Kung Bakit Duda ang Marami na Mapagkakaisa ng Relihiyon ang mga Tao
Kung Bakit Duda ang Marami na Mapagkakaisa ng Relihiyon ang mga Tao
“IIBIGIN mo ang iyong kapuwa.” (Mateo 22:39) Pinupuri ng maraming relihiyon ang saligang tuntuning ito sa paggawi. Kung naging mabisa lamang ang mga relihiyong ito sa pagtuturo sa kanilang mga miyembro na ibigin ang kanilang kapuwa, nagkaisa na sana ang kanilang mga kawan. Pero ganiyan nga ba ang nakikita mo? Ang mga relihiyon ba ay isang puwersa para sa pagkakaisa? Isang surbey kamakailan sa Alemanya ang nagtanong: “Pinagkakaisa ba ng mga relihiyon ang mga tao, o mas malamang na pinaghihiwalay sila?” Sa mga sumagot, 22 porsiyento ang nagsabing nagdudulot ng pagkakaisa ang mga relihiyon, samantalang 52 porsiyento ang nagsabing sanhi ito ng pagkakabaha-bahagi. Marahil ganiyang-ganiyan din ang nadarama ng mga tao sa inyong bansa.
Bakit marami ang hindi gaanong nagtitiwala na mapagkakaisa ng relihiyon ang sangkatauhan? Marahil dahil sa nalaman nila mula sa kasaysayan. Sa halip na pagkaisahin ang mga tao, kadalasang pinaghihiwalay sila ng relihiyon. Sa ilang pagkakataon, relihiyon ang ginagawang sangkalan upang ikubli ang lubhang nakapanghihilakbot na mga kalupitang nagawa kailanman. Tingnan ang ilang halimbawa sa nakalipas na 100 taon lamang.
Naimpluwensiyahan ng Relihiyon
Noong ikalawang digmaang pandaigdig, nagkaroon ng alitan sa mga bansa sa Balkan ang Romano Katolikong mga taga-Croatia at Ortodoksong mga taga-Serbia. Inaangkin ng dalawang grupong ito na sinusunod nila si Jesus, na nagturo sa kaniyang mga tagasunod na ibigin ang kanilang kapuwa. Gayunman, ang kanilang alitan ay humantong sa “isa sa pinakakasuklam-suklam na masaker ng mga sibilyan na naganap sa kasaysayan,” ayon sa isang mananaliksik. Nangilabot ang daigdig sa dami ng namatay na umabot sa mahigit na 500,000 lalaki, babae, at mga bata.
Noong 1947, ang maliit na kontinente ng India ay tahanan ng mga 400 milyon katao—halos ikalimang bahagi ng sangkatauhan—karamihan ay mga Hindu, Muslim, at mga Sikh. Nang hatiin ang India, isinilang ang Islamikong bansa ng Pakistan. Noon, daan-daang libong nagsilikas mula sa dalawang bansang ito ang sinunog, binugbog, pinahirapan, at binaril sa sunud-sunod na masaker sa ngalan ng relihiyon.
Waring hindi pa nakagigimbal ang nasabing mga pangyayari, naging kapansin-pansin naman sa pagpasok ng bagong siglo ang banta ng terorismo. Sa ngayon, nakaalerto ang buong daigdig dahil sa terorismo, at marami sa mga grupong terorista ang nag-aangking may kaugnayan sila sa relihiyon. Ang relihiyon ay hindi itinuturing na tagapagtaguyod ng pagkakaisa. Sa halip, madalas na iniuugnay
ito sa karahasan at pagkakabaha-bahagi. Kaya hindi nakapagtataka na inihambing ng magasing pambalita na FOCUS sa Alemanya ang pangunahing mga relihiyon sa daigdig—Budismo, Sangkakristiyanuhan, Confucianismo, Hinduismo, Islam, Judaismo, at Taoismo—sa pulbura.Panloob na mga Alitan
Samantalang naglalaban-laban ang ilang relihiyon, ang iba naman ay ginugulo ng panloob na mga alitan. Halimbawa, nitong nakaraang mga taon, ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ay nahahati dahil sa patuloy na mga debate tungkol sa doktrina. Nagtatanong kapuwa ang klero at ang lego: Pinahihintulutan ba ang pagkontrol sa pag-aanak? Kumusta naman ang aborsiyon? Dapat bang hirangin ang mga babae bilang pari? Paano dapat malasin ng simbahan ang homoseksuwalidad? Dapat bang sang-ayunan ng isang relihiyon ang digmaan? Dahil sa ganitong pagkakabaha-bahagi, marami ang nagtatanong: ‘Paano nga mapagkakaisa ng relihiyon ang mga tao gayong hindi nito mapagkaisa kahit ang mismong mga miyembro nito?’
Maliwanag, ang relihiyon sa pangkalahatan ay hindi naging isang puwersa para sa pagkakaisa. Ngunit lahat ba ng relihiyon ay kakikitaan ng pagkakabaha-bahagi? Mayroon bang relihiyon na naiiba—isa na kayang pagkaisahin ang sangkatauhan?
[Larawan sa pahina 3]
Mga sugatang pulis sa isang sagupaan ng mga grupong relihiyoso sa India noong 1947
[Credit Line]
Photo by Keystone/Getty Images