Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinagkaisa ng Pag-ibig sa Diyos

Pinagkaisa ng Pag-ibig sa Diyos

Pinagkaisa ng Pag-ibig sa Diyos

NANG itatag ang kongregasyong Kristiyano noong unang siglo ng ating Karaniwang Panahon, ang pagkakaisa ay isa sa tampok na mga katangian nito​—sa kabila ng pagkakaiba-iba ng mga miyembro nito. Ang mga sumasambang ito sa tunay na Diyos ay galing sa mga bansa sa Asia, Europa, at Aprika. Kabilang sa kanila ang iba’t ibang uri ng mga tao​—mga saserdote, sundalo, alipin, nagsilikas, bihasang manggagawa, propesyonal, at mga negosyante. Ang ilan ay mga Judio at ang iba naman ay mga Gentil. Marami sa kanila ay dating mangangalunya, homoseksuwal, lasenggo, magnanakaw, at mangingikil. Subalit nang sila’y maging mga Kristiyano, tinalikuran nila ang masasamang gawain at naging matibay ang pagkakaisa nila sa pananampalataya.

Paano pinagkaisa ng unang-siglong Kristiyanismo ang lahat ng taong ito? Bakit sila may kapayapaan sa isa’t isa at sa mga tao sa pangkalahatan? Bakit hindi sila sumali sa mga paghihimagsik at alitan? Bakit ibang-iba ang sinaunang Kristiyanismo sa pangunahing mga relihiyon sa daigdig ngayon?

Bakit Nagkaisa ang mga Miyembro ng Kongregasyon?

Ang pangunahing dahilan ng pagkakaisa ng mga mananampalataya noong unang siglo ay ang pag-ibig sa Diyos. Kinilala ng mga Kristiyanong iyon ang kanilang pangunahing obligasyon na ibigin ang tunay na Diyos, si Jehova, nang kanilang buong puso, kaluluwa, at pag-iisip. Halimbawa, si apostol Pedro na isang Judio ay tinagubilinan na dalawin ang bahay ng isang banyaga, isa na hindi niya karaniwang pinipili bilang kasama. Una sa lahat, pag-ibig kay Jehova ang nagpakilos sa kaniya na sundin ang tagubiling ito. Si Pedro at ang iba pang unang mga Kristiyano ay nagtamasa ng malapít na kaugnayan sa Diyos batay sa tumpak na kaalaman sa Kaniyang personalidad, mga kagustuhan, at mga kinapopootan. Sa kalaunan, naunawaan ng lahat ng mananamba na ang kalooban ni Jehova ay ‘magkaisa sila sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.’​—1 Corinto 1:10; Mateo 22:37; Gawa 10:1-35.

Higit pang napalapít ang mga mananampalataya sa isa’t isa dahil sa kanilang pananampalataya kay Jesu-Kristo. Ibig nilang sundan nang maingat ang kaniyang halimbawa. Inutusan niya sila: “Ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo . . . Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Hindi ito isang mababaw na damdamin lamang, kundi isang mapagsakripisyong pag-ibig. Ano ang magiging resulta? Ipinanalangin ni Jesus ang mga nananampalataya sa kaniya: “Humihiling ako . . . upang silang lahat ay maging isa, kung paanong ikaw, Ama, ay kaisa ko at ako ay kaisa mo, upang sila rin ay maging kaisa natin.”​—Juan 17:20, 21; 1 Pedro 2:21.

Ibinuhos ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa, sa kaniyang tunay na mga lingkod. Itinaguyod ng espiritung ito ang pagkakaisa sa gitna nila. Tinulungan sila nito na maunawaan ang mga turo ng Bibliya na tinanggap sa lahat ng kongregasyon. Iisa ang mensaheng ipinangaral ng mga sumasamba kay Jehova​—ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos, isang makalangit na gobyerno na mamamahala sa buong sangkatauhan. Naunawaan ng unang mga Kristiyano ang kanilang obligasyon na maging “hindi bahagi ng sanlibutang ito.” Kaya naman, kapag may mga pag-aalsa ang bayan o may alitan ang mga hukbo, ang mga Kristiyano ay nananatiling neutral. Nakipagpayapaan sila sa lahat ng tao.​—Juan 14:26; 18:36; Mateo 6:9, 10; Gawa 2:1-4; Roma 12:17-21.

