Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino ang Magpapakain sa Daigdig?

Sino ang Magpapakain sa Daigdig?

Sino ang Magpapakain sa Daigdig?

AYON sa pagtantiya ng World Food Programme, isang ahensiya ng United Nations sa pakikipaglaban sa pagkagutom, 800 milyon katao​—karamihan ay mga bata​—ang malapit nang dumanas ng pagkagutom na halos ikamatay na nila. Kamakailan, sinabi ng ahensiyang iyan na ang salapi at atensiyong dapat sana’y inilalaan ng maraming mauunlad na bansa sa situwasyong ito ay nagagamit sa ibang mga problema, gaya ng terorismo. Lalo pang lumaki ang problema nang kumalat ang mga nakahahawang sakit. Ganito ang sabi ng Global School Feeding Report ng ahensiya tungkol sa mga bansa sa Aprika kung saan laganap ang AIDS: “Nauubos na ang isang buong henerasyon ng mga magulang. Ang mga batang naiiwan nila ay madalas na napipilitang suportahan ang kanilang sarili, na karamihan ay walang kaalam-alam sa mga kasanayan sa pagsasaka at sa pang-araw-araw na pamumuhay na karaniwan nang ipinamamana ng isang henerasyon sa susunod na henerasyon.”

Itinataguyod ng World Food Programme na mapasimulan ang pagpapakain sa mga paaralan kahit minsan man lamang sa isang araw. Ang ideyang ito ay hindi lamang para mabawasan ang pagkagutom kundi para mapasigla rin sa pamamagitan ng regular na edukasyon ang iba pang mga programa na dinisenyo upang maiwasan ang HIV/​AIDS sa mga kabataan.

Sa mga lugar na ipinatutupad na ang ganitong programa, ang mga bata ay tumatanggap ng pagkain, pagsasanay sa paglilinis ng katawan, at iba pang tulong. Napansin din na bumaba ang bilang ng mga nagkakaroon ng HIV/​AIDS sa mga lugar na kinakitaan ng mga pagbabago sa paggawi.

Nakalulungkot sabihin, ang resulta ng mga pagsisikap ng tao ay kadalasan nang hindi lubusang nagtatagumpay. Subalit ang Bibliya ay nagbibigay ng isang nakaaaliw na pangako may kinalaman sa permanenteng solusyon sa problema ng pagkagutom. “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa,” ang sabi ng Awit 72:16. Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, masasabi ng mga tao tungkol sa Diyos na Jehova: “Ibinaling mo ang iyong pansin sa lupa, upang mabigyan mo ito ng kasaganaan . . . Inihahanda mo ang kanilang butil, sapagkat ganiyan mo inihahanda ang lupa.”​—Awit 65:9.

[Picture Credit Line sa pahina 32]

WFP/​Y. Yuge