Sinu-sino ang Bubuhaying Muli?
Sinu-sino ang Bubuhaying Muli?
“Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.”—JUAN 5:28, 29.
1. Anong namumukod-tanging kapahayagan ang narinig ni Moises sa nagniningas na tinikang-palumpong, at sino ang nagpaalaala ng mga salitang iyon nang maglaon?
ISANG lubhang kakaibang bagay ang naganap mahigit 3,500 taon na ang nakalilipas. Inaalagaan ni Moises ang mga tupa ng patriyarkang si Jetro. Malapit sa Bundok Horeb, nagpakita ang anghel ni Jehova kay Moises sa liyab ng apoy sa gitna ng isang tinikang-palumpong. “Habang nakatingin siya, aba, narito, ang tinikang-palumpong ay nagniningas sa apoy gayunma’y hindi natutupok ang tinikang-palumpong,” ang sabi sa ulat ng Exodo. Pagkatapos, isang tinig ang tumawag sa kaniya mula sa tinikang-palumpong. “Ako ang Diyos ng iyong ama,” ang sabi ng tinig, “ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob.” (Exodo 3:1-6) Nang maglaon, noong unang siglo C.E., ang mga salitang ito ay ipinaalaala ng mismong Anak ng Diyos, si Jesus.
2, 3. (a) Anong pag-asa ang naghihintay kina Abraham, Isaac, at Jacob? (b) Anu-anong tanong ang bumabangon?
2 Si Jesus ay nakikipagtalakayan sa ilang Saduceo, na hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli. Ipinahayag ni Jesus: “Ang tungkol sa pagbabangon sa mga patay ay ibinunyag din naman ni Moises, sa ulat tungkol sa tinikang-palumpong, nang tawagin niya si Jehova na ‘ang Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ Siya ay Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy, sapagkat silang lahat ay buháy sa kaniya.” (Lucas 20:27, 37, 38) Sa pagsasabi ng mga salitang ito, pinatunayan ni Jesus na sa pangmalas ng Diyos, ang matatagal nang patay na sina Abraham, Isaac, at Jacob ay buháy pa rin sa alaala ng Diyos. Gaya ni Job, hinihintay nila ang wakas ng kanilang “sapilitang pagpapagal,” ang kanilang pagtulog sa kamatayan. (Job 14:14) Sa bagong sanlibutan ng Diyos, bubuhayin silang muli.
3 Subalit kumusta naman ang bilyun-bilyong iba pa na namatay sa buong kasaysayan ng tao? Sila ba ay bubuhayin ding muli? Bago natin makuha ang kasiya-siyang sagot sa tanong na iyan, tingnan muna natin sa Salita ng Diyos kung saan napupunta ang mga tao kapag namatay sila.
Nasaan ang mga Patay?
4. (a) Saan napupunta ang mga tao kapag namatay sila? (b) Ano ang Sheol?
4 Sinasabi ng Bibliya na ang mga patay ay “walang anumang kabatiran.” Sa kamatayan, walang pagpapahirap sa apoy ng impiyerno, walang matagal at mahirap na paghihintay sa Limbo, kundi sa halip ay pagbabalik lamang sa alabok. Kaya pinapayuhan ng Salita ng Diyos ang mga buháy: “Ang lahat ng masumpungang gawin ng iyong Eclesiastes 9:5, 10; Genesis 3:19) Para sa marami, ang “Sheol” ay isang di-pamilyar na termino. Ito ay isang salitang Hebreo na di-tiyak ang pinagmulan. Maraming relihiyon ang nagtuturo na ang mga patay ay buháy pa rin, pero gaya ng ipinakikita ng kinasihang Salita ng Diyos, ang mga nasa Sheol ay patay at walang anumang malay. Ang Sheol ay ang karaniwang libingan ng sangkatauhan.
kamay, gawin mo ng iyong buong kapangyarihan, sapagkat walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol, ang dako na iyong paroroonan.” (5, 6. Sa kaniyang kamatayan, saan napunta si Jacob, at sino ang kasama niya roon?
