Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Magulang, Ipagsanggalang ang Inyong Pinakamamahal na Mana

Mga Magulang, Ipagsanggalang ang Inyong Pinakamamahal na Mana

Mga Magulang, Ipagsanggalang ang Inyong Pinakamamahal na Mana

“Ang karunungan ay pananggalang . . . iniingatang buháy ng karunungan ang mga nagtataglay nito.”​—ECLESIASTES 7:12.

1. Bakit dapat malasin ng mga magulang ang kanilang mga anak bilang mga kaloob?

ANG mga magulang ang may pananagutan kung bakit naisilang sa daigdig ang isang bagong nabubuhay na tao na may pisikal na mga katangian at personalidad na katulad ng sa kanila. Tinatawag ng Bibliya ang mga batang ito bilang “mana mula kay Jehova.” (Awit 127:3) Yamang siya talaga ang Tagapagbigay-Buhay, ang totoo, parang ipinagkakatiwala ni Jehova sa mga magulang ang isang bagay na aktuwal na pag-aari niya. (Awit 36:9) Mga magulang, paano ninyo minamalas ang pagtanggap ng gayong pinakamamahal na kaloob mula sa Diyos?

2. Ano ang tugon ni Manoa nang malaman niyang magiging ama na siya?

2 Walang-alinlangang tatanggapin natin nang buong pagpapakumbaba at pagpapahalaga ang gayong kaloob. Mahigit 3,000 taon na ang nakalilipas, ganiyan ang naging pagtugon ni Manoa, isang Israelita, nang sabihin ng isang anghel sa kaniyang asawa na ito’y magsisilang ng isang sanggol. Nang marinig ang magandang balitang ito, nanalangin si Manoa: “Pagpaumanhinan mo ako, Jehova. Ang lalaki ng tunay na Diyos na kasusugo mo lamang, pakisuyo, paparituhin mo siyang muli sa amin at turuan niya kami kung ano ang dapat naming gawin sa bata na ipanganganak.” (Hukom 13:8) Mga magulang, ano ang matututuhan ninyo sa halimbawa ni Manoa?

Kung Bakit Kailangan ang Tulong ng Diyos sa Ngayon

3. Bakit kailangang-kailangan sa ngayon ang tulong ng Diyos sa pagpapalaki sa mga anak?

3 Ngayon higit kailanman, kailangan ng mga magulang ang tulong ni Jehova sa pagpapalaki sa kanilang mga anak. Ang dahilan? Si Satanas na Diyablo at ang mga anghel nito ay inihagis na sa lupa mula sa langit. “Sa aba ng lupa,” ang babala ng Bibliya, “sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:7-9, 12) “Tulad ng isang leong umuungal,” ang paliwanag ng Bibliya, si Satanas ay “naghahanap ng masisila.” (1 Pedro 5:8) Karaniwan nang binibiktima ng mga leon ang walang kalaban-labang mga hayop, madalas na yaong mga bata pa. Kung gayon, isang katalinuhan para sa Kristiyanong mga magulang na umasa sa patnubay ni Jehova upang maipagsanggalang ang kanilang mga anak. Gaano kalaki ang inyong pagsisikap para magawa ito?

4. (a) Ano ang dapat na maging reaksiyon ng mga magulang kapag nalamang may gumagala-galang leon sa komunidad? (b) Ano ang kailangan ng mga bata bilang pananggalang?

4 Kung alam ninyong may gumagala-galang leon sa inyong komunidad, tiyak na wala nang pinakamahalaga sa inyo kundi ang ipagsanggalang ang inyong mga anak. Si Satanas ay isang maninila. Sinisikap niyang pasamain ang bayan ng Diyos upang hindi sila maging karapat-dapat sa pagsang-ayon ng Diyos. (Job 2:1-7; 1 Juan 5:19) Napakadaling mabiktima ang mga bata. Upang makatakas sa silo ng Diyablo, dapat makilala at sundin ng mga bata si Jehova. Kailangan ang kaalaman sa Bibliya. “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan,” ang sabi ni Jesus, “ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Bukod dito, kailangan ng mga bata ang karunungan​—ang kakayahang makaunawa at magkapit ng kanilang natututuhan. Yamang “iniingatang buháy ng karunungan ang mga nagtataglay nito,” kailangan ninyong mga magulang na ikintal ang katotohanan sa puso ng inyong mga anak. (Eclesiastes 7:12) Paano ninyo ito magagawa?

