Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Namumunga ba ang Katotohanan sa Iyong mga Tinuturuan?

Namumunga ba ang Katotohanan sa Iyong mga Tinuturuan?

Namumunga ba ang Katotohanan sa Iyong mga Tinuturuan?

NANG sabihin ng kabataang si Eric na ayaw na niyang makilala bilang isang Saksi ni Jehova, nadurog ang puso ng kaniyang mga magulang. Hindi nila nakini-kinitang mangyayari ito. Noong musmos pa siya, sumasama si Eric sa pampamilyang pag-aaral sa Bibliya, dumadalo sa mga pulong Kristiyano, at nakikibahagi sa gawaing pangangaral kasama ng kongregasyon. Waring nasa katotohanan naman siya, wika nga. Ngunit ngayong hindi na siya nakapisan sa kaniyang mga magulang, napagtanto nila na hindi pala niya dinibdib ang katotohanan sa Bibliya. Isang dagok at kabiguan sa kanila ang mapag-isip-isip ito.

Nakadarama rin ng ganitong malaking kawalan ang iba kapag biglang huminto sa pag-aaral ang isang estudyante sa Bibliya. Sa ganitong mga pagkakataon, madalas na itinatanong ng mga tao sa kanilang sarili, ‘Bakit hindi ko man lamang nakini-kinitang mangyayari ito?’ Kung gayon, maaari bang malaman bago sumapit ang espirituwal na kasakunaan kung namumunga ang katotohanan sa ating mga tinuturuan? Bukod dito, paano tayo makatitiyak na gumagana ang katotohanan sa atin at sa mga tinuturuan natin? Sa kaniyang kilalang talinghaga tungkol sa manghahasik, nagbigay si Jesus ng tulong upang masagot ang mga tanong na ito.

Dapat Tumagos sa Puso ang Katotohanan

“Ang binhi ay ang salita ng Diyos,” ang sabi ni Jesus. “Kung tungkol doon sa [inihasik sa] mainam na lupa, ito yaong mga pagkarinig sa salita taglay ang mainam at mabuting puso ay nagpapanatili nito at nagbubunga nang may pagbabata.” (Lucas 8:11, 15) Kaya bago mamunga ng anuman sa ating mga estudyante ang katotohanan hinggil sa Kaharian, dapat muna itong mag-ugat sa kanilang makasagisag na puso. Tinitiyak sa atin ni Jesus na tulad ng magandang binhi na nasa mainam na lupa, kapag ang banal na katotohanan ay umantig sa mabuting puso, kaagad itong gumagana at namumunga. Ano ang dapat nating hanapin?

Dapat nating bigyang pansin ang mga katangian ng puso, hindi lamang ang panlabas na anyo. Ang basta pagkakaroon ng rutin sa pagsamba ay hindi laging nagsisiwalat ng tunay na nangyayari sa loob ng puso ng isang tao. (Jeremias 17:9, 10; Mateo 15:7-9) Dapat tayong mas masusing magsiyasat. Dapat na may kitang-kitang pagbabago sa mga pagnanasa, motibo, at priyoridad ng isang tao. Ang isang indibiduwal ay dapat maglinang ng bagong personalidad, na naaayon sa kalooban ng Diyos. (Efeso 4:20-24) Bilang paglalarawan: Nang marinig ng mga taga-Tesalonica ang mabuting balita, sinabi ni Pablo na agad nilang tinanggap ito bilang salita ng Diyos. Ngunit ang kanilang sumunod na pagbabata, katapatan, at pag-ibig ang tumiyak sa kaniya na ang katotohanan ay “gumagana rin sa [kanila].”​—1 Tesalonica 2:13, 14; 3:6.

Sabihin pa, mabubunyag din sa paggawi ng estudyante sa kalaunan kung ano ang nasa puso niya, tulad ng ipinakikita ng halimbawa ni Eric. (Marcos 7:21, 22; Santiago 1:14, 15) Nakalulungkot, kapag ang masasamang katangian ng isang tao ay malinaw nang nakita sa kaniyang mga ikinikilos, baka huli na ang lahat. Kung gayon, ang hamon ay matukoy ang espesipikong mga kahinaan bago pa maging espirituwal na mga batong katitisuran ang mga ito. Kailangan natin ng paraan upang makita ang nasa loob ng makasagisag na puso. Paano natin ito magagawa?

