Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Ang pagkain ba ni David at ng kaniyang mga tauhan sa mga tinapay na panghandog ay nagpapahiwatig na kapag nasa gipit na mga kalagayan ay maaaring labagin ang kautusan ng Diyos nang hindi naparurusahan?​—1 Samuel 21:1-6.

Ayon sa Levitico 24:5-9, ang mga tinapay na panghandog na pinapalitan tuwing Sabbath ay nakalaan bilang pagkain ng mga saserdote. Ang simulaing sumusuhay sa gamit na ito ay ang pagiging banal ng mga tinapay at ang pagiging pagkain nito para sa mga lalaking naglilingkod sa Diyos​—ang mga saserdote. Tiyak na mali kung ibibigay ang mga tinapay na ito sa karaniwang manggagawa o kakainin ito para lamang sa kaluguran. Subalit walang ginawang pagkakasala ang saserdoteng si Ahimelec nang ibigay niya kay David at sa mga tauhan nito ang tinapay na pantanghal.

Lumilitaw na si David ay may pantanging atas mula kay Haring Saul. Gutom si David at ang kaniyang mga tauhan. Tiniyak ni Ahimelec na malinis sila sa seremonyal na paraan. Bagaman sa istriktong paraan ay di-matuwid ang pagkain nila ng mga tinapay na panghandog, kasuwato naman ito ng pangunahing itinalagang gamit sa tinapay na pantanghal. Ito ang dahilan kung bakit gumawa ng eksepsiyon si Ahimelec. Ginamit ni Jesu-Kristo mismo ang insidenteng ito upang ilarawan ang kamalian ng di-makatuwiran at labis-labis na pagkakapit sa kautusan ng Sabbath ayon sa interpretasyon ng mga Pariseo.​—Mateo 12:1-8.

Subalit ang nabanggit ay hindi nangangahulugang maaaring labagin ang kautusan ng Diyos kapag nasa gipit na mga kalagayan. Halimbawa, isang waring malubhang situwasyon ang naganap nang makipagbaka ang mga mandirigmang Israelita laban sa mga Filisteo. Sinabi ni Haring Saul: “Sumpain ang tao na kakain ng tinapay bago gumabi at hanggang sa mapaghigantihan ko ang aking mga kaaway!” Ganito ang sinabi sa Bibliya: “Nang araw na iyon ay pinagbabagsak nila ang mga Filisteo.” Pagod na pagod at gutom na gutom ang mga sundalo dahil sa pakikipagbaka, ‘at pinagpapatay ng bayan ang mga hayop sa lupa at kinain ang mga ito kasama ang dugo.’ (1 Samuel 14:24, 31-33) Nagkasala sila laban kay Jehova sa paglabag sa kaniyang kautusan hinggil sa dugo. Ang kanilang pagkilos ay hindi alinsunod sa tanging itinalaga ng Diyos na gamit ng dugo, iyon ay, “upang maipambayad-sala” sa mga kasalanan. (Levitico 17:10-12; Genesis 9:3, 4) May-kaawaan namang tinanggap ni Jehova ang pantanging mga handog alang-alang sa mga nagkasala.​—1 Samuel 14:34, 35.

Oo, inaasahan ni Jehova na susundin natin ang kaniyang mga kautusan sa lahat ng kalagayan. “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos,” ang sabi ni apostol Juan, “na tuparin natin ang kaniyang mga utos.”​—1 Juan 5:3.

[Larawan sa pahina 30]

Bagong mga tinapay na panghandog ang inilalagay sa loob ng tabernakulo tuwing Sabbath