Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magtiwala sa Salita ni Jehova

Magtiwala sa Salita ni Jehova

Magtiwala sa Salita ni Jehova

“Nagtiwala ako sa iyong salita.”​—AWIT 119:42.

1. Ano ang masasabi mo sa manunulat ng Awit 119 at sa kaniyang disposisyon?

PINAKAMAMAHAL ng kumatha ng Awit 119 ang salita ni Jehova. Siya ay maaaring si Prinsipe Hezekias ng Juda. Ang mga damdamin sa kinasihang awit na ito ay tumutugma sa disposisyon ni Hezekias, na “patuloy [na] nanatili kay Jehova” habang naglilingkod bilang hari ng Juda. (2 Hari 18:3-7) Isang bagay ang tiyak: Ang mangangatha ay palaisip sa kaniyang espirituwal na pangangailangan.​—Mateo 5:3.

2. Ano ang tema ng Awit 119, at paano inayos ang awit na ito?

2 Isang mahalagang punto sa Awit 119 ang kahalagahan ng salita, o mensahe, ng Diyos. * Malamang na upang madaling masaulo, kinatha ito ng manunulat bilang awit ayon sa pagkakasunud-sunod ng alpabeto. Ang 176 na talata nito ay salig sa pagkakasunud-sunod ng alpabetong Hebreo. Sa orihinal na Hebreo, bawat isa sa 22 taludtod ng awit na ito ay may 8 linya na nagsisimula sa pare-parehong letra. Ang awit na ito ay tumutukoy sa salita, kautusan, mga paalaala, daan, pag-uutos, tuntunin, utos, hudisyal na pasiya, pananalita, at batas ng Diyos. Sa artikulong ito at sa kasunod, tatalakayin ang Awit 119 ayon sa isang tumpak na salin ng Hebreong teksto ng Bibliya. Ang pagbubulay-bulay sa mga karanasan ng mga lingkod ni Jehova noon at ngayon ay dapat magpasidhi sa ating pagpapahalaga sa awit na ito na kinasihan ng Diyos at magpatindi sa ating pasasalamat sa nasusulat na Salita ng Diyos, ang Bibliya.

Sundin ang Salita ng Diyos at Maging Maligaya

3. Ipaliwanag at ilarawan kung ano ang kahulugan ng pagiging walang pagkukulang.

3 Ang tunay na kaligayahan ay nakasalalay sa paglakad natin sa kautusan ng Diyos. (Awit 119:1-8) Kung gagawin natin ito, ituturing tayo ni Jehova na ‘walang pagkukulang sa ating lakad.’ (Awit 119:1) Ang pagiging walang pagkukulang ay hindi nangangahulugan na sakdal tayo, ngunit ipinahihiwatig nito na nagsisikap tayong gawin ang kalooban ng Diyos na Jehova. Si Noe ay “walang pagkukulang sa gitna ng kaniyang mga kapanahon” bilang isang lalaki na “lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” Ang tapat na patriyarkang iyon at ang kaniyang pamilya ay nakaligtas sa Baha dahil itinaguyod niya ang landasin sa buhay na binalangkas ni Jehova. (Genesis 6:9; 1 Pedro 3:20) Sa katulad na paraan, ang ating kaligtasan sa wakas ng sanlibutang ito ay nakasalalay sa ating ‘pagtupad nang maingat sa mga pag-uutos ng Diyos,’ sa gayon ay ginagawa ang kaniyang kalooban.​—Awit 119:4.

4. Sa ano nakasalalay ang ating kaligayahan at tagumpay?

4 Hinding-hindi tayo iiwan ni Jehova kung ‘pinupuri natin siya sa katapatan ng puso at patuloy nating tinutupad ang kaniyang mga tuntunin.’ (Awit 119:7, 8) Hindi pinabayaan ng Diyos ang lider ng mga Israelita na si Josue, na nagkapit sa payo na ‘basahin ang aklat ng kautusan araw at gabi upang magawa niya ang lahat ng nakasulat dito.’ Dahil diyan ay naging matagumpay siya at kumilos nang may karunungan. (Josue 1:8) Nang malapit na siyang mamatay, si Josue ay pumupuri pa rin sa Diyos at nagpapaalaala sa mga Israelita: “Nalalaman ninyong lubos ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo.” (Josue 23:14) Tulad ni Josue at ng manunulat ng Awit 119, makasusumpong tayo ng kaligayahan at tagumpay sa pamamagitan ng pagpuri kay Jehova at pagtitiwala sa kaniyang salita.

