Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ginamit Namin ang Aming Nagbabagong Kalagayan Upang Magpatotoo sa Malalayong Lugar

Ginamit Namin ang Aming Nagbabagong Kalagayan Upang Magpatotoo sa Malalayong Lugar

Ginamit Namin ang Aming Nagbabagong Kalagayan Upang Magpatotoo sa Malalayong Lugar

AYON SA SALAYSAY NI RICARDO MALICSI

Nang mawalan ako ng trabaho dahil sa paninindigan ko sa Kristiyanong neutralidad, kami ng pamilya ko ay humingi ng tulong kay Jehova na ugitan ang aming kinabukasan. Sa aming panalangin, ipinahayag namin ang aming hangaring palawakin ang aming ministeryo. Di-nagtagal pagkatapos nito, sinimulan namin ang palipat-lipat na paraan ng pamumuhay na nagdala sa amin sa walong banyagang bansa sa dalawang kontinente. Dahil dito, naisagawa namin ang aming ministeryo sa malalayong lugar.

ISINILANG ako sa Pilipinas noong 1933 sa isang pamilyang kaugnay sa Iglesia Filipina Indipendiente. Lahat kaming 14 na miyembro ng aming pamilya ay kabilang sa relihiyong iyon. Nang ako’y mga 12 taóng gulang, hiniling ko sa Diyos sa panalangin na ituro sa akin ang tunay na relihiyon. Ipinatala ako ng isa sa aking mga guro sa isang klase sa relihiyon, at ako’y naging isang debotong Katoliko. Lagi akong nangungumpisal tuwing Sabado at nasa misa kung Linggo. Gayunman, unti-unti akong naging mapag-alinlangan at hindi nasisiyahan. Nabahala ako sa mga tanong may kinalaman sa kung ano ang nangyayari sa mga tao kapag namatay sila at tungkol sa apoy ng impiyerno at sa Trinidad. Ang mga sagot na ibinigay sa akin ng mga lider ng relihiyon ay walang kabuluhan at hindi kasiya-siya.

Pagtanggap ng Kasiya-siyang mga Kasagutan

Samantalang nag-aaral sa kolehiyo, sumali ako sa isang fraternity at nasangkot ako sa away, pagsusugal, paninigarilyo, at iba pang imoral na gawain. Isang gabi, nakilala ko ang ina ng isa sa aking mga kaklase. Isa siyang Saksi ni Jehova. Iniharap ko sa kaniya ang mga tanong na ibinangon ko rin sa aking mga guro sa relihiyon. Sinagot niya mula sa Bibliya ang lahat ng aking katanungan, at kumbinsido ako na ang sinabi niya ay ang katotohanan.

Bumili ako ng isang Bibliya at sinimulan kong pag-aralan ito kasama ng mga Saksi. Di-nagtagal, dumadalo na ako sa lahat ng mga pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova. Bilang pagsunod sa matalinong payo ng Bibliya na ang “masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali,” hindi na ako nakisama sa aking imoral na mga kaibigan. (1 Corinto 15:33) Tumulong ito sa akin na sumulong sa aking pag-aaral sa Bibliya at nang maglaon ay inialay ko ang aking sarili kay Jehova. Pagkatapos ng aking bautismo noong 1951, naglingkod ako bilang isang buong-panahong ministro (payunir) sa loob ng ilang panahon. At noong Disyembre 1953, pinakasalan ko si Aurea Mendoza Cruz, na naging kasama ko habang buhay at tapat na kamanggagawa sa ministeryo.

Sagot sa Aming mga Panalangin

Talagang hangarin naming maglingkod bilang mga payunir. Subalit hindi kaagad natupad ang aming hangaring maglingkod kay Jehova nang lubusan. Magkagayon man, hindi kami huminto sa paghiling kay Jehova na buksan ang mga pagkakataon sa paglilingkod sa kaniya. Nang panahong iyon, mahirap ang aming buhay. Gayunman, iningatan namin sa isipan ang aming espirituwal na mga tunguhin, at sa gulang na 25, nahirang akong lingkod ng kongregasyon, ang punong tagapangasiwa sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.

