Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Pinahalagahan mo ba ang pagbabasa sa katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Kung gayon, tingnan natin kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:

Bakit Disyembre 25 ang piniling petsa ng pagdiriwang ng kapanganakan ni Jesus?

Walang ibinigay na petsa ang Salita ng Diyos para sa kapanganakan ni Jesus. Sinabi ng Enciclopedia Hispánica: “Ang petsang Disyembre 25 para sa pagdiriwang ng Pasko ay hindi resulta ng tumpak na kalkulasyon ng kaarawan [ni Jesus] kundi sa halip ay ang pagiging Kristiyano ng mga kapistahan ng winter solstice.” Ipinagdiwang ng sinaunang mga Romano ang pagsikat ng araw sa kalangitan sa panahon ng taglamig sa pamamagitan ng pagpipiging, walang-taros na pagsasaya, at pagpapalitan ng mga regalo.​—12/15, pahina 4-5.

• Nanalangin ba si Esteban kay Jesus ayon sa Gawa 7:59?

Hindi. Ipinakikita sa Bibliya na ang panalangin ay dapat na iukol lamang sa Diyos na Jehova. Yamang nakita niya si Jesus sa pangitain, malamang na nadama ni Esteban na malaya siyang makapagsusumamo sa kaniya nang tuwiran, na sinasabi: “Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu.” Alam ni Esteban na binigyan si Jesus ng awtoridad na buhayin ang mga patay. (Juan 5:27-29) Kaya humiling, o nagsumamo, si Esteban kay Jesus na ingatan ang kaniyang puwersa ng buhay hanggang sa pagkabuhay-muli.​—1/1, pahina 31.

• Paano natin nalalaman na hindi patiunang itinakda ang kahihinatnan ng tao?

Binigyan ng Diyos ang tao ng kalayaang pumili, na nagpapakitang hindi totoo ang predestinasyon. Magiging kawalang-pag-ibig at kawalang-katarungan sa bahagi ni Jehova na patiunang itakda ang landas na itataguyod natin at pagkatapos ay papanagutin tayo sa ating mga paggawi. (Deuteronomio 32:4; 1 Juan 4:8)​—1/15, pahina 4-5.

• Bakit isang kapangahasang sabihin na imposible ang mga himala?

Yamang natatanto na nila na bahagya lamang ang kanilang nalalaman sa kagila-gilalas na mga bagay sa siyensiya na masusumpungan sa mga nilalang ng Diyos, inaamin ng ilang siyentipiko na hindi na nila masasabi nang may katiyakan na imposible ang isang bagay. Ang gusto na lamang nilang sabihin ay na malayong mangyari ang isang bagay.​—2/15, pahina 5-6.

• Bakit sinabi ni Hukom Samson sa kaniyang mga magulang na gusto niyang mapangasawa ang anak ng mga Filisteo? (Hukom 14:2)

Labag sa kautusan ng Diyos na mag-asawa ng isang huwad na mananamba. (Exodo 34:11-16) Subalit, ang babaing Filisteo ang “marapat” sa paningin ni Samson. “Naghahanap [si Samson] ng pagkakataon laban sa mga Filisteo,” at marapat ang babae sa layuning iyon. Sinuportahan ng Diyos si Samson sa pamamagitan ng Kaniyang espiritu. (Hukom 13:25; 14:3, 4, 6)​—3/15, pahina 26.

• Dapat bang magbigay ng tip o isang uri ng regalo ang isang Kristiyano sa isang empleado ng gobyerno alang-alang sa mga serbisyo nito?

Maling suhulan ang isang opisyal, bigyan siya ng isang bagay na mahalaga upang gumawa ng ilegal na bagay, baluktutin ang katarungan, o magbigay ng pantanging pakikitungo. Subalit hindi panunuhol ang magbigay ng tip o regalo sa isang lingkod ng bayan kapag ginaganap niya ang kaniyang tungkulin o upang makatanggap ng legal na serbisyo o upang maiwasan ang di-patas na pakikitungo.​—4/1, pahina 29.