“Tapat sa Kabila ng mga Pagsubok”
“Tapat sa Kabila ng mga Pagsubok”
NOONG unang mga araw ng Abril 1951, biglaang sinalakay ng makapangyarihang pamahalaang Sobyet ang walang-salang grupo ng mga Kristiyano sa kanlurang Unyong Sobyet—ang mga Saksi ni Jehova. Libu-libong pamilya—kasali na ang maliliit na bata, mga nagdadalang-tao, at matatanda—ang isinakay sa mga bagon ng tren para sa 20-araw na nakahahapong paglalakbay patungong Siberia. Sinentensiyahan silang maging tapon sa isang napakahirap na lugar na malayo sa kabihasnan.
Noong Abril 2001, ipinagdiwang sa Moscow ang ika-50 taóng anibersaryo ng makasaysayang pangyayaring ito kasabay ng paglalabas ng isang video na nagsasalaysay sa ilang dekadang paniniil sa mga Saksi ni Jehova sa dating Unyong Sobyet. Sa dokumentaryong ito, inilahad ng mga istoryador at ng mga nakasaksi kung paano nakapanatiling buháy ang mga Saksi at lumaganap pa nga sa kabila ng sukdulang panggigipit.
Ang dokumentaryong ito na Faithful Under Trials—Jehovah’s Witnesses in the Soviet Union (Tapat sa Kabila ng mga Pagsubok—Mga Saksi ni Jehova sa Unyong Sobyet), ay napapanood na ngayon ng milyun-milyon sa Russia at sa iba pang dako at lubhang pinuri ng publiko sa pangkalahatan at ng mga istoryador. Narito ang dalawang komento ng mga iskolar na Ruso na nakatira sa lugar kung saan ipinatapon ang karamihan sa mga pamilyang Saksi:
“Gustung-gusto ko ang pelikulang ito. Dati ko nang nagugustuhan ang mga kinatawan ng inyong relihiyon, ngunit pagkatapos kong mapanood ang pelikulang ito, lalong lumaki ang paghanga ko sa inyo. Napakapropesyonal ng inyong pelikula! Partikular na nagustuhan ko ang paraan ninyo ng paghaharap sa personal na karanasan ng bawat indibiduwal. Bagaman isa akong Ortodokso at wala akong balak na magbago ng relihiyon, nalulugod ako sa mga Saksi. Gusto ko na kami ng aking mga kasamang guro ay magkaroon ng isang kopya ng pelikulang ito. Naipasiya namin ng aking mga kasamahan na ipakita ito sa aming mga estudyante at ilakip ito sa kurikulum.”—Propesor Sergei Nikolayevich Rubtsov, dekano ng mga guro sa kasaysayan sa State Pedagogical University, Irkutsk, Russia.
“Tuwang-tuwa ako sa pagdating ng pelikulang ito. Kapag may gumagawa ng pelikula tungkol sa paniniil, laging napakahirap buuin ang istorya sa lohikal na paraan. Pero nagawa ninyo ito. Pakisuyong dalhan pa ninyo ako ng inyong mga pelikula.”—Propesor Sergei Ilyich Kuznetsov, dekano ng mga guro sa kasaysayan sa Irkutsk State University, Russia.
Lubos ding pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova na nakatira sa Siberia ang dokumentaryong ito. Narito ang ilan sa kanilang mga reaksiyon:
“Noong nagaganap pa ang mga pangyayaring inilarawan sa pelikulang ito, marami sa Russia ang may maling akala sa mga gawain ng mga Saksi ni Jehova. Ngunit pagkatapos mapanood ang pelikula, naunawaan nila na hindi isang sekta ang ating
organisasyon, gaya ng dating akala nila. Ang iba naman na kamakailan lamang naging Saksi ay nagsabi: ‘Hindi namin lubos maisip na namumuhay kami at gumagawang kasama ng mga kapatid na Kristiyano na nagbata nang husto!’ Matapos mapanood ang pelikula, ipinahayag ng isang Saksi ang kaniyang hangaring maging isang buong-panahong ministrong payunir.”—Anna Vovchuk, ipinatapon sa Siberia.“Nang ipakita sa pelikula na kumakatok ang mga sekretang pulis sa pintuan ng tahanan ng isang Saksi, nangatal ako. Para bang katulad ito ng pagkatok noon sa aming pintuan, at natatandaan ko pang sinabi noon ng aking ina: ‘Baka may sunog.’ Ngunit ipinaalaala rin sa akin ng pelikula na maraming Saksi ang higit na nagdusa kaysa sa akin. Ang lahat ng impormasyong ito ay nagbibigay sa atin ng higit na lakas at sigla na magpatuloy sa paglilingkod kay Jehova.”—Stepan Vovchuk, ipinatapon sa Siberia.