5. (a) Paano maibibigay ang karunungan? (b) Paano inilalarawan ng Kawikaan ang kahalagahan ng karunungan?

5 Maaari​—at dapat​—ninyong basahin ang Salita ng Diyos sa inyong mga anak. Subalit higit pa ang kailangan para tulungan silang ibigin at sundin si Jehova​—kailangan nilang maunawaan ito. Bilang paglalarawan: Maaaring sabihan ang isang bata na huwag tatawid sa kalsada hangga’t hindi muna tumitingin sa kaliwa’t kanan. Pero may mga batang hindi sumusunod dito. Bakit? Maaaring hindi palaging naipaliliwanag ang mga pinsalang naidudulot kapag nabunggo ng sasakyan o kaya’y hindi naipauunawang mabuti sa bata ang panganib nito, na makadaraig sa “kamangmangan” na posibleng humantong sa aksidente. Kailangan ang panahon at mahabang pasensiya sa pagbibigay ng karunungan. Subalit talaga namang napakahalaga ng karunungan! “Ang mga daan nito ay mga daan ng kaigayahan,” ang sabi ng Bibliya, “at ang lahat ng landas nito ay kapayapaan. Ito ay punungkahoy ng buhay para sa mga tumatangan dito, at yaong mga nanghahawakan dito nang mahigpit ay tatawaging maligaya.”​—Kawikaan 3:13-18; 22:15.

Ang Pagtuturong Nagbibigay ng Karunungan

6. (a) Bakit madalas na mali ang ikinikilos ng mga bata? (b) Anong pakikipagbaka ang aktuwal na nagaganap?

6 Madalas na mali ang ikinikilos ng mga bata, hindi dahil sa hindi sila naturuan ng tama, kundi dahil sa ang itinuturo sa kanila ay hindi nakaabot sa kanilang puso​—ang kanilang panloob na pagkatao. Nakikipagbaka ang Diyablo upang makontrol ang puso ng mga bata. Gumagawa siya ng paraan upang malantad sila sa di-makadiyos na mga impluwensiya ng kaniyang sanlibutan. Sinasamantala rin niya ang kanilang minanang makasalanang hilig na gumawa ng masasamang bagay. (Genesis 8:21; Awit 51:5) Kailangang maunawaan ng mga magulang na may aktuwal na labanang nagaganap upang makontrol ang puso ng kanilang mga anak.

7. Bakit hindi sapat ang basta sabihin lamang sa bata kung ano ang tama o mali?

7 Karaniwan nang sinasabi ng mga magulang sa isang bata kung ano ang tama o mali, anupat inaakalang naituro na nila sa kaniya ang isang simulain ng kagandahang-asal. Maaari nilang sabihin sa bata na masamang magsinungaling, magnakaw, o makipagtalik sa hindi asawa. Subalit hindi pa rin sapat na sumusunod lamang ang bata dahil sa iyon ang sinabi ng kaniyang mga magulang kundi kailangan niya ng mas matinding pangganyak upang siya ay sumunod. Mga kautusan ito ni Jehova. Dapat matutuhan ng bata na ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ang landasin ng karunungan.​—Kawikaan 6:16-19; Hebreo 13:4.

