Naganap ang Isang Trahedya
Naganap ang Isang Trahedya
NAGLALARO sa banyo ng kanilang tahanan si Owen, dalawa-at-kalahating-taóng-gulang na batang lalaki. Nakaakyat siya sa kabinet ng mga gamot na inakala ng kaniyang mga magulang na hindi niya maaabot. Sa loob nito, may nakita siyang botelya na nagustuhan niya. Binuksan niya ito at ininom ang laman. Naganap ang trahedya.
Ang botelya ay naglalaman ng napakatapang na asido, at nakalulungkot, namatay ang paslit na si Owen. Nadurog ang puso ng kaniyang mga magulang. Ang ama niya, si Percy, ay naghanap ng kaaliwan sa kaniyang simbahan. “Bakit po ito nangyari?” ang tanong niya. Sumagot ang klerigo, “Nais ng Diyos ng isa pang musmos na anghel sa langit.” Dahil sa sobrang pagdadalamhati, naisip ng naulilang magulang na hinding-hindi ito makatarungan. Talaga bang nilayon ng Diyos na maganap ang trahedyang ito? Yamang nasiraan siya ng loob, ipinasiya ni Percy na hindi na makisama sa kaniyang simbahan.
Sa pagbubulay-bulay sa nangyari, inisip ni Percy: ‘Nagdurusa pa rin kaya ang aking anak? Makikita ko pa kaya siyang muli?’
Baka iniisip mo rin kung ano ang nangyayari kapag namatay ang isang tao at kung posible bang muling makapiling sa hinaharap ang mga namatay na mahal sa buhay. Sinasagot ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang mga tanong na ito. Naglalaman ito ng maliwanag at nakaaaliw na mga kasagutan para sa lahat ng dumanas ng ganito ring trahedya. Higit pa rito, isinisiwalat nito ang maluwalhating pag-asa na ipinangako ng Diyos—ang pagkabuhay-muli.
Pakisuyong basahin ang susunod na artikulo upang mas marami ka pang malaman hinggil sa kamangha-manghang pag-asang ito.