Mga Kapakinabangan ng Pakikipagpayapaan
Mga Kapakinabangan ng Pakikipagpayapaan
MAMAMATAY na si Ed, at kinapopootan siya ni Bill. Dalawang dekada bago nito, nawalan ng trabaho si Bill dahil sa isang pasiyang ginawa ni Ed, at iyon ang dahilan ng paghihiwalay ng dating matalik na magkaibigang ito. Sinikap ngayon ni Ed na humingi ng tawad upang mamatay siya nang payapa. Subalit ayaw siyang pakinggan ni Bill.
Pagkalipas ng halos 30 taon, nang malapit nang mamatay si Bill, ipinaliwanag niya kung bakit hindi siya nagpatawad. “Hindi dapat ganoon ang ginawa ni Ed sa kaniyang matalik na kaibigan. Basta ayaw kong makipagkasundo kahit dalawampung taon na ang nakalipas. . . . Maaaring mali ako, pero iyon ang nadarama ko.” *
Hindi naman karaniwang gayon kasaklap ang kinahihinatnan ng personal na mga di-pagkakaunawaan, ngunit madalas na nakasasakit ito ng damdamin o nagdudulot ng sama ng loob sa mga tao. Isaalang-alang ang isa na katulad ni Ed. Palibhasa’y natanto na nakapinsala ang kaniyang desisyon, ang gayong indibiduwal ay maaaring makonsensiya at makadama ng malaking kawalan. Gayunman, nasasaktan din siya kapag iniisip niyang itinuring lamang ng kaniyang nagdamdam na kasamahan na para bang basura lamang ang kanilang pagkakaibigan.
Subalit itinuturing naman ng isang kagaya ni Bill na isa siyang walang kamalay-malay na biktima at baka masamang-masama ang kaniyang loob at naghihinanakit. Para sa kaniya, sinadya ng dati niyang kaibigan ang kaniyang ginawa at baka talagang plano nitong ipahamak siya. Kadalasan, kapag
may di-pagkakaunawaan ang dalawang tao, kumbinsido ang bawat isa na tama siya at na dapat isisi ang lahat sa kaniyang kaalit. Kaya naman ang dalawang dating magkaibigan ay naging mortal na magkaaway, wika nga.Tahimik na mga sandata ang gamit nila sa pag-aaway—lumalayo ang isa kapag dumaraan ang kaniyang kaalit, at hindi nila pinapansin ang isa’t isa kapag nasa grupo sila. Mula sa malayo, palihim nilang sinusulyapan ang isa’t isa o kaya ay nagpapalitan ng di-palakaibigan at matatalim na titig. Kapag nagsalita sila, may pilantik ang kanilang mga sinasabi o kaya ay nang-iinsulto sa pamamagitan ng matatalim na mga salita.
Gayunman, bagaman tila lubusan silang salungat sa isa’t isa, malamang na pareho naman silang sumasang-ayon sa ilang bagay. Maaaring inaamin nila na mayroon silang malulubhang problema at malungkot ang makipaghiwalay sa isang matalik na kaibigan. Malamang na nadarama ng bawat isa ang kirot ng malalim na sugat sa damdamin, at kapuwa nila alam na may nararapat gawin upang maghilom ito. Ngunit sino ang unang magkukusang ayusin ang nasirang ugnayan at makipagpayapaan? Walang gustong mauna.
Dalawang libong taon na ang nakalilipas, may mga panahong galít na nagtatalu-talo ang mga apostol ni Jesu-Kristo. (Marcos 10:35-41; Lucas 9:46; 22:24) Pagkatapos ng isa sa kanilang maiinit na pagtatalu-talo, nagtanong si Jesus: “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?” Palibhasa’y nanahimik sa hiya, walang sumagot sa kanila. (Marcos 9:33, 34) Nakatulong ang mga turo ni Jesus upang muli silang magkasundo. Ang kaniyang payo, at ang payo ng ilan sa kaniyang mga alagad, ay tumutulong pa rin sa mga tao na malutas ang mga alitan at maayos ang nasirang mga pagkakaibigan. Tingnan natin kung paano.
Sikaping Makipagpayapaan
“Ayaw kong makipag-usap sa taong iyon. Hindi ko na gustong makita ang kaniyang pagmumukha.” Kapag nasabi mo ang mga salitang iyan tungkol sa isang tao, kailangan kang kumilos, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga teksto sa Bibliya.
Itinuro ni Jesus: “Kung gayon, kapag dinadala mo sa altar ang iyong kaloob at doon ay naalaala mo na ang iyong kapatid ay may isang bagay na laban sa iyo, iwan mo roon sa harap ng altar ang iyong kaloob, at umalis ka; makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid.” (Mateo 5:23, 24) Sinabi rin niya: “Kung ang kapatid mo ay magkasala, pumaroon ka at ihayag ang kaniyang pagkakamali na ikaw at siya lamang.” (Mateo 18:15) Nakasakit ka man ng damdamin ng iba o ikaw ang nasaktan ng iba, idiniriin ng mga salita ni Jesus ang pangangailangang ipakipag-usap mo kaagad ang bagay na iyon sa taong kinauukulan. Dapat mong gawin ito “sa espiritu ng kahinahunan.” (Galacia 6:1) Ang tunguhin ng pag-uusap na iyon ay hindi upang ipagsanggalang ang iyong reputasyon sa pamamagitan ng mga pagmamatuwid o upang gipitin ang iyong kaaway para humingi ng tawad, kundi upang makipagpayapaan. Mabisa ba ang payong ito ng Bibliya?
