Nagtagumpay si Samson Dahil sa Lakas ni Jehova!
Nagtagumpay si Samson Dahil sa Lakas ni Jehova!
DINUKIT ng mapaghiganting mga mambibihag ang mga mata niya at itinalaga siya sa sapilitang pagtatrabaho. Pagkatapos ay inilabas nila siya sa bahay-bilangguan tungo sa paganong templo upang mapagkatuwaan siya ng pulutong. Ipinarada at tinuya nila siya sa harap ng libu-libong nagmamasid. Ang bilanggo ay hindi isang kriminal o kumandante ng kalabang hukbo. Isa siyang mananamba ni Jehova at naglingkod siya bilang hukom sa Israel sa loob ng 20 taon.
Paano humantong sa gayong kahiya-hiyang kalagayan si Samson—na sa pisikal na paraan ay ang pinakamalakas na tao na nabuhay kailanman? Maililigtas kaya siya ng kaniyang pambihirang lakas? Ano ba ang lihim ng lakas ni Samson? Ano naman kaya ang matututuhan natin sa kaniyang talambuhay?
Siya ang “Mangunguna sa Pagliligtas sa Israel”
Maraming beses nang tinatalikuran ng mga anak ni Israel ang tunay na pagsamba. Kaya nang sila ay “muli na namang gumawa ng masama sa paningin ni Jehova, . . . ibinigay sila ni Jehova sa kamay ng mga Filisteo nang apatnapung taon.”—Hukom 13:1.
Nagsimula ang kuwento ni Samson nang magpakita ang anghel ni Jehova sa baog na asawang babae ng isang Israelita na nagngangalang Manoa at ipinaalam sa kaniya na magsisilang siya ng isang anak na lalaki. “Walang labaha ang daraan sa kaniyang ulo,” ang tagubilin sa kaniya ng anghel, “sapagkat ang bata ay magiging isang Nazareo ng Diyos paglabas sa tiyan; at siya ang mangunguna sa pagliligtas sa Israel mula sa kamay ng mga Filisteo.” (Hukom 13:2-5) Bago pa ipaglihi si Samson, ipinasiya na ni Jehova na bibigyan Niya si Samson ng espesipikong atas. Mula sa kaniyang pagkasilang, siya ay magiging isang Nazareo—isa na pinili ukol sa isang pantanging uri ng sagradong paglilingkod.
Siya “Lamang ang Marapat sa Aking Paningin”
Habang lumalaki si Samson, “patuloy siyang pinagpala ni Jehova.” (Hukom 13:24) Isang araw, lumapit si Samson sa kaniyang ama at ina at nagsabi: “May isang babae na nakita ko sa Timnah mula sa mga anak ng mga Filisteo, at ngayon ay kunin ninyo siya para sa akin bilang asawa.” (Hukom 14:2) Gunigunihin ang kanilang pagkagulat. Sa halip na palayain ang Israel mula sa kamay ng mga maniniil, nais ng kanilang anak na makipag-alyansa sa mga ito ukol sa pag-aasawa. Ang pakikipag-asawa sa mga mananamba ng paganong mga diyos ay labag sa Kautusan ng Diyos. (Exodo 34:11-16) Kaya naman, tumutol ang mga magulang: “Wala bang babae sa gitna ng mga anak na babae ng iyong mga kapatid at sa gitna ng aking buong bayan, kung kaya yayaon ka upang kumuha ng asawa mula sa mga di-tuling Filisteo?” Gayunpaman, iginiit ni Samson: “Siya lamang ang kunin mo para sa akin, sapagkat siya lamang ang marapat sa aking paningin.”—Hukom 14:3.
Sa anong paraan “marapat” kay Samson ang partikular na babaing Filisteo na ito? Hindi ito sa diwa na siya ay “maganda, kahali-halina, kaakit-akit,” ang sabi ng McClintock and Strong’s Cyclopedia, “kundi marapat may kaugnayan sa isang intensiyon, layunin, o tunguhin.” May kaugnayan sa anong intensiyon? Ipinaliwanag ng Hukom 14:4 na “naghahanap [si Samson] ng pagkakataon laban sa mga Filisteo.” Interesado si Samson sa babae para sa layuning iyon. Habang lumalaki si Samson tungo sa pagiging adulto, “pinasimulan siyang udyukan [o pakilusin] ng espiritu ni Jehova.” (Hukom 13:25) Kaya ang espiritu ni Jehova ang nag-udyok kay Samson na gawin ang kakaibang kahilingang ito ukol sa isang asawa gayundin sa kaniyang buong karera bilang hukom ng Israel. Nakuha kaya ni Samson ang pagkakataong hinahanap niya? Tingnan muna natin kung paano tiniyak ni Jehova na sinusuportahan niya si Samson.
