Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-asa sa Kabila ng Kahapisan—Isang Asamblea sa Kampo ng mga Lumikas

Pag-asa sa Kabila ng Kahapisan—Isang Asamblea sa Kampo ng mga Lumikas

Pag-asa sa Kabila ng Kahapisan​—Isang Asamblea sa Kampo ng mga Lumikas

ANG kampo ng mga lumikas sa Kakuma ay nasa hilagang bahagi ng Kenya, malapit sa hangganan ng Sudan. Dito nakatira ang mahigit 86,000 katao. Tigang ang lugar, at ang temperatura kapag araw ay umaabot sa 50°C. Pangkaraniwan ang karahasan sa pagitan ng mga lumikas. Para sa marami, ang kampo ay isang lugar ng kahapisan. Subalit ang iba ay may tinatanaw na pag-asa.

Kabilang sa mga lumikas ang ilang Saksi ni Jehova, na masisigasig na naghahayag ng mabuting balita ng Kaharian. Bahagi sila ng isang maliit na kongregasyon sa Lodwar, 120 kilometro sa dakong timog. Ang susunod na kongregasyon ay mga walong oras ang layo kung gagamit ka ng sasakyan.

Yamang hindi posibleng makapaglakbay sa labas ng kampo ang mga lumikas, marami ang hindi nakadadalo sa mga asamblea at kombensiyong idinaraos ng mga Saksi ni Jehova. Dahil dito, gumawa ng mga kaayusan upang maidaos ang isang araw ng pantanging asamblea sa loob ng kampo.

Paglalakbay Pahilaga

Upang suportahan ang asamblea, 15 Saksi mula sa bayan ng Eldoret, 480 kilometro sa timog ng kampo, ang nagboluntaryo upang tahakin ang napakahirap na paglalakbay patungo sa tigang na hilaga, kasama ang isang estudyante sa Bibliya na nagpahiram ng kaniyang maliit na bus pati na rin ang drayber nito. Ang kanilang taos-pusong hangarin ay pasiglahin at patibayin ang kanilang mga kapatid.

Nagsimula ang paglalakbay sa malamig na madaling araw sa kanluraning bulubunduking bahagi ng Kenya. Ang malubak na daan ay bumabagtas paahon patungo sa mga bukirin at kagubatan at pagkatapos ay pababa tungo sa mainit at mapalumpong na lugar ng disyerto. Ang mga kambing at kamelyo ay nanginginain sa di-kaayaayang lupain. Naglalakad ang mga tagatribo suot-suot ang tradisyonal na mga damit, at marami ang may dala-dalang mga pamalo, busog, at pana. Matapos maglakbay nang 11 oras, narating ng mga Saksi ang Lodwar, isang mainit at maalikabok na komunidad ng halos 20,000 katao. Pagkatapos na malugod na batiin ng kanilang mga punong-abala na Saksi, nagpahinga na ang mga manlalakbay upang maging handa para sa isang abalang dulo ng sanlinggo.

Kinabukasan, namasyal ang mga bisita upang makita ang ilan sa mga tanawin ng lugar. Ang isa na dapat makita ng mga panauhin ay ang Lawa ng Turkana, ang pinakamalaking lawa sa Kenya. Napalilibutan ito ng kilu-kilometrong palumpong sa disyerto, at ito ang lawa na may pinakamaraming buwaya sa buong daigdig. Ang mga tubig na may sosa ay tumutulong sa pagtustos sa ilang taong naninirahan sa baybayin nito. Sa gabi, nasiyahan ang mga bisita sa pagdalo sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at sa Pulong sa Paglilingkod kasama ng lokal na kongregasyon. May maganda silang Kingdom Hall, na itinayo noong 2003 sa pamamagitan ng programa ng pagtatayo ng mga Saksi para sa mga bansang may limitadong kakayahan o pananalapi.

