Makapagtatagumpay ang Pag-aasawa sa Daigdig sa Ngayon
Makapagtatagumpay ang Pag-aasawa sa Daigdig sa Ngayon
“Damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”—Colosas 3:14.
1, 2. (a) Anong katotohanan ang nakapagpapasigla may kinalaman sa kongregasyong Kristiyano? (b) Ano ang matagumpay na pag-aasawa?
KAPAG pinagmamasdan natin ang kongregasyong Kristiyano, hindi ba nakaaantig-damdaming makita ang napakaraming mag-asawa na naging tapat sa kanilang kabiyak sa loob ng 10, 20, 30, o higit pang mga taon? Nananatili silang tapat sa kanilang kabiyak sa hirap at ginhawa.—Genesis 2:24.
2 Aaminin ng karamihan na hindi puro ginhawa ang kanilang pag-aasawa. Ganito ang isinulat ng isang nagmamasid: “Hindi malaya sa problema ang maligayang mga pag-aasawa. May masasaya at malulungkot na panahon . . . Subalit sa paanuman . . . ang mga taong ito ay nananatiling tapat sa kanilang pag-aasawa sa kabila ng [kaligaligan] ng makabagong buhay.” Natutuhang harapin ng matatagumpay na mag-asawa ang di-maiiwasang mga problema at krisis na dulot ng mga panggigipit sa buhay, lalo na kung nakapagpalaki na sila ng mga anak. Natutuhan ng gayong mga mag-asawa mula sa kanilang karanasan na ang tunay na pag-ibig ay “hindi kailanman nabibigo.”—1 Corinto 13:8.
3. Ano ang ipinahihiwatig ng mga estadistika hinggil sa pag-aasawa at diborsiyo, na umaakay sa anu-anong tanong?
3 Sa kabaligtaran, milyun-milyong pag-aasawa ang nawawasak. Ganito ang sinabi ng isang ulat: “Kalahati ng lahat ng pag-aasawa sa Estados Unidos ay inaasahang magwawakas sa diborsiyo. At kalahati sa mga [diborsiyong] iyon ay magaganap sa unang 7.8 taon ng pag-aasawa . . . Sa 75 porsiyento ng mga taong nag-asawang muli, 60 porsiyento ang muling magdidiborsiyo.” Tumaas ang bilang ng diborsiyo kahit sa mga bansang masasabing mababa ang bilang ng diborsiyo noon. Halimbawa, sa Hapon, halos nadoble ang bilang ng diborsiyo nitong nakaraang mga taon. Anu-ano ang ilan sa mga panggigipit na umaakay sa ganitong situwasyon, mga panggigipit na kung minsan ay nakikita maging sa loob ng kongregasyong Kristiyano? Ano ang kailangan upang maging matagumpay ang pag-aasawa sa kabila ng mga pagsisikap ni Satanas na sirain ang kaayusang iyan?
Mga Patibong na Dapat Iwasan
4. Anu-ano ang ilang salik na maaaring sumira sa pag-aasawa?
4 Tinutulungan tayo ng Salita ng Diyos na maunawaan ang mga salik na maaaring sumira sa pag-aasawa. Halimbawa, isaalang-alang ang mga salita ni apostol Pablo hinggil sa mga kalagayang iiral sa mga huling araw na ito: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito; at layuan mo ang mga ito.”—2 Timoteo 3:1-5.
5. Bakit isinasapanganib ng isang ‘umiibig sa sarili’ ang kaniyang pag-aasawa, at ano ang payo ng Bibliya hinggil dito?
5 Kung susuriin natin ang mga salita ni Pablo, makikita natin na marami sa mga bagay na itinala niya ang maaaring maging sanhi ng pagkawasak ng ugnayan ng mag-asawa. Halimbawa, yaong “mga maibigin sa kanilang sarili” ay makasarili at walang konsiderasyon sa iba. Ang mga asawang lalaki o babae na umiibig lamang sa kanilang sarili ay determinadong masunod ang gusto nila. Mapagmatigas sila at hindi mapagparaya. Makatutulong kaya ang gayong saloobin upang maging maligaya ang pag-aasawa? Hinding-hindi. May-karunungang pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano, pati na ang mga mag-asawa: “Hindi [kayo dapat] gumagawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi [nang] may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo, na itinutuon ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.”—Filipos 2:3, 4.
