Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Ipagsasanggalang ang Inyong mga Anak sa Pamamagitan ng Makadiyos na Karunungan

Kung Paano Ipagsasanggalang ang Inyong mga Anak sa Pamamagitan ng Makadiyos na Karunungan

Kung Paano Ipagsasanggalang ang Inyong mga Anak sa Pamamagitan ng Makadiyos na Karunungan

ARAW-ARAW, may nagaganap na labanan sa loob ng ating katawan. Kailangan nitong labanan ang napakaraming mikrobyo, parasito, at mga virus. Mabuti na lamang, minana ng karamihan sa atin ang isang sistema ng imyunidad na nagsasanggalang sa atin laban sa gayong mga pagsalakay at nagliligtas sa atin mula sa napakaraming nakahahawang sakit.

Sa katulad na paraan, kailangang paglabanan ng mga Kristiyano ang di-makakasulatang kaisipan at mga simulain at ang panggigipit na maaaring sumira sa ating espirituwal na kalusugan. (2 Corinto 11:3) Upang malabanan ang araw-araw na pagsalakay na ito sa ating isip at puso, kailangan tayong magtatag ng espirituwal na mga depensa.

Ang gayong mga depensa ay lalo nang kailangan ng ating mga anak, yamang hindi sila isinilang na may espirituwal na mga depensang panlaban sa espiritu ng sanlibutan. (Efeso 2:2) Habang lumalaki ang mga bata, mahalagang tulungan sila ng mga magulang na magtatag ng sarili nilang mga depensa. Sa ano nakasalalay ang mga depensang iyon? Nagpapaliwanag ang Bibliya: “Si Jehova ay nagbibigay ng karunungan; . . . babantayan niya ang mismong daan ng kaniyang mga matapat.” (Kawikaan 2:6, 8) Ang karunungan mula sa Diyos ay makapagbabantay sa landas ng mga kabataan na kung wala nito ay maaaring matangay ng nakapipinsalang pakikipagsamahan, panggigipit ng mga kaedad, o di-mabuting libangan. Paano masusunod ng mga magulang ang patnubay ni Jehova at maikikintal sa kanilang mga anak ang makadiyos na karunungan?

Paghahanap ng Nakapagpapatibay na mga Kasamahan

Mauunawaan naman na gustong makasama ng mga tin-edyer ang kanilang kapuwa tin-edyer, ngunit kung ang palagi na lamang nilang nakakasama ay yaong mga di-makaranasan, hindi sila makapaglilinang ng makadiyos na karunungan. “Ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata,” ang babala ng kawikaan. (Kawikaan 22:15) Kung gayon, paano natulungan ng ilang magulang ang kanilang mga anak na ikapit ang makadiyos na karunungan may kinalaman sa pakikipagsamahan?

Sinabi ng isang ama na nagngangalang Don *: “Malaking panahon ang ginugugol ng aming mga anak na lalaki kasama ang kanilang mga kaedad, pero ang malaking bahagi ng panahong iyon ay ginugugol sa aming tahanan, habang naroroon kami. Bukás ang aming tahanan anupat lagi itong punô ng mga kabataan na pinakakain namin at malugod na tinatanggap. Masaya naming tinitiis ang ingay at pagkakagulo sa bahay para lamang makapaglaan ng ligtas na kapaligiran na doo’y maaaring magkatuwaan ang aming mga anak.”

Sina Brian at Mary ay may tatlong mahuhusay na anak ngunit inaamin nila na hindi laging madali ang pagsasanay sa mga ito. Ikinuwento nila: “Sa aming kongregasyon, iilan lamang ang kabataang nasa mga huling taon ng pagkatin-edyer na maaaring makasama ng aming anak na si Jane. Pero nagkaroon siya ng isang kaibigang nagngangalang Susan, isang palakaibigan at masayahing kabataan. Subalit ang kaniyang mga magulang ay mas maluwag kaysa sa amin. Di-tulad ng aming si Jane, si Susan ay pinapayagang magpagabi sa labas, magsuot ng maiigsing palda, makinig sa kaduda-dudang musika, at manood ng di-angkop na mga pelikula. Sa loob ng mahabang panahon, nahirapan si Jane na unawain ang aming pangmalas. Para sa kaniya, ang mga magulang ni Susan ay waring mas maunawain, samantalang kami ay napakahigpit. Nang makagawa ng imoralidad si Susan, saka lamang natanto ni Jane na ang aming pagiging mahigpit ay nagsilbing proteksiyon sa kaniya. Natutuwa kami na naging matatag ang aming paninindigan sa alam naming tama para sa aming anak.”

