Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Kumokontrol sa Iyong Kinabukasan?

Ano ang Kumokontrol sa Iyong Kinabukasan?

Ano ang Kumokontrol sa Iyong Kinabukasan?

“HINDI makokontrol ng mga tao ang kanilang kapalaran gaya rin ng iba pang mga hayop,” ang isinulat ng ebolusyonistang si John Gray. Ibang-iba naman ang pananaw na ipinahayag ng awtor na si Shmuley Boteach sa kaniyang aklat na An Intelligent Person’s Guide to Judaism. Ganito ang sabi niya: “Ang tao ay hindi hayop, kaya lagi niyang kontrolado ang kaniyang kapalaran.”

Maraming tao ang sumasang-ayon kay Gray at naniniwalang kontrolado ng di-mapigilang mga puwersa ng kalikasan ang kahihinatnan ng pamilya ng tao. Naniniwala naman ang iba na ang tao ay nilalang ng Diyos at pinagkalooban ng kakayahang kontrolin ang kaniyang kinabukasan.

Nadarama naman ng ilan na ang kanilang kinabukasan ay kinokontrol ng makapangyarihang mga puwersa ng tao. Ayon sa manunulat na si Roy Weatherford, “ang karamihan ng mga tao sa daigdig​—at lalung-lalo na ang mga kababaihan sa buong kasaysayan​—ay . . . walang kapangyarihan o kontrol sa kanilang sariling buhay bunga ng di-maikakailang mga dahilan gaya ng paniniil at pananamantala ng tao.” (The Implications of Determinism) Nawasak ang pinapangarap ng marami na maligayang kinabukasan dahil sa labanan ng mga kapangyarihan sa pulitika at militar.

Sa buong panahon ng kasaysayan, iniisip ng iba na wala silang magagawa dahil kinokontrol daw ng di-nakikitang mga puwersang nakahihigit sa tao ang kanilang kahihinatnan. “Matibay ang paniniwala ng sinaunang mga Griego na walang saysay ang umasa sapagkat hindi maaaring baguhin ng tao ang tadhana,” ang sabi ni Boteach. Para sa kanila, ang kahihinatnan ng bawat tao ay nasa kamay ng mga diyosang pabagu-bago ng isip. Naniniwala sila na itinatakda ng mga diyosang ito kung kailan mamamatay ang isang tao at kung gaano katindi ang kabagabagan at kirot na daranasin niya habang nabubuhay.

Pangkaraniwan na lamang sa ngayon ang paniniwala na kinokontrol ng kapangyarihang nakahihigit sa tao ang kahihinatnan ng bawat indibiduwal. Halimbawa, maraming tao ang naniniwala sa Kismet, o kapalaran. Sinasabi nilang patiuna nang itinakda ng Diyos ang magiging resulta ng lahat ng gawain ng tao at kung kailan mamamatay ang isang tao. Nariyan din ang doktrina ng predestinasyon, na nagtataguyod sa ideya na “ang sukdulang kaligtasan o kapahamakan ng bawat tao ay patiuna nang itinakda” ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Maraming nag-aangking Kristiyano ang nanghahawakan sa turong ito.

Ano sa palagay mo? Ang kahihinatnan mo kaya ay itinakda na ng mga puwersang hindi mo makokontrol? O baka naman may bahagyang katotohanan sa sinabi ni William Shakespeare, isang manunulat ng dula sa Inglatera, na sumulat ng ganito: “Ang mga tao kung minsan ang kumokontrol sa kanilang kapalaran”? Isaalang-alang ang sinasabi ng Bibliya hinggil dito.