Pagkuha ng Kaalaman—Ngayon at Magpakailanman
Pagkuha ng Kaalaman—Ngayon at Magpakailanman
SUMULAT ang manggagamot na Aleman na si Ulrich Strunz ng isang serye ng mga aklat na pinamagatang Forever Young. Iginiit niya rito na mabuti sa kalusugan at posibleng makapagpahaba ng buhay ang ehersisyo, nutrisyon, at kaaya-ayang istilo ng pamumuhay. Gayunman, hindi niya ipinangako sa kaniyang mga mambabasa na literal silang mabubuhay magpakailanman kung susundin nila ang kaniyang payo.
Subalit may isang uri ng kaalaman na talagang nangangako ng buhay na walang hanggan. At kung mabubuhay ka magpakailanman, maaari kang kumuha ng kapaki-pakinabang na kaalaman magpakailanman. Sinabi ni Jesus sa kaniyang panalangin sa Diyos: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Alamin muna natin ang katuturan ng salitang “buhay na walang hanggan” at pagkatapos ay ilarawan natin kung ano ang kalakip sa kaalamang ito at kung paano mo ito matatamo.
Ayon sa Bibliya, malapit nang baguhin ng Maylalang ang lupa tungo sa isang literal na paraiso, kung saan iiral ang mga kalagayang makapagpapahaba ng buhay. Upang umiral ang Paraisong iyon, nasasangkot ang matinding pagkilos, gaya ng Baha noong panahon ni Noe. Ipinakikita sa Mateo kabanata 24, talata 37 hanggang 39, na inihalintulad ni Jesus ang ating panahon sa “mga araw ni Noe,” kung saan ‘hindi nagbigay-pansin’ ang mga tao sa kanilang mapanganib na kalagayan. Ipinagkibit-balikat din nila ang mensaheng ipinangaral ni Noe. Pagkatapos ay dumating ang “araw na pumasok si Noe sa arka” at nilipol ng Baha ang lahat ng tumanggi sa kaalamang ito. Nanatiling buháy si Noe at ang mga kasama niya sa arka.
Ipinahiwatig ni Jesus na isang nakakatulad na “araw” ang darating sa ating panahon. Ang mga nagbibigay-pansin sa kaalamang nauugnay sa pangyayaring ito ay may pag-asang hindi lamang makaligtas kundi mabuhay rin naman magpakailanman. Bukod diyan, ang mga patay na nasa alaala ng Diyos ay bubuhaying muli taglay ang pag-asang hindi na mamatay. (Juan 5:28, 29) Pansinin kung paano ipinahayag ni Jesus ang dalawang kaisipang ito. Nang banggitin niya kay Marta ang tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga patay, sinabi niya: “Siya na nananampalataya sa akin, kahit na mamatay siya, ay mabubuhay; at ang bawat isa na nabubuhay at nananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mamamatay.” Ipinakikita ng lahat ng katibayan na napakalapit na ng “araw” na ito, at nangangahulugan ito na maaaring “hindi [ka] na kailanman mamamatay.”—Juan 11:25-27.
Pagkatapos ay tinanong ni Jesus si Marta: “Pinaniniwalaan mo ba ito?” Sumagot siya: “Opo, Panginoon.” Kung gayunding tanong ang ihaharap sa iyo ni Jesus sa ngayon, ano ang isasagot mo? Marahil ay mahihirapan kang paniwalaan ang posibilidad na hindi ka na mamamatay kailanman. Pero kahit ganiyan ang reaksiyon mo, tiyak na gusto mong paniwalaan ito. Isip-isipin na lamang kung gaano karami ang maaari mong matutuhan kung “hindi [ka] na kailanman mamamatay”! Gunigunihing nasisiyahan ka sa lahat ng bagay na gusto mong matutuhan at gawin ngayon subalit hindi mo magawa dahil sa kakulangan ng panahon. At isipin na lamang na muli mong makakapiling ang iyong namatay na mga mahal sa buhay! Anong kaalaman ang maaaring magpairal ng gayong kalagayan, at paano mo ito matatamo?
Pagtatamo ng Nabibigay-Buhay na Kaalaman—Abot-Kamay Natin Ito
Kaya ba nating kumuha ng kaalaman tungkol sa Diyos at kay Kristo? Oo. Totoo na walang hangganan ang kaalaman tungkol sa mga gawa ng Maylalang. Gayunman, hindi astronomiya o iba pang siyensiya ang tinutukoy ni Jesus nang iugnay niya ang “kaalaman” sa “buhay na walang hanggan.” Ipinakikita sa Kawikaan kabanata 2, talata 1 at 5, na ang “mga pananalita” at “mga utos” na masusumpungan sa Bibliya ay mahahalagang bahagi ng “mismong kaalaman sa Diyos.” At hinggil kay Jesus, ipinakikita ng Juan 20:30, 31 na ang mga bagay na naisulat ay sapat na upang ‘magkaroon tayo ng buhay.’