Naglalakbay noon si Samson patungo sa lunsod ng kaniyang mapapangasawa, ang Timnah. “Nang makarating siya hanggang sa mga ubasan ng Timnah,” ang paglalahad ng ulat ng Kasulatan, “aba, narito! isang may-kilíng na batang leon ang umuungal nang masalubong siya. Nang magkagayon ay kinilos siya ng espiritu ni Jehova, anupat niluray niya ito.” Mag-isa lamang si Samson nang maganap ang kahanga-hangang pagpapakita ng lakas na ito. Walang sinuman ang nakasaksi nito. Ito ba ang paraan ni Jehova upang tiyakin kay Samson na bilang Nazareo ay may kakayahan siyang tuparin ang kaniyang bigay-Diyos na atas? Hindi sinasabi ng Bibliya, pero tiyak na natanto ni Samson na ang gayong kakaibang lakas ay hindi nagmula sa kaniyang sarili. Tiyak na nagmula ito sa Diyos. Makapananalig siya kay Jehova upang tulungan siya sa kaniyang gawain sa hinaharap. Palibhasa’y napatibay sa insidente sa leon, “nagpatuloy [si Samson] sa paglusong at nakipag-usap sa babae; at ito ay marapat pa rin sa paningin [niya].”—Hukom 14:5-7.
Nang maglaon, pagbalik ni Samson upang iuwi ang babae, “lumiko siya upang tingnan ang bangkay ng leon, at narito, may isang kulupon ng mga bubuyog sa loob ng bangkay ng leon, at pulot-pukyutan.” Yamang natatandaan ito, iniharap ni Samson ang bugtong na ito sa 30 abay na lalaking Filisteo sa kaniyang kasal: “Mula sa kumakain ay may lumabas na makakain, at mula sa malakas ay may lumabas na matamis.” Kung mahuhulaan nila ang bugtong, bibigyan sila ni Samson ng 30 pang-ilalim na kasuutan at damit na pambihis. Kung hindi, iyon din naman ang ibibigay nila sa kaniya. Nalito ang mga Filisteo sa bugtong sa loob ng tatlong araw. Sa ikaapat na araw, pinagbantaan na nila ang babae. Sinabi nila sa kaniya: “Linlangin mo ang iyong asawa upang sabihin niya sa Hukom 14:8-15.
amin ang bugtong. Kung hindi ay susunugin ka namin at ang sambahayan ng iyong ama sa apoy.” Kaylupit nila! Kung pinakikitunguhan ng mga Filisteo ang kanilang mga kababayan sa ganitong paraan, gunigunihin na lamang ang kalagayan ng sinisiil na mga Israelita!—Ginipit ng nasindak na babae si Samson upang sabihin nito sa kaniya ang sagot. Ipinakita niya na wala siyang pag-ibig at katapatan kay Samson nang kaagad niyang sinabi ito sa mga abay na lalaki. Nalutas nila ang bugtong, at alam ni Samson ang dahilan. Sinabi niya sa kanila: “Kung hindi ninyo ipinang-araro ang aking batang baka, hindi sana ninyo nalutas ang aking bugtong.” Bumangon na ngayon ang pagkakataong hinihintay ni Samson. “Kinilos siya ng espiritu ni Jehova, kung kaya lumusong siya sa Askelon at nagpabagsak ng tatlumpung lalaki sa kanila at kinuha niya ang hinubad niya sa kanila at ibinigay niya ang mga damit sa mga nakapagsabi ng bugtong.”—Hukom 14:18, 19.
Ang paghahangad bang maghiganti ang nag-udyok kay Samson na gawin ang gayon sa Askelon? Hindi. Ito ay gawa ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang piniling tagapagligtas. Sa pamamagitan ni Samson, pinasimulan ni Jehova ang pakikipagbaka laban sa malupit na mga maniniil ng kaniyang bayan. Kailangang ipagpatuloy ang kampanyang ito. Dumating ang sumunod na pagkakataon nang dalawin ni Samson ang kaniyang asawa.