Matuto kay Jesus

Mangyari pa, ang mga puso ay nababasa ni Jesus nang tama. (Mateo 12:25) Walang sinuman sa atin ang makagagawa niyan. Gayunman, ipinakita niya sa atin na maaari rin nating malaman ang mga pagnanasa, motibo, at priyoridad ng isang tao. Kung paanong gumagamit ang isang mahusay na doktor ng iba’t ibang paraan ng pagsusuri upang makita kung ano ang diperensiya ng pisikal na puso ng pasyente, ginamit ni Jesus ang Salita ng Diyos upang ‘masalok’ at mailantad ang “mga kaisipan at mga intensiyon ng puso,” kahit nakakubli pa ang mga ito mula sa paningin ng karamihan.​—Kawikaan 20:5; Hebreo 4:12.

Halimbawa, minsan ay tinulungan ni Jesus si Pedro upang malaman nito ang isa niyang kahinaan na naging batong katitisuran nga nang maglaon. Batid ni Jesus na iniibig siya ni Pedro. Sa katunayan, ipinagkatiwala ni Jesus kay Pedro “ang mga susi ng kaharian.” (Mateo 16:13-19) Gayunman, batid din ni Jesus na pinupuntirya ni Satanas ang mga apostol. Sa darating na mga araw, matindi silang gigipitin na makipagkompromiso. Maliwanag na nakita ni Jesus na may mga kahinaan sa pananampalataya ang ilan sa kaniyang mga alagad. Kaya hindi siya umurong sa pagtawag ng pansin sa mga bagay na kailangan nilang pasulungin. Pansinin kung paano niya binanggit ang bagay na ito para pag-usapan.

Sinasabi ng Mateo 16:21: “Mula nang panahong iyon ay pinasimulan ni Jesu-Kristo na ipakita sa kaniyang mga alagad na siya ay kailangang . . . magdusa . . . at patayin.” Pansinin na ipinakita sa kanila ni Jesus, hindi lamang sinabi sa kanila, kung ano ang mangyayari sa kaniya. Malamang na gumamit siya ng mga talata sa Bibliya, gaya ng Awit 22:14-18 o Isaias 53:10-12, na nagsasabing kailangang magdusa at mamatay ang Mesiyas. Sa pamamagitan ng pagbasa at tuwirang pagsipi mula sa Kasulatan, binigyan ni Jesus si Pedro at ang iba pa ng pagkakataong tumugon mula sa kanilang puso. Ano ang magiging reaksiyon nila sa napipintong pag-uusig?

Nakagugulat na bagaman naipakita ni Pedro na siya ay matapang at masigasig, isinisiwalat ng padalus-dalos niyang sagot sa pagkakataong ito ang isang seryosong kahinaan sa paraan ng kaniyang pag-iisip. “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon,” ang sabi niya, “hindi kailanman mangyayari sa iyo ang kahihinatnang ito.” Maliwanag na mali ang paraan ng pag-iisip ni Pedro, sapagkat gaya ng sinabi ni Jesus, iniisip ni Pedro, “hindi ang mga kaisipan ng Diyos, kundi yaong sa mga tao”​—isang seryosong kahinaan na maaaring humantong sa masasamang bunga. Ano, kung gayon, ang ginawa ni Jesus? Pagkatapos sawayin si Pedro, sinabi ni Jesus sa kaniya at sa iba pang alagad: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy akong sundan.” Batay sa mga kaisipang nasa Awit 49:8 at 62:12, mabait niyang ipinaalaala sa kanila na ang walang-hanggang pag-asa nila ay nakasalalay, hindi sa tao, na hindi makapagliligtas, kundi sa Diyos.​—Mateo 16:22-28.

Bagaman nang maglaon ay pansamantalang nadaig ng takot si Pedro at naitatwa si Jesus nang tatlong beses, walang-alinlangang tumulong ang pag-uusap na ito at ang iba pa upang maihanda siya sa kaniyang mabilis na panunumbalik sa espirituwal. (Juan 21:15-19) Pagkalipas lamang ng 50 araw, may-katapangang tumayo si Pedro sa harap ng mga pulutong sa Jerusalem upang magpatotoo sa pagkabuhay-muli ni Jesus. Sa sumunod na mga linggo, buwan, at taon, lakas-loob niyang hinarap ang paulit-ulit na pag-aresto, pambubugbog, at pagkabilanggo, anupat nagpakita siya ng bukod-tanging halimbawa ng walang-takot na katapatan.​—Gawa 2:14-​36; 4:18-​21; 5:29-​32, 40-​42; 12:3-5.

