Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Siyensiya at Relihiyon—Ang Simula ng Pagkakasalungatan

Siyensiya at Relihiyon—Ang Simula ng Pagkakasalungatan

Siyensiya at Relihiyon​—Ang Simula ng Pagkakasalungatan

MALAPIT nang pumanaw ang 70-taóng-gulang na astronomo, at pinipilit pa niyang magbasa. Hawak-hawak niya ang mga manuskrito ng dokumentong isinulat niya, na nakahanda nang ilathala. Alam man niya o hindi, lubos na babaguhin ng kaniyang akda ang pananaw ng sangkatauhan hinggil sa uniberso. Pupukaw rin ito ng matinding kontrobersiya sa loob ng Sangkakristiyanuhan, na ang mga epekto nito ay nararanasan pa rin hanggang sa ngayon.

Ang malapit nang pumanaw na lalaki ay si Nicolaus Copernicus, isang Katoliko na taga-Poland, at taóng 1543 noon. Isinasaad sa akda ni Copernicus, na pinamagatang On the Revolutions of the Heavenly Spheres, na ang araw, hindi ang lupa, ang sentro ng sistema solar. Sa paglathala lamang ng isang aklat na ito, ang napakasalimuot na teoriya na ang lupa ang nasa sentro ng sistema solar ay pinalitan ni Copernicus ng napakaganda at simpleng paliwanag na ang araw ang nasa sentro ng sistema solar.

Noong una, halos walang pahiwatig na may pagkakasalungatang magaganap sa hinaharap. Ang isang dahilan ay sapagkat naging maingat si Copernicus sa paghaharap ng kaniyang mga ideya. Bukod dito, waring mas mapagparaya sa mga haka-haka sa siyensiya nang panahong iyon ang Simbahang Katoliko, na tumanggap sa pananaw na ang lupa ang sentro ng uniberso. Hinikayat pa nga mismo ng papa si Copernicus na ilathala niya ang kaniyang akda. Nang sa wakas ay mailathala ito ni Copernicus, sumulat ng paunang salita ang isang natatakot na editor, anupat inilarawan ang konsepto na ang araw ang sentro ng uniberso bilang pinakatamang kalkulasyon sa matematika, ngunit hindi bilang katotohanan sa astronomiya.

Uminit ang Pagkakasalungatan

Ang sumunod na tauhan sa pagkakasalungatan ay ang Italyanong astronomo, matematiko, at pisiko na si Galileo Galilei (1564-1642), na Katoliko rin. Gamit ang mga teleskopyong gawa niya na may mga lenteng kaiimbento lamang, nakita ni Galileo ang detalye ng kalangitan na hindi pa kailanman nakikita ninuman. Nakumbinsi siya sa kaniyang nakita na tama si Copernicus. Nakakita rin si Galileo ng mga batik sa araw, na tinatawag sa ngayon na mga sunspot, at sa gayon ay napabulaanan ang isa pang pinanghahawakang paniniwala sa pilosopiya at relihiyon​—na walang nababago o nasisira sa araw.

Di-tulad ni Copernicus, matapang at masigasig si Galileo sa pagtataguyod ng kaniyang mga ideya. At ginawa niya ito sa mas salansang na relihiyosong kapaligiran, sapagkat nang panahong iyon ay hayagan nang salungat ang Simbahang Katoliko sa teoriya ni Copernicus. Kaya nang igiit ni Galileo na hindi lamang tama kundi ayon din sa Kasulatan ang konsepto na ang araw ang nasa sentro ng uniberso, naghinala ng erehiya ang simbahan. *

Nagtungo sa Roma si Galileo upang ipagtanggol ang kaniyang sarili ngunit hindi siya nagtagumpay. Noong 1616, inutusan siya ng simbahan na ihinto na ang pagsuporta kay Copernicus. Napatahimik si Galileo nang ilang panahon. At noong 1632, naglathala siya ng isa pang akda bilang pagsuporta kay Copernicus. Nang sumunod na taon mismo, sinentensiyahan ng Inkisisyon ng habang-buhay na pagkabilanggo si Galileo. Ngunit alang-alang sa kaniyang katandaan, agad ibinaba ang sentensiya sa pagkabilanggo sa bahay.

Itinuturing ng marami na ang pagkakasalungatan ni Galileo at ng simbahan ay malaking tagumpay ng siyensiya laban sa relihiyon at, sa pinalawak na diwa, laban sa Bibliya. Gayunman, gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo, maraming katotohanan ang hindi isinaalang-alang ng napakasimpleng konklusyon na ito.

[Talababa]

^ par. 7 Nagkaroon ng maimpluwensiyang mga kaaway si Galileo dahil sa kaniyang bilis sa pagsagot at magaspang na panunuya. Bukod dito, nang mangatuwiran siyang ayon sa Kasulatan ang konsepto na ang araw ang nasa sentro ng uniberso, pinalitaw niyang isa siyang awtoridad sa relihiyon, na lalong nagpagalit sa simbahan.

[Larawan sa pahina 3]

Copernicus

[Credit Line]

Taken from Giordano Bruno and Galilei (German edition)

[Larawan sa pahina 3]

Ipinagtanggol ni Galileo ang kaniyang sarili sa harap ng Inkisisyong Romano

[Credit Line]

From the book The Historian’s History of the World, Vol. IX, 1904

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Larawan sa likod: Isang tsart na nagpapakita sa konsepto ni Copernicus hinggil sa sistema solar