Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paghanap sa “Perlas na may Mataas na Halaga” sa Ngayon

Paghanap sa “Perlas na may Mataas na Halaga” sa Ngayon

Paghanap sa “Perlas na may Mataas na Halaga” sa Ngayon

“Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo.”​—MATEO 24:14.

1, 2. (a) Ano ang nasa isip ng mga Judio hinggil sa Kaharian ng Diyos noong panahon ni Jesus? (b) Ano ang ginawa ni Jesus upang ipaunawa nang wasto ang hinggil sa Kaharian, at ano ang naging resulta?

NANG dumating si Jesus sa lupa, interesadung-interesado ang mga Judio hinggil sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 3:1, 2; 4:23-25; Juan 1:49) Subalit sa simula, hindi lubusang nauunawaan ng karamihan sa kanila ang lawak at kapangyarihan nito; ni nauunawaan man nila na ito’y magiging isang makalangit na pamahalaan. (Juan 3:1-5) Kahit ang ilan na naging mga tagasunod ni Jesus ay hindi lubusang nakauunawa kung ano ang Kaharian ng Diyos o kung ano ang dapat nilang gawin upang matanggap ang pagpapala na maging kasamang mga tagapamahala ni Kristo.​—Mateo 20:20-22; Lucas 19:11; Gawa 1:6.

2 Sa paglipas ng panahon, matiyagang itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang maraming aral, kasali na ang talinghaga hinggil sa perlas na may mataas na halaga na tinalakay sa naunang artikulo, anupat ipinakita sa kanila ang kahalagahan ng kanilang pagpapagal sa pagtataguyod ng makalangit na Kaharian. (Mateo 6:33; 13:45, 46; Lucas 13:23, 24) Malamang na nakaantig ito sa kanilang puso dahil di-nagtagal, sila’y naging determinado at matatapang na tagapaghayag ng mabuting balita ng Kaharian sa malalayong bahagi ng lupa, gaya ng lubos na pinatutunayan ng aklat ng Mga Gawa.​—Gawa 1:8; Colosas 1:23.

3. May kaugnayan sa ating panahon, ano ang sinabi ni Jesus hinggil sa Kaharian?

3 Kumusta naman sa ngayon? Ipinangangaral na sa milyun-milyong tao ang mga pagpapala ng isang makalupang paraiso sa ilalim ng Kaharian. Sa kaniyang dakilang hula hinggil sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” espesipikong sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:3, 14; Marcos 13:10) Ipinaliwanag din niya na ang napakalaking atas na ito ay isasagawa sa kabila ng napakahirap na mga hadlang at hamon, at pag-uusig pa nga. Gayunpaman, ibinigay niya ang katiyakang ito: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mateo 24:9-13) Ang lahat ng ito ay nangangailangan ng pagsasakripisyo sa sarili at debosyon na gaya ng ipinakita ng naglalakbay na mangangalakal sa talinghaga ni Jesus. May mga indibiduwal ba sa ngayon na nagpapamalas ng gayong pananampalataya at sigasig sa pagtataguyod ng Kaharian?

Ang Kagalakan ng Pagkasumpong sa Katotohanan

4. Ano ang epekto ng katotohanan ng Kaharian sa mga tao sa ngayon?

4 Tuwang-tuwa ang mangangalakal sa talinghaga ni Jesus nang masumpungan niya ang napatunayan niyang isang “perlas na may mataas na halaga.” Inudyukan siya ng kagalakang iyan na gawin ang lahat ng kaniyang magagawa upang makamit ang perlas. (Hebreo 12:1) Sa ngayon, nakaaakit at nakapagpapasigla rin sa mga tao ang katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang Kaharian. Ipinaaalaala nito ang komento ni Brother A. H. Macmillan, na sumulat ng aklat na Faith on the March tungkol sa kaniyang personal na paghahanap sa Diyos at sa Kaniyang layunin para sa sangkatauhan. Sinabi niya: “Ang nasumpungan ko ay nasusumpungan pa rin taun-taon ng libu-libong tao. At sila ay mga taong gaya natin, dahil nanggaling sila sa lahat ng bansa, lahi, antas ng pamumuhay, at edad. Ang katotohanan ay hindi nagtatangi ng tao. Ito ay umaakit sa lahat ng uri ng tao.”