Mag-isa sa Pakikipagbaka
Nang bumalik siya sa Timnah, natuklasan ni Samson na ibinigay ng kaniyang biyenang lalaki ang asawa niya sa ibang lalaki, sa pag-aakalang kinapopootan ni Samson ang babae. Kitang-kitang nagalit si Samson. Nanghuli siya ng 300 sorra at itinali ang mga ito nang pares-pares at inilagay ang tig-iisang sulo sa pagitan ng kanilang mga buntot. Nang pakawalan ang mga sorra, sinilaban ng mga ito ang mga bukid, ubasan, at mga taniman ng olibo, anupat sinira ang tatlong pangunahing pananim ng Filistia sa loob ng isang taon. Nagpakita naman ng kalupitan ang galít na mga Filisteo. Sinisi nila ang asawa ni Samson at ang kaniyang ama, at sinunog silang dalawa. Itinaguyod ng kanilang malupit na paghihiganti ang layunin ni Samson. Sinaktan naman niya ang mga Filisteo at marami siyang napatay sa kanila.—Hukom 15:1-8.
Nakita ba ng mga Israelita na pinagpapala ng Diyos na Jehova si Samson at sa gayo’y nakiisa sa kaniya upang wakasan ang panunupil ng mga Filisteo? Tiyak na hindi. Upang maiwasan ang gulo, nagpadala ang Juda ng 3,000 lalaki upang arestuhin ang pinili ng Diyos na lider at isuko siya sa kaniyang mga kaaway. Subalit ang kawalang-katapatang ito ng mga Israelita ay nagbigay kay Samson ng pagkakataong magdulot ng karagdagang pinsala sa kaniyang mga kaaway. Nang malapit na siyang isuko sa mga Filisteo, “kinilos siya ng espiritu ni Jehova, at ang mga lubid na nasa kaniyang mga bisig ay naging gaya ng mga sinulid na lino na nasunog sa apoy, anupat ang mga pangaw sa kaniya ay natunaw mula sa kaniyang mga kamay.” Pagkatapos ay kumuha siya ng isang panga ng lalaking asno at pinabagsak ang isang libong kaaway sa pamamagitan nito.—Hukom 15:10-15.
Namanhik si Samson kay Jehova at sinabi: “Ikaw ang nagbigay ng dakilang pagliligtas na ito sa kamay ng iyong lingkod, at ngayon ba ay mamamatay ako sa uhaw at mabubuwal ba ako sa kamay ng mga di-tuli?” Dininig ni Jehova ang panalangin ni Samson at sinagot ito. “Biniyak ng Diyos ang isang hugis-almires na uka . . . , at nagsimulang lumabas ang tubig mula roon, at uminom siya, pagkatapos ay nanumbalik ang kaniyang espiritu at muli siyang sumigla.”—Hukom 15:18, 19.
Determinado si Samson na maabot ang kaniyang tunguhin, ang kaniyang pakikipagbaka sa mga Filisteo. Ang kaniyang pananatili sa bahay ng isang patutot sa Gaza ay para sa layuning labanan ang mga kaaway ng Diyos. Kailangan ni Samson ng matutuluyan sa gabi sa lunsod ng kaaway, at nasumpungan niya ito sa bahay ng isang patutot. Wala sa isip ni Samson na gumawa ng imoralidad. Umalis siya sa bahay ng babae nang maghatinggabi, sinunggaban ang mga pintuang-daan ng lunsod at ang dalawang posteng panggilid, at dinala ang mga ito sa taluktok ng bundok na malapit sa Hebron, mga 60 kilometro ang layo. Ginawa ito nang may pagsang-ayon at lakas mula sa Diyos.—Hukom 16:1-3.
Natatangi ang pagkilos ng banal na espiritu sa kaso ni Samson dahil sa di-pangkaraniwang mga kalagayan. Ang tapat na mga lingkod ng Diyos sa Lucas 11:13.
ngayon ay makapananalig sa espiritu ring iyon upang palakasin sila. Tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na “magbibigay [si Jehova] ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.”—Bakit ‘Humiwalay si Jehova kay Samson’?
Nangyari nga na umibig si Samson sa isang babaing nagngangalang Delaila. Palibhasa’y gustung-gustong iligpit ng limang panginoon ng alyansa ng mga Filisteo si Samson, nagpatulong sila kay Delaila. Nilapitan nila si Delaila at sinabi: “Linlangin mo siya at tingnan mo kung nasaan ang kaniyang pambihirang lakas at kung sa anong paraan kami makapananaig sa kaniya.” Bilang suhol, ang bawat isa sa limang panginoon ng alyansa ay nag-alok ng “isang libo isang daang pirasong pilak.”—Hukom 16:4, 5.