Binabalikat ng lahat ng mananampalataya ang kanilang pananagutang magtaguyod ng pagkakaisa. Paano? Sa pamamagitan ng pagtiyak na kaayon ng Bibliya ang kanilang paggawi. Kaya naman, sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano: “Alisin ninyo ang lumang personalidad na naaayon sa inyong dating landasin ng paggawi,” at “magbihis [kayo] ng bagong personalidad.”​—Efeso 4:22-32.

Napanatili ang Pagkakaisa

Sabihin pa, hindi sakdal ang mga mananampalataya noong unang siglo, at bumangon ang mga situwasyong nagsapanganib sa kanilang pagkakaisa. Halimbawa, inilalahad sa Gawa 6:1-6 ang di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Kristiyanong Judio na nagsasalita ng Griego at niyaong mga nagsasalita ng Hebreo. Inakala ng mga nagsasalita ng Griego na may diskriminasyon laban sa kanila. Subalit nang maipabatid sa mga apostol ang tungkol dito, nilutas kaagad ang problemang ito nang walang pinapanigan. Nang maglaon, isang tanong tungkol sa doktrina ang humantong sa kontrobersiya may kinalaman sa mga obligasyon ng mga di-Judio sa kongregasyong Kristiyano. Ginawa ang isang pasiya salig sa mga simulain sa Bibliya, at tinanggap ng lahat ang pasiyang ito.​—Gawa 15:1-29.

Ipinakikita ng mga halimbawang ito na ang mga di-pagkakasundo sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo ay hindi humantong sa pagbubukud-bukod ng mga grupo o pagkakabaha-bahaging dulot ng mahigpit na pagsunod sa kani-kaniyang kuru-kuro sa doktrina. Bakit hindi? Dahil ang mga salik sa pagkakaisa​—pag-ibig kay Jehova, pananampalataya kay Jesu-Kristo, mapagsakripisyong pag-ibig sa isa’t isa, pagtanggap sa patnubay ng banal na espiritu, iisang pagkaunawa sa mga turo ng Bibliya, at pagiging handang baguhin ang paggawi ng isa​—ay totoong matibay na mga dahilan upang panatilihin ang pagkakaisa at kapayapaan sa sinaunang kongregasyon.

Nagkakaisa sa Pagsamba sa Modernong Panahon

Makakamit ba ang pagkakaisa sa gayunding paraan ngayon? Mapagkakaisa pa rin ba ng mga salik ding ito ang mga miyembro ng isang relihiyon at matutulungan silang makipagpayapaan sa lahat ng lahi sa buong daigdig? Oo! Ang mga Saksi ni Jehova ay nagkakaisa sa isang pambuong-daigdig na kapatirang sumasaklaw sa mahigit na 230 lupain, isla, at mga teritoryo. At pinagkakaisa sila ng gayunding mga salik na nagbuklod sa mga Kristiyano noong unang siglo.

Ang pangunahing nakatutulong sa pagkakaisang tinatamasa ng mga Saksi ni Jehova ay ang kanilang debosyon sa Diyos na Jehova. Nangangahulugan ito na sinisikap nilang maging matapat sa kaniya sa lahat ng kalagayan. Nananampalataya rin ang mga Saksi ni Jehova kay Jesu-Kristo at sa kaniyang mga turo. Nagpapakita ang mga Kristiyanong ito ng mapagsakripisyong pag-ibig sa mga kapananampalataya at pare-pareho ang ipinangangaral nilang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa lahat ng lupain na kanilang pinangangaralan. Nalulugod silang ipakipag-usap ang tungkol sa Kahariang ito sa mga tao mula sa lahat ng pananampalataya, lahi, bansa, at grupong panlipunan. Ang mga Saksi ni Jehova ay nananatili ring neutral sa mga gawain ng sanlibutan, anupat tumutulong ito sa kanila na mapaglabanan ang mga panggigipit sa pulitika, kultura, lipunan, at komersiyo na nagdudulot ng malubhang pagkakabaha-bahagi sa sangkatauhan. Tinatanggap ng lahat ng Saksi ang kanilang pananagutang itaguyod ang pagkakaisa sa pamamagitan ng paggawi na kaayon ng mga pamantayan ng Bibliya.