5. Anu-anong maiinam na resulta ang makikita sa ulat ng 2004 taon ng paglilingkod?

5 Nakikita ang katotohanan ng mga salitang iyan yamang taun-taon ay daan-daang libong tapat-pusong indibiduwal ang nauudyukan ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos na ialay ang kanilang buhay kay Jehova at gawin ang kaniyang kalooban. Makikita rin ito sa 2004 taon ng paglilingkod, na sumasaklaw mula Setyembre 2003 hanggang Agosto 2004. Sa 12 buwan na iyan, hayagang sinagisagan ng 262,416 katao ang kanilang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig. Naganap ito sa 235 lupain, kung saan idinaraos ng mga Saksi ni Jehova ang 6,085,387 lingguhang pantahanang pag-aaral sa Bibliya upang tulungan ang mga tao mula sa lahat ng antas ng pamumuhay at mula sa maraming bansa, tribo, at wika na kumuha ng nagbibigay-buhay na katotohanan mula sa Salita ng Diyos.​—Apocalipsis 7:9.

6. Ano ang mga dahilan ng patuloy na pagsulong sa nakalipas na mga taon?

6 Paano naging posible ang lahat ng ito? Walang alinlangan na inilalapit ni Jehova sa kaniya ang mga taong ito na wastong nakaayon. (Juan 6:65; Gawa 13:48) Gayunman, hindi dapat maliitin ang di-makasariling saloobin at walang-kapagurang pagsisikap ng mga nagpapagal para hanapin ang Kaharian. Sa edad na 79, sumulat si Brother Macmillan: “Mula nang una kong matutuhan ang mga pangakong ibinigay sa may-sakit at namamatay na sangkatauhan, hindi nagmaliw ang aking pag-asa sa isinisiwalat ng mensaheng iyan ng Bibliya. Mula noon, naging determinado akong tuklasin kung ano pa ang itinuturo ng Bibliya upang matulungan ko ang ibang gaya ko na naghahanap ng kaalaman tungkol sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova, at sa kaniyang mabubuting layunin para sa sangkatauhan.”

7. Anong karanasan ang naglalarawan sa kagalakan at kasabikan ng mga nakasusumpong ng katotohanan sa Bibliya?

7 Ang pananabik na iyan ay makikita rin sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon. Kuning halimbawa si Daniela na mula sa Vienna, Austria. Sinabi niya: “Mula pagkabata, ang Diyos na ang pinakamatalik kong kaibigan. Matagal ko nang gustong malaman ang kaniyang pangalan dahil para sa akin, ang titulong ‘Diyos’ ay hindi sapat para magkaroon ako ng kaugnayan sa kaniya. Ngunit kinailangan kong maghintay hanggang sa sumapit ako sa edad na 17, nang dalawin ako ng mga Saksi ni Jehova. Ipinaliwanag nila ang lahat ng nais kong malaman tungkol sa Diyos. Sa wakas, nasumpungan ko ang katotohanan, at kahanga-hanga ito! Sabik na sabik ako anupat nagsimula akong mangaral kahit na kanino.” Di-nagtagal at tinuya siya ng kaniyang mga kaeskuwela dahil sa kaniyang masiglang pangangaral. “Subalit para sa akin, katuparan lamang ito ng hula ng Bibliya,” ang sabi pa ni Daniela, “dahil natutuhan kong sinabi ni Jesus na kapopootan at uusigin ang kaniyang mga tagasunod dahil sa kaniyang pangalan. Tuwang-tuwa ako at hangang-hanga.” Di-nagtagal, inialay ni Daniela ang kaniyang buhay kay Jehova, nagpabautismo, at nagsimulang magtaguyod ng tunguhing maglingkod bilang misyonera. Nang mag-asawa siya, nangaral si Daniela kasama ang kaniyang asawang si Helmut, sa mga Aprikano, Indian, Pilipino, at Tsino na nasa Vienna. Sina Daniela at Helmut ay naglilingkod ngayon bilang mga misyonero sa timog-kanlurang Aprika.

Hindi Sila Sumusuko

8. Ano ang isang kasiya-siyang paraan na doo’y ipinakikita ng marami ang kanilang pag-ibig sa Diyos at pagkamatapat sa kaniyang Kaharian?

8 Tunay nga, ang paglilingkod bilang misyonero ay isa sa mga paraan na doo’y ipinakikita ng bayan ni Jehova sa ngayon ang kanilang pag-ibig sa Diyos at pagkamatapat sa kaniyang Kaharian. Tulad ng mangangalakal sa talinghaga ni Jesus, yaong mga pumapasok sa ganitong paglilingkuran ay handang maglakbay sa malalayong lugar alang-alang sa Kaharian. Siyempre pa, hindi naglalakbay ang mga misyonerong ito upang hanapin ang mabuting balita ng Kaharian; dinadala nila ito sa mga taong nakatira sa malalayong bahagi ng lupa, anupat tinuturuan at tinutulungan silang maging mga alagad ni Jesu-Kristo. (Mateo 28:19, 20) Sa maraming lupain, kailangan nilang batahin ang napakahirap na mga kalagayan. Ngunit saganang ginagantimpalaan ang kanilang pagbabata.