Tulad ni Jane, natutuhan ng maraming kabataan na isang karunungan ang humingi ng patnubay sa kanilang mga magulang may kinalaman sa pakikipagsamahan. “Ang taingang nakikinig sa saway ng buhay ay tumatahan sa gitna mismo ng mga taong marurunong,” ang sabi ng kawikaan. (Kawikaan 15:31) Aakayin ng makadiyos na karunungan ang mga kabataan na makisama sa nakapagpapatibay na mga kaibigan.

Pagharap sa Panggigipit na Makibagay

May malaking kaugnayan sa pakikipagsamahan ang panggigipit ng mga kaedad. Araw-araw, ang panggigipit na makibagay ay sumasalakay sa depensa ng ating mga anak. Yamang karaniwan nang hinahangad ng mga kabataan ang pagsang-ayon ng kanilang mga kaedad, ang panggigipit ng mga ito ay maaaring magtulak sa kanila na tanggapin kung ano ang itinuturing na kanais-nais sa sanlibutan.​—Kawikaan 29:25.

Pinaaalalahanan tayo ng Bibliya na “ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito.” (1 Juan 2:17) Kaya naman, dapat pakaingat ang mga magulang na ang kanilang mga anak ay hindi labis na maimpluwensiyahan ng makasanlibutang mga pangmalas. Paano nila matutulungan ang kanilang mga anak na mag-isip sa paraang angkop para sa isang Kristiyano?

“Gusto ng anak kong babae na manamit na gaya ng ibang kabataan,” ang sabi ni Richard. “Kaya matiyaga naming ipinakipag-usap sa kaniya ang bentaha at disbentaha ng bawat kahilingan niya. Kahit na sa mga modang sa tingin namin ay katanggap-tanggap naman, sinusunod namin ang payong narinig namin mga ilang taon na ang nakalipas, ‘Isang katalinuhan kapag ang isa ay hindi siyang unang sumusunod sa bagong moda ni napag-iiwanan nito.’ ”

Ibang paraan naman ang ginamit ng isang inang nagngangalang Pauline sa pagkontra sa panggigipit ng mga kaedad. Natatandaan pa niya: “Nagpakita ako ng interes sa mga bagay na kinahihiligan ng aking mga anak at lagi ko silang pinupuntahan sa kanilang silid upang kausapin. Dahil sa mahahabang pag-uusap na ito kaya nahubog ko ang kanilang mga kaisipan at natulungan silang isaalang-alang ang ibang mga paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay.”

Hindi mawawala ang panggigipit ng mga kaedad, kaya malamang na laging makikipagpunyagi ang mga magulang upang ‘itiwarik ang makasanlibutang mga pangangatuwiran’ at tulungan ang kanilang mga anak na akayin ang kanilang kaisipan tungo ‘sa pagkabihag, bilang pagsunod sa Kristo.’ (2 Corinto 10:5) Subalit sa pamamagitan ng ‘pagtitiyaga sa pananalangin,’ mapalalakas ang mga magulang at ang mga anak na ganapin ang mahalagang atas na ito.​—Roma 12:12; Awit 65:2.

Ang Matinding Pang-akit ng Paglilibang

Ang ikatlong impluwensiya na maaaring problemahin ng mga magulang ay may kinalaman sa paglilibang. Natural lamang na gustung-gustong maglaro ng mga bata. Sabik ding magliwaliw ang maraming nakatatandang anak. (2 Timoteo 2:22) Ngunit kapag tinugon sa di-matalinong paraan, ang hangaring ito ay makasisira sa kanilang espirituwal na mga depensa. Ang panganib ay pangunahin nang may dalawang anyo.

Una, nasasalamin sa karamihan ng mga libangan ang pilipit na mga pamantayan ng sanlibutan sa moral. (Efeso 4:17-19) Gayunman, ito ay karaniwan nang inihaharap sa kapana-panabik at kaakit-akit na paraan. Totoong mapanganib ito para sa mga kabataan, na maaaring hindi nakapapansin sa mga silo.

Ikalawa, lumilikha rin ng mga problema ang dami ng panahong ginugugol sa paglilibang. Para sa ilan, naging pinakamahalagang bagay na sa buhay ang pagkakatuwaan, anupat inuubos nito ang napakalaking panahon at lakas. Nagbabala ang kawikaan na “ang pagkain ng labis na pulot-pukyutan ay hindi mabuti.” (Kawikaan 25:27) Gayundin naman, ang labis na paglilibang ay mag-aalis ng gana para sa espirituwal na pagkain at hahantong sa katamarang mag-isip. (Kawikaan 21:17; 24:30-​34) Ang mga kabataang nagpapakalabis sa sanlibutan ay hindi ‘makapanghahawakang mahigpit sa tunay na buhay’​—ang buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos. (1 Timoteo 6:12, 19) Paano hinarap ng mga magulang ang hamong ito?

