Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ka Naiimpluwensiyahan ni Jesu-Kristo?

Paano Ka Naiimpluwensiyahan ni Jesu-Kristo?

Paano Ka Naiimpluwensiyahan ni Jesu-Kristo?

BATAY sa tinalakay natin sa naunang artikulo, mapag-aalinlanganan pa kaya na may matinding impluwensiya sa buong daigdig ang mga turo ni Jesus? Gayunman, ang mahalagang tanong ay, “Paano ako naiimpluwensiyahan ng mga turo ni Jesus bilang isang indibiduwal?”

Kalakip sa mga turo ni Jesus ang napakaraming iba’t ibang paksa. Ang mahahalagang aral na itinuturo ng mga ito ay makaaapekto sa bawat pitak ng iyong buhay. Magtuon tayo ng pansin sa mga itinuro ni Jesus hinggil sa pagtatakda ng mga priyoridad sa buhay, paglilinang ng pakikipagkaibigan sa Diyos, pagtatatag ng mabuting pakikipag-ugnayan sa iba, paglutas sa mga suliranin, at pag-iwas sa karahasan.

Magtakda ng mga Priyoridad sa Buhay

Dahil sa mabilis na takbo ng buhay sa ngayon, nauubos ang ating panahon at lakas anupat madalas na naisasaisantabi ang espirituwal na mga bagay. Isaalang-alang ang kalagayan ng isang lalaking tatawagin nating Jerry na mahigit 20 taóng gulang. Bagaman gustung-gusto ni Jerry na pag-usapan ang espirituwal na mga bagay at kaniyang pinahahalagahan ang mga natututuhan niya mula sa mga pag-uusap na iyon, ganito ang kaniyang hinagpis: “Kulang na kulang ang panahon ko para gawin iyon nang regular. Anim na araw akong nagtatrabaho sa loob ng isang linggo. Linggo lamang ako walang pasok. At kapag natapos ko na ang mga bagay na kailangan kong gawin, pagod na pagod na ako.” Kung ganiyan din ang problema mo, makikinabang ka sa itinuro ni Jesus sa Sermon sa Bundok.

Sinabi ni Jesus sa pulutong na nagtipon upang makinig sa kaniya: “Huwag na kayong mabalisa tungkol sa inyong mga kaluluwa kung ano ang inyong kakainin o kung ano ang inyong iinumin, o tungkol sa inyong mga katawan kung ano ang inyong isusuot. Hindi ba higit na mahalaga ang kaluluwa kaysa sa pagkain at ang katawan kaysa sa pananamit? Masdan ninyong mabuti ang mga ibon sa langit, sapagkat hindi sila naghahasik ng binhi o gumagapas o nagtitipon sa mga kamalig; gayunman ay pinakakain sila ng inyong makalangit na Ama. Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa sa kanila? . . . Kaya huwag kayong mabalisa at magsabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ Sapagkat ang lahat ng ito ang mga bagay na masikap na hinahanap ng mga bansa. Sapagkat nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:25-33) Ano ang matututuhan natin mula rito?

Hindi ipinahihiwatig ni Jesus na dapat nating ipagwalang-bahala ang ating pisikal na mga pangangailangan at niyaong sa mga miyembro ng ating pamilya. “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para roon sa mga sariling kaniya, at lalo na para roon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan,” ang sabi sa Bibliya, “itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong masama kaysa sa taong walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Gayunman, ipinangako ni Jesus na kung uunahin natin ang mga bagay na dapat unahin at gagawing priyoridad ang espirituwal na mga bagay, titiyakin ng Diyos na makakamit natin ang iba pang mga pangangailangan. Ang aral dito ay may kinalaman sa pagtatakda ng mga priyoridad. Umaakay sa kaligayahan ang pagsunod sa payong ito, sapagkat “maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”​—Mateo 5:3.

