Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pagkabuhay-Muli—Isang Maluwalhating Pag-asa

Ang Pagkabuhay-Muli—Isang Maluwalhating Pag-asa

Ang Pagkabuhay-Muli​—Isang Maluwalhating Pag-asa

LAGANAP ang paniniwala sa pagkabuhay-muli. Ang isang buong kabanata sa banal na aklat ng Islam, ang Koran, ay tungkol sa pagkabuhay-muli. Ganito ang sinasabi ng isang bahagi ng Surah 75: “Sumusumpa ako sa Araw ng Pagkabuhay-Muli . . . Ang akala ba ng tao ay hindi Natin kayang buuin ang kaniyang mga buto? . . . Nagtanong siya: ‘Kailan ba ang Araw ng Pagkabuhay-Muli?’ Hindi ba’t Siya, (siya rin), ang may kapangyarihang bumuhay sa mga patay?”​—Surah 75:1-6, 40.

“Ang Zoroastrianismo,” ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica, “ay nanghahawakan sa paniniwala tungkol sa pangwakas na pagdaig sa Kasamaan, pangkalahatang pagkabuhay-muli, Huling Paghuhukom, at pagsasauli ng nilinis na daigdig sa mga matuwid.”

Binibigyang-katuturan ng Encyclopaedia Judaica ang pagkabuhay-muli bilang “ang paniniwala na sa dakong huli, ang mga patay ay babangong muli taglay ang kanilang pisikal na mga katawan at mabubuhay ulit sa lupa.” Nagkomento pa ang reperensiyang akda ring ito na isang palaisipan ang paniniwalang tinatanggap sa Judaismo na ang tao ay may imortal na kaluluwa. Inaamin nito: “Ang dalawang paniniwala na pagkabuhay-muli at imortalidad ng kaluluwa ay magkasalungat.”

Itinuturo ng Hinduismo na ang tao ay sumasailalim sa serye ng muli’t muling pagsilang, o mga reinkarnasyon. Kung totoo ito, ang tao ay dapat na may kaluluwa na nananatiling buháy pagkamatay. Ganito ang sabi ng banal na aklat ng mga Hindu na Bhagavad Gita: “Ang nakapaloob sa buong katawan ay hindi nasisira. Walang makapupuksa sa di-nalilipol na kaluluwa.”

Ang pagkakaiba ng Budismo sa Hinduismo ay na hindi naniniwala ang Budismo sa pag-iral ng imortal na kaluluwa. Gayunman, marami sa mga Budista sa ngayon sa Malayong Silangan ang naniniwala sa transmigration o paglipat ng imortal na kaluluwa sa ibang katawan. *

Pagkalito sa Turo ng Pagkabuhay-Muli

Ang mga serbisyo sa libing sa Sangkakristiyanuhan ay bumabanggit kapuwa sa kaluluwang nananatiling buháy pagkamatay ng tao at sa pagkabuhay-muli. Halimbawa, karaniwan nang sinasambit ng mga klerigong Anglikano ang mga salitang: “Yamang kalooban ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ayon sa kaniyang dakilang awa na bawiin ang kaluluwa ng ating minamahal na yumaong kapatid, isinusuko natin kung gayon ang kaniyang katawan sa lupa; lupa sa lupa, abo sa abo, alabok sa alabok; taglay ang tiyak at siguradong pag-asa na Pagkabuhay-Muli sa walang-hanggang buhay, sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.”​—The Book of Common Prayer.