Ganito ang sabi ni Mari Carmen, isang ina na may tatlong anak na babae: “Gusto naming magkaroon ang aming mga anak ng kapaki-pakinabang na libangan na ikasisiya nila. Kaya regular kaming lumalabas bilang isang pamilya, at gumugugol din sila ng panahon kasama ng mga kaibigan sa kongregasyon. Pero inilalagay namin ang paglilibang sa wastong dako nito. Itinulad namin iyon sa panghimagas pagkatapos kumain​—matamis ngunit hindi siyang pangunahing pagkain. Natutuhan nilang magtrabaho sa bahay, sa paaralan, at sa kongregasyon.”

Hindi rin ipinagwalang-bahala nina Don at Ruth ang paglilibang. “Nakaugalian na naming gawing ‘araw ng pamilya’ ang Sabado,” ang paliwanag nila. “Nakikibahagi kami sa ministeryo sa larangan sa umaga, nagsu-swimming sa hapon, at sa gabi naman, kumakain kami ng espesyal na hapunan.”

Ipinakikita ng komento ng mga magulang na ito ang kahalagahan ng pagiging timbang sa paglalaan ng kapaki-pakinabang na paglilibang at paglalagay rito sa tamang dako sa buhay ng isang Kristiyano.​—Eclesiastes 3:4; Filipos 4:5.

Magtiwala kay Jehova

Sabihin pa, kailangan ang maraming taon bago maitatag ang espirituwal na mga depensa. Walang dagliang remedyo na makapagbibigay ng makadiyos na karunungan, anupat gaganyak sa mga anak na magtiwala sa kanilang makalangit na Ama. Sa halip, kailangan ‘silang palakihin ng mga magulang sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.’ (Efeso 6:4) Ang patuloy na “pangkaisipang patnubay” na ito ay nangangahulugan ng pagtulong sa mga anak na malasin ang mga bagay ayon sa pangmalas ng Diyos. Paano ito magagawa ng mga magulang?

Ang regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya ay isang susi sa tagumpay. Ang pag-aaral ay ‘nag-aalis sa takip sa mata ng mga bata upang makita nila ang mga kamangha-manghang bagay mula sa kautusan ng Diyos.’ (Awit 119:18) Seryosong isinaalang-alang ni Diego ang pampamilyang pag-aaral at sa gayo’y natulungan niya ang kaniyang mga anak na mapalapít kay Jehova. “Naghahanda akong mabuti para sa pag-aaral,” ang sabi niya. “Nagsasaliksik ako sa mga publikasyong salig sa Kasulatan anupat natutuhan kong gawing buháy na buháy ang paglalarawan sa mga tauhan sa Bibliya. Pinasisigla ko ang mga bata na ihambing ang kanilang sarili sa mga tapat. Malinaw na ipinaalaala nito sa aking mga anak kung ano ang nakalulugod kay Jehova.”

Natututo rin ang mga anak sa di-pormal na mga kalagayan. Pinayuhan ni Moises ang mga magulang na salitain ang mga paalaala ni Jehova ‘kapag nakaupo sila sa kanilang bahay at kapag naglalakad sila sa daan at kapag nakahiga sila at kapag bumabangon sila.’ (Deuteronomio 6:7) Ganito ang paliwanag ng isang ama: “Kailangan ng panahon bago maipahayag ng aking anak na lalaki kung ano ang nasa kaniyang kalooban. Kapag namamasyal kami o magkasamang nagtatrabaho, doon lamang niya nailalabas kung ano ang gusto niyang sabihin. Sa mga pagkakataong ito, nagkakaroon kami ng mahusay na pag-uusap na kapuwa namin pinakikinabangan.”

May matinding epekto rin sa mga anak ang mga panalanging binibigkas ng kanilang mga magulang. Kapag naririnig ng mga anak ang kanilang mga magulang na buong-pagpapakumbabang lumalapit sa Diyos upang humingi ng kaniyang tulong at kapatawaran, nagaganyak ang mga bata na “maniwala na siya nga ay umiiral.” (Hebreo 11:6) Idiniriin ng maraming matagumpay na mga magulang ang kahalagahan ng pananalangin ng pamilya, kasali rito ang pananalangin tungkol sa pag-aaral at sa mga bagay na ikinababahala ng mga anak. Binanggit ng isang ama na ang kaniyang asawa ay laging nananalangin kasama ng mga bata bago sila pumasok sa paaralan.​—Awit 62:8; 112:7.

