Mga Pulubi, Pamamalimos—Ano ba ang Dapat Maging Pangmalas sa mga Ito?
Mga Pulubi, Pamamalimos—Ano ba ang Dapat Maging Pangmalas sa mga Ito?
ANG pulubi ay isang tao na namamalimos, samakatuwid nga, palagian at hayagang nanghihingi ng kawanggawa.
Ipinakikita ng Bibliya na ang kaayusan ng mga patriyarka ay umiral na bago at pagkatapos ng pangglobong Baha noong mga araw ni Noe. Walang alinlangang malaki ang naitulong ng kaayusang ito upang maiwasan ang mga situwasyon kung saan ang mga indibiduwal ay mapapabukod sa lipunan, malalagay sa matinding kagipitan, at mapipilitang umasa na lamang sa kawanggawa ng publiko, kaya naman nahadlangan nito ang pagkakaroon ng mga pulubi. Mula pa noong sinaunang mga panahon, waring nakagawian na ng mga tao na maging mapagpatuloy sa mga taga-ibang bayan o sa mga naglalakbay; dahil dito, mababanaag sa mga ulat ng Bibliya ang gayong pagkamapagpatuloy, maliban sa iilang pagkakataon. (Genesis 19:1-3; Exodo 2:18-20; Hukom 19:15-21) Ang isa sa mga dahilan kung bakit humina ang kaayusan ng mga patriyarka ay ang pag-unlad ng mga lunsod, at posibleng ito, pati ang sakim na hilig na magsamantala sa pagkamapagpatuloy o pagkakawanggawa ng iba, ang umakay sa paglitaw ng gawaing pamamalimos sa gitna ng mga tao.
Lumilitaw na ang pamamalimos ay isang napakasinaunang gawain sa mga lupain sa Silangan. Dahil dito, lalong kapansin-pansin na sa Hebreong Kasulatan ay walang pahiwatig na may namamalimos o na ito’y naging partikular na problema sa bansang Israel mula nang itatag ang bansang iyon hanggang noong ipatapon sila sa Babilonya. Nang lisanin ng mga Israelita ang Ehipto at ang pagkaalipin nila sa lupaing iyon, hiningan [isang anyo ng pandiwang Hebreo na sha·ʼalʹ] nila ang mga Ehipsiyo ng mga kagamitang pilak at mga kagamitang ginto at mga balabal. . . . at sinamsaman nila ang mga Ehipsiyo.” (Exodo 12:35, 36) Gayunman, kaayon ito ng utos at hula ng Diyos, at maliwanag na minalas ito bilang makatuwirang kabayaran sa kanilang maraming taon ng pagtatrabaho bilang mga alipin at sa mga kawalang-katarungang tiniis nila sa mga kamay ng mga Ehipsiyo. (Exodo 3:21, 22; ihambing ang Deuteronomio 15:12-15.) Hindi ito saligan para sa pamamalimos.
Ang Kautusang Mosaiko ay naglalaman ng mapuwersang mga batas alang-alang sa mga dukha, anupat kung tutuparin ay walang magiging dahilan upang mamalimos ang sinuman. (Levitico 19:9, 10; Deuteronomio 15:7-10; 24:19-21) Mariing ipinapahayag sa Hebreong Kasulatan ang pagtitiwala na paglalaanan ng Diyos yaong mga nanghahawakan sa katuwiran, gaya ng naibulalas ni David noong matanda na siya: “Hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang supling na naghahanap [“namamalimos,” King James Version; isang anyo ng Hebreo na biq·qeshʹ] ng tinapay,” bagaman ang mga matuwid na iyon mismo ay ipinakikitang mga bukas-palad din sa iba. (Awit 37:25, 26; ihambing ang pagkakaiba ng karanasan ng apostatang Jerusalem sa Panaghoy 1:11; 4:4.) Sa kabilang dako, inilalarawan ng Kawikaan 20:4 ang taong tamad bilang isa na “mamamalimos . . . sa panahon ng paggapas,” at sinasabi naman ng Awit 109:10 na dahil sa kaparusahan sa balakyot ay mapipilitang ‘magpalabuy-laboy ang kaniyang mga anak; at mamamalimos sila, at maghahanap sila ng pagkain mula sa kanilang mga tiwangwang na dako.’ Sa huling dalawang tekstong nabanggit, ang salitang “mamamalimos” ay salin ng Hebreong sha·ʼalʹ, isang termino na ang saligang kahulugan ay “humingi” o “humiling.”—Exodo 3:22; 1 Hari 3:11.