Dahil sa pangungusap na ito, baka ipagtaka ng isa kung alin nga ba ang itinuturo ng Bibliya, pagkabuhay-muli ba o doktrina ng imortal na kaluluwa. Gayunman, pansinin ang komento ng isang Protestanteng Pranses na si Propesor Oscar Cullmann. Isinulat niya sa kaniyang aklat na Immortality of the Soul or Resurrection of the Dead?: “Napakalaki ng pagkakaiba ng Kristiyanong pag-asa na pagkabuhay-muli ng mga patay at ng paniniwala ng mga Griego tungkol sa imortalidad ng kaluluwa. . . . Bagaman nang dakong huli ay pinag-ugnay ng Kristiyanismo ang dalawang paniniwalang ito, at hindi na malaman ng karaniwang Kristiyano sa ngayon ang pagkakaiba ng mga ito, wala akong makitang dahilan para itago ang itinuturing ko at ng karamihan sa mga iskolar na katotohanan. . . . Ang buhay at kaisipan ng Bagong Tipan ay lubusang pinangingibabawan ng pananampalataya sa pagkabuhay-muli. . . . Ang buong tao, na talagang patay, ay binubuhay-muli sa pamamagitan ng isang bagong paglalang ng Diyos.”

Hindi nakapagtataka kung ang mga tao sa pangkalahatan ay nalilito tungkol sa kamatayan at pagkabuhay-muli. Upang mapawi ang kalituhan, kailangan nating umasa sa Bibliya, na naghaharap sa katotohanang isiniwalat ng Maylalang ng tao, ang Diyos na Jehova. Iniuulat ng Bibliya ang ilang nangyaring pagkabuhay-muli. Suriin natin ang apat sa mga ito at isaalang-alang ang isinisiwalat ng mga ito.

“Tinanggap ng mga Babae ang Kanilang mga Patay sa Pamamagitan ng Pagkabuhay-Muli”

Sa kaniyang sulat sa mga Judio na naging mga Kristiyano, sinabi ni apostol Pablo na “tinanggap ng mga [babaing may pananampalataya] ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.” (Hebreo 11:35) Isa sa mga babaing ito ay nakatira sa Zarepat, isang bayan sa Fenicia na malapit sa Sidon sa Baybayin ng Mediteraneo. Isa siyang balo na malugod na nagpatulóy sa propeta ng Diyos na si Elias at nagbigay sa kaniya ng pagkain kahit may matinding taggutom noon. Nakalulungkot, nagkasakit at namatay ang anak ng babae. Kaagad na dinala ni Elias ang bata sa silid-bubungan kung saan tumutuloy ang propeta at nagsumamo siya kay Jehova na ibalik ang buhay ng bata. Naganap ang isang himala, at ang bata ay “nabuhay.” Ibinalik siya ni Elias sa kaniyang ina at sinabi: “Tingnan mo, ang iyong anak ay buháy.” Ano ang naging reaksiyon ng ina? Maligaya niyang sinabi: “Ngayon ay alam ko nang talaga na ikaw ay isang lalaki ng Diyos at na ang salita ni Jehova sa iyong bibig ay totoo.”​—1 Hari 17:22-24.

Mga 100 kilometro sa gawing timog ng Zarepat nakatira ang bukas-palad na mag-asawang nag-asikaso sa kahalili ni Elias, ang propetang si Eliseo. Ang asawang babae ay kilalá sa kaniyang sariling bayan ng Sunem. Nagkasundo silang mag-asawa na bigyan si Eliseo ng matutuluyan sa silid-bubungan ng kanilang tahanan. Ang kanilang kalungkutan dahil wala silang anak ay napalitan ng kaligayahan nang magsilang ang babae ng anak na lalaki. Habang lumalaki ang bata, madalas siyang sumama sa mga manggagapas upang pumaroon sa kaniyang ama sa bukid. Isang araw, biglang may naganap na trahedya. Dumaing ang bata na masakit ang ulo niya. Isinugod siya pauwi sa tahanan nila ng isang tagapaglingkod. Kinalong siya ng kaniyang ina, subalit namatay ang bata. Ipinasiya ng napipighating ina na humingi ng tulong kay Eliseo. Naglakbay siya pahilagang-kanluran kasama ang isang tagapaglingkod patungong Bundok Carmel, kung saan naroroon si Eliseo.