“Huwag Tayong Manghimagod sa Paggawa ng Kung Ano ang Mainam”

Ang lahat ng magulang ay nagkakamali at maaaring pagsisihan nila ang paraan ng kanilang pagharap sa ilang situwasyon. Gayunpaman, hinihimok tayo ng Bibliya na patuloy na magsikap, anupat huwag “manghimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam.”​—Galacia 6:9.

Subalit baka masiraan ng loob ang mga magulang at sumuko na lamang kung minsan kapag hindi na talaga nila maintindihan ang kanilang mga anak. Madaling sabihin na ang henerasyon ng mga kabataan ngayon ay ibang-iba at mahirap pakitunguhan. Pero ang totoo, taglay ng mga bata sa ngayon ang gayunding mga kahinaan na tinaglay ng mga henerasyong nauna sa kanila, at pareho rin noon ang mga tuksong napapaharap sa kanila, bagaman maaaring mas matindi ngayon ang panggigipit na magkasala. Kaya naman matapos ituwid ang kaniyang anak na lalaki, ganito ang may-kabaitang sinabi ng isang ama: “Noong ako’y nasa edad mo, ganiyan din ang gusto kong gawin.” Maaaring kakaunti ang nalalaman ng mga magulang tungkol sa mga computer, pero alam na alam nila ang hilig ng tao na magkasala.​—Mateo 26:41; 2 Corinto 2:11.

Marahil ay atubili ang ilang bata na tumugon sa patnubay ng kanilang mga magulang at baka magrebelde pa nga sila sa inilalapat na disiplina. Subalit minsan pa, kailangan ang pagbabata. Kahit na sa simula ay atubili sila o kaya’y tumatanggi, maraming bata ang tumutugon sa dakong huli. (Kawikaan 22:6; 23:22-​25) Si Matthew, isang kabataang Kristiyano na naglilingkod ngayon sa isang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, ay nagsabi: “Noong tin-edyer pa ako, inakala kong di-makatuwiran ang mga pagbabawal ng aking mga magulang. Ang katuwiran ko, kung ang mga kaibigan ko ay pinapayagan ng kanilang mga magulang na gawin ang isang bagay, bakit ayaw pumayag ng mga magulang ko? At inis na inis talaga ako kapag pinarurusahan nila ako kung minsan anupat hindi ako pinapayagang mamangka​—na gustung-gusto kong gawin. Ngunit sa pagbabalik-tanaw, natanto kong mabisa at kailangan pala ang disiplinang ginawa sa akin ng aking mga magulang. Nagpapasalamat ako na inilaan nila sa akin ang patnubay nang kinailangan ko ito.”

Walang alinlangan​—bagaman kung minsan ang ating mga anak ay nasa kapaligirang nakapipinsala sa espirituwalidad, maaari pa rin silang lumaki bilang mahuhusay na Kristiyano. Gaya ng ipinangangako ng Bibliya, ang makadiyos na karunungan ay magbibigay sa kanila ng espirituwal na mga depensa. “Kapag ang karunungan ay pumasok sa iyong puso at ang kaalaman ay naging kaiga-igaya sa iyo mismong kaluluwa, ang kakayahang mag-isip ay magbabantay sa iyo, ang kaunawaan ay mag-iingat sa iyo, upang iligtas ka mula sa masamang daan.”​—Kawikaan 2:10-12.

Hindi madali ang magdala ng bata sa iyong sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. At ang kasunod na 20 taon ay maaaring magdulot ng ilang kalungkutan kaakibat ng kaligayahan. Ngunit dahil mahal nila ang kanilang mga anak, sinisikap nang husto ng Kristiyanong mga magulang na ipagsanggalang sila sa pamamagitan ng makadiyos na karunungan. Nadarama nila para sa kanilang mga anak ang nadama ng matanda nang si apostol Juan para sa kaniyang espirituwal na mga anak: “Wala na akong mas dakilang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.”​—3 Juan 4.

[Talababa]

^ par. 7 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

[Larawan sa pahina 24]

“Bukás ang aming tahanan anupat lagi itong punô ng mga kabataan”

[Larawan sa pahina 25]

Magpakita ng interes sa mga bagay na kinahihiligan ng inyong mga anak

[Mga larawan sa pahina 26]

“Naghahanda akong mabuti para sa pag-aaral”