Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Impluwensiya ni Jesus sa Buong Daigdig

Ang Impluwensiya ni Jesus sa Buong Daigdig

Ang Impluwensiya ni Jesus sa Buong Daigdig

“ANG lahat ng ulat ng ebanghelyo hinggil sa sinabi ni Jesus, sa pribado man at sa madla, ay kaya niyang bigkasin sa loob ng dalawang oras,” ang isinulat ng tagapagsalin ng Bibliya na si Edgar Goodspeed. “Gayunman, ang kaunting impormasyong iyon ay lubhang nakapagpapasigla, nakapupukaw-damdamin at nakaaantig anupat hindi kalabisang sabihin na walang sinuman ang nakaimpluwensiya sa daigdig nang gayon katindi.”

Nang matapos ni Jesu-Kristo ang kaniyang ministeryo sa lupa noong taóng 33 C.E., di-kukulangin sa 120 lalaki at babae ang mga tagasunod niya. (Gawa 1:15) Sa ngayon, mahigit dalawang bilyon katao ang nag-aangking Kristiyano. Mas kilala naman ng daan-daang milyon katao si Jesus bilang propeta. Ang mga turo niya ay talaga namang may pambihirang impluwensiya sa sangkatauhan.

Kinikilala maging ng di-Kristiyanong mga lider ang impluwensiya ni Jesus sa buong daigdig. Halimbawa, ganito ang isinulat ng Judiong rabbi na si Hyman Enelow: “Si Jesus ang naging pinakapopular, pinakamadalas maging paksa ng pag-aaral, at pinakamaimpluwensiyang tao sa kasaysayan ng relihiyon ng sangkatauhan.” Sinabi pa ni Enelow: “Sino ang makasusukat sa naging impluwensiya ni Jesus sa sangkatauhan? Ang pinukaw niyang pag-ibig, ang ibinigay niyang kaaliwan, ang mabubuti niyang gawa, ang pinasidhi niyang pag-asa at kagalakan​—lahat ng ito’y walang nakapantay sa kasaysayan ng sangkatauhan. Walang sinumang dakila at mabuting taong nabuhay ang nakatumbas man lamang sa kaakit-akit na katangian at impluwensiya ni Jesus sa buong daigdig. Siya ang naging pinakakawili-wiling tao sa kasaysayan.” At sinabi ng Hindung lider na si Mohandas K. Gandhi: “Wala akong nakikilalang tao na nakahigit sa mga ginawa ni Jesus para sa sangkatauhan. Sa katunayan, walang maipipintas sa Kristiyanismo.” Gayunman, idinagdag niya: “Ang problema ay kayong mga Kristiyano. Hindi ninyo sinisikap mamuhay ayon sa inyong mga turo.”

Ang Sangkakristiyanuhan ay may mahabang rekord sa pagkabigong mamuhay ayon sa mga turo ni Jesus. Sinabi ni Cecil John Cadoux, istoryador ng Kristiyanismo, na “ang unti-unti at patuloy na pagluwag sa moral ng buong Simbahan” ay “nakatawag-pansin [na] sa Kristiyanong mga lider noon pa mang . . . 140 A.D.” Sinabi niya: “Ang pagwawalang-bahala sa mahigpit at sinaunang mga pamantayang moral ay likas lamang na humantong sa pagtulad sa mga daan ng sanlibutan.”

Lumubha ang pagguhong ito sa moral noong ikaapat na siglo, nang tanggapin ng emperador ng Roma na si Constantino ang Kristiyanismo. “Napansin ng mga istoryador at ikinalungkot pa nga ng ilan sa kanila,” sabi ni Cadoux, “ang malubhang pakikipagkompromiso ng Simbahan alang-alang sa kaniyang pakikipag-alyansa kay Constantinus.” Pagkalipas ng maraming siglo mula noon, ang nag-aangking mga Kristiyano ay gumawa ng maraming kahiya-hiyang bagay na nakasisirang-puri sa pangalan ni Kristo.

Kaya ang mahahalagang tanong ay: Ano ba talaga ang itinuro ni Jesus? At paano dapat makaimpluwensiya sa atin ang kaniyang mga turo?

[Larawan sa pahina 3]

“Wala akong nakikilalang tao na nakahigit sa mga ginawa ni Jesus para sa sangkatauhan.”​—Mohandas K. Gandhi

[Larawan sa pahina 3]

“Walang sinuman ang nakaimpluwensiya sa daigdig nang gayon katindi.”​—Edgar Goodspeed

[Credit Line]

Culver Pictures