Ano ang matututuhan natin mula rito? Nakita mo ba ang ginawa ni Jesus upang masalok at mailantad ang nilalaman ng puso ni Pedro? Una, pumili siya ng angkop na mga kasulatan upang ituon ang pansin ni Pedro sa espesipikong suliranin. Pagkatapos, binigyan niya si Pedro ng pagkakataong tumugon mula sa puso. Pinakahuli, nagbigay siya ng karagdagang payo mula sa Kasulatan upang tulungan si Pedro na baguhin ang pag-iisip at damdamin nito. Baka isipin mong hindi mo kaya ang ganitong antas ng pagtuturo, subalit isaalang-alang natin ang dalawang karanasan na nagpapakita kung paano makatutulong sa sinuman sa atin ang paghahanda at pananalig kay Jehova upang matularan ang halimbawa ni Jesus.

Pagsalok sa Nilalaman ng Puso

Nang malaman ng isang amang Kristiyano na kinuha ng kaniyang dalawang anak na lalaki, na nasa una at ikalawang baytang ng paaralan, ang kendi sa mesa ng guro, umupo silang mag-aama at nakipagkatuwiranan siya sa kanila. Sa halip na ipagkibit-balikat lamang ito bilang inosenteng kapilyuhan ng mga bata, ikinuwento ng ama, “Sinubukan kong salukin mula sa kanilang puso kung ano ang nag-udyok sa kanila na gawin ang masamang bagay na ito.”

Ipinagunita ng ama sa mga bata ang nangyari kay Acan, gaya ng nakaulat sa Josue kabanata 7. Kaagad naunawaan ng mga bata ang punto at nagtapat. Binabagabag na pala sila ng kanilang budhi. Kaya ipinabasa sa kanila ng ama nila ang Efeso 4:28, na nagsasabi: “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi sa halip ay magtrabaho siya nang masikap . . . upang may maipamahagi siya sa sinumang nangangailangan.” Ang payo ng Kasulatan ay lalong naidiin nang pinabili ng ama ang kaniyang mga anak ng kendi at ipinabigay iyon sa kanilang guro.

“Sinisikap naming alisin ang anumang masamang motibo sa sandaling lumitaw ito,” ang sabi ng ama, “at hinahalinhan namin ang mga ito ng mabubuti at dalisay na mga motibo sa pamamagitan ng pakikipagkatuwiranan sa mga bata.” Dahil sa pagtulad kay Jesus kapag nagtuturo sa kanilang mga anak, umani ng magagandang bunga ang mga magulang na ito sa paglipas ng panahon. Naanyayahan sa kalaunan ang kanilang dalawang anak na lalaki na maging kawani ng punong tanggapan sa Bethel sa Brooklyn, kung saan naglilingkod pa rin ang isa sa kanila pagkalipas ng 25 taon.

Pansinin kung paano natulungan ng isa pang Kristiyano ang kaniyang estudyante sa Bibliya. Dumadalo sa mga pulong at nakikibahagi sa ministeryo ang estudyante at nagpahayag na ng kaniyang pagnanais na magpabautismo. Gayunman, waring labis siyang umaasa sa kaniyang sarili sa halip na kay Jehova. “Bilang isang dalaga, naging mas independiyente siya kaysa sa natatanto niya,” ang gunita ng Saksi. “Nag-alala ako na alinman sa maospital siya o mahulog sa espirituwal.”

Kaya nagkusa ang Saksi na makipagkatuwiranan sa estudyante tungkol sa Mateo 6:33, na pinasisigla siyang baguhin ang kaniyang mga priyoridad, unahin ang Kaharian, at magtiwala kay Jehova na isasaayos Niya ang mga bagay-bagay upang magkaroon ng pinakamainam na resulta. Prangka niyang tinanong ang estudyante: “Yamang namumuhay kang mag-isa, mahirap ba para sa iyo kung minsan na umasa sa iba, pati na kay Jehova?” Inamin ng estudyante na halos hindi na siya nananalangin. Saka siya pinasigla ng mamamahayag na sundin ang payo na nasa Awit 55:22 at ihagis ang kaniyang pasanin kay Jehova sapagkat, gaya ng tinitiyak sa atin sa 1 Pedro 5:7, “siya ay nagmamalasakit sa [iyo].” Naantig siya sa mga salitang ito. Sabi ng Saksi, “Isa iyon sa bihirang pagkakataon na nakita ko siyang lumuha.”