Pinananatili Tayong Malinis ng Salita ng Diyos

5. (a) Ipaliwanag kung paano maaaring manatiling malinis sa espirituwal. (b) Anong tulong ang nakalaan sa isang kabataang nagkasala nang malubha?

5 Maaari tayong maging malinis sa espirituwal kung mananatili tayong mapagbantay ayon sa salita ng Diyos. (Awit 119:9-​16) Totoo ito kahit hindi nagpakita ng magandang halimbawa ang ating mga magulang. Bagaman mananamba sa idolo ang ama ni Hezekias, ‘nilinis ni Hezekias ang kaniyang landas,’ malamang mula sa mga impluwensiyang pagano. Ipagpalagay na nagkasala nang malubha ang isang kabataang naglilingkod sa Diyos sa ngayon. Ang pagsisisi, panalangin, tulong ng mga magulang, at maibiging pag-alalay ng Kristiyanong matatanda ay tutulong sa kaniya na maging tulad ni Hezekias at ‘linisin ang kaniyang landas at manatiling mapagbantay.’​—Santiago 5:13-15.

6. Sinu-sinong babae ang ‘naglinis ng kanilang landas at nanatiling mapagbantay ayon sa salita ng Diyos’?

6 Bagaman nabuhay sina Rahab at Ruth matagal pa bago kathain ang Awit 119, ‘nilinis nila ang kanilang landas.’ Si Rahab ay isang patutot na Canaanita, pero nakilala siya dahil sa kaniyang pananampalataya bilang mananamba ni Jehova. (Hebreo 11:30, 31) Iniwan ni Ruth na isang Moabita ang kaniyang mga diyos, naglingkod kay Jehova, at sumunod sa Kaniyang Kautusan sa Israel. (Ruth 1:14-​17; 4:9-​13) Ang dalawang babaing di-Israelita na ito ay ‘nanatiling mapagbantay ayon sa salita ng Diyos’ at nagkaroon ng kamangha-manghang pribilehiyo na maging mga ninuno ni Jesu-Kristo.​—Mateo 1:1, 4-6.

7. Paano nagpakita si Daniel at ang tatlong iba pang kabataang Hebreo ng mainam na halimbawa sa pagpapanatili ng espirituwal na kalinisan?

7 “Ang hilig ng puso ng tao ay masama magmula sa kaniyang pagkabata,” ngunit maaaring tahakin ng mga kabataan ang malinis na landas, maging sa tiwaling sanlibutang ito na nasa ilalim ng kontrol ni Satanas. (Genesis 8:21; 1 Juan 5:19) Bilang mga tapon sa Babilonya, si Daniel at ang tatlong iba pang kabataang Hebreo ay ‘nanatiling mapagbantay ayon sa salita ng Diyos.’ Halimbawa, ayaw nilang dumhan ang kanilang sarili “ng masasarap na pagkain ng hari.” (Daniel 1:6-10) Ang mga Babilonyo ay kumakain ng maruruming hayop, na ipinagbabawal sa Kautusang Mosaiko. (Levitico 11:1-​31; 20:24-​26) Hindi nila palaging pinatutulo ang dugo ng kinatay na mga hayop, at ang kanilang pagkain ng karneng di-napatulo ang dugo ay labag sa kautusan ng Diyos hinggil sa dugo. (Genesis 9:3, 4) Hindi nga nakapagtataka kung bakit ayaw kumain ng apat na Hebreo ng masasarap na pagkain ng hari! Napanatili ng makadiyos na mga kabataang iyon ang espirituwal na kalinisan at sa gayon ay nagpakita ng mainam na halimbawa.