6. Paano maaaring sirain ng pag-ibig sa salapi ang ugnayan ng mag-asawa?
6 Ang pag-ibig sa salapi ay maaaring sumira sa pag-aasawa. Nagbabala si Pablo: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.” (1 Timoteo 6:9, 10) Nakalulungkot, nagkakatotoo ang babala ni Pablo sa maraming pag-aasawa sa ngayon. Dahil sa kanilang pagsisikap na yumaman, ipinagwawalang-bahala ng maraming asawa ang mga pangangailangan ng kanilang kabiyak, pati na ang pangunahing pangangailangan na matamasa ang emosyonal na suporta at ang regular at magiliw na pakikipagsamahan.
7. Sa ilang kaso, anong paggawi ang umakay sa kataksilan sa pag-aasawa?
7 Sinabi rin ni Pablo na sa mga huling araw na ito, ang ilang tao ay magiging ‘di-matapat, walang likas na pagmamahal, hindi bukás sa anumang kasunduan.’ Ang panata sa pag-aasawa ay isang seryosong pangako na dapat umakay sa isang permanenteng buklod, hindi sa kataksilan. (Malakias 2:14-16) Subalit ang ilan ay nagpakita ng romantikong interes sa mga indibiduwal na hindi naman nila asawa. Isang babaing mahigit nang 30 anyos na iniwan ng kaniyang asawa ang nagpaliwanag na bago ito nangyari, masyadong pamilyar at masyadong malambing sa ibang mga babae ang kaniyang asawa. Hindi natanto ng asawang lalaki kung anong paggawi ang di-angkop para sa isang may asawa na. Lubhang nasaktan ang asawang babae nang makita niyang nangyayari ito at mataktikang binabalaan ang kaniyang asawa sa mapanganib na landasing tinatahak nito. Gayunpaman, nagkasala ang asawang lalaki ng pangangalunya. Kahit may-kabaitan na siyang binabalaan, ayaw pa ring makinig ng nagkasalang asawa. Tuluy-tuloy siyang nahulog sa bitag.—Kawikaan 6:27-29.
8. Ano ang maaaring umakay sa pangangalunya?
8 Kaylinaw ng babala ng Bibliya laban sa pangangalunya! “Ang sinumang nangangalunya sa isang babae ay kapos ang puso; siyang gumagawa nito ay nagpapahamak ng kaniyang sariling kaluluwa.” (Kawikaan 6:32) Karaniwan na, hindi naman biglaan at kaagad-agad na nangyayari ang pangangalunya. Gaya ng binanggit ng manunulat ng Bibliya na si Santiago, ang isang kasalanang gaya ng pangangalunya ay karaniwan nang nagaganap pagkatapos lamang isipin at bulay-bulayin ito. (Santiago 1:14, 15) Unti-unti, hindi na nagiging matapat ang nagkakasalang kabiyak sa asawang pinangakuan niya ng habang-buhay na katapatan. Sinabi ni Jesus: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.”—Mateo 5:27, 28.
9. Anong matalinong payo ang masusumpungan sa Kawikaan 5:18-20?
9 Samakatuwid, ang matalino at matapat na landasin ay yaong pinasisigla sa aklat ng Mga Kawikaan: “Pagpalain ang iyong bukal ng tubig, at magsaya ka sa asawa ng iyong kabataan, isang kaibig-ibig na babaing usa at mapanghalinang kambing-bundok. Magpakalango ka sa kaniyang mga dibdib sa lahat ng panahon. Sa kaniyang pag-ibig ay lagi ka nawang magtamasa ng masidhing ligaya. Kaya anak ko, bakit ka magtatamasa ng masidhing ligaya sa babaing di-kilala o yayakap ka sa dibdib ng ibang babae?”—Kawikaan 5:18-20.