Ang Araw ng Pantanging Asamblea

Ang Linggo ay inilaan para sa araw ng pantanging asamblea. Sa ganap na 8:00 n.u., pinahintulutang makapasok sa kampo ang Kongregasyon ng Lodwar at ang dumadalaw na mga kapatid, kaya sabik na makapagpasimula nang maaga ang mga Saksi. Ang pasikut-sikot na daan ay bumabagtas sa tigang na lupain tungo sa hangganan ng Sudan. Makikita sa itaas ng daan ang matutulis na kabundukan. Lumawak ang tanawin pagdating sa nayon ng Kakuma. Umuulan noon, at ang ilang bahagi ng baku-bakong daan patungo sa kampo ay binaha. Karamihan sa mga tahanan ay yari sa mga laryong gawa sa putik at may mga bubong na gawa sa lata o lona. May kani-kanilang dako ang mga grupo ng mga Etiope, Somali, taga-Sudan, at iba pa. May-pananabik na binati ng mga lumikas ang mga manlalakbay.

Idinaos ang asamblea sa isang pasilidad ng pagsasanay. Inilarawan sa mga drowing sa mga dingding ang kahila-hilakbot na buhay ng mga lumikas, ngunit ang saloobin sa bulwagan noong araw na iyon ay nagbabadya ng pag-asa. Binigkas sa wikang Ingles at Swahili ang bawat pahayag. Ang ilang tagapagsalita na matatas sa Ingles at Swahili ay nagbigay ng kanilang pahayag sa dalawang wikang iyon. Isang kapatid na lumikas mula sa Sudan ang nagbigay ng pambungad na pahayag, “Pagsusuri sa Ating Makasagisag na Puso.” Ang ibang bahagi ay ginampanan ng mga dumadalaw na matatanda.

Ang isang pantanging bahagi ng bawat asamblea ay ang bautismo. Sa konklusyon ng pahayag sa bautismo, nakatingin ang lahat nang tumayo ang nag-iisang kandidato. Si Gilbert at ang kaniyang ama ay tumakas mula sa katutubo nilang bansa nang magkaroon doon ng paglipol sa kanilang lahi noong 1994. Noong una, akala nila’y magiging ligtas sila sa Burundi, ngunit di-nagtagal ay natanto nilang nanganganib pa rin sila. Tumakas si Gilbert sa Zaire, pagkatapos ay sa Tanzania​—kung minsan ay nagtatago sa gubat​—at sa dakong huli ay sa Kenya. Marami ang napaluha nang malugod siyang tanggapin ng tagapagsalita bilang isang kapatid sa kongregasyon. Habang nakatayo sa gitna ng maliit na grupo na binubuo ng 95 katao, si Gilbert ay sumagot nang maliwanag at may pananalig, “Ndiyo!”​—ang “Oo!” sa wikang Swahili​—sa dalawang tanong na ibinangon sa kaniya ng tagapagsalita. Siya at ang ilang kapatid ay manu-manong naghukay ng isang maliit na tipunang-tubig at nilatagan ito ng lona ng dating bubong ng kaniyang tirahan sa kampo. Bilang patotoo sa kaniyang pananabik na mabautismuhan, nang mismong umagang iyon ay pinunô niya ang tipunang-tubig sa pamamagitan ng balde, nang siya lamang mag-isa!

Ang isa sa mga tampok na bahagi ng panghapong sesyon ay ang paglalahad ng mga karanasan hinggil sa pambihirang situwasyon ng mga lumikas na Saksi. Ipinaliwanag ng isang kapatid kung paano niya nilapitan ang isang lalaking nagpapahinga sa ilalim ng puno.

“Sabihin mo sa akin, palagi bang ligtas na maupo sa ilalim ng isang puno?”

“Oo,” ang tugon ng lalaki. Pagkatapos ay idinagdag niya, “Pero hindi, hindi sa gabi.”

Binasa sa kaniya ng kapatid ang Mikas 4:3, 4: “Uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.” “Kaya sa bagong sanlibutan ng Diyos,” ang paliwanag niya, “palagi itong magiging ligtas.” Tinanggap ng lalaki ang isang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya.