Habang sumusulong ako sa kaalaman sa Bibliya at nagkakaroon ng higit na kaunawaan sa mga simulain ni Jehova, natanto ko na ang aking trabaho ay labag sa aking budhi bilang isang neutral na Kristiyano. (Isaias 2:2-4) Nagpasiya akong magbitiw sa trabaho. Ito’y naging isang pagsubok sa aming pananampalataya. Paano ko paglalaanan ang mga pangangailangan ng aking pamilya? Muli kaming lumapit sa Diyos na Jehova sa panalangin. (Awit 65:2) Sinabi namin sa kaniya ang aming mga ikinababahala at pangamba, ngunit ipinahayag din namin sa kaniya ang aming hangaring maglingkod kung saan may higit na pangangailangan para sa mga tagapangaral ng Kaharian. (Filipos 4:6, 7) Wala kaming kamalay-malay na mabubuksan sa amin ang iba’t ibang pagkakataon!

Pasimula ng Aming Paglalakbay

Noong Abril 1965, tinanggap ko ang trabaho sa Vientiane International Airport, sa Laos, bilang superbisor sa pag-apula sa apoy ng bumabagsak na eroplano at sa kaakibat nitong gawaing pagsagip, at lumipat kami roon. Sa lunsod ng Vientiane, may 24 na Saksi, at nasiyahan kami sa gawaing pangangaral na kasama ng mga misyonero at ng ilang kapatid doon. Nang maglaon, inilipat ako sa Udon Thani Airport, sa Thailand. Walang ibang Saksi sa Udon Thani. Bilang isang pamilya, idinaos namin ang lahat ng lingguhang mga pagpupulong na kami-kami lamang. Nangaral kami sa bahay-bahay, nagsagawa ng mga pagdalaw-muli, at nagsimula ng mga pag-aaral sa Bibliya.

Naalaala namin ang payo ni Jesus sa kaniyang mga alagad na dapat silang ‘patuloy na mamunga ng marami.’ (Juan 15:8) Kaya nagpasiya kaming sundan ang kanilang halimbawa at patuloy na ipahayag ang mabuting balita. Di-nagtagal at nagtamasa kami ng mga resulta. Isang kabataang babae na taga-Thailand ang tumanggap ng katotohanan at naging espirituwal na kapatid namin. Dalawang taga-Hilagang Amerika ang tumanggap ng katotohanan at nang maglaon ay naging Kristiyanong matatanda. Nagpatuloy kami sa pangangaral ng mabuting balita sa loob ng mahigit na sampung taon sa gawing hilaga ng Thailand. Tuwang-tuwa kaming malaman na mayroon na ngayong isang kongregasyon sa Udon Thani! Namumunga pa rin ang ilang binhi ng katotohanan na itinanim namin doon.

Gayunman, nakalulungkot na kinailangan na naman naming lumipat, at nanalangin kami na sana’y tulungan kami ng “Panginoon ng pag-aani” na patuloy na magkaroon ng bahagi sa gawaing pangangaral. (Mateo 9:38) Inilipat kami sa Tehran, ang kabisera ng Iran. Ito’y noong panahon ng pamumuno ng Shah.

Pangangaral sa Mahihirap na Teritoryo

Pagdating namin sa Tehran, agad naming nasumpungan ang aming espirituwal na mga kapatid. Umugnay kami sa isang maliit na grupo ng mga Saksi na binubuo ng 13 iba’t ibang nasyonalidad. Kailangan naming gumawa ng mga pagbabago upang maipangaral ang mabuting balita sa Iran. Bagaman wala kaming nararanasang tahasang pagsalansang, dapat kaming maging maingat.

Dahil sa iskedyul sa trabaho ng mga interesado, kung minsan ay kailangan naming magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa hatinggabi o pagkaraan nito​—hanggang sa madaling-araw. Gayunman, anong ligaya namin na makita ang bunga ng pagpapagal na iyon! Tinanggap ng maraming pamilyang Pilipino at Koreano ang Kristiyanong katotohanan at inialay ang kanilang sarili kay Jehova.

