Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matagumpay sa Natatanging Paraan

Matagumpay sa Natatanging Paraan

Matagumpay sa Natatanging Paraan

DUMARANAS ka ba ng pagsalansang dahil sa iyong pananampalataya​—marahil sa trabaho, sa paaralan, sa pamilya, o dahil sa mga paghihigpit na ipinataw ng Estado? Huwag kang masiraan ng loob. Maraming Saksi ni Jehova ang napaharap sa katulad na mga pagsubok, subalit nagtagumpay sila. Isaalang-alang ang halimbawa ni Erna Ludolph.

Si Erna ay isinilang sa Lübeck, Alemanya, noong 1908. Siya lamang sa kanilang pamilya ang naglilingkod kay Jehova. Nang maging makapangyarihan ang rehimen ni Hitler noong 1933, naging mahirap ang buhay para sa mga Saksi ni Jehova. Tinuligsa si Erna ng mga katrabaho niya dahil sa pagtangging sumaludo kay Hitler, at humantong ito sa pagkakadakip sa kaniya ng mga Nazi. Gumugol siya ng walong taon sa iba’t ibang bilangguan at sa mga kampong piitan sa Hamburg-Fuhlsbüttel, Moringen, Lichtenburg, at Ravensbrück. Samantalang nasa Ravensbrück si Erna, may nangyari na nagbunga ng pagtatagumpay niya.

Pambihirang Tagapangalaga ng Tahanan

Si Propesor Friedrich Holtz at ang kaniyang asawa, si Alice, ay nakatira sa Berlin. Hindi sila mga miyembro ng partido ng Nazi at hindi nila itinataguyod ang ideolohiya nito. Gayunman, kamag-anak nila ang isang nakatataas na opisyal ng SS na may pananagutan sa ilang preso sa kampong piitan. Kaya nang maghanap ng isang tagapangalaga ng tahanan (housekeeper) ang propesor at ang kaniyang asawa, pinahintulutan sila ng opisyal na ito ng SS na pumili ng isang bilanggong babae. Kaya, noong Marso 1943, dumalaw si Alice sa Ravensbrück upang pumili ng isang tagapangalaga ng tahanan. Sino ang napili niya? Si Erna Ludolph. Tumira si Erna sa tahanan ng pamilya Holtz, na nakitungo nang mabuti sa kaniya. Nang matapos ang digmaan, lumipat siya sa Halle sa Saale kasama ng pamilya ring iyon. Doon, minsan pang napaharap si Erna sa pagsalansang, sa pagkakataong ito ay mula sa Sosyalistang mga awtoridad sa Silangang Alemanya. Noong 1957, ipinatapon ang pamilya Holtz sa Kanlurang Alemanya, at sumama si Erna sa kanila. Sa wakas, malaya nang naisasagawa ni Erna ang kaniyang pananampalataya.

Paano nagtagumpay si Erna sa natatanging paraan? Dahil sa mabuting paggawi ni Erna at dalubhasang pangangaral ng mensahe ng Bibliya, si Alice Holtz at ang kaniyang limang anak ay pawang naging bautisadong mga Saksi ni Jehova. Karagdagan pa, 11 sa mga apo ni Alice ay mga Saksi na rin. Dalawa sa kanila ay kasalukuyang naglilingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Selters, Alemanya. “Ang aming pamilya ay nasa katotohanan pangunahin na dahil sa halimbawa ni Erna,” ang sabi ni Susanne, isa sa mga anak ni Alice. Saganang ginantimpalaan ang pagbabata ni Erna. Kumusta naman ang iyong kalagayan? Ang iyong tapat na pagbabata sa ilalim ng mahihirap na kalagayan ay maaaring magkaroon ng gayunding kasiya-siyang mga resulta. Oo, ang mabuting paggawi at dalubhasang pangangaral ay maaaring makatulong sa iyo na magtagumpay sa natatanging paraan. *

[Talababa]

^ par. 6 Samantalang inihahanda ang artikulong ito para ilathala, si Erna Ludolph ay namatay sa gulang na 96. Naging tapat siya hanggang sa wakas.

[Larawan sa pahina 31]

Si Erna Ludolph (nakaupo) kasama ang mga miyembro ng pamilya Holtz