Bilang pagtugon, unang pinayaon ng propeta ang kaniyang tagapaglingkod na si Gehazi, at nakita nitong patay nga ang bata. Sumunod si Eliseo at ang babae, subalit ano ang nangyari nang makarating sila sa wakas sa Sunem? Ganito ang inilalahad ng ulat sa 2 Hari 4:32-37: “Nang maglaon ay dumating si Eliseo sa bahay, at naroon, ang bata ay patay, na inihiga sa kaniyang higaan. Nang magkagayon ay pumasok siya at isinara ang pinto sa kanilang dalawa at nagsimulang manalangin kay Jehova. Pagkatapos ay sumampa siya at dumapa sa ibabaw ng bata at inilagay ang kaniyang sariling bibig sa kaniyang bibig at ang kaniyang sariling mga mata sa kaniyang mga mata at ang kaniyang sariling mga palad sa kaniyang mga palad at nanatiling nakadapa sa ibabaw niya, at ang laman ng bata ay unti-unting uminit. Nang magkagayon ay muli siyang naglakad sa bahay, minsang patungo rito at minsang patungo roon, na pagkatapos nito ay sumampa siya at dumapa sa ibabaw ng bata. At ang bata ay nagsimulang bumahin hanggang sa pitong ulit, na pagkatapos nito ay idinilat ng bata ang kaniyang mga mata. Tinawag niya ngayon si Gehazi at sinabi: ‘Tawagin mo ang babaing Sunamitang ito.’ Kaya tinawag niya ito at pumaroon ito sa kaniya. Nang magkagayon ay sinabi niya: ‘Buhatin mo ang iyong anak.’ At pumasok siya at sumubsob sa kaniyang paanan at yumukod sa kaniya sa lupa, na pagkatapos nito ay binuhat niya ang kaniyang anak at lumabas.”

Tulad ng balo ng Zarepat, alam ng babaing taga-Sunem na ang nangyari ay bunga ng kapangyarihan ng Diyos. Napakalaki ng kaligayahan ng dalawang babaing ito nang buhaying muli ng Diyos ang kanilang minamahal na mga anak.

Mga Pagkabuhay-Muli Noong Ministeryo ni Jesus

Pagkalipas ng mga 900 taon, may naganap na pagkabuhay-muli di-kalayuan sa gawing hilaga ng Sunem sa labas ng nayon ng Nain. Habang naglalakbay si Jesu-Kristo at ang kaniyang mga alagad mula sa Capernaum at nang papalapit na sila sa pintuang-daan ng Nain, nakasalubong nila ang isang prusisyon sa libing, at nakita ni Jesus ang isang babaing balo na namatayan ng kaisa-isang anak. Sinabi sa kaniya ni Jesus na huwag nang tumangis. Inilahad ni Lucas, isang manggagamot, ang sumunod na nangyari: “Sa gayon ay lumapit [si Jesus] at hinipo ang langkayan, at ang mga tagapagdala ay huminto, at sinabi niya: ‘Binata, sinasabi ko sa iyo, Bumangon ka!’ At ang taong patay ay umupo at nagsimulang magsalita, at ibinigay niya siya sa kaniyang ina.” (Lucas 7:14, 15) Ang mga nakasaksi sa himalang ito ay lumuwalhati sa Diyos. Kumalat ang balita tungkol sa pagkabuhay-muling ito patimog sa Judea at sa distritong nakapaligid. Kapansin-pansin, narinig ng mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo ang tungkol dito at iniulat nila ang himala kay Juan. Isinugo naman niya sila upang hanapin si Jesus at tanungin ito kung Siya na nga ang inaasahang Mesiyas. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Humayo kayo, iulat ninyo kay Juan ang inyong nakita at narinig: ang mga bulag ay nagkakaroon ng paningin, ang mga pilay ay lumalakad, ang mga ketongin ay napalilinis at ang mga bingi ay nakaririnig, ang mga patay ay ibinabangon, ang mga dukha ay sinasabihan ng mabuting balita.”​—Lucas 7:22.