9, 10. Anu-anong kapana-panabik na mga karanasan ang tinatamasa ng mga misyonero sa malalayong lugar, tulad ng Central African Republic?

9 Kuning halimbawa ang Central African Republic, kung saan ang mga dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong nakaraang taon ay 16,184, mga pitong beses ang dami kaysa sa bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian sa lupaing iyan. Yamang walang kuryente sa maraming lugar sa bansang iyan, karaniwan nang ginagawa ng mga tao ang kanilang araw-araw na gawain sa labas ng bahay at sa lilim ng punungkahoy. Kaya natural lamang na sa gayunding paraan isasagawa ng mga misyonero ang kanilang gawain​—magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa labas ng bahay at sa lilim ng punungkahoy. Hindi lamang mas maliwanag at mas malamig sa labas ng bahay kundi may isa pang bentaha iyon. Likas na mapagpahalaga sa Bibliya ang mga tagaroon, at ang talakayan hinggil sa relihiyosong mga paksa ay kasingkaraniwan na lamang ng mga pag-uusap tungkol sa isport o sa lagay ng panahon sa ibang mga kultura. Kadalasan, napapansin ng mga dumaraan ang idinaraos na pag-aaral at basta na lamang sila sumasali.

10 Kaya naman, nang magdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya sa labas ng bahay ang isang misyonero, lumapit ang isang kabataang lalaki na nakatira sa kabilang kalye at nagsabi na yamang hindi pa siya napupuntahan ng misyonero, dapat siyang dalawin ng misyonero at makipag-aral din ng Bibliya sa kaniya. Siyempre pa, tuwang-tuwang sumang-ayon ang misyonero, at mabilis ang pagsulong ng kabataang lalaki. Sa bansang iyan, madalas na pinahihinto ng mga pulis ang mga Saksi sa daan, hindi para arestuhin o pagmultahin, kundi para humiling ng pinakabagong isyu ng mga magasing Bantayan at Gumising! o para pasalamatan sila dahil sa isang artikulo na nagustuhan ng mga pulis.

11. Sa kabila ng mga pagsubok, ano ang nadarama ng matatagal nang mga misyonero tungkol sa kanilang paglilingkod?

11 Marami sa mga nagsimulang maglingkod bilang mga misyonero mga 40 o 50 taon na ang nakalilipas ang tapat pa ring naglilingkod sa larangan. Tunay ngang mga halimbawa sila ng pananampalataya at pagtitiyaga para sa ating lahat! Isang mag-asawa ang 42 taon nang magkasamang nakapaglingkod bilang mga misyonero sa tatlong bansa. Sinabi ng asawang lalaki: “Marami kaming naranasang hirap. Halimbawa, 35 taon kaming nakipaglaban sa sakit na malarya. Gayunman, hindi namin pinagsisihan kailanman ang aming pasiya na maging mga misyonero.” Sinabi pa ng kaniyang asawa: “Napakarami naming dapat ipagpasalamat. Talagang kasiya-siya ang ministeryo sa larangan, at madaling makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Kapag nakikita mong dumadalo sa mga pulong ang mga estudyante at nakikipagkilala sa isa’t isa, para itong pagsasama-sama ng isang pamilya.

‘Ang Lahat ng Bagay ay Itinuturing Nilang Kawalan’

12. Paano ipinahahayag ang tunay na pagpapahalaga sa Kaharian?

12 Nang masumpungan ng naglalakbay na mangangalakal ang isang perlas na may mataas na halaga, “umalis siya at dali-daling ipinagbili ang lahat ng mga bagay na taglay niya at binili iyon.” (Mateo 13:46) Ang katangiang ito ng pagiging handang isakripisyo ang bagay na maaaring itinuturing na mahalaga ay kitang-kita sa mga tunay na nagpapahalaga sa Kaharian. Bilang isa na may pag-asang maranasan ang kaluwalhatian ng Kaharian kasama ni Kristo, sinabi ni apostol Pablo: “Tunay ngang ang lahat ng bagay ay itinuturing ko rin na kawalan dahil sa nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus na aking Panginoon. Dahil sa kaniya ay tinanggap ko ang kawalan ng lahat ng bagay at itinuturing kong mga basura ang mga iyon, upang matamo ko si Kristo.”​—Filipos 3:8.

