Mga Taltalan—Bakit Nakapipinsala ang mga Ito?
Mga Taltalan—Bakit Nakapipinsala ang mga Ito?
“Ano ang pinagmumulan ng mga digmaan at ano ang pinagmumulan ng mga pag-aaway sa gitna ninyo?”—SANTIAGO 4:1.
HINDI iniukol ng manunulat ng Bibliya na si Santiago ang tanong na ito sa mga kawal ng mga lehiyon ng Roma, na nakikipagdigma noon para manakop; at hindi rin niya inaarok ang mga motibo sa likod ng pakikipaglaban ng mga Judio na kasapi sa gerilyang Sicarii, o Mga Lalaking May Sundang, noong unang siglo C.E. Ang nasa isip ni Santiago ay ang pagtatalo na nagsasangkot ng kahit dalawang tao lamang. Bakit? Dahil tulad ng mga digmaan, mapangwasak ang personal na mga alitan. Pansinin ang mga ulat na ito ng Bibliya.
Gayon na lamang ang pagkapoot ng mga anak na lalaki ng patriyarkang si Jacob sa kanilang kapatid na si Jose anupat ipinagbili nila siya sa pagkaalipin. (Genesis 37:4-28) Nang maglaon, tinangka namang patayin ni Haring Saul ng Israel si David. Bakit? Dahil naiinggit siya kay David. (1 Samuel 18:7-11; 23:14, 15) Noong unang siglo, ginambala ng dalawang babaing Kristiyano, sina Euodias at Sintique, ang kapayapaan ng buong kongregasyon dahil sa kanilang pagtatalo.—Filipos 4:2.
Nitong nakalipas na mga panahon, nilulutas ng mga tao ang kanilang mga di-pagkakaunawaan sa pamamagitan ng mga duwelo, anupat nagsasagupaan gamit ang mga espada o baril. Malimit na isa sa mga duwelista ang napapatay o nababaldado habambuhay. Sa ngayon, karaniwan nang mapapait at masasakit na salita lamang ang sandatang ginagamit ng mga nag-aaway. Bagaman maaaring walang dugong dadanak, ang masasakit na salita ay nakapipinsala ng mga damdamin at reputasyon. Madalas na nagdurusa ang mga walang-sala sa ganitong “mga digmaan.”
Isaalang-alang ang naganap ilang taon na ang nakalilipas nang akusahan ng isang paring Anglikano ang isang kapuwa pari ng tiwaling paggamit sa pondo ng simbahan. Naging hayagan ang kanilang away, at nagkabaha-bahagi ang kongregasyon na kanilang pinaglilingkuran. Ang ilang miyembro ay ayaw nang dumalo sa mga serbisyo kung ang kalabang ministro ang nangangasiwa. Gayon na lamang katindi ang kanilang pag-alipusta sa isa’t isa anupat hindi sila nagbabatian kapag nagsisimba. Nang maparatangan ng seksuwal na
imoralidad ang paring nag-aakusa, lalong uminit ang pagtatalo.Nanawagan ang Arsobispo ng Canterbury sa dalawang klerigo, anupat tinawag na “isang kanser” at “isang iskandalo na lumalapastangan sa pangalan ng Ating Panginoon” ang kanilang awayan. Noong 1997, sumang-ayong magretiro ang isa sa mga pari. Ang isa naman ay nanatili sa kaniyang tungkulin hanggang sa kailangan na siyang bumaba dahil umabot na siya sa edad ng sapilitang pagreretiro. Gayunman, nanatili pa rin siya sa tungkulin hanggang sa pinakahuling sandali, anupat nagretiro siya noong ika-70 taon ng kaniyang kapanganakan, noong Agosto 7, 2001. Binanggit ng The Church of England Newspaper na araw noon ng kapistahan ni “San” Victricius nang magretiro ang paring ito. Sino ba si “San” Victricius? Isa siyang obispo noong ikaapat na siglo na sinasabing pinagpapalo dahil sa pagtangging makipaglaban sa isang hukbo. Sa pagkokomento sa pagkakaiba ng mga saloobing ito, sinabi ng pahayagan: “Ang pagtangging lumaban sa eklesyastikal na digmaan ay hindi ugali ng [nagreretirong pari].”
Hindi na sana nasaktan pa ng mga paring iyon ang kanilang sarili at ang iba kung ikinapit lamang nila ang payo sa Roma 12:17, 18: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama. Maglaan ng mabubuting bagay sa paningin ng lahat ng tao. Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”
Kumusta ka naman? Kung masaktan ng iba ang iyong damdamin, makikipagtaltalan ka ba dahil sa sama ng loob? O iniiwasan mo ang masasakit na salita at pinananatiling bukás ang pintuan para sa kapayapaan? Kung masaktan mo ang damdamin ng isang tao, iniiwasan mo ba ang taong iyon at inaasahang malilimutan din niya ang problema sa paglipas ng panahon? O agad ka bang humihingi ng tawad? Ikaw man ang humihingi ng tawad o ikaw ang nagpapatawad, makabubuti sa iyo ang pagsisikap na makipagpayapaan. Makatutulong sa atin ang payo ng Bibliya upang malutas kahit ang matatagal nang alitan, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na artikulo.