Huwag Magmadali sa Pag-aasawa
10. Bakit matalinong maglaan ng panahon na makilala ang taong gusto mong mapangasawa?
10 Maaaring bumangon ang mga suliranin sa pag-aasawa kapag maagang nagpakasal ang magkasintahan. Baka napakabata pa nila at kulang pa nga sa karanasan. O marahil ay hindi sila naglalaan ng panahon upang makilala ang isa’t isa—ang mga bagay na gusto at hindi nila gusto, ang kanilang mga tunguhin sa buhay, at ang kanilang pinagmulang pamilya. Matalinong maging matiyaga, anupat naglalaan ng panahon na makilala ang taong gusto mong mapangasawa. Isipin si Jacob, ang anak ni Isaac. Kinailangan siyang magtrabaho sa kaniyang magiging biyenan sa loob ng pitong taon bago siya pinahintulutang pakasalan si Raquel. Handa niyang gawin iyon dahil ang kaniyang damdamin ay nakasalig sa tunay na pag-ibig, hindi lamang sa pisikal na pagkaakit.—Genesis 29:20-30.
11. (a) Ano ang pinagbubuklod ng pag-aasawa? (b) Bakit napakahalaga ng matalinong paggamit ng pananalita sa pag-aasawa?
11 Ang pag-aasawa ay hindi lamang isang romantikong ugnayan. Pinagbubuklod ng pag-aasawa ang dalawang taong nagmula sa magkaibang pamilya at may magkaibang personalidad, kayarian sa emosyon, at kadalasan ay magkaibang pinag-aralan. Kung minsan, ito ay pagsasama ng dalawang kultura, at dalawang wika pa nga. Anuman ang kalagayan, pinagsasama nito ang dalawang taong may magkaibang pananaw sa iba’t ibang bagay. Bahagi talaga ng pag-aasawa ang gayong pagkakaiba. Maaari silang maging laging mapamintas at mapagreklamo, o maaari silang maging magiliw at nakapagpapatibay. Oo, sa ating mga pananalita, maaari nating masaktan o mapagaling ang ating kabiyak. Ang di-makontrol na pagsasalita ay tunay na nakapagdudulot ng kaigtingan sa pag-aasawa.—Kawikaan 12:18; 15:1, 2; 16:24; 21:9; 31:26.
12, 13. Anong makatotohanang pangmalas sa pag-aasawa ang hinihimok na taglayin natin?
12 Kung gayon, matalino na talagang maglaan ng panahon na makilala ang taong gusto mong mapangasawa. Sinabi minsan ng isang makaranasang babaing Kristiyano: “Kapag sinusuri mo ang taong gusto mong mapangasawa, pag-isipan marahil ang sampung pangunahing bagay na nais Lucas 6:41.
mong makita sa kaniya. Kung pito lamang ang makita mo, tanungin ang iyong sarili, ‘Handa ko bang palampasin ang tatlong nawawala? Kaya ko bang tiisin ang mga pagkukulang na iyon araw-araw?’ Kung nag-aalinlangan ka, huminto muna at muling mag-isip.” Siyempre, kailangan mong maging makatotohanan. Kung nais mong mag-asawa, dapat mong mabatid na hindi ka kailanman makakakita ng sakdal na kabiyak. Pero kasabay nito, ang taong pakakasalan mo sa dakong huli ay hindi rin naman makahahanap ng sakdal na asawa!—13 Nasasangkot sa pag-aasawa ang pagsasakripisyo. Itinampok ito ni Pablo nang sabihin niya: “Nais kong maging malaya kayo sa kabalisahan. Ang lalaking walang asawa ay nababalisa para sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya makakamit ang pagsang-ayon ng Panginoon. Ngunit ang lalaking may asawa ay nababalisa para sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya makakamit ang pagsang-ayon ng kaniyang asawa, at siya ay nababahagi. Karagdagan pa, ang babaing walang asawa, at ang birhen, ay nababalisa para sa mga bagay ng Panginoon, upang siya ay maging banal kapuwa sa kaniyang katawan at sa kaniyang espiritu. Gayunman, ang babaing may asawa ay nababalisa para sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya makakamit ang pagsang-ayon ng kaniyang asawa.”—1 Corinto 7:32-34.
Kung Bakit Nabibigo ang Ilang Pag-aasawa
14, 15. Anu-anong salik ang maaaring makapagpahina sa buklod ng pag-aasawa?
