriwang ng Pasko, tuwirang sinabi ng Enciclopedia de la Religión Católica: “Ang dahilan kung bakit nagpasiya ang Simbahang Romano na itakda ang kapistahan sa petsang ito ay waring ang hilig nito na palitan ang mga kapistahang pagano ng mga kapistahang Kristiyano. . . . Alam natin na sa Roma noon, itinalaga ng mga pagano ang Disyembre 25 bilang pagdiriwang ng natalis invicti, ang kapanganakan ng ‘di-malulupig na araw.’ ”

Gayundin ang sinabi ng Enciclopedia Hispánica: “Ang petsang Disyembre 25 para sa pagdiriwang ng Pasko ay hindi resulta ng tumpak na kalkulasyon ng kaarawan [ni Jesus] kundi sa halip ay ang pagiging Kristiyano ng mga kapistahan ng winter solstice na ipinagdiriwang sa Roma.” Paano ipinagdiwang ng mga Romano ang pagsikat ng araw sa kalangitan sa panahon ng taglamig? Sa pamamagitan ng pagpipiging, walang-taros na pagsasaya, at pagpapalitan ng mga regalo. Yamang ayaw alisin ng ilang awtoridad sa simbahan ang gayong popular na kapistahan, ginawa nila itong “Kristiyano” sa pamamagitan ng pagtawag dito na kapanganakan ni Jesus sa halip na kapanganakan ng araw.

Sa umpisa, noong ikaapat at ikalimang siglo, mahirap ihinto ang pagsamba sa araw at mga kostumbre nito. Naobliga ang Katolikong si “Santo” Augustine (354-​430 C.E.) na tagubilinan ang mga kapananampalataya na huwag ipagdiwang ang Disyembre 25 na gaya ng ginagawa ng mga pagano bilang pagpaparangal sa araw. Kahit sa ngayon, waring nananaig pa rin ang impluwensiya ng sinaunang mga kapistahan ng Roma.

Ang Tamang-tamang Kapistahan Para sa Pagsasaya at Komersiyalismo

Sa loob ng maraming siglo, may mahalagang papel na ginampanan ang ilang salik sa paghubog sa Pasko upang maging pinakapopular at internasyonal na pagdiriwang para sa pagsasaya at komersiyalismo. Gayundin, ang mga kostumbre ng iba pang mga kapistahan sa taglamig, lalo na yaong mga ipinagdiriwang sa hilagang Europa, ay unti-unting inilakip sa selebrasyong katulad ng pinasimulan sa Roma. * At noong ika-20 siglo, may-pananabik na itinaguyod ng mga negosyante at espesyalista sa negosyo ang anumang kaugalian na mapagkakakitaan nang malaki.

Ano ang naging resulta? Naging mas pangunahin na ang pagdiriwang ng kapanganakan ni Kristo sa halip na ang kahalagahan nito. Sa maraming kaso, maging ang pagbanggit kay Kristo ay halos nawala na sa tradisyonal na Pasko. “[Ang Pasko] ay isang pandaigdig na kapistahang pampamilya, at ipinagdiriwang ito ng bawat isa ayon sa kani-kaniyang naiisip na paraan,” ang sabi ng pahayagang El País sa Espanya.

Ipinakikita ng komentong ito ang lumalaking tendensiya sa Espanya at sa maraming iba pang bansa sa buong daigdig. Habang lalong nagiging marangya ang mga pagdiriwang ng Pasko, nawawala naman ang kaalaman hinggil kay Kristo. Sa katunayan, lubhang bumabalik ang mga kapistahan ng Pasko sa kung ano ito noong panahon ng mga Romano​—walang-taros na pagsasaya, pagpipiging, at pagpapalitan ng mga regalo.

Isang Bata ang Ipinanganak sa Atin

Kung ang tradisyonal na Pasko ay wala talagang kinalaman kay Kristo, paano ba dapat alalahanin ng tunay na mga Kristiyano ang kapanganakan at buhay ni Kristo? Pitong siglo bago isilang si Jesus, inihula ni Isaias ang hinggil sa kaniya: “Isang bata ang ipinanganak sa atin, isang anak na lalaki ang ibinigay sa atin; at ang pamamahala bilang prinsipe ay maaatang sa kaniyang balikat.” (Isaias 9:6) Bakit ipinahiwatig ni Isaias na ang kapanganakan ni Jesus at ang kaniyang gagampanang papel ay magiging napakahalaga? Dahil magiging isang makapangyarihang tagapamahala si Jesus. Tatawagin siyang Prinsipe ng Kapayapaan, at hindi magkakaroon ng wakas ang kapayapaan o ang kaniyang pamamahala bilang prinsipe. Karagdagan pa, ang pamamahala ni Jesus ay aalalayan “sa pamamagitan ng katarungan at sa pamamagitan ng katuwiran.”​—Isaias 9:7.