Ang Salita ng Diyos ay Tulong Upang Maging Tapat

8. Anong saloobin at kaalaman ang kailangan natin upang maunawaan at maikapit ang kautusan ng Diyos?

8 Ang pagkagiliw sa salita ng Diyos ay isang mahalagang salik upang manatili tayong tapat kay Jehova. (Awit 119:17-​24) Kung kagaya tayo ng kinasihang salmista, mimithiin nating maunawaan “ang mga kamangha-manghang bagay” ng kautusan ng Diyos. Lagi nating ‘pananabikan ang mga hudisyal na pasiya ni Jehova’ at magpapakita tayo ng ‘pagkagiliw sa kaniyang mga paalaala.’ (Awit 119:18, 20, 24) Kung maikling panahon pa lamang tayong nakaalay kay Jehova, ‘mayroon na ba tayong pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita’? (1 Pedro 2:1, 2) Kailangan nating maintindihan ang saligang mga turo sa Bibliya upang higit nating maunawaan at maikapit ang kautusan ng Diyos.

9. Paano tayo dapat tumugon kapag may pagkakasalungatan ang kautusan ng Diyos at ang mga kahilingan ng tao?

9 Maaaring kinagigiliwan natin ang mga paalaala ng Diyos, ngunit paano kung sa di-malamang kadahilanan ay magsalita ang “mga prinsipe” laban sa atin? (Awit 119:23, 24) Sa ngayon, madalas na sinisikap ng mga nasa awtoridad na pilitin tayong higit na pahalagahan ang mga batas ng tao kaysa sa kautusan ng Diyos. Kapag may pagkakasalungatan ang mga kahilingan ng tao at ang kalooban ng Diyos, ano ang gagawin natin? Ang pagkagiliw natin sa salita ng Diyos ay tutulong sa atin na manatiling tapat kay Jehova. Tulad ng pinag-usig na mga apostol ni Jesu-Kristo, sasabihin natin: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”​—Gawa 5:29.

10, 11. Ilarawan kung paano natin mapananatili ang ating katapatan kay Jehova sa ilalim ng pinakamahihirap na kalagayan.

10 Makapananatili tayong tapat kay Jehova maging sa ilalim ng pinakamahihirap na kalagayan. (Awit 119:25-​32) Upang magtagumpay tayo sa pagpapanatili ng ating katapatan sa Diyos, kailangang tayo’y natuturuan at nananalangin nang taimtim para sa kaniyang tagubilin. Dapat din nating piliin “ang daan ng katapatan.”​—Awit 119:26, 30.

11 Pinili ni Hezekias, marahil ang sumulat ng Awit 119, “ang daan ng katapatan.” Ginawa niya ito bagaman napalilibutan siya ng huwad na mga mananamba at maaaring tinutuya pa nga ng mga miyembro ng maharlikang korte. Malamang na ang ‘kaniyang kaluluwa ay puyat dahil sa pamimighati’ sa gayong mga kalagayan. (Awit 119:28) Ngunit si Hezekias ay nagtiwala sa Diyos, naging isang mabuting hari, at gumawa ng “tama sa paningin ni Jehova.” (2 Hari 18:1-5) Sa pagtitiwala sa Diyos, mababata rin natin ang mga pagsubok bilang mga tagapag-ingat ng katapatan.​—Santiago 1:5-8.

Ang Salita ni Jehova ay Nagbibigay ng Lakas ng Loob

12. Paano natin personal na maikakapit ang Awit 119:36, 37?

12 Ang pagsunod sa patnubay ng salita ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng kinakailangang lakas ng loob upang maharap ang mga pagsubok sa buhay. (Awit 119:33-​40) Mapagpakumbaba nating hinahangad na maturuan ni Jehova upang matupad natin ang kaniyang kautusan “nang buong puso.” (Awit 119:33, 34) Tulad ng salmista, hinihiling natin sa Diyos: “Ikiling mo ang aking puso sa iyong mga paalaala, at hindi sa mga pakinabang,” samakatuwid nga, di-tapat na pakinabang. (Awit 119:36) Tulad ni apostol Pablo, ‘gumagawi tayo nang matapat sa lahat ng bagay.’ (Hebreo 13:18) Kung nais ng isang amo na gumawa tayo ng isang bagay na di-matapat, nag-iipon tayo ng lakas ng loob upang makapanghawakan sa mga tagubilin ng Diyos​—at laging pinagpapala ni Jehova ang gayong landasin. Sa katunayan, tinutulungan niya tayong makontrol ang lahat ng masasamang hilig. Kaya ipanalangin natin: “Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan.” (Awit 119:37) Hinding-hindi natin gugustuhing ituring na kanais-nais ang anumang bagay na walang kabuluhan at kinapopootan ng Diyos. (Awit 97:10) Bukod sa iba pang mga bagay, pinakikilos tayo nito na iwasan ang pornograpya at espiritistikong mga gawain.​—1 Corinto 6:9, 10; Apocalipsis 21:8.