Kung ang mga pirasong pilak ay mga siklo, napakalaking suhol ang alok na 5,500 siklo. Si Abraham ay nagbayad ng 400 siklo para sa dakong libingan ng kaniyang asawa, at ang isang alipin ay ipinagbibili sa halagang 30 siklo lamang. (Genesis 23:14-20; Exodo 21:32) Ang bagay na ginamit ng mga panginoon ng alyansa—mga tagapamahala ng limang lunsod ng mga Filisteo—ang kasakiman ni Delaila at hindi ang katapatan sa kaniyang lahi ay nagpapahiwatig na posibleng isa siyang babaing Israelita. Anuman ang kalagayan, tinanggap ni Delaila ang alok.
Tatlong beses na nilinlang ni Samson si Delaila sa pagtatanong nito sa kaniya, at tatlong beses na ipinagkanulo siya ni Delaila sa pamamagitan ng pagtatangkang ibigay siya sa kaniyang mga kalaban. Subalit “nangyari nga na dahil ginigipit . . . siya [ni Delaila] ng kaniyang mga salita sa lahat ng pagkakataon at lagi siyang pinipilit, ang kaniyang kaluluwa ay hindi na nakatiis hanggang sa gusto na niyang mamatay.” Sa wakas ay isiniwalat ni Samson ang katotohanan—hindi pa kailanman napuputol ang kaniyang buhok. Kapag pinutol ito, manghihina siya at magiging tulad ng lahat ng iba pang pangkaraniwang tao.—Hukom 16:6-17.
Iyan ang naging pagbagsak ni Samson. Hinikayat siya ni Delaila tungo sa isang situwasyon kung saan maaahitan ang kaniyang ulo. Gayunman ang lakas ni Samson ay wala naman talaga sa kaniyang buhok. Ang kaniyang buhok ay kumakatawan lamang sa kaniyang pantanging kaugnayan sa Diyos bilang Nazareo. Nang hayaan ni Samson na malagay siya sa isang situwasyong nakaapekto sa kaniyang pagiging Nazareo dahil sa pag-ahit sa kaniyang ulo, ‘humiwalay si Jehova sa kaniya.’ Nadaig na ngayon ng mga Filisteo si Samson, binulag siya, at itinapon sa bilangguan.—Hukom 16:18-21.
Napakahalagang aral nga ang itinuturo nito sa atin! Hindi ba dapat nating ituring ang ating pakikipag-ugnayan kay Jehova bilang isang bagay na napakahalaga? Kung ikokompromiso natin ang ating pag-aalay bilang Kristiyano sa anumang paraan, paano natin maaasahang patuloy tayong pagpapalain ng Diyos?
“Mamatay Nawa ang Aking Kaluluwa Kasama ng mga Filisteo”
Pinasalamatan ng nagbubunying mga Filisteo ang kanilang diyos na si Dagon sa pagkatalo ni Samson. Bilang pagdiriwang sa kanilang tagumpay, dinala nila ang kanilang bihag sa templo ni Dagon. Pero alam ni Samson ang tunay na dahilan ng kaniyang pagbagsak. Alam niya kung bakit iniwan siya ni Jehova, at nagsisi si Samson sa kaniyang pagkabigo. Habang nasa bahay-bilangguan si Samson, nagsimulang lumago ang kaniyang buhok. Ngayong nasa harapan siya ng libu-libong Filisteo, ano kaya ang gagawin niya?
“Soberanong Panginoong Jehova,” ang dalangin ni Samson, “alalahanin mo ako, pakisuyo, at palakasin mo ako, pakisuyo, nitong minsan na lamang, O ikaw na tunay na Diyos, at pahintulutan mo akong ipaghiganti ang aking sarili sa mga Filisteo ng paghihiganti para sa isa sa aking dalawang mata.” Pagkatapos ay itinukod niya ang kaniyang sarili sa dalawang haligi sa gitna ng gusali, at “inubos niya ang kaniyang buong lakas.” Ano ang resulta? “Ang bahay ay bumagsak sa mga panginoon ng alyansa at sa buong bayan na nasa loob niyaon, anupat ang mga namatay na pinatay niya sa kaniyang sariling kamatayan ay mas marami kaysa roon sa mga pinatay niya noong siya ay nabubuhay.”—Hukom 16:22-30.
Pagdating sa pisikal na lakas, walang taong maitutumbas kay Samson. Tunay ngang kapansin-pansin ang kaniyang malalakas na gawa. Ngunit ang pinakamahalaga, iniuulat si Samson ng Salita ni Jehova bilang isa sa malalakas ang pananampalataya.—Hebreo 11:32-34.
[Larawan sa pahina 26]
Ano ba ang lihim ng lakas ni Samson?