Inulit ni anghel Gabriel ang inihayag ni Isaias nang ibalita niya kay Maria ang nalalapit na kapanganakan ni Jesus. “Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan,” ang inihula niya. “At ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya ay mamamahala bilang hari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.” (Lucas 1:32, 33) Maliwanag, ang pangunahing kahalagahan ng kapanganakan ni Jesus ay may kinalaman sa gawaing isasakatuparan ni Kristo bilang inatasang Hari ng Kaharian ng Diyos. Maaaring makinabang ang lahat sa pamamahala ni Kristo, pati na ikaw at ang mga mahal mo sa buhay. Sa katunayan, ipinahiwatig ng mga anghel na ang kaniyang kapanganakan ay magdudulot ng ‘kapayapaan sa lupa sa mga taong kinalulugdan ng Diyos.’​—Lucas 2:14, Ang Biblia.

Sino ba naman ang hindi maghahangad na mabuhay sa isang mapayapa at makatarungang daigdig? Subalit upang matamasa ang kapayapaang idudulot ng pamamahala ni Kristo, kailangan nating palugdan ang Diyos at magkaroon ng mabuting kaugnayan sa kaniya. Sinabi ni Jesus na ang unang hakbang sa gayong kaugnayan ay ang mag-aral tungkol sa Diyos at kay Kristo. “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan,” ang sabi ni Jesus, “ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”​—Juan 17:3.

Kapag nakilala natin nang husto si Jesus, tiyak na nanaisin nating malaman kung ano ang gusto niyang paraan ng pag-alaala sa kaniya. Ito kaya ay sa pamamagitan ng pagkain, pag-inom, at pagpapalitan ng mga regalo sa petsa ng isang sinaunang paganong kapistahan? Malabong mangyari iyan. Noong gabing bago siya mamatay, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad kung ano ang gusto niya. “Siya na nagtataglay ng aking mga utos at tumutupad sa mga iyon, ang isang iyon ang siyang umiibig sa akin. Siya naman na umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama, at iibigin ko siya.”​—Juan 14:21.

Pinag-aaralang mabuti ng mga Saksi ni Jehova ang Banal na Kasulatan, na siyang tumutulong sa kanila na unawain ang mga utos ng Diyos at ni Jesus. Malulugod sila na tulungan kang magkaroon ng kaunawaan hinggil sa napakahalagang mga utos na ito upang maalaala mo si Jesus sa paraang dapat siyang alalahanin.

[Talababa]

^ par. 11 Ang dalawang kapansin-pansing halimbawa ay ang Christmas tree at ang tauhang si Santa Claus.

[Kahon/​Mga larawan sa pahina 6, 7]

Pinipigilan ba ng Bibliya ang Pagsasalu-salo at Pagbibigay ng mga Regalo?

Pagbibigay ng mga Regalo

Sinasang-ayunan ng Bibliya ang pagbibigay ng mga regalo, yamang si Jehova mismo ay tinawag na Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at [ng] bawat sakdal na regalo.” (Santiago 1:17) Ipinahiwatig ni Jesus na ang mabubuting magulang ay nagbibigay ng mga regalo sa kanilang mga anak. (Lucas 11:11-13) Si Job ay binigyan ng mga regalo ng kaniyang mga kaibigan at kapamilya nang gumaling siya sa kaniyang sakit. (Job 42:11) Gayunman, hindi kailangan sa gayong mga pagbibigay ang anumang espesipikong araw ng kapistahan. Mula ito sa puso.​—2 Corinto 9:7.

Pagsasama-sama ng Pamilya

Malaki ang nagagawa ng mga pagsasama-sama ng pamilya upang mapagkaisa ang mga miyembro nito, lalo na kung hindi na sila naninirahan sa iisang bahay. Dinaluhan ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ang isang piging ng kasalan sa Cana, na walang alinlangan ay isang malaking pagtitipon ng pamilya at ng mga kaibigan. (Juan 2:1-10) At sa ilustrasyon ni Jesus hinggil sa alibughang anak, ipinagdiwang ng ama ang pagbabalik ng kaniyang anak sa pamamagitan ng isang handaan ng pamilya, na may kalakip na musika at sayawan.​—Lucas 15:21-25.

Pagsasalu-salo sa Masarap na Pagkain

Madalas na binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa mga lingkod ng Diyos na nagsalu-salo sa masarap na pagkain kasama ng kanilang mga kapamilya, kaibigan, o kapananampalataya. Nang dalawin ng tatlong anghel si Abraham, naghanda siya ng isang piging para sa kanila na may kasamang karne, gatas, mantikilya, at mga tinapay na bilog. (Genesis 18:6-8) Inilarawan ni Solomon ang ‘pagkain, pag-inom, at pagsasaya’ bilang kaloob mula sa Diyos.​—Eclesiastes 3:13; 8:15.

Maliwanag na gusto ng Diyos na matamasa natin ang masarap na pagkain kasama ng mga kaibigan at mga kapamilya, at sinasang-ayunan niya ang pagbibigay ng mga regalo. May sapat tayong pagkakataon na gawin iyan kahit kailan sa buong taon.