Ang Pag-asa sa Pagkabuhay-Muli—Ano ang Kahulugan Nito Para sa Iyo?
Ang Pag-asa sa Pagkabuhay-Muli—Ano ang Kahulugan Nito Para sa Iyo?
“Binubuksan mo ang iyong kamay at sinasapatan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.”—AWIT 145:16.
1-3. Anong pag-asa ang taglay ng ilan hinggil sa hinaharap? Ilarawan.
GINUGOL ng siyam-na-taóng-gulang na si Christopher at ng kaniyang kuya ang umaga, kasama ang kanilang tiyo at tiya, at dalawang pinsan, sa pagbabahay-bahay sa kanilang ministeryong Kristiyano malapit sa Manchester, Inglatera. Ipinaliwanag ng aming kasamang magasin, ang Gumising!, kung ano ang nangyari. “Kinahapunan, sila ay nagplanong sama-samang mamasyal sa Blackpool, isang kalapit na pamasyalan sa tabi ng dagat. Silang 6 ay kabilang sa 12 katao na namatay kapagdaka sa isang banggaan sa daan, na inilarawan ng pulisya na ‘isang ganap na pagkalipol.’ ”
2 Noong gabi bago ng trahedya, dinaluhan ng pamilya ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, kung saan tinalakay ang paksang kamatayan. “Si Christopher ay laging napakamaalalahaning bata,” ang sabi ng kaniyang ama. “Nang gabing iyon, maliwanag ang pagkakasabi niya tungkol sa isang bagong sanlibutan at sa kaniyang pag-asa sa hinaharap. Pagkatapos, habang ang aming pag-uusap ay nagpatuloy, biglang sinabi ni Christopher: ‘Ang bagay tungkol sa pagiging isang Saksi ni Jehova ay na bagaman masakit ang kamatayan, alam natin na tayo’y magkikita-kitang muli sa lupa balang araw.’ Walang kamalay-malay ang sinuman sa amin na naroroon kung paano magiging di-malilimot ang mga salitang iyon.” *
3 Maraming taon bago nito, noong 1940, isang Saksing taga-Austria na nagngangalang Franz ang napaharap sa sentensiyang kamatayan sa pamamagitan ng gilotina dahil tumanggi siyang maging di-matapat kay Jehova. Sumulat si Franz sa kaniyang ina mula sa isang kulungan sa Berlin: “Sa kaalaman kong taglay, kung gumawa ako ng panunumpa [sa militar], nakagawa ako ng kasalanang karapat-dapat sa kamatayan. Iyon ay kasumpa-sumpa sa akin. Hindi na ako bubuhaying-muli. . . . At ngayon, mahal kong Ina at lahat kong mga kapatid na lalaki at babae, sa araw na ito ay sinabi sa akin ang aking sentensiya, at huwag kayong masisindak, ito’y kamatayan, at ako’y bibitayin bukas ng umaga. Taglay ko ang lakas mula sa Diyos, katulad ng laging totoo sa lahat ng tunay na mga Kristiyano kahit noong una pa. . . . Kung kayo’y maninindigang matatag hanggang sa kamatayan, magkikita tayong muli sa pagkabuhay-muli. . . . Hanggang sa muli nating pagkikita.” *
4. Ano ang epekto sa iyo ng mga karanasang inilahad dito, at ano ang susunod nating isasaalang-alang?
4 Napakahalaga kina Christopher at Franz ang pag-asa sa pagkabuhay-muli. Totoo ito sa kanila. Tiyak na naantig ang ating puso sa mga ulat na ito! Upang higit nating mapalalim ang ating pag-ibig at pagpapahalaga kay Jehova at mapatibay ang ating pag-asa sa pagkabuhay-muli, isaalang-alang natin kung bakit magaganap ang pagkabuhay-muli at kung paano ito dapat personal na makaapekto sa atin.
Pangitain Hinggil sa Pagkabuhay-Muli sa Lupa
5, 6. Ano ang isinisiwalat ng pangitaing iniulat ni apostol Juan sa Apocalipsis 20:12, 13?