Makipagkaibigan sa Diyos

Kinikilala ng mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan na mahalagang maglinang ng mabuting kaugnayan sa Diyos. Paano ba tayo nagtatatag ng mabuting kaugnayan sa ibang tao? Hindi ba sinisikap nating makilala nang higit pa ang taong iyon? Dapat tayong gumugol ng panahon upang malaman ang kaniyang mga pananaw, saloobin, kakayahan, mga nagawa, mga gusto, at hindi gusto. Totoo rin ito sa pakikipagkaibigan sa Diyos. Kailangan ang tumpak na kaalaman tungkol sa kaniya. Noong nanalangin si Jesus sa Diyos hinggil sa kaniyang mga alagad, sinabi niya: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Oo, kailangan nating makilala ang Diyos upang malinang natin ang matalik na kaugnayan sa kaniya. Ang kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang tanging pinagmumulan ng gayong kaalaman. (2 Timoteo 3:16) Dapat tayong maglaan ng panahon upang pag-aralan ang Kasulatan.

Gayunman, hindi sapat na basta magkaroon lamang ng kaalaman. Sa panalangin ding iyon, sinabi ni Jesus: “Tinupad nila [ng kaniyang mga alagad] ang iyong salita.” (Juan 17:6) Hindi lamang tayo dapat kumuha ng kaalaman sa Diyos kundi dapat din tayong kumilos kasuwato ng kaalamang iyon. Sa anong paraan pa tayo maaaring maging kaibigan ng Diyos? Makaaasa nga kaya tayo na titibay ang ating pakikipagkaibigan sa sinuman kung sinasadya naman nating kumilos nang salungat sa kaniyang mga pananaw at simulain? Kung gayon, ang pangmalas at mga simulain ng Diyos ang dapat gumabay sa lahat ng ating mga hakbangin sa buhay. Isaalang-alang kung paano kumakapit sa ating kaugnayan sa ibang tao ang dalawa sa kaniyang mga simulain.

Magtatag ng Mabuting Kaugnayan sa Iba

Minsan, naglahad si Jesus ng isang maikling kuwento upang ituro ang isang mahalagang aral hinggil sa ugnayan ng mga tao. Binanggit niya ang isang hari na gustong makipagtuos ng mga kuwenta sa kaniyang mga alipin. Gayunman, napakalaki ng utang ng isa sa kanila at hindi niya ito kayang bayaran. Iniutos ng panginoon na ipagbili ang lalaki, ang asawa nito, at mga anak upang mabayaran ang utang. Sumubsob ang taong may utang at nagsumamo: “Maging matiisin ka sa akin at babayaran ko sa iyo ang lahat.” Sa pagkahabag, kinansela ng panginoon ang kaniyang utang. Ngunit ang aliping iyon ay lumabas at nasumpungan nito ang isang kapuwa alipin na nagkakautang sa kaniya ng maliit na halaga, at pinilit niya itong magbayad. Bagaman nagmakaawa ang kapuwa aliping ito, ipinatapon siya ng unang alipin sa bilangguan hanggang sa mabayaran niya ang lahat ng kaniyang utang. Nagalit ang hari nang mabalitaan niya ito. “Hindi ba dapat na ikaw . . . ay maawa sa iyong kapuwa alipin, kung paanong ako rin ay naawa sa iyo?” ang tanong niya. At ipinabilanggo niya ang di-mapagpatawad na alipin hanggang sa mabayaran niya ang lahat ng kaniyang utang. Upang ituro ang aral ng kuwento, sinabi ni Jesus: “Sa katulad na paraan din makikitungo sa inyo ang aking makalangit na Ama kung hindi kayo magpapatawad mula sa inyong mga puso, ang bawat isa sa kaniyang kapatid.”​—Mateo 18:23-35.

Bilang di-sakdal na mga tao, marami tayong pagkakamali. Hindi natin kailanman mababayaran sa Diyos ang napakalaking pagkakautang na natipon natin dahil sa ating mga pagsalansang sa kaniya. Ang tanging magagawa natin ay hingin ang kaniyang kapatawaran. At handa namang patawarin ng Diyos na Jehova ang lahat ng ating mga pagkakamali, kung patatawarin din natin ang ating mga kapatid sa mga kasalanang nagagawa nila sa atin. Talagang mapuwersang aral ito! Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang, kung paanong pinatawad din namin ang mga may utang sa amin.”​—Mateo 6:12.

Lutasin ang Pinakaugat ng mga Problema

Dalubhasa si Jesus pagdating sa pag-unawa sa likas na katangian ng mga tao. Nilulutas ng kaniyang payo ang pinakaugat ng mga problema. Isaalang-alang ang sumusunod na dalawang halimbawa.