Waring noong yugto sa pagitan ng pagbabalik ng mga Judio mula sa pagkatapon (537 B.C.E.) at Mateo 6:2.)
ng paglitaw ni Jesus sa lupa, nagsimulang maniwala ang mga Judio na ang akto ng pagbibigay ng limos, o mga kaloob ng kawanggawa, ay may merito sa ganang sarili nito ukol sa kaligtasan. Ipinakikita ito ng pananalitang nasa Apokripal na aklat ng Ecclesiasticus (3:30) (isinulat noong maagang bahagi ng ikalawang siglo B.C.E.) na “ang pagbibigay ng limos ay nagbabayad-sala para sa mga kasalanan.” Walang alinlangan na ang gayong pangmalas ay nagsilbing pangganyak sa pamamalimos. (Ihambing ang ipinagpaparangalang pagbibigay na tinuligsa ni Jesus saAng pamumuno ng mga banyagang kapangyarihan ay nagdulot ng paniniil sa mga Judio at walang alinlangang nakagambala ito nang husto sa pagkakapit ng Kautusang Mosaiko may kinalaman sa mga karapatan sa lupaing minana sa mga ninuno at sa katulad na mga probisyon. Malamang na ito, bukod pa sa mga pilosopiya ng huwad na relihiyon, na hindi nakapagkintal ng tunay at may-simulaing pag-ibig sa kapuwa (Mateo 23:23; Lucas 10:29-31), ay sanhi rin ng paglaganap ng pamamalimos sa Palestina. Kaya naman sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay marami tayong masusumpungang pagbanggit sa mga pulubi sa lupaing iyon.
Kabilang ang mga bulag, mga pilay, at mga maysakit sa mga pulubing inilarawan noong panahon ni Jesus at ng mga apostol. Marahil, ophthalmia (isang sakit sa mata na karaniwan pa rin sa Gitnang Silangan) ang isa sa mga sanhi ng pagkabulag ng mga taong iyon. (Marcos 10:46-49; Lucas 16:20, 22; 18:35-43; Juan 9:1-8; Gawa 3:2-10) Tulad ng mga pulubi sa ngayon, kadalasa’y pumupuwesto sila sa mga pampublikong daanan o malapit sa mga lugar na malimit puntahan ng mga pulutong, gaya ng templo. Bagaman minamalas na kapuri-puri ang pagbibigay ng limos, hinahamak naman ang mga pulubi, anupat sinabi ng katiwala sa talinghaga ni Jesus, “Nahihiya akong mamalimos.”—Lucas 16:3.
Ang dalawang pandiwang Griego na ginamit upang tumukoy sa pamamalimos ay nauugnay sa ai·teʹo, nangangahulugang “humingi.”—Mateo 7:7.
Ang salitang Griego na pto·khosʹ, na ginamit ni Lucas (16:20, 22) nang iulat niya ang pagtukoy ni Jesus kay Lazaro bilang isang pulubi, ay ginagamit upang ilarawan ang isa na nakayukyok at susukut-sukot, at tumutukoy ito sa mga napakadukha, sa mga naghihikahos, sa mga pulubi. Ang termino ring ito ay ginagamit sa Mateo 5:3 may kinalaman sa “mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan [“yaong mga pulubi para sa espiritu,” talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References]” (“dukha sa espiritu,” King James Version). Tungkol sa paggamit ng pto·khosʹ sa tekstong ito, sinasabi ng Word Studies in the New Testament ni M. R. Vincent (1957, Tomo I, pahina 36) na “ito ay napakalinaw at angkop para rito, bilang pagtukoy sa ganap na espirituwal na paghihikahos, anupat ang pagiging palaisip dito ay kailangan bago makapasok sa kaharian ng Diyos, at hindi ito maaaring mapawi sa pamamagitan ng sariling mga pagsisikap ng isa, kundi sa pamamagitan lamang ng walang-bayad na awa ng Diyos.”
Ang termino ring ito ang ginagamit ni Pablo sa Galacia 4:9 nang ipahayag niya ang kaniyang pagkabahala sa mga ‘muling bumabalik sa mahihina at malapulubing [pto·khaʹ] panimulang mga bagay’ na dating isinasagawa ng mga taong iyon. Ang gayong mga bagay ay ‘malapulubi’ kung ihahambing sa espirituwal na kayamanang matatamo sa pamamagitan ni Kristo Jesus.
Bagaman si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay nagpakita ng kabaitan sa mga pulubi, hindi nila pinasigla ang pamamalimos; bagaman malugod silang tumanggap ng pagkamapagpatuloy ng iba, hindi sila namalimos. Sa mga taong sumusunod noon sa kaniya dahil lamang sa tinapay, sinabi ni Jesus na ang dapat nilang ikabahala ay hindi ang ‘pagkaing nasisira, kundi ang pagkaing nananatili para sa buhay na walang hanggan.’ (Juan 6:26, 27) Sinabi ni Pedro sa isang pilay na pulubing nasa templo: “Pilak at ginto ay wala ako, ngunit ang mayroon ako ang siyang ibibigay ko sa iyo,” pagkatapos ay ginamit niya ang kaniyang mga espirituwal na kaloob upang pagalingin ang lalaki. (Gawa 3:6) Bagaman kung minsan ay gutóm, walang tahanan, at walang pananamit, nagpagal ang mga apostol, anupat ‘nagtrabaho sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kamay, sa gabi at araw, upang hindi sila maging pasanin ng iba.’ (1 Corinto 4:11, 12; 1 Tesalonica 2:9) Ganito ang pamantayan para sa mga Kristiyano: “Kung ang sinuman ay ayaw magtrabaho, huwag din naman siyang pakainin.”—2 Tesalonica 3:10-12.