5 Sa Bibliya, makikita natin ang unang pagkakagamit ng salitang “Sheol” sa Genesis 37:35. Pagkatapos ng inaakalang pagkamatay ng kaniyang minamahal na anak na si Jose, tumanggi ang patriyarkang si Jacob na maaliw, na sinasabi: “Ako ay bababang nagdadalamhati sa aking anak patungo sa Sheol!” Palibhasa’y naniniwalang patay na ang kaniyang anak, hinangad ni Jacob na mamatay na rin at mapunta sa Sheol. Nang maglaon, nais ng siyam sa nakatatandang anak ni Jacob na dalhin ang kaniyang bunsong anak na lalaki, si Benjamin, pababa sa Ehipto upang humanap ng kaginhawahan sa taggutom. Gayunman, tumanggi si Jacob, na sinasabi: “Ang aking anak ay hindi bababang kasama ninyo, sapagkat ang kaniyang kapatid ay patay na at siya na lamang ang naiwan. Kung isang nakamamatay na sakuna ang mangyari sa kaniya sa daan na inyong paroroonan, tiyak na ibababa ninyo ang aking mga uban na may kasamang pamimighati sa Sheol.” (Genesis 42:36, 38) Iniuugnay ng dalawang pagtukoy na ito ang kamatayan sa Sheol, hindi sa sinasabing kabilang-buhay.
6 Isinisiwalat ng ulat sa Genesis na si Jose ay naging administrador ng pagkain sa Ehipto. Dahil dito, nakapaglakbay si Jacob patungo roon para sa isang maligayang pagkikitang muli nila ni Jose. Pagkatapos niyan, nanirahan si Jacob sa lupaing iyon hanggang sa kaniyang kamatayan sa napakatandang edad na 147. Alinsunod sa kaniyang mga kahilingan bago malagutan ng hininga, dinala at inilibing ng kaniyang mga anak ang mga labí niya sa yungib ng Macpela sa lupain ng Canaan. (Genesis 47:28; 49:29-31; 50:12, 13) Sa gayon, inilibing si Jacob kasama ni Isaac, ang kaniyang ama, at ni Abraham, ang kaniyang lolo.
‘Napisan sa Kanilang mga Ninuno’
7, 8. (a) Saan napunta si Abraham sa kaniyang kamatayan? Ipaliwanag. (b) Ano ang nagpapakitang napunta sa Sheol ang iba pa sa kanilang kamatayan?
7 Bago nito, nang pagtibayin ni Jehova ang kaniyang pakikipagtipan kay Abraham at nangakong darami ang kaniyang binhi, ipinahiwatig ni Jehova kung ano ang mangyayari kay Abraham. “Kung tungkol sa iyo,” ang sabi ni Jehova, “yayaon kang payapa sa iyong mga ninuno; ililibing kang may lubos na katandaan.” (Genesis 15:15) At ganiyang-ganiyan nga ang nangyari. Ganito ang sabi ng Genesis 25:8: “Pagkatapos ay pumanaw si Abraham at namatay sa lubos na katandaan, matanda na at nasisiyahan, at napisan sa kaniyang bayan.” Sino ang bayan o ang mga taong ito? Itinala ng Genesis 11:10-26 ang kaniyang mga ninuno hanggang sa anak ni Noe na si Sem. Kaya sa mga taong ito na natutulog na sa Sheol napisan si Abraham sa kamatayan.
8 Ang pananalitang “napisan sa kaniyang bayan” ay madalas na lumilitaw sa Hebreong Kasulatan. Kaya makatuwirang isipin na ang anak ni Abraham na si Ismael at ang kapatid ni Moises, si Aaron, ay kapuwa napunta sa Sheol noong mamatay sila, kung saan hinihintay nila ang pagkabuhay-muli. (Genesis 25:17; Bilang 20:23-29) Alinsunod dito, si Moises din ay napunta sa Sheol, bagaman walang nakaaalam kung saan siya inilibing. (Bilang 27:13; Deuteronomio 34:5, 6) Sa katulad na paraan, si Josue, ang kahalili ni Moises bilang lider ng Israel, pati na ang isang buong salinlahi ng mga tao ay napunta rin sa Sheol sa kamatayan.—Hukom 2:8-10.
9. (a) Paano ipinakikita ng Bibliya na ang salitang Hebreo na “Sheol” at ang salitang Griego na “Hades” ay tumutukoy sa iisang lugar? (b) Ano ang pag-asa ng mga nasa Sheol, o Hades?