5 Sa isang pangitain hinggil sa mga mangyayari sa Milenyong Paghahari ni Kristo Jesus, nakita ni Apocalipsis 20:12, 13) Anuman ang katayuan sa buhay—‘malaki’ man o ‘maliit’—ang lahat ng bihag sa Hades (Sheol), ang karaniwang libingan ng sangkatauhan, ay palalayain. Ang mga namatay rin sa dagat ay bubuhaying muli sa panahong iyon. Bahagi ng layunin ni Jehova ang kamangha-manghang kaganapang ito.
apostol Juan na nagaganap ang pagkabuhay-muli sa lupa. “Nakita ko ang mga patay, ang malalaki at ang maliliit,” ang ulat niya. “At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila.” (6 Magsisimula ang sanlibong-taóng paghahari ni Kristo sa paggagapos at pagbubulid kay Satanas sa kalaliman. Walang sinuman sa mga bubuhaying muli ni sa mga makaliligtas sa malaking kapighatian ang maililigaw ni Satanas sa panahon ng paghaharing iyon, yamang siya ay magiging di-aktibo. (Apocalipsis 20:1-3) Maaaring matagal na sa iyo ang isang libong taon pero ang totoo, itinuturing lamang ito ni Jehova na “gaya ng isang araw.”—2 Pedro 3:8.
7. Ano ang magiging saligan ng paghatol sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo?
7 Ayon sa pangitain, ang Milenyong Paghahari ni Kristo ay isang panahon ng paghatol. Sumulat si apostol Juan: “Nakita ko ang mga patay, ang malalaki at ang maliliit, na nakatayo sa harap ng trono, at nabuksan ang mga balumbon. Ngunit may iba pang balumbon na nabuksan; ito ang balumbon ng buhay. At ang mga patay ay hinatulan batay sa mga bagay na nakasulat sa mga balumbon ayon sa kanilang mga gawa. . . . At hinatulan sila nang isa-isa ayon sa kanilang mga gawa.” (Apocalipsis 20:12, 13) Pansinin na ang batayan ng paghatol na ito ay hindi sa kung ano ang ginawa o hindi ginawa ng isang tao bago siya namatay. (Roma 6:7) Sa halip, binabanggit nito ang “mga balumbon” na bubuksan. Ang gagawin ng isang tao pagkatapos niyang matutuhan ang nilalaman ng mga balumbon ang magiging saligan kung karapat-dapat bang isulat ang kaniyang pangalan sa “balumbon ng buhay.”
“Pagkabuhay-Muli sa Buhay” o “Pagkabuhay-Muli sa Paghatol”
8. Anong dalawang posibleng kahihinatnan ang napapaharap sa mga bubuhaying muli?
8 Sa bandang pasimula ng pangitain ni Juan, inilarawan si Jesus bilang may hawak sa “mga susi ng kamatayan at ng Hades.” (Apocalipsis 1:18) Naglilingkod siya bilang “Punong Ahente ng buhay” ni Jehova, na pinagkalooban ng awtoridad na humatol sa “mga buháy at . . . mga patay.” (Gawa 3:15; 2 Timoteo 4:1) Paano niya ito gagawin? Sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa mga natutulog sa kamatayan. “Huwag kayong mamangha rito,” ang sabi ni Jesus sa mga pulutong na pinangangaralan niya, “sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.” Pagkatapos ay idinagdag niya: “Yaong mga gumawa ng mabubuting bagay tungo sa pagkabuhay-muli sa buhay, yaong mga gumawa ng buktot na mga bagay tungo sa pagkabuhay-muli sa paghatol.” (Juan 5:28-30) Kaya anong kinabukasan ang naghihintay sa tapat na mga lalaki at babae na nabuhay noong una?
9. (a) Sa pagkabuhay-muli, ano ang tiyak na malalaman ng marami? (b) Anong malawakang gawaing pagtuturo ang isasakatuparan?
9 Kapag binuhay-muli ang sinaunang tapat na mga taong ito, di-magtatagal at matatanto nila na ang mga pangakong kanilang inaasahan ay nagkatotoo na. Tunay ngang magiging interesado silang malaman ang pagkakakilanlan ng Binhi ng babae ng Diyos, na binanggit sa unang hula sa Bibliya, sa Genesis 3:15! Kayligaya nila kapag narinig nila na ang ipinangakong Mesiyas, si Jesus, ay napatunayang tapat hanggang sa kamatayan, at sa gayon ay ibinigay ang kaniyang buhay bilang haing pantubos! (Mateo 20:28) Ang mga sasalubong sa kanila pagkatapos silang buhaying muli ay makasusumpong ng malaking kagalakan sa pagtulong sa kanila na maunawaan na ang paglalaang ito na pantubos ay kapahayagan ng di-sana-nararapat na kabaitan at kaawaan ni Jehova. Kapag nalaman ng mga binuhay-muli kung ano ang ginagawa ng Kaharian ng Diyos upang matupad ang layunin ni Jehova para sa lupa, tiyak na mag-uumapaw ang kanilang puso sa pagpuri kay Jehova. Magkakaroon sila ng sapat na pagkakataon upang ipakita ang kanilang debosyon sa kanilang maibiging makalangit na Ama at sa kaniyang Anak. Ang lahat ng nabubuhay ay malulugod na makibahagi sa malawak at mahalagang gawaing pagtuturo sa bilyun-bilyong bubuhaying muli mula sa libingan, na dapat ding kumilala sa inilaang pantubos ng Diyos.