13. Paano nagkaroon ng kinakailangang lakas ng loob ang pinag-usig na mga alagad ni Jesus upang makapagpatotoo nang may katapangan?

13 Ang tumpak na kaalaman sa salita ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng kumpiyansang magpatotoo nang may lakas ng loob. (Awit 119:41-​48) At talagang kailangan natin ng lakas ng loob upang ‘masagot natin yaong nandurusta sa atin.’ (Awit 119:42) Kung minsan, baka gaya tayo ng pinag-usig na mga alagad ni Jesus, na nanalangin: “Jehova, . . . ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na patuloy na salitain ang iyong salita nang buong katapangan.” Ang resulta? “Ang bawat isa sa kanila ay napuspos ng banal na espiritu at nagsalita ng salita ng Diyos nang may katapangan.” Ang Soberanong Panginoon ding iyon ang nagbibigay sa atin ng lakas ng loob upang salitain ang kaniyang salita nang may katapangan.​—Gawa 4:24-31.

14. Ano ang tumutulong sa atin na magpatotoo nang may lakas ng loob gaya ng ginawa ni Pablo?

14 Magkakaroon tayo ng kinakailangang lakas ng loob upang makapagpatotoo nang hindi natatakot mapahiya kung iniibig natin “ang salita ng katotohanan” at ‘tinutupad lagi ang kautusan ng Diyos.’ (Awit 119:43, 44) Sinasangkapan tayo ng masikap na pag-aaral ng nasusulat na Salita ng Diyos na ‘magsalita tungkol sa kaniyang mga paalaala sa harap ng mga hari.’ (Awit 119:46) Ang panalangin at ang espiritu ni Jehova ay tutulong din sa atin na masabi ang angkop na mga bagay sa tamang paraan. (Mateo 10:16-​20; Colosas 4:6) Lakas-loob na nagsalita si Pablo tungkol sa mga paalaala ng Diyos sa mga tagapamahala noong unang siglo. Halimbawa, nagpatotoo siya sa Romanong gobernador na si Felix, na “nakinig sa kaniya tungkol sa paniniwala kay Kristo Jesus.” (Gawa 24:24, 25) Nagbigay rin si Pablo ng patotoo sa harap nina Gobernador Festo at Haring Agripa. (Gawa 25:22–26:32) Sa tulong ni Jehova, tayo rin ay maaaring maging mga saksing may lakas ng loob, na hindi kailanman “ikinahihiya ang mabuting balita.”​—Roma 1:16.

Ang Salita ng Diyos ay Umaaliw sa Atin

15. Paano makaaaliw ang Salita ng Diyos kapag inaalipusta tayo ng iba?

15 Ang Salita ni Jehova ay nagbibigay ng maaasahang kaaliwan. (Awit 119:49-56) May mga pagkakataong kailangang-kailangan natin ng kaaliwan. Bagaman lakas-loob tayong nagsasalita bilang mga Saksi ni Jehova, kung minsan ay ‘inaalipusta tayo nang labis’ ng “mga pangahas”​—niyaong mga kumikilos nang may kapangahasan sa Diyos. (Awit 119:51) Gayunman, habang nananalangin, baka maalaala natin ang positibong mga bagay na nabanggit sa Salita ng Diyos, at sa gayon ay ‘makasumpong tayo ng kaaliwan.’ (Awit 119:52) Sa ating mga pagsusumamo, baka maalaala natin ang isang kautusan o simulain sa Kasulatan na nagbibigay sa atin ng kaaliwan at lakas ng loob na kailangan sa maigting na kalagayan.