9 Pagkalipas ng maraming siglo, si David ay naging hari ng 12 tribo ng Israel. Sa kaniyang kamatayan, ‘humiga siyang kasama ng kaniyang mga ninuno.’ (1 Hari 2:10) Nasa Sheol din ba siya? Kapansin-pansin, noong araw ng Pentecostes 33 C.E., tinukoy ni apostol Pedro ang kamatayan ni David at sinipi ang Awit 16:10: “Hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol.” Pagkatapos banggitin na si David ay naroroon pa rin sa kaniyang libingan, ikinapit ni Pedro ang mga salitang iyon kay Jesus at binanggit na “nakita [ni David] nang patiuna at sinalita ang tungkol sa pagkabuhay-muli ng Kristo, na hindi siya pinabayaan sa Hades ni nakakita man ng kasiraan ang kaniyang laman. Ang Jesus na ito ay binuhay na muli ng Diyos, na sa bagay na ito ay mga saksi kaming lahat.” (Gawa 2:29-32) Ginamit dito ni Pedro ang salitang “Hades,” ang katumbas sa Griego ng salitang Hebreo na “Sheol.” Kaya ang sinasabing mga nasa Hades ay katulad ng kalagayan ng mga sinasabing nasa Sheol. Natutulog sila, anupat hinihintay ang pagkabuhay-muli.
Mayroon Bang mga Di-matuwid sa Sheol?
10, 11. Bakit natin masasabi na ang ilang di-matuwid ay napupunta sa Sheol, o Hades, sa kanilang kamatayan?
10 Pagkatapos akayin ni Moises ang bansang Israel palabas ng Ehipto, nagkaroon ng paghihimagsik sa ilang. Sinabihan ni Moises ang mga tao na humiwalay sila mula sa mga pasimuno ng rebelyon—sina Kora, Datan, at Abiram. Magiging masaklap ang kamatayan nila. Ipinaliwanag ni Moises: “Kung ang mga taong ito ay mamatay ayon sa kamatayan ng buong sangkatauhan at ang kaparusahan na ilalapat sa kanila ay ang kaparusahan sa buong sangkatauhan, kung gayon ay hindi si Jehova ang nagsugo sa akin. Ngunit kung ito ay isang bagay na nilalang na lalalangin ni Jehova, at ibubuka ng lupa ang bibig nito at lalamunin sila at ang lahat ng bagay na pag-aari nila at bababa silang buháy sa Sheol, tiyak na makikilala nga ninyo na pinakitunguhan ng mga taong ito si Jehova nang walang galang.” (Bilang 16:29, 30) Kaya ito man ay sa pamamagitan ng pagbuka ng lupa at paglamon sa kanila o sa pagtupok sa kanila ng apoy na siyang nangyari kay Kora at sa 250 Levita na kumampi sa kaniya, ang lahat ng rebeldeng ito ay napunta sa Sheol, o Hades.—Bilang 26:10.
11 Si Simei, na sumumpa kay Haring David, ay pinarusahan ng kahalili ni David, si Solomon. “Huwag mo siyang hayaang di-naparurusahan,” ang utos ni David, “sapagkat ikaw ay isang taong marunong at alam na alam mo ang dapat mong gawin sa kaniya, at ibaba mong may dugo sa Sheol ang kaniyang mga uban.” Inutusan ni Solomon si Benaias na ilapat ang hatol. (1 Hari 2:8, 9, 44-46) Ang isa pang tao na pinatay ni Benaias ay ang dating pinuno ng hukbo ng Israel na si Joab. Ang kaniyang mga uban ay hindi “bumabang payapa sa Sheol.” (1 Hari 2:5, 6, 28-34) Pinatunayan ng dalawang halimbawang ito ang pagiging totoo ng kinasihang awit ni David: “Ang mga taong balakyot ay babalik sa Sheol, maging ang lahat ng mga bansang lumilimot sa Diyos.”—Awit 9:17.
12. Sino si Ahitopel, at saan siya napunta sa kaniyang kamatayan?
12 Si Ahitopel ay personal na tagapayo noon ni David. Ang kaniyang payo ay itinuring na gaya ng payo na nagmula mismo kay Jehova. (2 Samuel 16:23) Nakalulungkot, ang pinagkakatiwalaang lingkod na ito ay naging traidor at sumama sa paghihimagsik na pinangunahan ng anak ni David na si Absalom. Lumilitaw na ang pagtataksil na ito ang tinukoy ni David nang sumulat siya: “Hindi isang kaaway ang dumusta sa akin; kung gayon nga ay napagtiisan ko sana. Hindi isang masidhing napopoot sa akin ang lubhang nagpalalo laban sa akin; kung gayon nga ay nakapagkubli sana ako mula sa kaniya.” Nagpatuloy si David: “Mapasakanila sana ang mga kaabahan! Bumaba sana silang buháy sa Sheol; sapagkat sa paninirahan nila bilang dayuhan ay masasamang bagay ang nasa loob nila.” (Awit 55:12-15) Sa kanilang kamatayan, si Ahitopel at ang kaniyang mga kasamahan ay napunta sa Sheol.