Nakaaakit sa Iba ang Pagkakaisa

Ang pagkakaisang ito ay madalas makatawag ng pansin ng mga indibiduwal na hindi Saksi. Halimbawa, si Ilse * ay dating madreng Katoliko sa isang kumbento sa Alemanya. Ano ang nakaakit sa kaniya sa mga Saksi ni Jehova? Sabi ni Ilse: “Sila ang pinakamahusay na mga taong nakilala ko. Hindi sila nakikipagdigma; wala silang ginagawang nakapipinsala sa kaninuman. Gusto nilang tulungan ang mga tao na mabuhay nang maligaya sa paraisong lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.”

Nariyan din si Günther, dating sundalong Aleman na idinestino sa Pransiya noong ikalawang digmaang pandaigdig. Isang araw, nagdaos ng misa ang isang paring Protestante para sa mga sundalo sa yunit ni Günther. Nanalangin ang pari para sa basbas, proteksiyon, at tagumpay. Pagkatapos ng misa, pumuwesto na si Günther bilang isang bantay. Gamit ang kaniyang largabista, nakita niya ang mga tropa ng kaaway sa kabilang panig ng larangan ng digmaan na nakikinig din sa misa ng isang pari. Nang maglaon ay nasabi ni Günther: “Malamang na nanalangin din ang paring iyon para sa basbas, proteksiyon, at tagumpay. Nagtataka naman ako kung paano nangyaring ang mga simbahang Kristiyano ay nasa magkabilang panig ng iisang digmaan.” Ang mga bagay na ito ay nakintal sa isip ni Günther. Pagkaraan, nang makilala niya ang mga Saksi ni Jehova, na hindi nakikibahagi sa digmaan, si Günther ay naging bahagi ng kanilang pambuong-daigdig na kapatiran.

Sina Ashok at Feema ay dating kabilang sa isang relihiyon sa Silangan. Sa kanilang tahanan, mayroon silang dambana ng isang diyos. Nang dumanas ng malubhang pagkakasakit ang kanilang pamilya, muli nilang sinuri ang kanilang relihiyon. Sa pakikipag-usap sa mga Saksi ni Jehova, humanga sina Ashok at Feema sa mga turo ng Bibliya at sa pag-ibig na umiiral sa gitna ng mga Saksi. Sila ngayon ay masisigasig na mamamahayag ng mabuting balita ng Kaharian ni Jehova.

Sina Ilse, Günther, Ashok, at Feema ay kaisa ng milyun-milyong Saksi ni Jehova sa isang pangglobong kapatiran. Naniniwala sila sa pangako ng Bibliya na ang mga salik na nagbubuklod sa kanila sa pagsamba ngayon ay malapit nang magbuklod sa lahat ng masunuring tao. Sa panahong iyon, wala nang mga kalupitan, di-pagkakasundo, at pagkakabaha-bahagi sa ngalan ng relihiyon. Ang buong daigdig ay magkakaisa sa pagsamba sa tunay na Diyos, si Jehova.​—Apocalipsis 21:4, 5.

[Talababa]

^ par. 16 Binago ang ilang pangalan na ginamit sa artikulong ito.

[Mga larawan sa pahina 4, 5]

Sa kabila ng kanilang iba’t ibang pinagmulan, ang unang mga Kristiyano ay nagkakaisa