16. Ano ang hindi ginawa ng mga lingkod ng Diyos sa kabila ng pag-uusig?

16 Ang mga pangahas na umalipusta sa salmista ay mga Israelita​—mga kabilang sa bansang nakaalay sa Diyos. Kahiya-hiya! Gayunman, di-tulad nila, maging determinado tayong huwag kailanman lumihis mula sa kautusan ng Diyos. (Awit 119:51) Sa harap ng pag-uusig ng mga Nazi at ng katulad na pagtrato sa nakalipas na mga taon, libu-libong lingkod ng Diyos ang tumangging lumihis mula sa mga kautusan at simulaing masusumpungan sa Salita ng Diyos. (Juan 15:18-21) At hindi pabigat ang sumunod kay Jehova, sapagkat ang kaniyang mga tuntunin ay gaya ng nakaaaliw na mga awitin sa atin.​—Awit 119:54; 1 Juan 5:3.

Ipagpasalamat ang Salita ni Jehova

17. Ang pagpapahalaga sa salita ng Diyos ay nagpapakilos sa atin na gawin ang ano?

17 Pinatutunayan natin ang ating pasasalamat sa salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod dito. (Awit 119:57-​64) Ang salmista ay ‘nangakong tutuparin niya ang mga salita ni Jehova,’ at maging ‘sa hatinggabi ay bumabangon siya upang magpasalamat sa Diyos dahil sa Kaniyang matuwid na mga hudisyal na pasiya.’ Kung magising tayo sa gabi, isa itong mainam na pagkakataon para ipahayag sa panalangin ang ating pasasalamat sa Diyos! (Awit 119:57, 62) Ang ating pagpapahalaga sa salita ng Diyos ay nagpapakilos sa atin na hangarin ang kaniyang turo at maging maliligayang ‘mga kasamahan ng lahat ng natatakot kay Jehova’​—mga indibiduwal na may mapagpitagang pagkatakot sa Diyos. (Awit 119:63, 64) May masusumpungan pa kaya tayong mas mainam na mga kasama rito sa lupa?

18. Paano sinasagot ni Jehova ang ating mga panalangin kapag ‘pinupuluputan tayo ng mga lubid ng mga balakyot’?

18 Kapag nananalangin tayo nang buong puso at mapagpakumbabang humihiling kay Jehova na turuan tayo, ‘pinalalambot natin ang kaniyang mukha’ sa layuning matamasa ang kaniyang lingap. Lalung-lalong kailangan nating manalangin kapag ‘pinupuluputan tayo ng mga lubid ng mga balakyot.’ (Awit 119:58, 61) Kaya ni Jehova na putulin ang mga lubid ng kaaway na pumipigil sa atin at palayain tayo para sa gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Ito ay paulit-ulit na nakita sa mga lupain kung saan ipinagbawal ang ating gawain.

Manampalataya sa Salita ng Diyos

19, 20. Paano magiging mabuti na mapighati?

19 Ang pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang salita ay tumutulong sa atin na batahin ang kapighatian at gawin ang kaniyang kalooban. (Awit 119:65-72) Bagaman ‘dinungisan siya ng kabulaanan’ ng mga pangahas, umawit ang salmista: “Mabuti sa akin na ako ay napighati.” (Awit 119:66, 69, 71) Paano magiging mabuti sa sinumang lingkod ni Jehova na dumanas ng kapighatian?

20 Kapag dumaranas tayo ng kapighatian, walang alinlangan na marubdob tayong nagsusumamo kay Jehova, at dahil dito ay nagiging lalo tayong malapít sa kaniya. Baka gumugol tayo ng mas maraming panahon sa pag-aaral ng nasusulat na Salita ng Diyos at mas magsikap na ikapit ito. Nagdudulot ito ng mas maligayang buhay. Pero paano kung tumugon tayo sa kapighatian sa paraang naglalantad ng di-magagandang katangian, gaya ng kawalan ng pagtitiis at pagmamapuri? Sa pamamagitan ng marubdob na panalangin at sa tulong ng Salita at espiritu ng Diyos, mapagtatagumpayan natin ang gayong mga kapintasan at higit nating ‘madaramtan ang ating sarili ng bagong personalidad.’ (Colosas 3:9-14) Karagdagan pa, napatitibay ang ating pananampalataya kapag binabata natin ang kapighatian. (1 Pedro 1:6, 7) Nakinabang si Pablo sa kaniyang mga kapighatian sapagkat higit siyang umasa kay Jehova dahil sa mga ito. (2 Corinto 1:8-​10) Pinahihintulutan ba nating magkaroon ng mabuting epekto sa atin ang pagdurusa?