10, 11. (a) Ang Milenyo ay magbibigay ng anu-anong pagkakataon para sa lahat ng nasa lupa? (b) Paano tayo dapat maapektuhan nito?
Hebreo 11:10) Kaysaya nga ng tapat na si Job kapag nalaman niyang ang kaniyang naging landasin sa buhay ay nagpatibay sa iba pang mga lingkod ni Jehova na napaharap sa mga pagsubok ng kanilang katapatan! At talaga namang mananabik si Daniel na malaman ang katuparan ng kinasihang mga hula na isinulat niya!
10 Ang binuhay-muling si Abraham ay makasusumpong ng malaking kaaliwan kapag naranasan niya ang pagiging totoo ng buhay sa ilalim ng pamamahala ng “lunsod” na inaasam niya. (11 Tunay nga, maraming matututuhan ang lahat ng magtatamo ng buhay sa matuwid na bagong sanlibutan, ito man ay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli o sa pagkaligtas sa malaking kapighatian, hinggil sa layunin ni Jehova para sa lupa at sa mga maninirahan dito. Dahil sa pag-asang mabuhay magpakailanman at pagkakataong purihin si Jehova nang walang hanggan, tunay na magiging kalugud-lugod ang programa ng pagtuturo sa panahon ng Milenyo. Gayunman, ang pinakamahalaga ay ang gagawin natin bilang indibiduwal habang natututuhan natin ang nilalaman ng mga balumbon. Ikakapit kaya natin ang ating matututuhan? Bubulay-bulayin kaya natin at isasapuso ang napakahalagang impormasyon na magpapalakas sa atin na labanan ang panghuling pagsisikap ni Satanas na ilihis tayo mula sa katotohanan?
12. Ano ang makatutulong sa bawat isa na magkaroon ng lubusang pakikibahagi sa gawaing pagtuturo at sa pagbabago ng lupa tungo sa isang paraiso?
12 Hindi natin dapat kalimutan ang kamangha-manghang mga pagpapala na tatamasahin kapag ikinapit na ang mga kapakinabangan ng haing pantubos ni Kristo. Hindi mararanasan ng mga bubuhaying muli ang mga sakit o kapansanang nararanasan ngayon. (Isaias 33:24) Ang malusog na pangangatawan at pag-asang magtamasa ng sakdal na kalusugan ay magbibigay ng pagkakataon sa lahat ng maninirahan sa bagong sanlibutan na lubusang makibahagi sa gawaing pagtuturo hinggil sa daan ng buhay sa bilyun-bilyong bubuhaying muli. Ang mga maninirahang iyon ay makikibahagi rin sa pinakamalaking proyekto na isasagawa sa lupa kailanman—ang pagbabago ng buong planeta tungo sa isang paraiso ukol sa kapurihan ni Jehova.
13, 14. Ano ang layunin ng pagpapalaya kay Satanas sa huling pagsubok, at ano ang posibleng kahihinatnan natin bilang indibiduwal?
13 Kapag pinalaya na si Satanas mula sa kalaliman para sa huling pagsubok, sisikapin niyang muling iligaw ang mga tao. Ayon sa Apocalipsis 20:7-9, ang lahat ng ‘nailigaw na mga bansa,’ o mga grupo ng mga tao, na nahulog sa balakyot na impluwensiya ni Satanas ay hahatulan ng pagkapuksa: ‘Bababa ang apoy mula sa langit at lalamunin sila.’ Para sa mga kabilang sa kanila na binuhay-muli sa panahon ng Milenyo, ang pagkapuksang ito ay magiging pagkabuhay-muli sa paghatol. Sa kabaligtaran, ang mga binuhay-muli na nag-ingat ng katapatan ay makatatanggap ng kaloob na buhay na walang hanggan. Tunay na ang sa kanila ay magiging “pagkabuhay-muli sa buhay.”—Juan 5:29.
14 Paano tayo maaaliw kahit sa ngayon ng pag-asa sa pagkabuhay-muli? Higit na mahalaga, ano ang dapat nating gawin upang matiyak na tatanggapin natin ang mga kapakinabangan nito sa hinaharap?