Ang sumunod kong atas na trabaho ay sa Dhaka, Bangladesh. Dumating kami roon noong Disyembre 1977. Isa itong bansa kung saan hindi madali ang aming gawaing pangangaral. Gayunman, laging nasa isip namin na dapat kaming manatiling aktibo. Sa patnubay ng espiritu ni Jehova, nasumpungan namin ang maraming pamilyang nag-aangking mga Kristiyano. Ang ilan sa kanila ay nauuhaw sa nakarerepreskong tubig ng katotohanan na masusumpungan sa Banal na Kasulatan. (Isaias 55:1) Bunga nito, nakapagpasimula kami ng maraming pag-aaral sa Bibliya.

Iningatan namin sa isipan na kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas.” (1 Timoteo 2:4) Mabuti naman, walang nagsikap na magdulot ng problema sa amin. Upang madaig ang anumang pagtatangi, tinitiyak namin na gumagamit kami ng lubhang palakaibigang paglapit. Katulad ni apostol Pablo, sinikap naming ‘maging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao.’ (1 Corinto 9:22) Kapag tinatanong kami tungkol sa layunin ng aming pagdalaw, may-kabaitan naming ipinaliliwanag ito, at nasumpungan namin na ang karamihan ay lubhang palakaibigan.

Nasumpungan namin sa Dhaka ang isang Saksi na tagaroon at pinasigla namin siyang sumama sa amin sa mga pagpupulong Kristiyano at nang maglaon ay sa gawaing pangangaral. Ang aking asawa naman ay nakipag-aral ng Bibliya sa isang pamilya at inanyayahan sila sa aming mga pagpupulong. Dahil sa maibiging-kabaitan ni Jehova, napasakatotohanan ang buong pamilya. Nang maglaon, ang kanilang dalawang anak na babae ay tumulong sa pagsasalin ng mga literatura sa Bibliya sa wikang Bengali, at marami sa kanilang mga kamag-anak ang nakakilala rin kay Jehova. Marami pang estudyante sa Bibliya ang tumanggap ng katotohanan. Ang karamihan sa kanila ay naglilingkod ngayon bilang matatanda o mga payunir.

Yamang lubhang mataong lunsod ang Dhaka, inanyayahan namin ang ilang miyembro ng aming pamilya na tumulong sa amin sa gawaing pangangaral. Ang ilan ay tumugon at sumama sa amin sa Bangladesh. Gayon na lamang ang aming kagalakan at pasasalamat kay Jehova para sa pagkakataon na makibahagi sa pangangaral ng mabuting balita sa bansang iyon! Mula sa napakaliit na pasimula na isang tao lamang, mayroon na ngayong dalawang kongregasyon sa Bangladesh.

Noong Hulyo 1982, kailangan na naman naming umalis sa Bangladesh. Luhaan kami nang iwan namin ang mga kapatid. Di-nagtagal, tumanggap ako ng trabaho sa Entebbe International Airport, sa Uganda, kung saan tumira kami roon sa loob ng apat na taon at pitong buwan. Ano kaya ang magagawa namin upang maparangalan ang dakilang pangalan ni Jehova sa lupaing ito?

Paglilingkod kay Jehova sa Silangang Aprika

Pagdating namin sa Entebbe International Airport, isang tsuper ang sumundo sa aming mag-asawa at dinala kami sa aming tuluyan. Habang papaalis kami ng paliparan, nagsimula akong mangaral sa tsuper tungkol sa Kaharian ng Diyos. Tinanong niya ako: “Isa po ba kayong Saksi ni Jehova?” Nang sumagot ako ng oo, sinabi ng tsuper: “Ang isa po sa inyong mga kapatid ay nagtatrabaho sa control tower.” Karaka-raka, hiniling ko sa kaniya na dalhin ako roon. Nakilala namin ang kapatid, na tuwang-tuwang makita kami, at isinaayos ang mga pagpupulong at paglilingkod sa larangan.