Ang pinakakilalá sa lahat ng himala ni Jesus na pagkabuhay-muli ay ang ginawa niya para sa kaniyang matalik na kaibigang si Lazaro. Sa pagkakataong ito, lumipas pa ang panahon pagkamatay ni Lazaro bago nakarating si Jesus sa tahanan ng pamilya nito. Nang makarating sa wakas si Jesus sa Betania, apat na araw nang patay si Lazaro. Nang iutos ni Jesus na alisin ang batong nakatakip sa pasukan ng yungib ng libingan, tumutol si Marta, na nagsabi: “Panginoon, sa ngayon ay nangangamoy na siya, sapagkat apat na araw na.” (Juan 11:39) Gayunman, hindi nahadlangan ng anumang pagkabulok ng katawan ni Lazaro ang pagkabuhay-muli. Sa utos ni Jesus, “ang taong namatay ay lumabas na ang kaniyang mga paa at mga kamay ay natatalian ng mga pambalot, at ang kaniyang mukha ay nababalutan ng tela.” Pinatutunayan ng ikinilos ng mga kaaway ni Jesus nang maglaon na si Lazaro nga ang binuhay-muli.​—Juan 11:43, 44; 12:1, 9-11.

Ano ang ating mahihinuha mula sa apat na ulat na ito ng pagkabuhay-muli? Ang bawat tao ay binuhay-muli bilang ang indibiduwal ding iyon. Ang lahat ay nakilala, maging ng kanilang pinakamalapít na mga kamag-anak. Wala sa mga binuhay-muli ang bumanggit hinggil sa nangyari sa loob ng maikling panahon nang sila ay patay. Walang nagsabing naglakbay sila sa ibang daigdig. Lumilitaw na silang lahat ay bumalik nang may magandang kalusugan. Para sa kanila, para bang sila ay natulog lamang sandali at pagkatapos ay gumising, gaya ng ipinahiwatig ni Jesus. (Juan 11:11) Gayunman, pagkalipas ng ilang panahon, namatay rin ang bawat isa sa kanila.

Sa Piling Muli ng mga Mahal sa Buhay​—Isang Maluwalhating Pag-asa

Di-nagtagal pagkatapos ng masaklap na kamatayan ni Owen, na binanggit sa naunang artikulo, dumalaw ang kaniyang ama sa tahanan ng isang kapitbahay. Doon sa ibabaw ng mesa, may nakita siyang pulyeto na nagpapatalastas sa isang pahayag pangmadla na isinaayos ng mga Saksi ni Jehova. Naakit siya sa pamagat nito, “Nasaan ang mga Patay?” Iyon mismo ang tanong na iniisip niya. Dumalo siya sa diskurso at nakasumpong ng tunay na kaaliwan mula sa Bibliya. Nalaman niyang hindi pala naghihirap ang mga patay. Sa halip na pahirapan sa impiyerno o kunin ng Diyos para maging mga anghel sa langit, ang mga patay, kasali na si Owen, ay naghihintay sa libingan hanggang sa dumating ang panahon na gigisingin sila sa pagkabuhay-muli.​—Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4.

May naganap bang trahedya sa inyong pamilya? Nag-iisip ka bang tulad ng ama ni Owen kung nasaan na ngayon ang iyong namatay na mga mahal sa buhay at kung ano ang posibilidad na muli silang makita? Kung oo, inaanyayahan ka naming alamin kung ano pa ang itinuturo ng Bibliya hinggil sa pagkabuhay-muli. Baka iniisip mo: ‘Kailan kaya mangyayari ang pagkabuhay-muli? Sinu-sino ang mismong makikinabang dito?’ Pakisuyong basahin ang susunod na mga artikulo na tumatalakay sa mga tanong na ito at sa iba pa.

[Talababa]

^ par. 6 Tingnan ang aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, pahina 150-4, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 5]

Nagsumamo si Elias kay Jehova na ibalik ang buhay ng bata

[Larawan sa pahina 5]

Ginamit ni Jehova si Eliseo upang buhaying muli ang anak ng Sunamita

[Larawan sa pahina 6]

Binuhay-muli ni Jesus ang anak ng balo ng Nain

[Larawan sa pahina 7]

Muling makakapiling ng mga magkakamag-anak ang kanilang mga mahal sa buhay dahil sa pagkabuhay-muli