Laging Magtiwala kay Jehova

21. Ano ang nangyayari kapag inilagay ng Diyos sa kahihiyan ang mga pangahas?

21 Binibigyan tayo ng salita ng Diyos ng mabuting dahilan upang magtiwala kay Jehova. (Awit 119:73-​80) Kung talagang nagtitiwala tayo sa ating Maylalang, wala tayong dapat ikahiya. Gayunman, dahil sa ginagawa ng iba, kailangan natin ng kaaliwan at baka naisin nating ipanalangin: “Mapahiya nawa ang mga pangahas.” (Awit 119:76-78) Kapag inilagay sila ni Jehova sa kahihiyan, mahahantad ang kanilang masasamang lakad at mapababanal ang kaniyang sagradong pangalan bilang resulta. Makatitiyak tayo na walang makukuhang pakinabang ang mga umuusig sa bayan ng Diyos. Halimbawa, hindi nila napahinto​—at hindi kailanman mapahihinto​—ang mga Saksi ni Jehova, na nagtitiwala sa Diyos nang kanilang buong puso.​—Kawikaan 3:5, 6.

22. Sa anong diwa “tulad ng sisidlang balat sa usok” ang salmista?

22 Pinatitibay ng salita ng Diyos ang ating pagtitiwala sa kaniya kapag pinag-uusig tayo. (Awit 119:81-​88) Dahil pinag-uusig siya ng mga pangahas, nadama ng salmista na siya ay “tulad ng sisidlang balat sa usok.” (Awit 119:83, 86) Noong panahon ng Bibliya, ang mga sisidlang gawa sa balat ng hayop ay ginagamit upang paglagyan ng tubig, alak, at iba pang likido. Kapag hindi ginagamit, maaaring mangulubot ang mga sisidlang ito kung ibibitin malapit sa apoy sa isang silid na walang tsiminea. Dahil sa mahihirap na kalagayan o pag-uusig, nadarama mo bang ikaw ay “tulad ng sisidlang balat sa usok”? Kung oo, magtiwala kay Jehova, at manalangin: “Ingatan mo akong buháy ayon sa iyong maibiging-kabaitan, upang matupad ko ang paalaala ng iyong bibig.”​—Awit 119:88.

23. Ano ang tinalakay natin sa pagrerepaso sa Awit 119:1-​88, at ano ang maaari nating itanong sa ating sarili habang pinananabikan nating pag-aralan ang Awit 119:89-176?

23 Ipinakikita sa ating tinalakay sa unang kalahati ng Awit 119 na si Jehova ay nagpapamalas ng maibiging-kabaitan sa kaniyang mga lingkod dahil nagtitiwala sila sa kaniyang salita at kinagigiliwan nila ang kaniyang mga batas, paalaala, utos, at mga kautusan. (Awit 119:16, 47, 64, 70, 77, 88) Nalulugod siya na yaong mga tapat sa kaniya ay nananatiling mapagbantay ayon sa kaniyang salita. (Awit 119:9, 17, 41, 42) Habang pinananabikan mong pag-aralan ang natitirang bahagi ng magandang awit na ito, makabubuti marahil na tanungin mo ang iyong sarili, ‘Talaga bang hinahayaan kong maging liwanag sa aking landas ang salita ni Jehova?’

[Talababa]

^ par. 2 Ang tinutukoy rito ay ang mensahe ni Jehova, hindi ang buong nilalaman ng Bibliya​—ang Salita ng Diyos.

Paano Mo Sasagutin?

• Sa ano nakasalalay ang tunay na kaligayahan?

• Paano tayo pinananatiling malinis sa espirituwal ng salita ni Jehova?

• Sa anu-anong paraan naglalaan ng lakas ng loob at kaaliwan ang salita ng Diyos?

• Bakit tayo dapat manampalataya kay Jehova at sa kaniyang salita?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 11]

Sina Ruth, Rahab, at ang mga kabataang Hebreo na ipinatapon sa Babilonya ay ‘nanatiling mapagbantay ayon sa salita ng Diyos’

[Larawan sa pahina 12]

Si Pablo ay lakas-loob na ‘nagsalita tungkol sa mga paalaala ng Diyos sa harap ng mga hari’