8. Anong uri ng pagtuturo ang makatutulong sa mga bata upang kumilos nang may katalinuhan?

8 Ang pagkamasalimuot ng uniberso, ang pagkakasari-sari ng nabubuhay na mga bagay, ang pagbabago ng lagay ng panahon​—lahat ng mga bagay na ito ay makatutulong sa isang bata upang tanggapin ang pag-iral ng pinakamatalinong Maylalang. (Roma 1:20; Hebreo 3:4) Bukod diyan, dapat ding ituro sa bata na mahal siya ng Diyos at na sa pamamagitan ng hain ng Kaniyang Anak ay isinaayos ng Diyos na mabigyan siya ng walang-hanggang buhay at na mapasasaya niya ang Diyos kung susunod siya sa Kaniyang sinasabi. Sa gayon, malamang na hangarín ng bata na maglingkod kay Jehova, sa kabila ng pagtatangka ng Diyablo na pigilan siya.​—Kawikaan 22:6; 27:11; Juan 3:16.

9. (a) Ano ang kailangan sa nagliligtas-buhay na pagtuturo? (b) Ano ang tagubilin sa mga ama, at ano ang sangkot dito?

9 Ang uri ng pagtuturong magsasanggalang sa bata at mag-uudyok sa kaniya na gawin ang tama ay nangangailangan ng panahon, atensiyon, at pagpaplano. Kailangang tumanggap ng patnubay mula sa Diyos ang mga magulang. Ang sabi ng Bibliya: “Kayo, mga ama, . . . patuloy na palakihin [ang inyong mga anak] sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Ano ang ibig sabihin nito? Ang “pangkaisipang patnubay,” sa orihinal na Griego, ay nagpapahiwatig ng ideya ng “paglalagay ng kaisipan.” Kaya sa diwa, hinihimok ang mga ama na ilagay ang kaisipan ni Jehova sa kanilang mga anak. Kaylaking pananggalang nito para sa mga bata! Kapag nakaukit sa isip ng mga bata ang kaisipan ng Diyos, ang paraan niya ng pag-iisip, sila’y naipagsasanggalang sa paggawa ng mali.

Hangarin na Nauudyukan ng Pag-ibig

10. Upang mabisang maturuan ang inyong anak, anong mahalagang bagay ang dapat ninyong malaman?

10 Gayunman, upang matupad ninyo ang inyong hangaring mapalaki ang inyong anak sa tamang paraan, ang inyong pagsisikap ay kailangang udyok ng pag-ibig. Isang mahalagang salik ang komunikasyon. Alamin ang nangyayari sa buhay ng inyong anak at ang kaniyang mga pangmalas. Habang nagpapahinga, mataktikang himukin ang inyong anak na sabihin ang nasa kalooban niya. Kung minsan, baka magulat kayo sa sasabihin niya. Huwag na huwag kayong magpapahalata. Sa halip, pakinggan ninyo siyang mabuti.

11. Paano mailalagay ng magulang ang kaisipan ng Diyos sa bata?

11 Oo nga’t binasa na ninyo sa inyong anak mula sa Bibliya ang tungkol sa mga kautusan ng Diyos na nagbabawal sa seksuwal na imoralidad, anupat maraming ulit na ninyo itong ginawa. (1 Corinto 6:18; Efeso 5:5) Maaari ngang naikintal na nito sa inyong mga anak kung ano ang mga bagay na nakalulugod at di-nakalulugod kay Jehova. Subalit higit pa ang kailangan upang mailagay sa bata ang kaisipan ni Jehova. Kailangang tulungan ang mga bata na maunawaan ang kahalagahan ng mga kautusan ni Jehova. Kailangang kumbinsido sila na tama at kapaki-pakinabang ang kaniyang mga kautusan at na ang pagsunod sa mga ito ang wasto at maibiging bagay na dapat gawin. Kung dahil sa pagpapaliwanag ninyo sa inyong mga anak mula sa Kasulatan ay tinanggap nila ang pangmalas ng Diyos, saka lamang masasabing nailagay na ninyo ang kaniyang kaisipan sa kanila.