13. Paano ipinakita ng isang indibiduwal sa Czech Republic ang kaniyang pag-ibig sa Kaharian?

13 Sa katulad na paraan, marami sa ngayon ang handa ring gumawa ng malalaking pagbabago sa kanilang buhay upang matamo ang mga pagpapala ng Kaharian. Halimbawa, noong Oktubre 2003, ang 60-taóng-gulang na prinsipal sa isang paaralan sa Czech Republic ay nakasumpong ng isang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Matapos basahin ito, agad siyang nakipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa kanilang lugar para makipag-aral ng Bibliya. Mahusay ang pagsulong niya sa espirituwal at di-nagtagal ay nagsimula na siyang dumalo sa lahat ng pulong. Subalit paano na ang kaniyang planong tumakbo bilang alkalde at sa kalaunan ay kumandidato sa eleksiyon bilang senador? Pinili niyang itaguyod ang ibang karera sa buhay​—bilang isang tagapaghayag ng Kaharian. Sinabi niya, “Nakapagpasakamay ako ng maraming literatura sa Bibliya sa aking mga estudyante.” Sinagisagan niya ang kaniyang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig sa isang kombensiyon noong Hulyo 2004.

14. (a) Ano ang ginawa ng milyun-milyong tao dahil sa mabuting balita ng Kaharian? (b) Anu-anong seryosong mga tanong ang maaaring isaalang-alang ng bawat isa sa atin?

14 Milyun-milyong tao sa buong daigdig ang tumutugon sa mabuting balita ng Kaharian sa katulad na paraan. Lumabas sila sa balakyot na sanlibutan, hinubad ang kanilang lumang personalidad, humiwalay sa kanilang dating mga kasamahan, at tumalikod sa kanilang makasanlibutang mga tunguhin. (Juan 15:19; Efeso 4:22-24; Santiago 4:4; 1 Juan 2:15-17) Bakit nila ginagawa ang lahat ng ito? Dahil higit nilang pinahahalagahan ang mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos kaysa sa anumang bagay na maiaalok ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. Gayundin ba ang nadarama mo hinggil sa mabuting balita ng Kaharian? Nauudyukan ka ba nitong gumawa ng kinakailangang mga pagbabago upang maiayon sa mga kahilingan ni Jehova ang iyong istilo ng pamumuhay, mga pamantayan, at tunguhin? Ang paggawa nito ay magdudulot sa iyo ng saganang pagpapala ngayon at sa hinaharap.

Sumasapit Na sa Kasukdulan ang Pag-aani

15. Ano ang inihulang gagawin ng bayan ng Diyos sa mga huling araw?

15 Sumulat ang salmista: “Ang iyong bayan ay kusang-loob na maghahandog ng kanilang sarili sa araw ng iyong hukbong militar.” Kabilang sa mga naghandog ng kanilang sarili ang “pulutong ng mga kabataan na gaya ng mga patak ng hamog” at ang “isang malaking hukbo” ng “mga babaing naghahayag ng mabuting balita.” (Awit 68:11; 110:3) Ano ang naging resulta ng kasipagan at pagsasakripisyo sa sarili ng bayan ni Jehova​—mga lalaki at babae, mga bata at matanda​—sa mga huling araw na ito?

16. Magbigay ng halimbawa kung paano nagsisikap ang mga lingkod ng Diyos upang tulungan ang iba na matuto tungkol sa Kaharian.

16 Isang payunir, o buong-panahong tagapaghayag ng Kaharian, sa India ang nabahala kung paano matutulungan ang mahigit na dalawang milyong bingi sa lupaing iyan na matuto tungkol sa Kaharian. (Isaias 35:5) Nagpasiya siyang kumuha ng maikling kurso sa Bangalore upang matuto ng wikang pasenyas. Naibahagi niya sa maraming bingi roon ang pag-asa ukol sa Kaharian, at naitatag ang panggrupong mga pag-aaral sa Bibliya. Sa loob lamang ng ilang linggo, mahigit sa isang dosenang tao ang nagsimula nang dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Nang maglaon, sa isang handaan sa kasal, nakilala ng payunir ang isang binging kabataang lalaki na taga-Calcutta na nagbangon ng maraming tanong at nagpakita ng masidhing pagnanais na higit pang makaalam tungkol kay Jehova. Subalit may problema. Uuwi na ang kabataang lalaki sa Calcutta, mga 1,600 kilometro ang layo, upang magkolehiyo, at walang Saksi roon na marunong ng wikang pasenyas. Sinikap niya nang husto na kumbinsihin ang kaniyang ama na pag-aralin na lamang siya sa Bangalore upang maipagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral sa Bibliya. Mahusay ang pagsulong niya sa espirituwal, at pagkaraan ng halos isang taon, inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova. Siya naman ngayon ang nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa ilang bingi, kabilang na ang isang kaibigan niya mula pa sa pagkabata. Ang tanggapang pansangay sa India ay nagsasaayos ngayon para makapag-aral ng wikang pasenyas ang mga payunir upang makatulong sa larangang iyan.