Isang kapatid na babae na naglakbay sa Kakuma ang namatayan kamakailan ng tatlong malalapít na kamag-anak. Nang magkomento siya hinggil sa kalagayan ng mga kapatid sa kampo, sinabi niya: “Napakahirap ng kalagayan sa lugar na ito; gayunman, napanatili nilang malakas ang kanilang pananampalataya. Nakatira sila sa isang malungkot na lugar, pero maligaya silang naglilingkod kay Jehova. Natatamasa nila ang isang mapayapang kaugnayan sa Diyos. Napatibay akong panatilihin ang kapayapaang ito at maglingkod kay Jehova. Wala akong dapat ireklamo!”

Mabilis na natapos ang araw ng asamblea. Sa huling pahayag, binanggit ng tagapagsalita na naroroon ang mga kinatawan mula sa walong iba’t ibang bansa. Sinabi ng isa sa mga lumikas na Saksi na ang asambleang ito ay patotoo ng pagkakaisa at pag-ibig sa gitna ng mga Saksi ni Jehova sa isang nababahaging daigdig. Ang kanilang kapatiran ang tunay na Kristiyanong kapatiran.​—Juan 13:35.

[Kahon/​Larawan sa pahina 25]

ANG NAWAWALANG MGA BATA NG SUDAN

Mula pa noong pasimula ng digmaang sibil sa Sudan noong 1983, limang milyon katao na ang nawalan ng tahanan. Kabilang sa mga ito ang humigit-kumulang 26,000 bata, na napahiwalay sa kani-kanilang pamilya. Libu-libo sa mga ito ang tumakas patungo sa mga kampo ng mga lumikas sa Etiopia, kung saan nanatili sila nang mga tatlong taon. Palibhasa’y napilitan na muling lumipat, isang taon silang naglakad pabalik sa Sudan patungo sa hilagang bahagi ng Kenya, na dinaluhong ng mga sundalo, bandido, sakit, at mababangis na hayop. Kalahati lamang sa bilang ng mga bata ang nabuhay sa mahihirap na paglalakbay na ito, na nang maglaon ay naging pinakasentro ng komunidad sa kampo sa Kakuma. Sa mga ahensiyang tumutulong, sila ay tinagurian bilang ang nawawalang mga bata ng Sudan.

Ang kampo ng mga lumikas sa Kakuma ay multinasyonal na tahanan na ngayon ng mga lumikas mula sa Sudan, Somalia, Etiopia, at iba pang mga bansa. Pagdating sa kampo, ang isang lumikas ay binibigyan ng pangunahing mga materyales para sa pagtatayo ng tahanan at isang lona para sa bubong. Dalawang beses sa isang buwan, ang bawat lumikas ay binibigyan ng mga anim na kilo ng harina, isang kilo ng balatong, at kaunting langis at asin. Ipinagpapalit ng maraming lumikas ang ilan sa rasyon nila upang makakuha ng ibang mga panustos.

Ang ilan sa nawawalang mga batang ito ay muling nakapiling ng kanilang mga pamilya o nanirahan na sa ibang bansa. Subalit ayon sa Tanggapan ng Paglilipat sa mga Lumikas, “libu-libo pa ang nananatili sa maalikabok, malangaw na kampo ng mga lumikas sa Kakuma, kung saan kailangan nilang magkalkal upang may makain at magpunyagi upang magkaroon ng edukasyon.”

[Credit Line]

Courtesy Refugees International

[Mapa sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

KENYA

Kampo sa Kakuma

Lawa ng Turkana

Lodwar

Eldoret

Nairobi

[Larawan sa pahina 23]

Mahirap ang buhay sa kampo

[Larawan sa pahina 23]

Inirarasyon ang tubig sa kampo sa Kakuma

[Larawan sa pahina 23]

Ginawa ng mga Saksing taga-Kenya ang mahirap na paglalakbay pahilaga upang pasiglahin ang kanilang mga kapatid

[Larawan sa pahina 24]

Isinasalin ng isang misyonero ang pahayag na ibinibigay ng isang lokal na special pioneer

[Larawan sa pahina 24]

Tipunang-tubig para sa bautismo

[Picture Credit Line sa pahina 23]

Pagrarasyon ng tubig at Kampo ng mga Lumikas sa Kakuma: Courtesy Refugees International