Kaya ang kaalaman kay Jehova at kay Jesu-Kristo gaya ng masusumpungan sa Bibliya ay sapat na upang makita mo kung paano matatamo ang buhay na walang hanggan. Isang natatanging aklat ang Bibliya. Buong-kabaitang kinasihan ito ng Maylalang upang maging ang mga walang sapat na edukasyon at may limitadong mga oportunidad na mag-aral at matuto ay makakuha ng sapat na kaalaman at magtamo ng buhay na walang hanggan. Gayundin naman, ang isa na mabilis matuto at may sapat na panahon at kakayahan ay laging may bagong matututuhan mula sa kinasihang Kasulatan. Ang bagay na nababasa mo ang artikulong ito ay patunay na may kakayahan kang matuto, subalit paano mo gagamitin ang kakayahang iyan?
Sa buong daigdig, ipinakikita ng mga karanasan na ang pinakamabuting paraan upang matamo ang kaalamang ito ay sa pamamagitan ng personal na pag-aaral ng Bibliya sa tulong ng isang nakauunawa na sa materyal. Kung paanong sinikap ni Noe na ibahagi ang kaalaman sa kaniyang mga kapanahon, ang mga Saksi ni Jehova ay handa ring dumalaw sa iyong tahanan upang talakayin ang Bibliya kasama mo. Maaari nilang gamitin ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? o ang handbuk na angkop na pinamagatang Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. * Kahit nahihirapan kang maniwala na sa makalupang Paraiso, ang mga tapat ay “hindi na kailanman mamamatay,” matututuhan mong magtiwala sa pangakong ito sa pamamagitan ng mga pakikipagtalakayang ito sa Bibliya. Kaya kung nais mong mabuhay magpakailanman o nais mo lamang makita kung makatuwirang maniwala na maaari ka ngang mabuhay magpakailanman, ano ang kailangan mong gawin? Tanggapin mo ang pagkakataong ito na pag-aralan ang Bibliya.
Gaano naman ito katagal? Ang 32-pahinang brosyur na kababanggit lamang, na makukuha sa daan-daang wika, ay naglalaman lamang ng 16 na maiikling aralin. O kung makapaglalaan ka ng isang oras sa bawat linggo, ilang buwan lamang ang kakailanganin mo upang mapag-aralan ang mahahalagang paksa sa Bibliya, gamit ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Natulungan ng mga publikasyong ito ang maraming tao na magtamo ng maraming kaalaman at maglinang ng masidhing pag-ibig sa Diyos. Gagantimpalaan ng Maylalang ang mga tunay na umiibig sa kaniya at bibigyan sila ng buhay na walang hanggan.
Kayang-kaya nating magtamo ng nagbibigay-buhay na kaalaman, at napakadali itong makuha. Ang buong Bibliya, o kahit ang ilang bahagi nito, ay naisalin na sa mahigit 2,000 wika. Ang mga Saksi ni Jehova sa 235 lupain ay nalulugod magbigay ng personal na tulong at maglaan ng mga publikasyong salig sa Bibliya upang lalong madagdagan ang iyong kaalaman.
Personal na Pag-aaral
Ang kaugnayan mo sa Diyos ay isang personal na bagay sa pagitan mo at ng Maylalang. Ikaw lamang ang makapagpapanatili at makapagpapatibay nito, at siya lamang ang makapagbibigay sa iyo ng buhay na walang hanggan. Kaya dapat na patuloy mong pag-aralan ang kaniyang nasusulat na Salita. Kung may regular na dadalaw sa iyong tahanan, mas madali kang makapaglalaan ng panahon para sa pag-aaral.
Yamang “mismong kaalaman sa Diyos” ang nilalaman ng Bibliya at ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, angkop na angkop lamang na ingatan ang mga ito. (Kawikaan 2:5) Kung gayon ay magagamit mo ito sa loob ng maraming taon. Kung nakatira ka sa isang papaunlad na bansa, baka ilang aklat-aralin lamang ang ginamit ninyo sa paaralan, anupat natuto pangunahin na sa pamamagitan ng pakikinig at pagmamasid. Halimbawa, sa Benin, mahigit 50 wika ang ginagamit. Karaniwan na, matatas na nakapagsasalita ang mga tagaroon ng apat o limang wika, bagaman hindi pa sila kailanman nagkaroon ng aklat-aralin sa mga wikang iyon. Ang kakayahan mong matuto sa pamamagitan ng pakikinig, pagmamasid, at pagtutuon ng pansin ay isang pagpapala. Gayunman, masusumpungan mong malaki ang maitutulong iyo ng mga aklat sa pag-aaral mo.