Mayroon lamang 228 mamamahayag ng Kaharian sa Uganda noong panahong iyon. Kasama ang dalawang kapatid na lalaki sa Entebbe, ginugol namin ang aming unang taon sa pagtatanim ng mga binhi ng katotohanan. Yamang mahilig magbasa ang mga tao roon, nakapagpasakamay kami ng maraming literatura at daan-daang magasin. Inanyayahan namin ang mga kapatid mula sa Kampala, ang kabisera, na tulungan kaming mangaral sa teritoryo ng Entebbe kung mga dulo ng sanlinggo. Sa aking unang pahayag pangmadla, lima ang dumalo​—kabilang na ako.

Sa sumunod na tatlong taon, naranasan namin ang ilan sa pinakamaliligayang sandali sa aming buhay, ang makitang tumugon at mabilis na sumusulong ang aming mga tinuruan. (3 Juan 4) Sa isang pansirkitong asamblea, anim sa aming mga estudyante sa Bibliya ang nabautismuhan. Sinabi ng marami sa kanila na sila’y napasiglang magsumikap sa buong-panahong paglilingkod sapagkat nakita nila kaming nagpapayunir, bagaman buong-panahon kaming nagtatrabaho.

Natanto namin na maaari ring maging mabungang teritoryo ang aming dako ng trabaho. Noong minsan, nilapitan ko ang isang may tungkulin sa pag-apula ng apoy sa paliparan at ibinahagi sa kaniya ang salig-Bibliyang pag-asa na buhay sa isang paraisong lupa. Ipinakita ko sa kaniya mula sa sarili niyang Bibliya na ang masunuring sangkatauhan ay mamumuhay sa kapayapaan at pagkakaisa, anupat hindi na magdurusa dahil sa kahirapan, kawalan ng tirahan, digmaan, sakit, o kamatayan. (Awit 46:9; Isaias 33:24; 65:21, 22; Apocalipsis 21:3, 4) Napukaw ang kaniyang interes dahil nabasa niya ito sa sarili niyang Bibliya. Napasimulan agad ang isang pag-aaral sa Bibliya. Dumalo siya sa lahat ng mga pagpupulong. Di-nagtagal, inialay niya ang kaniyang sarili kay Jehova at nagpabautismo. Nang maglaon, sumama siya sa amin sa buong-panahong ministeryo.

Dalawang beses sumiklab ang kaguluhang sibil sa Uganda samantalang naroon kami, subalit hindi nito napahinto ang aming espirituwal na mga gawain. Ang mga kasambahay ng mga nagtatrabaho sa internasyonal na mga ahensiya ay inilipat sa Nairobi, Kenya, upang manatili roon sa loob ng anim na buwan. Kaming mga naiwan sa Uganda ay nagpatuloy sa aming Kristiyanong mga pagpupulong at gawaing pangangaral, bagaman kailangan naming maging maingat.

Noong Abril 1988, natapos na ang aking atas na trabaho at muli kaming lumipat. Nilisan namin ang Kongregasyon ng Entebbe taglay ang matinding kasiyahan dahil sa espirituwal na mga pagsulong doon. Noong Hulyo 1997, nagkaroon kami ng pagkakataong dumalaw muli sa Entebbe. Nang panahong iyon, ang ilan sa aming dating mga estudyante sa Bibliya ay naglilingkod na bilang matatanda. Tuwang-tuwa kaming makita ang 106 na dumalo sa Pahayag Pangmadla!

Paglipat sa Hindi Pa Nagagawang Teritoryo

Magkakaroon pa kaya kami ng bagong mga pagkakataon? Oo, ang aking sumunod na atas na trabaho ay sa Mogadishu International Airport, sa Somalia. Determinado kaming samantalahin ang bagong pagkakataong ito na maglingkod sa hindi pa nagagawang teritoryo.