Superbisor si Ernest sa isang malaking opisina. * Sa loob ng maraming taon, kinailangan niyang pangasiwaan ang maseselang bagay sa kaniyang trabaho kasama ng iba’t ibang uri ng tao at panatilihin ang mabuting pakikipag-ugnayan sa kanila bilang mga katrabaho. Nakita na niya kung gaano kadaling sumiklab ang personal na mga alitan. Sinabi niya: “Hindi ko nakakasundo ang iba paminsan-minsan. Ngunit kapag nangyari ito, nilalapitan ko ang taong iyon at pinag-uusapan namin ang problema. Personal mo silang lapitan. Harapin sila, na may tunguhing makipagpayapaan. Lagi nitong nilulutas ang problema.”
May mga kaibigan si Alicia mula sa iba’t ibang kultura, at ganito ang sabi niya: “Kung minsan, may nasasabi akong isang bagay at pagkatapos ay napapansin ko na parang may nagdamdam. Nilalapitan ko ang taong iyon at humihingi ng tawad sa kaniya. Maaaring mas madalas akong humingi ng tawad kaysa sa
nararapat dahil kahit hindi nasaktan ang damdamin ng iba, mas maganda ang pakiramdam ko kapag humingi ako ng tawad. Sa gayon ay alam ko na walang di-pagkakaunawaan.”Pagdaig sa mga Hadlang
Gayunman, ang daan sa pakikipagpayapaan kapag may personal na mga di-pagkakaunawaan ay kadalasang nahahadlangan. Nasabi mo na ba ang ganito: “Bakit ako ang dapat maunang makipagpayapaan? E, siya naman ang gumawa ng problema.” O nasubukan mo na bang lapitan ang isang tao upang ayusin ang isang problema ngunit ang sinabi niya sa iyo ay: “Wala na tayong dapat pag-usapan”? Ganiyan ang tugon ng ilang tao dahil nasaktan ang kanilang damdamin. Sinasabi ng Kawikaan 18:19: “Ang kapatid na pinagkasalahan ay higit pa kaysa sa matibay na bayan; at may mga pagtatalo na tulad ng halang ng tirahang tore.” Kaya isaalang-alang mo ang damdamin ng gayong tao. Kung ayaw ka niyang kausapin, palipasin ang ilang panahon at muli mong subukin na kausapin siya. Baka sa panahong iyon ay bukás na ang “matibay na bayan” at naalis na ang “halang” sa pintuan tungo sa pagkakasundo.
Maaaring isa pang hadlang sa kapayapaan ang takot na maiwala ang paggalang sa sarili. Para sa ilang tao, kahiya-hiya ang paghingi ng tawad o kahit ang pakikipag-usap sa isang kaaway. Wasto namang mabahala hinggil sa paggalang sa sarili, ngunit ang pagtanggi bang makipagpayapaan ay nakadaragdag o nakababawas ng paggalang sa sarili? Hindi kaya ang inaakala nating pagkabahala sa paggalang sa sarili ay pagmamapuri pala?
Ipinakikita ng manunulat ng Bibliya na si Santiago na may kaugnayan ang palaaway na saloobin at ang pagmamapuri. Matapos ilantad ang “mga digmaan” at “mga pag-aaway” ng ilang Kristiyano, ganito pa ang sinabi niya: “Sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit nagbibigay siya ng di-sana-nararapat na kabaitan sa mga mapagpakumbaba.” (Santiago 4:1-3, 6) Paano humahadlang sa pakikipagpayapaan ang kapalaluan, o pagmamapuri?
Nililinlang ng pagmamapuri ang mga tao, anupat pinapaniwala sila na mas mahusay sila sa iba. Inaakala ng mga palalo na may awtoridad silang humatol sa kanilang kapuwa. Paano? Kapag bumangon ang mga di-pagkakaunawaan, madalas na itinuturing nilang wala nang pag-asa pang magbago ang kanilang mga kaaway. Nauudyukan ng pagmamapuri ang ilang tao na ituring na di-nararapat pansinin ang hindi nila kasundo, at kung gayon ay hindi rin siya nararapat sa taimtim na paghingi ng tawad. Kaya naman madalas na pinahihintulutan ng mga napangingibabawan ng pagmamapuri sa sarili na magpatuloy ang alitan sa halip na lutasin ito sa wastong paraan.
Tulad ng isang barikada na humahadlang sa trapiko sa isang haywey, madalas na hinahadlangan ng pagmamapuri ang mga hakbang na umaakay sa kapayapaan. Kaya kung napapansin mong nahihirapan kang makipagpayapaan sa iba, malamang na nakikipagpunyagi ka sa pagmamapuri. Paano mo madaraig ang pagmamapuri? Sa pamamagitan ng paglinang sa kabaligtaran nito—kapakumbabaan.