12. Paano matutulungan ng magulang ang kaniyang anak na magkaroon ng tamang pangmalas sa pakikipagtalik?

12 Kapag sekso ang pinag-uusapan, maaari ninyong itanong, “Sa palagay mo kaya’y napagkakaitan ng kaligayahan ang isang tao dahil sa pagsunod sa kautusan ni Jehova na huwag makipagtalik bago ang kasal?” Himukin ang inyong anak na ipaliwanag ang kaniyang sagot. Matapos repasuhin ang kahanga-hangang paglalaan ng Diyos upang magkaanak, maaari ninyong itanong: “Sa palagay mo kaya’y gagawa ang ating maibiging Diyos ng mga kautusang magkakait sa atin ng kasiyahan sa buhay? O sa palagay mo kaya’y naririyan ang kaniyang mga kautusan upang magpaligaya at magsanggalang sa atin?” (Awit 119:1, 2; Isaias 48:17) Tingnan ninyo kung ano ang sasabihin ng inyong anak tungkol sa bagay na ito. Pagkatapos, maaari ninyong ibaling ang pansin sa mga halimbawa kung paano humahantong sa pighati at problema ang seksuwal na imoralidad. (2 Samuel 13:1-33) Kapag nangangatuwiran kayo sa inyong anak anupat nauunawaan niya at tinatanggap ang pangmalas ng Diyos, napakalaking bagay na ang inyong nagagawa sa paglalagay ng kaisipan ng Diyos sa kaniya. Pero mayroon pa kayong ibang magagawa.

13. Ang pagkaunawa sa anong bagay ang lalong makahihikayat sa isang bata na sundin si Jehova?

13 Isang katalinuhan na hindi lamang ang ibubunga ng pagsuway kay Jehova ang ituturo ninyo sa inyong anak kundi ipaliliwanag din ninyo kung paano personal na naaapektuhan si Jehova sa paraan ng ating pamumuhay. Ipakita sa inyong anak mula sa Bibliya na pinasasakitan natin si Jehova kapag hindi natin ginagawa ang kaniyang kalooban. (Awit 78:41) Maaari ninyong itanong, “Bakit ayaw mong masaktan si Jehova?” at ipaliwanag: “Sinasabi ni Satanas, ang kaaway ng Diyos, na naglilingkod lamang tayo kay Jehova dahil sa makasariling mga hangarin at hindi dahil sa iniibig natin siya.” Pagkatapos ay ipaliwanag na sa pananatiling tapat, pinasaya ni Job ang puso ng Diyos, anupat nasagot ang maling paratang ni Satanas. (Job 1:9-11; 27:5) Kailangang maunawaan ng inyong anak na depende sa ikikilos niya, maaari niyang palungkutin o pasayahin si Jehova. (Kawikaan 27:11) Ito at ang marami pang ibang mahahalagang leksiyon ay maituturo sa mga anak gamit ang aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro. *

Mga Kasiya-siyang Resulta

14, 15. (a) Aling mga leksiyon sa aklat na Guro ang nagpakilos sa mga bata? (b) Anong magagandang resulta ang ibinunga sa inyo ng paggamit ng aklat? (Tingnan din ang kahon sa pahina 18-19.)

14 Isang lolo sa Croatia na nagbabasa ng aklat na Guro sa kaniyang pitong-taóng-gulang na apong lalaki ang sumulat na sinabi sa kaniya ng bata ang ganito: “May ipinagagawa po sa akin si Mommy, pero ayoko itong gawin. Nang maalaala ko po ang kabanatang ‘Proteksiyon sa Iyo ang Pagkamasunurin,’ bumalik po ako at sinabi kong magiging masunurin na po ako sa kaniya.” Tungkol naman sa kabanatang “Kung Bakit Hindi Tayo Dapat Magsinungaling,” isang mag-asawa sa Florida, E.U.A., ang nagsabi: “May mga tanong ito na humihikayat sa mga bata na buksan ang kanilang puso at aminin ang mga pagkakamaling hindi sana nila aaminin.”