“Anak ako ng ipinatapong mga Saksi. Kaya naman akala ko, marami na akong alam tungkol sa mga panahong iyon. Subalit matapos kong mapanood ang pelikulang ito, natanto ko na halos wala pala akong nalalaman. Habang pinakikinggan ko ang mga panayam, nangilid ang luha sa aking mga mata. Para sa akin, hindi na ngayon basta mga kuwento lamang ang gayong mga karanasan kundi tunay na tunay ang mga ito. Pinatibay ng pelikula ang aking kaugnayan sa Diyos at tumulong ito sa akin na mabata ang lahat ng kahirapang mangyayari sa hinaharap.”—Vladimir Kovash, Irkutsk.
“Para sa akin, mas mabisa ang pelikulang ito kaysa sa nakasulat na salaysay. Nang mapanood ko at marinig ang mga panayam sa mga kapatid, para bang naranasan ko rin ang lahat ng nangyari sa kanila. Ang halimbawa ng nakabilanggong kapatid na lalaki na gumuhit ng mga postkard para sa kaniyang bata pang mga anak na babae ay gumanyak sa akin na magsikap na maitimo sa puso ng aking mga anak ang mga katotohanan sa Bibliya. Salamat sa inyo! Dahil sa pelikulang ito, lalong nadama higit kailanman ng mga Saksi ni Jehova sa Russia na bahagi sila ng pandaigdig na organisasyon ni Jehova.”—Tatyana Kalina, Irkutsk.
“Ang kasabihang, ‘Mas mabuti pang makita ito kahit minsan lamang kaysa sa marinig ito nang daan-daang beses’ ay tiyak na kumakapit sa pelikulang ito. Buháy na buháy ito, tunay na tunay, anupat napakalapit sa puso namin! Matapos itong mapanood, nangailangan ako ng maraming panahon para mag-isip. Dahil sa pelikula ay nabulay-bulay ko nang husto ang buhay ng ipinatapong mga Saksi. Ngayon, kapag inihahambing ko ang naging kalagayan nila sa aking kalagayan, natutulungan akong magkaroon ng ibang pangmalas sa mga problema natin sa ngayon.”—Lidia Beda, Irkutsk.
Nailabas na sa 25 wika ang Faithful Under Trials at nagugustuhan ito sa buong daigdig. * Ang buong dokumentaryo ay naisahimpapawid na sa mga istasyon ng telebisyon sa St. Petersburg, Omsk, at sa iba pang mga lunsod sa Russia, gayundin sa mga lunsod ng Vynnytsya, Kerch, Melitopol ng Ukraine at sa rehiyon ng Lʹviv. Tumanggap din ito ng mga parangal mula sa internasyonal na mga lupon na nagsusuri ng mga pelikula.
Ang bisa ng mensahe ng dokumentaryong ito ay nakikita sa mga halimbawa ng libu-libong pangkaraniwang tao na nagpamalas ng pambihirang lakas ng loob at espirituwal na katatagan sa loob ng mahabang taon ng pag-uusig. Talagang pinatunayan ng mga Saksi ni Jehova sa Unyong Sobyet na sila ay tapat sa kabila ng mga pagsubok. Kung gusto mong mapanood ang dokumentaryong ito, malulugod ang mga Saksi ni Jehova na ipakita ito sa iyo. Pakisuyong makipag-ugnayan sa isa sa kanila sa inyong komunidad.
[Talababa]
^ par. 13 Makukuha ang video sa wikang Aleman, Bulgariano, Cantonese, Czech, Danes, Griego, Hapones, Hungaryo, Indones, Ingles, Italyano, Kastila, Koreano, Lituaniano, Mandarin, Norwego, Olandes, Pranses, Pinlandes, Polako, Romaniano, Ruso, Slovako, Sloveniano, at Sweko.
[Picture Credit Line sa pahina 8]
Stalin: U.S. Army photo
[Picture Credit Line sa pahina 9]
Stalin: U.S. Army photo