Gawin ang Mismong Kabaligtaran
Lubusang iminumungkahi ng Bibliya ang kapakumbabaan. “Ang bunga ng kapakumbabaan at ng pagkatakot kay Jehova ay kayamanan at kaluwalhatian at buhay.” (Kawikaan 22:4) Sa Awit 138:6, mababasa natin ang pangmalas ng Diyos sa mapagpakumbabang mga indibiduwal at sa mga mapagmapuri: “Si Jehova ay mataas, gayunma’y nakikita niya ang mapagpakumbaba; ngunit ang matayog ay kilala lamang niya sa malayo.”
Itinuturing ng maraming tao na kahiya-hiya ang kapakumbabaan. Waring ganito ang palagay ng mga tagapamahala ng sanlibutan. Bagaman nagpapasakop ang buong bansa sa kanilang kalooban, takót ang pulitikal na mga lider na mapagpakumbabang aminin ang kanilang mga pagkakamali. Kapag narinig ang isang tagapamahala na nagsabi ng, “Patawad,” tiyak na mababalita ito. Kamakailan lamang, nang humingi ng tawad ang dating opisyal ng pamahalaan dahil sa kaniyang kapabayaan sa isang nakamamatay na sakuna, naging ulo ng balita ang kaniyang mga sinabi.
Ang kapakumbabaan ay ang katangian ng pagiging mababang-loob o pagkakaroon ng mapagpakumbabang pagtingin sa sarili na kabaligtaran ng pagmamapuri o kapalaluan. Kaya inilalarawan ng kapakumbabaan ang pangmalas ng isang tao sa kaniyang sarili, hindi ang opinyon ng iba tungkol sa kaniya. Ang mapagpakumbabang pag-amin sa mga pagkakamali at taimtim na paghingi ng tawad ay hindi kahiya-hiya sa isang tao; sa halip, pinabubuti nito ang kaniyang reputasyon. Sinasabi sa Bibliya: “Bago ang pagbagsak ay matayog ang puso ng tao, at bago ang kaluwalhatian ay may kapakumbabaan.”—Kawikaan 18:12.
Hinggil sa mga pulitiko na hindi humihingi ng tawad kapag nagkakamali sila, isang guro sa pamantasan ang nagsabi: “Nakalulungkot, waring iniisip nila na isang tanda ng kahinaan ang gayong pag-amin. Ang mga taong mahina at walang kumpiyansa ay nahihirapang magsabi ng, ‘Sori.’ Ang mga taong madamayin at malalakas ang loob ay hindi nawawalan ng paggalang sa sarili kahit magsabi sila ng, ‘Nagkamali ako.’ ” Totoo rin ito maging sa mga hindi pulitiko. Kung magsisikap ka na halinhan ng kapakumbabaan ang pagmamapuri, mas malaki ang pag-asa mong magtagumpay sa pakikipagpayapaan kapag may personal na di-pagkakaunawaan. Pansinin kung paano natuklasan ng isang pamilya ang katotohanan ng bagay na ito.
Nagkaroon ng tensiyon sa pagitan ni Julie at ng kaniyang kapatid na si William dahil sa isang di-pagkakaunawaan. Nagalit nang husto si William kay Julie at sa asawa nitong si Joseph anupat hindi na siya nakipag-ugnayan sa kanila. Isinauli pa nga niya ang lahat ng regalong ibinigay sa kaniya nina Julie at Joseph sa nagdaang mga taon. Sa paglipas ng mga buwan, sama ng loob ang humalili sa dating matalik na pagsasamahan ng magkapatid na ito.
Gayunman, ipinasiya ni Joseph na ikapit ang Mateo 5:23, 24. Sinikap niyang kausapin sa espiritu ng kahinahunan ang kaniyang bayaw at pinadalhan niya ito ng personal na mga liham na doo’y humihingi siya ng tawad dahil nasaktan niya ang damdamin nito. Hinimok din ni Joseph ang kaniyang asawa na patawarin na ang kapatid niya. Nang maglaon, nakita ni William na talagang nais nina Julie at Joseph na makipagpayapaan, at lumambot ang kaniyang puso. Nakipagkita si William at ang kaniyang asawa kina Julie at Joseph; humingi sila ng tawad sa isa’t isa, nagyakapan, at naisauli ang kanilang pagkakaibigan.
Kung hangad mong malutas ang personal na di-pagkakaunawaan sa iba, matiyagang ikapit ang mga turo ng Bibliya at sikaping makipagpayapaan sa taong nasasangkot. Tutulungan ka ni Jehova. Magiging totoo rin sa iyo ang sinabi ng Diyos sa sinaunang Israel: “O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog.”—Isaias 48:18.
[Mga talababa]
^ par. 3 Salig sa The Murrow Boys—Pioneers on the Front Lines of Broadcast Journalism, nina Stanley Cloud at Lynne Olson.
^ par. 12 Binago ang ilang pangalan.
[Mga larawan sa pahina 7]
Malimit na naisasauli ang mapapayapang ugnayan dahil sa paghingi ng tawad