Panatilihing Gumagana sa Iyo ang Katotohanan

Malaking kagalakan para sa atin ang makitang tumutugon sa katotohanan sa Bibliya ang ating mga tinuturuan. Gayunman, upang magtagumpay ang ating mga pagsisikap na tumulong sa iba, kailangang magpakita tayo mismo ng magandang halimbawa. (Judas 22, 23) Lahat tayo ay kailangang “patuloy [na] gumawa ukol sa [ating] sariling kaligtasan nang may takot at panginginig.” (Filipos 2:12) Kalakip dito ang regular na pagpapasikat ng liwanag ng Kasulatan sa ating sariling mga puso, paghahanap ng mga saloobin, pagnanasa, at hangarin na kailangang ituwid.​—2 Pedro 1:19.

Halimbawa, nababawasan na ba ang iyong sigasig sa mga gawaing Kristiyano kamakailan? Kung oo, bakit? Ang isang maaaring dahilan ay sapagkat labis kang umaasa sa iyong sarili. Paano mo malalaman kung gayon nga? Basahin mo ang Hagai 1:2-11, at matapat mong bulay-bulayin ang pangangatuwiran ni Jehova sa nakabalik na mga Judio. Saka mo itanong sa iyong sarili: ‘Labis na ba akong nababahala sa pinansiyal na seguridad at materyal na mga kaalwanan? Talaga bang nagtitiwala ako na paglalaanan ni Jehova ang aking pamilya kapag inuna ko ang espirituwal na mga bagay? O iniisip ko na kailangang asikasuhin ko muna ang aking sarili?’ Kung may kailangang baguhin sa iyong pag-iisip o damdamin, huwag mag-atubiling gawin ito. Ang payo sa Kasulatan, gaya ng nasa Mateo 6:25-33, Lucas 12:13-21, at 1 Timoteo 6:6-12, ay naglalaan ng saligan para magkaroon ng timbang na pangmalas sa materyal na mga pangangailangan at pag-aari, isa na tumitiyak sa patuloy na pagpapala ni Jehova.​—Malakias 3:10.

Nakapupukaw ang ganitong uri ng prangkang pagsusuri sa sarili. Maaaring mabigat sa damdamin na aminin ang espesipikong mga kahinaan kapag itinawag-pansin sa atin ang mga ito. Gayunman, kapag maibigin kang nagkusang tulungan ang iyong anak, ang iyong estudyante sa Bibliya, o maging ang iyong sarili​—gaanuman kapersonal o kaselan ang isang bagay​—ginagawa mo ang unang hakbang upang mailigtas ang buhay niya o yaong sa iyo.​—Galacia 6:1.

Pero paano kung waring wala namang nagiging magandang bunga ang iyong mga pagsisikap? Huwag kang sumuko agad. Isang maselan, mahabang proseso, at nakasisiphayong tunguhin pa nga kung minsan ang pagtutuwid ng di-sakdal na puso. Subalit sulit din naman ito.

Ang kabataang si Eric, na nabanggit sa simula, ay nakabalik nang maglaon sa kaniyang katinuan at muling nagsimulang ‘lumakad sa katotohanan.’ (2 Juan 4) “Noong natanto ko kung ano ang naiwala ko, saka lamang ako nanumbalik kay Jehova,” ang sabi niya. Sa tulong ng kaniyang mga magulang, si Eric ay naglilingkod na ngayon nang tapat sa Diyos. Bagaman ikinainis niya noon ang paulit-ulit na pagtatangka ng kaniyang mga magulang na ipasuri sa kaniya ang puso niya, lubusan na niya ngayong pinahahalagahan ang ginawa nila. “Napakabuti ng aking mga magulang,” ang sabi niya. “Hindi kailanman nagmaliw ang pag-ibig nila sa akin.”

Ang pagsikat ng liwanag ng Salita ng Diyos sa puso ng ating mga tinuturuan ay kapahayagan ng maibiging-kabaitan. (Awit 141:5) Patuloy na maghanap ng katibayan sa puso ng iyong mga anak at ng iyong mga estudyante sa Bibliya kung talagang nag-uugat ang bagong Kristiyanong personalidad sa kanila. Patuloy na paganahin ang katotohanan sa iba at sa iyong sarili sa pamamagitan ng ‘paggamit nang wasto sa salita ng katotohanan.’​—2 Timoteo 2:15.

[Larawan sa pahina 29]

Isiniwalat ng mga salita ni Jesus ang kahinaan ni Pedro

[Larawan sa pahina 31]

Gamitin ang Bibliya upang masalok ang nilalaman ng puso