Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Napabubuti ng mga Kabataang Pumupuri kay Jehova ang Kalidad ng Kanilang Buhay

Napabubuti ng mga Kabataang Pumupuri kay Jehova ang Kalidad ng Kanilang Buhay

Napabubuti ng mga Kabataang Pumupuri kay Jehova ang Kalidad ng Kanilang Buhay

“GUSTO kong makamit ang lahat ng pinakamainam sa buhay!” Ganiyan inilarawan ng isang lalaking tin-edyer ang kaniyang mga mithiin. Pero paano kaya makakamit ng isang kabataan ang pinakamainam sa buhay? May tuwirang sagot ang Bibliya: “Alalahanin ang iyong Maylalang habang bata ka pa!”​—Eclesiastes 12:1, Contemporary English Version.

Hindi lamang para sa mga taong nasa hustong gulang ang pagpuri at paglilingkod kay Jehova. Napakabata pa ni Samuel, anak nina Elkana at Hana, nang maglingkod siya kay Jehova sa tabernakulo. (1 Samuel 1:19, 20, 24; 2:11) Isang Hebrea na nasa murang edad pa lamang ang nagpakita ng ganap na pananampalataya kay Jehova nang imungkahi niyang magtungo ang pinuno ng hukbo ng Sirya na si Naaman kay propeta Eliseo upang gumaling ang kaniyang ketong. (2 Hari 5:2, 3) Sa Awit 148:7, 12, ipinag-uutos kapuwa sa mga binata at dalaga na purihin si Jehova. * Noong 12 taóng gulang pa lamang siya, interesadung-interesado na si Jesus sa paglilingkod sa kaniyang Ama. (Lucas 2:41-49) Dahil sinanay sila sa Kasulatan, sumigaw ang ilang batang lalaki na nakakita kay Jesus sa templo: “Magligtas ka, aming dalangin, sa Anak ni David!”​—Mateo 21:15, 16.

Pagpuri kay Jehova Ngayon

Sa ngayon, ipinagmamalaki ng maraming kabataang Saksi ni Jehova ang kanilang paniniwala at lakas-loob nilang ipinakikipag-usap ang mga ito sa mga paaralan at sa iba pang lugar. Isaalang-alang ang dalawang halimbawa.

Sa Britanya, tinalakay sa klase ng 18-taóng-gulang na si Stephanie ang aborsiyon at iba pang isyu sa etika. Iginiit ng guro na karaniwan nang tinatanggap ngayon ang aborsiyon at walang dahilan ang isang kabataang babae para tumutol sa kaugaliang ito. Nang sumang-ayon ang lahat sa klase sa pananaw na ito, nadama ni Stephanie na kailangan niyang ipagtanggol ang kaniyang paninindigan na salig sa Bibliya. Nabuksan ang pagkakataon nang tanungin ng guro si Stephanie kung ano ang opinyon niya. Bagaman kinakabahan siya noong una, sinamantala ni Stephanie ang pagkakataon upang iharap ang pangmalas ng Kasulatan. Binanggit niya ang diwa ng Exodo 21:22-24 at ipinaliwanag na kung maling saktan ang di-pa-naisisilang na sanggol, samakatuwid ay malinaw na salungat sa kalooban ng Diyos ang aborsiyon.

Hindi pa nabasa kailanman ng guro, na isang klerigo, ang mga talatang ito. Ang matapang na pagpapatotoo ni Stephanie ay nagbigay-daan sa maraming kawili-wiling pakikipag-usap sa kaniyang mga kaklase tungkol sa iba’t ibang paksa. Isa sa mga kaklase niyang babae ang regular na ngayong tumatanggap ng bagong mga isyu ng Ang Bantayan at Gumising!, at dalawa pa ang nakadalo na sa pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova upang masaksihan ang bautismo ni Stephanie na sagisag ng kaniyang pag-aalay sa Diyos.

Sinamantala ng anim-na-taóng-gulang na si Vareta, nakatira sa Suriname, Timog Amerika, ang pagkakataong purihin ang Diyos nang mangailangan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ang kaniyang guro. Pagbalik niya pagkatapos ng tatlong-araw na bakasyon, tinanong ng guro ang mga estudyante kung alam nila kung bakit siya lumiban sa klase. Sumagot sila, “Nagkasakit po kayo, ’di ba?” “Hindi,” ang sagot ng guro. “Namatay ang kapatid kong babae, at lungkot na lungkot ako. Kaya dapat tahimik lang kayo.”

Nang hapong iyon habang umiidlip ang kaniyang nanay, abala naman si Vareta sa pagbubuklat ng lumang mga magasin, anupat binabasa ang mga pamagat. Nakita niya Ang Bantayan ng Hulyo 15, 2001, na may pamagat na “May Buhay ba Pagkatapos ng Kamatayan?” Sabik na sabik niyang ginising ang kaniyang nanay at sinabi, “Inay, Inay, tingnan ninyo! Nakahanap po ako ng magasin tungkol sa kamatayan para sa guro ko!” Ipinadala ang magasin sa guro na may kalakip na liham mula kay Vareta. Isinulat niya: “Para po sa inyo talaga ito. Makikita po ninyo uli sa Paraiso ang inyong kapatid sapagkat hindi kailanman nagsisinungaling si Jehova. Ipinangako niya na gagawa siya ng paraiso, hindi sa langit, kundi sa lupa.” Lubos na nagpasalamat ang guro sa salig-Bibliyang kaaliwan na nasa mga artikulo.

Paghahanda Para sa Hinaharap

Si Jehova ay “maligayang Diyos,” at nais niyang maging maligaya ang mga kabataan. (1 Timoteo 1:11) Ang mismong Salita niya ay nagsasabi: “Masiyahan ka sa iyong kabataan. Magpakasaya ka habang bata ka pa.” (Eclesiastes 11:9, Today’s English Version) Nakikita ni Jehova hindi lamang ang kasalukuyan at alam niya ang pangmatagalang mga bunga kapuwa ng mabuti at masamang paggawi. Kaya naman ipinapayo ng kaniyang Salita sa mga kabataan: “Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan, bago dumating ang kapaha-pahamak na mga araw, o sumapit ang mga taon kapag sasabihin mo: ‘Wala akong kaluguran sa mga iyon.’”​—Eclesiastes 12:1.

Oo, hangad ni Jehova na lubusang masiyahan ang mga kabataan sa mahalagang kaloob na buhay. Sa pamamagitan ng pag-alaala at pagpuri sa Diyos, makapagtataguyod ng makabuluhang buhay ang mga kabataan. Kahit mapaharap sa mga hamon, may-pagtitiwala nilang masasabi: “Ang tulong sa akin ay mula kay Jehova.”​—Awit 121:2.

[Talababa]

^ par. 4 Tingnan ang 2005 Calendar of Jehovah’s Witnesses, March/​April.

[Blurb sa pahina 9]

“Purihin ninyo si Jehova mula sa lupa, . . . kayong mga binata at kayo ring mga dalaga.”​—AWIT 148:7, 12

[Kahon sa pahina 8]

INAALALAYAN NI JEHOVA ANG MGA KABATAAN

“Ikaw ang aking pag-asa, O Soberanong Panginoong Jehova, ang aking pinagtitiwalaan mula pa sa aking pagkabata.”​—Awit 71:5.

“[Ang Diyos ang] bumubusog sa iyong buong buhay ng bagay na mabuti; ang iyong kabataan ay patuloy na nababagong tulad ng sa agila.”​—Awit 103:5.