14 Kamakailan ay naranasan ng isang babaing Kristiyano ang trauma ng diborsiyo nang iwan siya ng kaniyang asawa pagkatapos ng 12 taon ng pag-aasawa at sumama ito sa ibang babae. May napansin ba siyang anumang nagbababalang palatandaan bago nawasak ang kanilang pag-aasawa? Ipinaliwanag niya: “Umabot siya sa puntong hindi na siya nananalangin. Nagbibigay siya ng mabababaw na dahilan upang hindi makadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong at makabahagi sa gawaing pangangaral. Sinasabi niyang napakaabala niya o pagód na pagód na siya upang gumugol pa ng panahon kasama ko. Hindi na niya ako kinakausap. Ayaw na niyang pag-usapan ang espirituwal na mga bagay. Talagang nakalulungkot ito. Hindi na siya ang lalaking pinakasalan ko.”
15 Ganiyan din ang napansin ng iba na mga palatandaan, kabilang dito ang pagpapabaya sa personal na pag-aaral sa Bibliya, pananalangin, o pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Sa ibang salita, hinayaan ng maraming indibiduwal, na sa dakong huli ay nang-iwan ng kanilang asawa, na humina ang kanilang kaugnayan kay Jehova. Bunga nito, hindi na sila nagtutuon ng pansin sa espirituwal na mga bagay. Para sa kanila, hindi na isang buháy na Diyos si Jehova. Hindi na naging isang katotohanan ang ipinangakong bagong sanlibutan ng katuwiran. Sa ilang kaso, ang paghina na ito sa espirituwal ay nangyayari na bago pa magkaroon ng ugnayan ang di-tapat na kabiyak sa isang hindi niya asawa.—Hebreo 10:38, 39; 11:6; 2 Pedro 3:13, 14.
16. Ano ang nagpapatatag sa pag-aasawa?
16 Sa kabaligtaran, sinasabi ng isang napakaligayang mag-asawa na nagtagumpay ang kanilang pag-aasawa dahil sa kanilang matibay na espirituwal na buklod. Magkasama silang nananalangin at nag-aaral. Ganito ang sinabi ng asawang lalaki: “Magkasama naming binabasa ang Bibliya. Magkasama kaming lumalabas sa ministeryo. Nasisiyahan kaming gawin ang mga bagay-bagay nang magkasama.” Maliwanag ang aral: Malaki ang naitutulong ng pagpapanatili ng mabuting kaugnayan kay Jehova sa katatagan ng pag-aasawa.
Maging Makatotohanan at Makipagtalastasan
17. (a) Anong dalawang bagay ang nakatutulong sa matagumpay na pag-aasawa? (b) Paano inilalarawan ni Pablo ang Kristiyanong pag-ibig?
17 May dalawa pang bagay na nakatutulong sa matagumpay na pag-aasawa: Kristiyanong pag-ibig at pakikipagtalastasan. Kapag nag-iibigan ang dalawang tao, may tendensiya sila na ipagwalang-bahala ang kapintasan ng bawat isa. Maaaring pumasok sa pag-aasawa ang magkasintahan na labis-labis ang inaasahan, batay marahil sa nabasa nila sa romantikong mga nobela o napanood sa mga pelikula. Gayunman, kailangang harapin ng mag-asawa ang katotohanan sa dakong huli. Pagkatapos, baka maging malalaki nang problema ang maliliit na kapintasan o mga kaugaliang medyo nakaiirita. Kapag nangyari iyan, kailangang ipakita ng mga Kristiyano ang mga bunga ng espiritu, na ang isang pitak nito ay pag-ibig. (Galacia 5:22, 23) Tunay ngang napakalakas ng pag-ibig—hindi romantikong pag-ibig kundi Kristiyanong pag-ibig. Inilarawan ni Pablo ang gayong Kristiyanong pag-ibig, sa pagsasabing: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. . . . Hindi [ito] naghahanap ng sarili nitong kapakanan, hindi napupukaw sa galit. Hindi ito nagbibilang ng pinsala. . . . Tinitiis nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay.” (1 Corinto 13:4-7) Maliwanag na ang tunay na pag-ibig ay nagpaparaya sa mga kahinaan ng tao. Sa katunayan, hindi nito inaasahan ang kasakdalan.—Kawikaan 10:12.