15 Ang aklat na Guro ay may mahigit 230 larawan, at may kapsiyon, o deskripsiyon, sa bawat larawan o grupo ng mga larawan. “Madalas na napapatitig ang aking anak na lalaki sa isang larawan at ayaw niyang ipalipat ang pahina,” ang napansin ng isang mapagpahalagang ina. “Hindi lamang kaakit-akit ang mga larawan kundi nakapagtuturo rin mismo ang mga ito, o nagiging dahilan sa paanuman upang magtanong ang mga bata. Hinggil sa isang larawan kung saan nanonood ng telebisyon ang isang bata sa madilim na kuwarto, nagtanong ang aking anak na lalaki, ‘Mommy, ano po ang ginagawa ng batang ito?’ sa tono ng boses na nagpapahiwatig na alam niyang may ginagawa itong mali.” Ganito ang mababasa sa kapsiyon ng larawan: “Sino ang nakakakita sa lahat ng ating ginagawa?”

Mahalagang Edukasyon sa Ngayon

16. Ano ang mahalagang bagay na dapat ituro sa mga anak sa ngayon, at bakit?

16 Kailangang malaman ng mga bata ang tama at di-tamang paggamit sa mga pribadong bahagi ng kanilang katawan. Subalit hindi laging madaling ipakipag-usap ang tungkol dito. Sinabi ng isang babaing kolumnista sa pahayagan na noong kapanahunan niya, itinuturing na masagwa ang paggamit ng mga salitang tumutukoy sa mga sangkap sa sekso. May kinalaman sa pagtuturo sa kaniyang mga anak, isinulat niya: “Kailangan ko munang daigin ang aking hiya.” Oo, kung iniiwasan ng mga magulang na pag-usapan ang tungkol sa sekso dahil sa hiya, hindi nito maipagsasanggalang ang bata. Sinasamantala ng seksuwal na mga mang-aabuso ang pagiging inosente ng bata. Tinalakay ng Matuto Mula sa Dakilang Guro ang paksang ito sa isang malinis at kapita-pitagang paraan. Ang pagtuturo sa mga anak ng tungkol sa sekso ay hindi nag-aalis ng kanilang pagiging inosente, ngunit ang hindi pagtuturo ay maaaring humantong sa pagkawala ng kanilang pagiging inosente.

17. Paano natutulungan ng aklat na Guro ang mga magulang sa pagtuturo sa kanilang mga anak tungkol sa sekso?

17 Sa kabanata 10, habang tinatalakay ang tungkol sa balakyot na mga anghel na pumarito sa lupa at nagkaroon ng mga anak, ang bata ay tinatanong, “Ano ba ang alam mo tungkol sa pagsisiping?” Simple at kapita-pitagan ang sagot ng aklat. Pagkaraan, ipinaliliwanag sa kabanata 32 kung paano maiingatan ang mga bata mula sa seksuwal na mga mang-aabuso. Iniulat ng maraming liham na napakahalaga ng gayong pagtuturo. May nagsabi: “Noong nakaraang linggo, nang dalhin namin si Javan sa kaniyang pedyatrisyan, itinanong ng pedyatrisyan kung naipakipag-usap na namin sa kaniya ang tamang paggamit sa mga pribadong bahagi ng katawan. Hangang-hanga siya nang sabihin naming nagawa na namin ito gamit ang ating bagong aklat.”

18. Paano tinatalakay sa aklat na Guro ang pagpipitagan sa pambansang mga sagisag?

18 Isa pang kabanata ang tumatalakay naman sa ulat ng Bibliya tungkol sa tatlong kabataang Hebreo na sina Sadrac, Mesac, at Abednego, na tumangging yumukod sa imahen na kumakatawan sa Estado ng Babilonya. (Daniel 3:1-30) Maaaring hindi nakikita ng ilan ang koneksiyon ng pagpipitagan sa imahen at ng pagsaludo sa bandila, na gaya ng ipinahihiwatig sa aklat na Guro. Gayunman, pansinin ang sinabi ng awtor na si Edward Gaffney sa interbyu ng magasing U.S. Catholic. Binanggit niya na nang sabihin sa kaniya ng kaniyang anak na babae pagkatapos ng unang araw nito sa pampublikong paaralan na may natutuhan itong “bagong panalangin sa paaralan,” ipinaulit niya iyon sa kaniyang anak. “Inilagay ng aking anak ang kaniyang kamay sa tapat ng puso niya,” ang sabi ni Gaffney, “at buong-pagmamalaking nagsimula, ‘Nangangako akong magtatapat sa bandila . . .’ ” Nagpatuloy si Gaffney: “May biglang pumasok sa isip ko. Tama nga ang mga Saksi ni Jehova. May bahid ng pambansang pagsamba na itinataguyod sa ating mga paaralan sa pasimula pa lamang​—isang walang-pasubaling pagkamatapat.”