Sinu-sino ang Nasa Gehenna?
13. Bakit tinawag si Hudas na “anak ng pagkapuksa”?
13 Ihambing ang situwasyon ni David sa naranasan ng Lalong Dakilang David, si Jesus. Ang isa sa 12 apostol ni Kristo, si Hudas Iscariote, ay naging traidor kagaya ni Ahitopel. Di-hamak na mas malubha ang pagtataksil ni Hudas kaysa kay Ahitopel. Kumilos si Hudas laban sa bugtong na Anak ng Diyos. Sa isang panalangin sa pagtatapos ng kaniyang ministeryo sa lupa, ganito ang iniulat ng Anak ng Diyos hinggil sa kaniyang mga tagasunod: “Noong kasama nila ako ay binabantayan ko sila dahil sa iyong sariling pangalan na ibinigay mo sa akin; at iningatan ko sila, at walang isa man sa kanila ang napuksa maliban sa anak ng pagkapuksa, upang matupad ang kasulatan.” (Juan 17:12) Sa pagtukoy kay Hudas bilang “anak ng pagkapuksa,” ipinahiwatig ni Jesus na kapag namatay si Hudas, wala na siyang pag-asa sa pagkabuhay-muli. Hindi na siya nanatili sa alaala ng Diyos. Napunta siya sa Gehenna, hindi sa Sheol. Ano ba ang Gehenna?
14. Sa ano kumakatawan ang Gehenna?
14 Hinatulan ni Jesus ang relihiyosong mga lider noong panahon niya dahil sila ang sanhi kung bakit ang bawat isa sa kanilang mga alagad ay ‘napahanay ukol sa Gehenna.’ (Mateo 23:15) Noong panahong iyon, pamilyar ang mga tao sa Libis ng Hinom, isang tambakan ng basura kung saan itinatapon ang bangkay ng pinatay na mga kriminal na itinuturing na hindi karapat-dapat sa marangal na libing. Bago nito, binanggit mismo ni Jesus ang Gehenna sa kaniyang Sermon sa Bundok. (Mateo 5:29, 30) Malinaw ang makasagisag na kahulugan nito sa kaniyang mga tagapakinig. Kumakatawan ang Gehenna sa ganap na pagkapuksa kung saan wala nang pagkabuhay-muli. Bukod kay Hudas Iscariote noong panahon ni Jesus, may iba pa bang napunta sa Gehenna sa halip na sa Sheol, o Hades, sa kanilang kamatayan?
15, 16. Sinu-sino ang napunta sa Gehenna sa kanilang kamatayan, at bakit sila napunta roon?
15 Ang unang mga tao, sina Adan at Eva, ay nilalang na sakdal. Kusa silang gumawa ng kasalanan. Ang mapagpipilian lamang nila ay walang-hanggang buhay o kamatayan. Sinuway nila ang Diyos at pumanig sila kay Satanas. Nang mamatay sila, wala silang pag-asa na makinabang sa haing pantubos ni Kristo. Sa halip, napunta sila sa Gehenna.
16 Pinaslang ng panganay na anak ni Adan, si Cain, ang kaniyang kapatid na si Abel at pagkatapos ay namuhay bilang isang takas. Inilarawan ni apostol Juan si Cain bilang “nagmula sa isa na balakyot.” (1 Juan 3:12) Makatuwirang ipalagay na kagaya ng kaniyang mga magulang, napunta rin siya sa Gehenna nang siya ay mamatay. (Mateo 23:33, 35) Kaylaking pagkakaiba nito sa kalagayan ng matuwid na si Abel! “Sa pananampalataya si Abel ay naghandog sa Diyos ng hain na lalong higit ang halaga kaysa kay Cain, na sa pamamagitan ng pananampalatayang ito ay pinatotohanan siya na siya ay matuwid, na ang Diyos ang nagpapatotoo may kaugnayan sa kaniyang mga kaloob,” ang paliwanag ni Pablo, na nagsabi pa, “at sa pamamagitan nito siya, bagaman namatay siya, ay nagsasalita pa.” (Hebreo 11:4) Oo, si Abel ay nasa Sheol sa ngayon at naghihintay ng pagkabuhay-muli.