Mga Aral na Matututuhan sa Ngayon
15. Paano nakatutulong sa ngayon ang paniniwala sa pagkabuhay-muli?
15 Maaaring namatayan ka ng mahal sa buhay kamakailan at napapaharap ka sa malaking pagbabago dulot ng gayong matinding kawalan. Ang pag-asa sa pagkabuhay-muli ay tutulong sa iyo na magkaroon ng panloob na kapayapaan at lakas na hindi taglay ng mga hindi nakaaalam ng katotohanan. “Hindi namin ibig na kayo ay walang-alam may kinalaman sa mga natutulog sa kamatayan,” ang pag-aliw ni Pablo sa mga taga-Tesalonica, “upang hindi kayo malumbay na gaya rin ng iba na walang pag-asa.” (1 Tesalonica 4:13) Nakikita mo ba ang iyong sarili na nasa bagong sanlibutan at sinasaksihan ang pagkabuhay-muli? Kung gayon, makasusumpong ka ng kaaliwan ngayon sa pagbubulay-bulay sa pag-asa na muli mong makakapiling ang iyong mga mahal sa buhay.
16. Ano ang malamang na madarama mo kapag naganap ang pagkabuhay-muli?
16 Maaaring nararanasan mo sa kasalukuyan ang pisikal na mga epekto ng paghihimagsik ni
Adan, marahil sa pamamagitan ng pagkakasakit. Huwag mong hayaan ang pighating dulot nito na maging dahilan upang malimutan mo ang maligayang pag-asa na maranasan mo mismo ang pagkabuhay-muli taglay ang panibagong kalusugan at sigla sa bagong sanlibutan. Sa panahong iyon, kapag nadilat ang iyong mga mata at nakita mo ang masasayang mukhang nananabik na magpahayag ng kanilang kagalakan sa iyong pagkabuhay-muli, tiyak na pasasalamatan mo ang Diyos sa kaniyang maibiging-kabaitan.17, 18. Anong dalawang mahahalagang aral ang dapat nating tandaan?
17 Samantala, isaalang-alang ang dalawang aral na dapat nating tandaan. Una ay ang kahalagahan ng buong-kaluluwang paglilingkod kay Jehova ngayon pa lamang. Bilang pagtulad sa ating Panginoon, si Kristo Jesus, ipinakikita ng ating buhay na may pagsasakripisyo sa sarili ang ating pag-ibig kay Jehova at sa ating kapuwa. Kapag nawalan tayo ng kabuhayan o kalayaan dahil sa pagsalansang o pag-uusig, ipinapasiya nating manatiling matatag sa pananampalataya anumang pagsubok ang mapaharap sa atin. Pagbantaan man tayo ng mga mananalansang ng kamatayan, naaaliw at napalalakas tayo ng pag-asa sa pagkabuhay-muli upang manatiling tapat kay Jehova at sa kaniyang Kaharian. Oo, ang ating sigasig sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad ang nagbibigay sa atin ng pag-asa na matamasa ang walang-hanggang mga pagpapala na inilaan ni Jehova para sa mga matuwid.
18 Ang ikalawang aral ay may kaugnayan sa pagharap natin sa mga tukso dulot ng di-kasakdalan. Ang ating kaalaman hinggil sa pag-asa sa pagkabuhay-muli at ang ating pagpapahalaga sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova ay nagpapatibay sa ating kapasiyahan na manatiling matatag sa pananampalataya. “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man na nasa sanlibutan,” ang babala ni apostol Juan. “Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, ang pag-ibig sa Ama ay wala sa kaniya; sapagkat ang lahat ng bagay na nasa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan. Karagdagan pa, ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:15-17) Hindi tayo maaakit sa panghalina ng sanlibutan sa pamamagitan ng materyalismo kung ihahambing natin ito sa “tunay na buhay.” (1 Timoteo 6:17-19) Kung natutukso tayong gumawa ng imoralidad, matatag natin itong lalabanan. Batid natin na kung mamatay tayo bago ang Armagedon, ang patuloy na pagtahak sa landasing hindi nakalulugod kay Jehova ay maglalagay sa atin sa kalagayang kagaya ng mga walang pag-asa na buhaying muli.
19. Anong di-mapapantayang pribilehiyo ang hindi natin dapat kalimutan?
19 Higit sa lahat, hinding-hindi natin dapat kalimutan ang di-mapapantayang pribilehiyo na pasayahin ang puso ni Jehova ngayon at magpakailanman. (Kawikaan 27:11) Ipinakikita natin kay Jehova na tayo ay nasa kaniyang panig hinggil sa isyu ng pansansinukob na soberanya kung mananatili tayong tapat hanggang sa kamatayan o hanggang sa kawakasan ng balakyot na sistemang ito. Kung gayon, kaysaya ngang mabuhay sa Paraiso sa lupa, ito man ay sa pamamagitan ng pagkaligtas mula sa malaking kapighatian o sa pamamagitan ng makahimalang pagkabuhay-muli!