Sulit ang Lahat ng Pagsisikap

19. Anu-ano ang mga gantimpala sa pagtuturo sa mga anak?

19 Talagang sulit ang lahat ng pagsisikap ninyo sa pagtuturo sa inyong mga anak. Napaiyak ang isang ina sa Kansas, E.U.A., nang matanggap ang liham mula sa kaniyang anak na lalaki. Isinulat niya: “Napakapalad ko po sa ginawa ninyong pagpapalaki sa akin na tumulong upang ako’y maging matatag at timbang. Karapat-dapat po kayong dalawa ni Daddy sa papuri.” (Kawikaan 31:28) Marami pang mga magulang ang matutulungan ng Matuto Mula sa Dakilang Guro sa pagtuturo sa mga anak upang maipagsanggalang ang pinakamamahal na manang ito.

20. Ano ang dapat na palaging tatandaan ng mga magulang, at ano ang dapat na maging epekto nito sa kanila?

20 Karapat-dapat ang ating mga anak sa lahat ng maibibigay nating panahon, atensiyon, at pagsisikap. Maikli lamang ang panahon ng kanilang kamusmusan. Samantalahin ang bawat pagkakataon na makasama sila at matulungan sila. Hinding-hindi ninyo ito pagsisisihan. Mamahalin nila kayo. Palaging tandaan, ang inyong mga anak ay kaloob ng Diyos sa inyo. Tunay nga silang pinakamamahal na mana! (Awit 127:3-5) Kaya alagaan ninyo silang mabuti na gaya ng mana, na para bang pagsusulitan ninyo sa Diyos ang paraan ng pagpapalaki ninyo sa kanila sapagkat ang totoo, talagang pagsusulitan ninyo ito.

[Talababa]

^ par. 13 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Tingnan ang kabanata 40, “Kung Paano Pasasayahin ang Diyos.”

Paano Ninyo Sasagutin?

• Bakit kailangang ipagsanggalang ng mga magulang ang kanilang mga anak lalo na sa ngayon?

• Anong uri ng pagtuturo ang nagbibigay ng karunungan?

• Anu-anong mahahalagang isyu ang dapat ipakipag-usap sa inyong mga anak sa ngayon?

• Paano nakatulong ang aklat na Guro sa pagtuturo ng mga magulang sa kanilang mga anak?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon/Mga larawan sa pahina 18, 19]

Isang Aklat Para sa Lahat

Ang Matuto Mula sa Dakilang Guro ay inihanda upang tulungan ang mga magulang o iba pang adulto na basahin at talakayin sa mga bata ang mga turo ni Jesu-Kristo. Gayunman, taimtim na pinahalagahan ng mga adultong nakabasa mismo ng aklat ang kanilang natutuhan dito.

Isang lalaki sa Texas, E.U.A., ang nagsabi: “Ang Matuto Mula sa Dakilang Guro ay simple lamang ngunit nakaaantig, anupat napakikilos kami anuman ang aming edad​—kahit 76 nang gaya ko. Maraming maraming salamat, galing sa isang naglilingkod kay Jehova mula pa sa pagkabata.”