Isang ‘Una’ at Isang “Mas Mabuting” Pagkabuhay-Muli
17. (a) Sa ‘panahong ito ng kawakasan,’ sino ang napupunta sa Sheol? (b) Ano ang pag-asa ng mga nasa Sheol at ng mga nasa Gehenna?
17 Marami sa nagbabasa ng impormasyong ito ang maaaring mag-isip hinggil sa kalagayan ng mga namatay sa ‘panahong ito ng kawakasan.’ (Daniel 8:19) Inilalarawan sa Apocalipsis kabanata 6 ang pagsakay ng apat na mangangabayo sa panahong iyon. Kapansin-pansin, ang huling mangangabayo ay pinanganlang Kamatayan, at siya ay sinusundan ng Hades. Kaya marami sa mga nakaranas ng di-napapanahong kamatayan dahil sa ginawa ng naunang mga mangangabayo ay napunta sa Hades, kung saan hinihintay ang pagkabuhay-muli sa bagong sanlibutan ng Diyos. (Apocalipsis 6:8) Kung gayon, ano ang pag-asa ng mga nasa Sheol (Hades), at ano naman ang mangyayari sa mga nasa Gehenna? Sa simpleng pananalita, pagkabuhay-muli sa mga nasa Sheol; walang-hanggang pagkapuksa naman—di-pag-iral—sa mga nasa Gehenna.
18. Anong pag-asa ang ibinibigay ng “unang pagkabuhay-muli”?
18 Sumulat si apostol Juan: “Maligaya at banal ang sinumang may bahagi sa unang pagkabuhay-muli; sa mga ito ay walang awtoridad ang ikalawang kamatayan, kundi sila ay magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at mamamahala sila bilang mga hari na kasama niya sa loob ng isang libong taon.” Taglay ng mga makakasamang tagapamahala ni Kristo ang pag-asa sa “unang pagkabuhay-muli,” subalit anong pag-asa naman ang nakalaan para sa iba pang bahagi ng sangkatauhan?—Apocalipsis 20:6.
19. Paano makikinabang ang iba sa “mas mabuting pagkabuhay-muli”?
19 Mula pa sa panahon ng mga lingkod ng Diyos na sina Elias at Eliseo, nararanasan na ng mga tao ang himala ng pagkabuhay-muli. “Tinanggap ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli,” ang sabi ni Pablo, “ngunit ang ibang mga tao ay pinahirapan sapagkat ayaw nilang tumanggap ng paglaya sa pamamagitan ng anumang pantubos, upang sila ay makapagkamit ng mas mabuting pagkabuhay-muli.” Oo, ang mga taong ito na nag-iingat ng kanilang katapatan ay umaasa sa isang pagkabuhay-muli na magbibigay sa kanila, hindi lamang ng ilang karagdagang taon ng buhay at pagkatapos ay mamatay rin, kundi ng pag-asa na mabuhay nang walang hanggan! Tiyak na iyan ay isang “mas mabuting pagkabuhay-muli.”—Hebreo 11:35.
20. Ano ang isasaalang-alang sa susunod na artikulo?
20 Kapag namatay tayo nang tapat bago wakasan ni Jehova ang balakyot na sistemang ito, taglay natin ang tiyak na pag-asa sa “mas mabuting pagkabuhay-muli,” anupat mas mabuti sa diwa na may pag-asa ito na walang-hanggang buhay. Nangako si Jesus: “Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Higit na isasaalang-alang sa susunod na artikulo ang layunin ng pagkabuhay-muli. Ipakikita nito kung paanong ang pag-asa sa pagkabuhay-muli ay nagpapalakas sa atin na ingatan ang ating katapatan at tumutulong sa atin na malinang ang espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili.
Naaalaala Mo Ba?
• Bakit inilarawan si Jehova na Diyos “ng mga buháy”?
• Ano ang kalagayan ng mga nasa Sheol?
• Ano ang mangyayari sa mga nasa Gehenna?
• Paano makikinabang ang iba sa “mas mabuting pagkabuhay-muli”?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 15]
Katulad ni Abraham, ang mga napupunta sa Sheol ay bubuhaying muli
[Mga larawan sa pahina 16]
Bakit sina Adan at Eva, Cain, at Hudas Iscariote ay napunta sa Gehenna?