Sinasapatan ang Ating mga Nasa
20, 21. Ano ang tutulong sa atin na manatiling tapat kahit na may mga tanong tayo hinggil sa pagkabuhay-muli na hindi pa nasasagot? Ipaliwanag.
20 Hindi sinasagot ng ating pagtalakay hinggil sa pagkabuhay-muli ang lahat ng ating tanong. Paano isasaayos ni Jehova ang mga bagay-bagay para sa mga namatay na may asawa? (Lucas 20:34, 35) Magaganap kaya ang mga pagkabuhay-muli sa lugar kung saan namatay ang mga tao? Bubuhayin kayang muli ang mga tao sa lugar na malapit sa kinaroroonan ng kanilang mga pamilya? Marami pang tanong hinggil sa mga kaayusan sa pagkabuhay-muli ang hindi pa nasasagot. Gayunpaman, kailangan nating tandaan ang mga salita ni Jeremias: “Mabuti si Jehova doon sa umaasa sa kaniya, sa kaluluwang patuloy na humahanap sa kaniya. Mabuti sa isa ang maghintay, nang tahimik nga, sa pagliligtas ni Jehova.” (Panaghoy 3:25, 26) Sa takdang panahon ni Jehova, ganap nating malalaman ang sagot. Bakit tayo makatitiyak dito?
21 Bulay-bulayin ang kinasihang mga salita ng salmista nang umawit siya tungkol kay Jehova: “Binubuksan mo ang iyong kamay at sinasapatan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.” (Awit 145:16) Habang nagkakaedad tayo, nagbabago ang mga kagustuhan natin. Ang ating inaasam noong bata pa tayo ay hindi na siyang gusto natin ngayon. Ang pananaw natin sa buhay ay naaapektuhan ng ating nararanasan gayundin ng ating mga inaasam. Gayunpaman, anuman ang wasto nating mga hangarin sa bagong sanlibutan, tiyak na sasapatan ni Jehova ang mga ito.
22. Bakit may mabuti tayong dahilan upang purihin si Jehova?
22 Ang mahalaga para sa bawat isa sa atin ngayon ay maging tapat. “Ang hinahanap sa mga katiwala ay ang masumpungang tapat ang isang tao.” (1 Corinto 4:2) Tayo ay mga katiwala ng maluwalhating mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ang ating kasipagan sa paghahayag ng mabuting balitang ito sa lahat ng ating nakakausap ay tutulong sa atin na manatili sa landas ng buhay. Huwag na huwag kalilimutan na “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ay sumasapit sa ating lahat. (Eclesiastes 9:11) Upang mabawasan ang anumang di-kinakailangang kabalisahan na dulot ng kawalang-katiyakan ng buhay, manghawakang mahigpit sa iyong pananampalataya sa maluwalhating pag-asa sa pagkabuhay-muli. Makatitiyak ka na kung waring mamamatay ka na bago magsimula ang Milenyong Paghahari ni Kristo, makasusumpong ka ng kaaliwan sa katiyakan na darating ang kaginhawahan. Sa takdang panahon ni Jehova, maaari mong ulitin ang mga salita ni Job na ipinatungkol niya sa Maylalang: “Ikaw ay tatawag, at ako ay sasagot sa iyo.” Purihin nawa si Jehova, na nananabik na buhaying muli ang lahat ng nasa kaniyang alaala!—Job 14:15.
[Mga talababa]
^ par. 2 Tingnan ang Gumising! Hulyo 8, 1988, pahina 10, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 3 Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, pahina 662, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Naaalaala Mo Ba?
• Sa ano nakasalig ang paghatol sa mga tao sa panahon ng Milenyo?
• Bakit ang ilan ay magtatamo ng “pagkabuhay-muli sa buhay” at ang iba naman ay “pagkabuhay-muli sa paghatol”?
• Paano tayo maaaliw ngayon ng pag-asa sa pagkabuhay-muli?
• Paano tayo matutulungan ng mga salita sa Awit 145:16 sa pagharap sa hindi pa nasasagot na mga tanong tungkol sa pagkabuhay-muli?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 21]
Paano tayo natutulungan ngayon ng paniniwala sa pagkabuhay-muli?