Ganito naman ang ulat ng isang mambabasa sa London, Inglatera: “Ang magagandang ilustrasyon ay tiyak na makaaakit sa mga magulang at mga anak. Napakaganda ng mga tanong at ng pagkakaayos nito, at kahanga-hangang makita na tinalakay rito ang mga sensitibong isyu, gaya ng nasa kabanata 32, ‘Kung Paano Iningatan si Jesus.’ ” Ang sabi niya bilang pagtatapos: “Bagaman maliwanag na pangunahing dinisenyo ang aklat na ito para sa mga anak ng mga Saksi ni Jehova, nakikini-kinita kong matutuwa rin ang mga guro at iba pa na magkaroon ng isang kopya nito. Nasasabik akong gamitin ito sa darating na mga buwan at mga taon.”

Isang babae sa Massachusetts, E.U.A., ang nagkomento tungkol sa maraming “larawan na pinag-isipang mabuti.” Isinulat niya: “Napansin ko na bagaman para sa mga bata ang aklat na ito, ang mga paksang tinatalakay rito ay nakatutulong din sa aming mga adulto na isipin ang personal naming kaugnayan kay Jehova.”

“Wow! Napakaganda talaga ng aklat!” ang bulalas ng isang babae sa Maine, E.U.A. “Hindi lamang ito para sa mga bata kundi para rin sa ating lahat na mga anak ng Diyos. Tumagos ito sa aking kalooban at umantig sa aking damdamin at pagkatapos ay nakapagpaginhawa, anupat nagkaroon ako ng kapayapaan. Nadama kong malapít na malapít ako kay Jehova bilang aking Ama. Pinawi niyang lahat ang sakit ng kaloobang naranasan ko sa nakalipas na mga taon at naipaliwanag nang husto ang kaniyang layunin.” Ang sabi niya bilang pagtatapos: “Sinasabi ko sa lahat, ‘Pakibasa ninyo ito.’ ”

Isang babae sa Kyoto, Hapon, ang nag-ulat na habang binabasa niya ito sa kaniyang mga apo, nagtatanong sila, gaya ng: “ ‘Ano po’ng ginagawa ng batang lalaking iyan? Bakit po pinagagalitan ang batang babaing ito? Ano po’ng ginagawa ng nanay na ito? Ano po’ng ginagawa ng leong ito?’ Nagtuturo ito ng mga bagay na kinawiwilihan natin, kaya mas gustung-gusto ko ito kaysa sa alinmang aklat na nakikita ko sa aklatan.”

Isang ama sa Calgary, Canada, ang nagsabi na pagkatanggap na pagkatanggap niya ng aklat, binasa niya agad ito sa kaniyang anim-na-taóng-gulang na anak na babae at sa kaniyang siyam-na-taóng-gulang na anak na lalaki. “Napakaganda agad ng naging resulta,” ang pag-uulat niya. “Pinakinggan ito ng aking mga anak at taos-pusong sinagot ang mga tanong. Nadama nilang may bahagi sila sa pag-aaral, at nagbigay ito sa kanila ng pagkakataong masabi ang kanilang niloloob. Naging masigla sila, at binanggit ng aking anak na babae na gusto niyang pag-aralan ang bagong aklat gabi-gabi.”

Pagkatapos ng isang pag-aaral, sinabi ng ama: “Ilang oras kaming nag-usap ng aking anak na lalaki tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin. Napakarami niyang tanong mula sa aklat. Napaluha ako nang tanungin niya ako bago siya matulog: ‘Puwede po ba nating ulitin ito, Dad? Ang dami-dami ko pa pong gustong itanong, at gusto ko pong malaman ang lahat ng tungkol kay Jehova.’ ”

[Larawan sa pahina 15]

Mga magulang, ano ang matututuhan ninyo sa halimbawa ni Manoa?

[Larawan sa pahina 16]

Mga bata, ano ang matututuhan ninyo sa halimbawa ng tatlong Hebreo?

[Mga larawan sa pahina 17]

Ang mga larawan at kapsiyon sa aklat na “Guro” ay mabibisang pantulong sa pagtuturo

Anong kasinungalingan ang sinasabi ni Ananias kay Pedro?

Sino ang nakakakita sa lahat ng ating ginagawa?