17. Ilahad ang nasumpungan mong lubhang nakapagpapatibay tungkol sa ulat ng 2004 taon ng paglilingkod na nasa pahina 19 hanggang 22.

17 Sa pahina 19 hanggang 22 ng magasing ito, makikita mo ang pandaigdig na ulat ng gawain sa larangan ng mga Saksi ni Jehova para sa 2004 taon ng paglilingkod. Gumugol ng ilang sandali para suriin ito, at tingnan mo mismo ang katibayan na talagang nakatuon sa ngayon ang pansin ng bayan ni Jehova sa buong daigdig sa paghahanap sa “perlas na may mataas na halaga.”

Patuloy na “Hanapin Muna ang Kaharian”

18. Anong impormasyon ang hindi binanggit ni Jesus sa talinghaga hinggil sa naglalakbay na mangangalakal, at bakit?

18 Kung muli nating susuriin ang talinghaga ni Jesus hinggil sa naglalakbay na mangangalakal, mapapansin natin na hindi binanggit ni Jesus kung paano matutustusan ng mangangalakal ang kaniyang sarili matapos ipagbili ang lahat ng taglay niya. Makatotohanan namang itanong ng ilan: ‘Paano na ang pagkain, damit, at tirahan ng mangangalakal ngayong wala na siyang mapagkukunan pa? Ano ang kabuluhan sa kaniya ng mahalagang perlas na iyon?’ Makatuwiran ngang mga katanungan iyan kung titingnan sa makalamang pangmalas. Ngunit hindi ba’t hinimok ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo”? (Mateo 6:31-33) Ang pangunahing punto ng talinghaga ay ang pangangailangang ipakita ang buong-pusong debosyon sa Diyos at ang sigasig ukol sa Kaharian. May aral ba tayong mapupulot dito?

19. Anong pangunahing aral ang matututuhan natin mula sa talinghaga ni Jesus hinggil sa perlas na may mataas na halaga?

19 Tayo man ay bago pa lamang natuto tungkol sa kahanga-hangang mabuting balita o maraming dekada nang nagtataguyod ng Kaharian at nagpapahayag sa iba tungkol sa mga pagpapala nito, kailangan nating patuloy na ituon ang ating interes at pansin sa Kaharian. Totoo ngang mahirap ang panahon ngayon, ngunit may matitibay tayong dahilan upang maniwala na ang hinahanap natin ay tunay at walang katumbas​—gaya ng perlas na nasumpungan ng mangangalakal. Ang mga pangyayari sa daigdig at ang natupad na mga hula sa Bibliya ay nagbibigay ng nakakakumbinsing patotoo na nabubuhay na tayo sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3) Gaya ng naglalakbay na mangangalakal, ipakita natin ang buong-pusong sigasig para sa Kaharian ng Diyos at magsaya sa pribilehiyo ng pagpapahayag ng mabuting balita.​—Awit 9:1, 2.

Naaalaala Mo Ba?

• Sa nakalipas na mga taon, ano ang dahilan ng pagsulong ng tunay na mga mananamba?

• Anong saloobin ang makikita sa mga naglilingkod bilang mga misyonero?

• Anu-anong pagbabago ang ginawa ng mga indibiduwal dahil sa mabuting balita ng Kaharian?

• Anong mahalagang aral ang matututuhan natin mula sa talinghaga ni Jesus hinggil sa perlas na may mataas na halaga?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Chart sa pahina 19-22]

ULAT SA 2004 TAON NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG

(Tingnan ang publikasyon)

[Larawan sa pahina 14]

“Ang katotohanan ay . . . umaakit sa lahat ng uri ng tao.”​—A. H. Macmillan

[Larawan sa pahina 15]

Nangaral sina Daniela at Helmut sa teritoryo sa Vienna na banyaga ang wika

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Gaya ng naglalakbay na mangangalakal, saganang pinagpapala ang mga misyonero sa ngayon

[Larawan sa pahina 17]

“Ang iyong bayan ay kusang-loob na maghahandog ng kanilang sarili”