18. Paano mapatitibay ng pakikipagtalastasan ang isang ugnayan?
18 Napakahalaga rin ng pakikipagtalastasan. Gaano man karaming taon na ang lumipas, dapat mag-usap at matamang makinig ang mag-asawa sa isa’t isa. Ganito ang sinabi ng isang asawang lalaki: “Malaya naming inihahayag ang aming damdamin subalit sa palakaibigang paraan.” Mula sa karanasan, natututuhan ng isa na pakinggan hindi lamang ang sinasabi kundi ang hindi rin nasasabi ng kaniyang asawa. Sa ibang salita, habang lumilipas ang panahon, nalalaman ng maligayang mag-asawa kung ano ang di-nasambit na mga kaisipan o di-naipahayag na damdamin ng isa’t isa. Sinasabi ng ilang asawang babae na hindi naman sila talaga pinakikinggan ng kanilang asawa. Inirereklamo naman ng ilang asawang lalaki na waring gustong makipag-usap ng kanilang asawa sa pinakaalanganing panahon. Kasama sa pakikipagtalastasan ang pagkamahabagin at kaunawaan. Kapaki-pakinabang ang mabisang pakikipagtalastasan kapuwa sa asawang lalaki at asawang babae.—Santiago 1:19.
19. (a) Bakit maaaring mahirap humingi ng tawad? (b) Ano ang mag-uudyok sa atin na humingi ng tawad?
19 Kung minsan, kasama sa pakikipagtalastasan ang paghingi ng tawad. Hindi ito palaging madali. Kailangan ng kapakumbabaan upang aminin ang pagkakamali ng isa. Subalit napakalaki ng nagagawa nito sa pag-aasawa! Maaaring pawiin ng taimtim na paghingi ng tawad ang posibleng maging mga sanhi ng pag-aaway sa hinaharap at magbigay-daan sa tunay na pagpapatawad at maglaan ng solusyon sa problema. Sinabi ni Pablo: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo. Ngunit, bukod pa sa lahat ng bagay na ito, damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”—Colosas 3:13, 14.
20. Paano dapat pakitunguhan ng isang Kristiyano ang kaniyang asawa kapag silang dalawa lamang at kapag nasa harap ng ibang tao?
Kawikaan 31:28b) Tiyak na hindi natin sila hahamakin anupat ginagawa silang tampulan ng mangmang at walang-pakundangang mga pagbibiro. (Colosas 4:6) Ang gayong pagsuporta sa isa’t isa ay napatitibay ng regular na kapahayagan ng pagmamahal. Ang paghawak o ang pabulong na kapahayagan ng pagmamahal ay maaaring magpahiwatig na: “Mahal pa rin kita. Natutuwa ako na kasama kita.” Ang mga ito ay ilan lamang sa mga salik na makaiimpluwensiya sa ugnayan at makatutulong sa pag-aasawa na magtagumpay sa daigdig sa ngayon. Mayroon pang ibang mga salik, at ang susunod na artikulo ay magbibigay ng karagdagang maka-Kasulatang tagubilin kung paano gagawing matagumpay ang pag-aasawa. *
20 Mahalaga rin sa pag-aasawa ang pagsuporta ng isa’t isa. Ang mag-asawang Kristiyano ay dapat na nagtitiwala at umaasa sa isa’t isa. Hindi dapat hamakin ng isa ang kaniyang asawa o sa ibang paraan ay pahinain ang kumpiyansa sa sarili ng kaniyang asawa. Maibigin nating pinapupurihan ang ating asawa; hindi natin sila malupit na pinupuna. ([Talababa]
^ par. 20 Para sa higit pang detalyadong impormasyon, tingnan ang publikasyong Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Anu-ano ang ilang salik na maaaring makasira sa pag-aasawa?
• Bakit hindi matalinong magmadali sa pag-aasawa?
• Paano nakaaapekto ang espirituwalidad sa pag-aasawa?
• Anu-anong salik ang nakatutulong upang patatagin ang pag-aasawa?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 12]
Ang pag-aasawa ay hindi lamang isang romantikong ugnayan
[Mga larawan sa pahina 14]
Ang isang matibay na kaugnayan kay Jehova ay nakatutulong sa mag-asawa na magtagumpay sa kanilang pag-aasawa