Kahit na masikip ang tinitirhan mo, sikaping maglaan ng angkop na lugar para sa iyong Bibliya at mga publikasyong salig sa Bibliya. Ilagay ang mga ito sa lugar na madaling maabot at kung saan hindi masisira ang mga ito.
Pampamilyang Pag-aaral
Kung isa kang magulang, dapat na interesado kang tulungan ang iyong mga anak na magtamo ng kaalamang natututuhan mo. Sa papaunlad na mga bansa, nakasanayan na ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak ng mga kasanayang mahalaga sa pang-araw-araw na buhay. Maaaring kasama rito ang pagluluto, pangangahoy, pag-iigib, pagsasaka, pangingisda, at pakikipagpalitan ng paninda sa pamilihan. Talagang mahalaga sa buhay ang edukasyong ito. Gayunman, hindi isinasama ng maraming magulang sa edukasyong ito ang kaalaman na aakay sa buhay na walang hanggan.
Anuman ang iyong kalagayan, baka iniisip mong wala ka nang natitirang panahon. Alam din ito ng Maylalang. Hinggil sa pagtuturo sa mga anak tungkol sa kaniyang mga daan, pansinin ang sinabi niya maraming panahon na ang nakalilipas: “Ikikintal mo iyon sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.” (Deuteronomio 6:7) Batay sa mga salitang ito, bakit hindi sikaping magtatag ng iyong sariling programa sa pagtuturo, gaya ng sumusunod:
1. “Kapag nakaupo ka sa iyong bahay”: Sikaping regular na talakayin ang Bibliya kasama ng iyong mga anak sa inyong tahanan, marahil linggu-linggo, kung paanong ginawa ito sa iyo ng iba. Naglalaan ang mga Saksi ni Jehova ng mga publikasyong
salig sa Bibliya na angkop sa pagtuturo sa mga anak anuman ang kanilang edad.2. “Kapag naglalakad ka sa daan”: Ipakipag-usap sa iyong mga anak ang tungkol kay Jehova sa di-pormal na paraan, kung paanong tinuturuan mo sila tungkol sa mga bagay na mahalaga sa pang-araw-araw na buhay o binibigyan sila ng mga tagubilin sa di-pormal na paraan.
3. “Kapag nakahiga ka”: Manalangin kasama ng iyong mga anak gabi-gabi.
4. “Kapag bumabangon ka”: Maraming pamilya ang nakinabang sa pagsasaalang-alang ng isang teksto sa Bibliya tuwing umaga. Ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ang buklet na Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw * upang magawa ito.
Sa papaunlad na mga bansa, ginagawa ng mga magulang ang lahat matiyak lamang na ang isa sa kanilang mga anak ay makakuha ng magandang sekular na edukasyon. Sa gayong paraan, masusuportahan ng anak ang kaniyang mga magulang kapag tumanda na ang mga ito. Gayunman, kung pag-aaralan mo ang Bibliya at tutulungan ang iyong mga anak na pag-aralan din ito, magtatamo ka ng kaalaman na tutulong sa iyo at sa iyong pamilya na mabuhay magpakailanman.
Darating pa kaya ang panahon na malalaman na natin ang lahat ng bagay? Hindi. Habang patuloy na naglalakbay ang ating lupa sa napakalawak na uniberso, magpapatuloy tayo sa pagkuha ng kaalaman. Sa katunayan, sinasabi sa Eclesiastes 3:11: “Ang lahat ng bagay ay ginawa [ng Diyos na] maganda sa kapanahunan nito. Maging ang panahong walang takda ay inilagay niya sa kanilang puso, upang hindi kailanman matuklasan ng mga tao ang gawa na ginawa ng tunay na Diyos mula sa pasimula hanggang sa katapusan.” Ang pagkuha ng kaalaman ay isang kaluguran na hindi matatapos kailanman.
[Mga talababa]
^ par. 10 Parehong inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 23 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Blurb sa pahina 5]
“Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman . . .”
[Mga larawan sa pahina 7]
Tulungan ang iyong pamilya na kumuha ng kaalaman ngayon at magpakailanman