Ang aming gawaing pangangaral ay halos doon lamang sa mga tauhan ng embahada, mga manggagawang Pilipino, at iba pang mga banyaga. Karaniwan nang nakikita namin sila sa palengke. Nagsagawa rin kami ng palakaibigang pagdalaw sa kanilang mga tahanan. Sa pagiging malikhain, mapamaraan, maingat, at lubusang pagtitiwala kay Jehova, naibahagi namin ang mga katotohanan ng Bibliya sa iba, at nagbunga ito sa mga taong mula sa iba’t ibang nasyonalidad. Pagkaraan ng dalawang taon, umalis kami sa Mogadishu​—bago sumiklab ang digmaan doon.

Pagkatapos, inatasan ako ng International Civil Aviation Organization sa Yangon, Myanmar. Minsan pa, nabuksan sa amin ang magagandang pagkakataon na tulungan ang tapat-pusong mga tao na matuto hinggil sa mga layunin ng Diyos. Pagkatapos sa Myanmar, naatasan kami sa Dar es Salaam, Tanzania. Mas madali ang pangangaral ng mabuting balita sa bahay-bahay sa Dar es Salaam sapagkat may pamayanan na nagsasalita ng Ingles.

Sa lahat ng bansang pinagtrabahuhan namin, kaunting-kaunti lamang ang naging problema namin sa pagsasagawa ng aming ministeryo, bagaman sa maraming kalagayan, may mga pagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. Dahil sa kalagayan ng aking trabaho, na karaniwang nauugnay sa pamahalaan o sa internasyonal na mga ahensiya, hindi kinukuwestiyon ng mga tao ang aming gawain.

Kinailangan sa aking sekular na trabaho na kaming mag-asawa ay mamuhay na parang mga taong palipat-lipat ng tirahan sa loob ng tatlong dekada. Gayunman, minalas namin ang aking trabaho bilang isang paraan upang maabot namin ang aming pangunahing tunguhin. Ang una naming tunguhin ay laging itaguyod ang mga kapakanan ng Kaharian ng Diyos. Nagpapasalamat kami kay Jehova sa pagtulong sa amin na magamit nang mahusay ang aming nagbabagong mga kalagayan at matamasa ang kamangha-manghang pribilehiyo na mapalaganap ang mabuting balita sa malalayong lugar.

Pagbabalik sa Pinagmulan

Sa gulang na 58, nagpasiya akong magretiro nang maaga at bumalik sa Pilipinas. Pag-uwi namin, nanalangin kami kay Jehova na patnubayan ang aming hakbang. Nagsimula kaming maglingkod sa isang kongregasyon sa Lunsod ng Trece Martires, sa lalawigan ng Cavite. Nang una kaming dumating doon, mayroon lamang 19 na tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Isinaayos ang araw-araw na gawaing pangangaral, at nasimulan ang maraming pag-aaral sa Bibliya. Nagsimulang sumulong ang kongregasyon. May pagkakataon na nagkaroon ng 19 na pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang aking asawa, at ako naman ay may 14.

Di-nagtagal, naging masikip na ang Kingdom Hall. Nanalangin kami kay Jehova hinggil dito. Isang espirituwal na kapatid at ang kaniyang maybahay ang nagpasiyang mag-abuloy ng isang piraso ng lupa, at sinang-ayunan naman ng tanggapang pansangay ang pag-utang para sa pagtatayo ng isang bagong Kingdom Hall. Malaki ang naging epekto ng bagong gusali sa gawaing pangangaral, at dumarami ang dumadalo linggu-linggo. Sa kasalukuyan, naglalakbay kami nang mahigit sa isang oras upang tumulong sa ibang kongregasyon na may 17 mamamahayag.

Pinahahalagahan naming mag-asawa ang pribilehiyong tinamasa namin sa paglilingkod sa napakaraming iba’t ibang bansa. Sa paggunita sa aming palipat-lipat na paraan ng pamumuhay, lubos ang aming kasiyahan sa pagkaalam na ginamit namin ito sa pinakamabuting paraan hangga’t maaari​—upang tulungan ang iba pa na matuto tungkol kay Jehova!

[Mapa sa pahina 24, 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

TANZANIA

UGANDA

SOMALIA

IRAN

BANGLADESH

MYANMAR

LAOS

THAILAND

PILIPINAS

[Larawan sa pahina 23]

Kasama ang aking asawa, si Aurea