Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Paano mahahawakan ni Samson ang mga bangkay ng mga pinatay niya at sa kabila nito’y mananatili pa ring isang Nazareo?

Sa sinaunang Israel, ang isa ay maaaring kusang manata at maging Nazareo sa loob ng isang yugto ng panahon. * Ang isa sa mga pagbabawal na dapat sundin ng indibiduwal na may ganitong panata ay nagsasabi: “Sa lahat ng mga araw ng kaniyang pananatiling nakabukod para kay Jehova ay hindi siya makalalapit sa sinumang patay na kaluluwa. Kahit na dahil sa kaniyang ama o sa kaniyang ina o sa kaniyang kapatid na lalaki o sa kaniyang kapatid na babae ay huwag siyang magpapakarungis kapag sila ay namatay.” Paano naman kung may “biglang mamatay sa tabi niya”? Ang gayong di-sinasadyang paghawak sa isang bangkay ay makapagpaparungis sa kaniyang pagka-Nazareo. Kaya naman sinabi ang ganito: “Ang mga araw noong una ay hindi ibibilang.” Kailangan siyang magpasailalim sa seremonyal na pagdadalisay at muling simulan ang yugto ng pagiging isang Nazareo.​—Bilang 6:6-12.

Subalit si Samson ay Nazareo sa ibang diwa. Bago ipanganak si Samson, ang kaniyang ina ay sinabihan ng anghel ni Jehova: “Narito! ikaw ay magdadalang-tao, at tiyak na magsisilang ka ng isang anak na lalaki, at walang labaha ang daraan sa kaniyang ulo, sapagkat ang bata ay magiging isang Nazareo ng Diyos paglabas sa tiyan; at siya ang mangunguna sa pagliligtas sa Israel mula sa kamay ng mga Filisteo.” (Hukom 13:5) Hindi nanata ng pagka-Nazareo si Samson. Naging Nazareo siya dahil inatasan siya ng Diyos, at habambuhay ang kaniyang pagka-Nazareo. Hindi maikakapit sa kaniya ang pagbabawal na humawak ng bangkay. Kung kapit ito sa kaniya at nakahawak siya ng bangkay nang di-sinasadya, paano niya muling sisimulan ang isang habambuhay na pagka-Nazareo na nagsimula pa noong isilang siya? Kung gayon, lumilitaw na ang mga kahilingan para sa habambuhay na mga Nazareo ay naiiba sa ilang paraan sa mga kusang-loob na naging mga Nazareo.

Isaalang-alang ang mga utos ni Jehova sa tatlong habambuhay na Nazareo​—sina Samson, Samuel, at Juan na Tagapagbautismo​—na binanggit sa Bibliya. Gaya ng nabanggit na, kahilingan kay Samson na huwag putulin ang kaniyang buhok sa ulo. Hinggil sa ipaglilihi pa lamang niyang anak​—si Samuel​—ganito ang panata ni Hana: “Ibibigay ko siya kay Jehova sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay, at walang labaha ang daraan sa kaniyang ulo.” (1 Samuel 1:11) Tungkol naman kay Juan na Tagapagbautismo, sinabi ng anghel ni Jehova: “Hindi siya kailanman iinom ng alak at matapang na inumin.” (Lucas 1:15) Bukod diyan, ‘si Juan ay may pananamit na balahibo ng kamelyo at pamigkis na katad sa kaniyang mga balakang; ang kaniya ring pagkain ay mga kulisap na balang at pulot-pukyutang ligáw.’ (Mateo 3:4) Walang isa man sa tatlong ito ang inutusang huwag lumapit sa isang patay na kaluluwa.

Bagaman isang Nazareo, kabilang si Samson sa mga hukom na ibinangon ni Jehova upang iligtas ang mga Israelita sa kamay ng mga mananamsam. (Hukom 2:16) At sa pagtupad sa kaniyang atas, nakahahawak siya ng mga bangkay. Sa isang pagkakataon, 30 Filisteo ang pinatay ni Samson at hinubad niya ang kanilang mga kasuutan. Nang maglaon, sinaktan niya ang mga kaaway, “na ibinubunton ang mga binti sa mga hita sa isang lansakang pagpatay.” Kumuha rin siya ng sariwang panga ng isang asno at pinatay ang isang libong lalaki sa pamamagitan nito. (Hukom 14:19; 15:8, 15) Lahat ng ito ay ginawa ni Samson taglay ang pagsang-ayon at suporta ni Jehova. Tinutukoy siya ng Kasulatan bilang isang lalaking may huwarang pananampalataya.​—Hebreo 11:32; 12:1.

Ipinahihiwatig ba ng pananalitang niluray ni Samson ang isang leon “gaya ng pagluray sa isang batang kambing na lalaki” na isang kaugalian noong kaniyang panahon ang pagluray sa mga batang kambing?

Walang ebidensiya na kaugalian ng mga tao na lurayin ang mga batang kambing noong panahon ng mga Hukom sa Israel. Sinasabi ng Hukom 14:6: “Kinilos [si Samson] ng espiritu ni Jehova, anupat niluray niya ito [isang may-kilíng na batang leon], gaya ng pagluray sa isang batang kambing na lalaki, at walang anumang bagay ang nasa kaniyang kamay.” Malamang na isang ilustrasyon ang komentong ito.

Maaaring mangahulugan ng dalawang bagay ang pananalitang “niluray niya ito.” Maaaring hinapak ni Samson ang mga panga ng leon o kaya ay pinagputul-putol niya ang leon. Kung ang kahulugan ng pananalita ay yaong unang nabanggit, kung gayon ay mauunawaan naman na kaya nga ng tao na gawin din ang gayon sa isang batang kambing. Sa kasong ito, inilalarawan ng pagtutulad na ang pagdaig ni Samson sa isang leon sa pamamagitan lamang ng kaniyang mga kamay ay parang pagdaig lamang sa isang batang lalaking kambing. Ngunit paano kung pinatay ni Samson ang leon sa pamamagitan ng pagpuputul-putol dito? Kung gayon, ang komento ay dapat unawain bilang isang simili. Ang punto ng simili ay na pinalakas ng espiritu ni Jehova si Samson upang ganapin ang isang atas na nangangailangan ng pambihirang pisikal na lakas. Alinman sa dalawa ang nangyari, inilalarawan ng pagtutulad na nasa Hukom 14:6 na sa tulong ni Jehova, ang isang malakas at mabangis na leon sa harap ni Samson ay katulad lamang ng isang batang lalaking kambing sa harap ng isang karaniwang tao.

[Talababa]

^ par. 3 Ang haba ng panahon ng pagka-Nazareo ay depende sa nananatang indibiduwal. Subalit ayon sa tradisyong Judio, ang pinakamaikling yugto ng panata ay 30 araw. Kung mas maikli pa rito, ipinalalagay na ang panata ay ituturing na pangkaraniwan na lamang.