“Narinig ninyo na sinabi sa mga tao noong sinaunang mga panahon, ‘Huwag kang papaslang; ngunit ang sinumang pumaslang ay magsusulit sa hukuman ng katarungan,’” ang sabi ni Jesus. “Gayunman, sinasabi ko sa inyo na ang bawat isa na patuloy na napopoot sa kaniyang kapatid ay magsusulit sa hukuman ng katarungan.” (Mateo 5:21, 22) Ipinakita rito ni Jesus na ang ugat ng problema hinggil sa pagpaslang ay mas malalim pa kaysa sa marahas na pagkilos mismo. Nagmumula ito sa saloobing sumisidhi sa puso ng mamamaslang. Kung hindi magkikimkim ng hinanakit o galit ang mga tao, mawawala ang isinaplanong mga karahasan. Napakarami sanang pagpaslang ang naiwasan kung ikinapit lamang ang turong ito!

Pansinin kung paano tinukoy ni Jesus ang pinakaugat ng isa pang problemang nagdudulot ng matinding dalamhati. Sinabi niya sa pulutong: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso. Ngayon, kung ang kanang mata mong iyan ay nagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon mula sa iyo.” (Mateo 5:27-29) Itinuro ni Jesus na ang ugat ng problema ay mas malalim pa kaysa sa imoral na paggawi mismo. Ang problema ay sanhi ng isang bagay na mas nauna pa rito​—imoral na mga pagnanasa. Kung iniiwasan ng isang tao na mag-isip tungkol sa di-wastong mga hangarin at ‘dinudukit ang mga ito’ sa kaniyang isip, madaraig niya ang tendensiyang gumawa ng imoralidad.

“Ibalik Mo ang Iyong Tabak sa Kinalalagyan Nito”

Noong gabing ipagkanulo at arestuhin si Jesus, binunot ng isa sa kaniyang mga alagad ang kaniyang tabak upang ipagtanggol siya. Inutusan siya ni Jesus: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mateo 26:52) Kinaumagahan, sinabi ni Jesus kay Poncio Pilato: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagapaglingkod ko upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Ngunit, ang totoo, ang kaharian ko ay hindi nagmumula rito.” (Juan 18:36) Hindi ba praktikal ang turong ito?

Ano ang saloobin ng unang mga Kristiyano sa itinuro ni Jesus hinggil sa pag-iwas sa karahasan? Ganito ang sabi ng aklat na The Early Christian Attitude to War: “Palibhasa’y ipinagbawal ng mga ito [mga turo ni Jesus] ang lahat ng anyo ng karahasan at pananakit sa ibang tao, malinaw nitong ipinahihiwatig na maling makibahagi sa digmaan . . . Eksaktong sinunod ng unang mga Kristiyano ang mga sinabi ni Jesus, at naunawaan nila na literal ang kahulugan ng kaniyang turo hinggil sa pagiging banayad at sa pag-iwas sa marahas na pakikipaglaban. Lubusan nilang iniugnay ang kanilang relihiyon sa kapayapaan; mahigpit nilang tinutulan ang digmaan dahil sa ibinubunga nitong pagdanak ng dugo.” Ibang-iba sana ang naging takbo ng kasaysayan kung sinunod lamang ng lahat ng nag-aangking Kristiyano ang turong ito!

Makikinabang Ka sa Lahat ng Turo ni Jesus

Ang natalakay nating mga turo ni Jesus ay maganda, simple, at mabisa. Makikinabang ang sangkatauhan sa pagiging pamilyar sa kaniyang mga turo at sa pamumuhay ayon dito. *

Malulugod ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar na tulungan kang maunawaan kung paano mo mapakikinabangan ang pinakamatatalinong turo na kailanma’y binigkas ng sinumang tao. Malugod ka naming inaanyayahan na makipag-ugnayan sa kanila o sumulat sa adres na nasa pahina 2 ng magasing ito.

[Talababa]

^ par. 22 Para sa sistematikong pagtalakay sa lahat ng mga turo ni Jesus, tingnan Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 5]

“Pinakakain sila ng inyong makalangit na Ama”

[Larawan sa pahina 7]

Maaaring magkaroon ng kapaki-pakinabang na impluwensiya sa iyong buhay ang mga turo ni Jesus