Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Magpigil sa Ilalim ng Kasamaan’

‘Magpigil sa Ilalim ng Kasamaan’

‘Magpigil sa Ilalim ng Kasamaan’

“Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging banayad sa lahat, . . . nagpipigil sa ilalim ng kasamaan.”​—2 TIMOTEO 2:24.

1. Kapag nakikibahagi sa gawaing Kristiyano, bakit tayo napapaharap paminsan-minsan sa mga taong magagaspang makipag-usap?

PAANO ka tumutugon kapag hinarap ka ng mga hindi sumasang-ayon sa iyo o sa kinakatawanan mo? Sa paglalarawan sa mga huling araw, inihula ni apostol Pablo na ang mga tao ay magiging “mga mamumusong, . . . mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis.” (2 Timoteo 3:1-5, 12) Maaari kang makasumpong ng gayong mga indibiduwal sa iyong ministeryo o sa iba pang mga gawain.

2. Anu-anong kasulatan ang makatutulong sa atin na pakitunguhan nang may katalinuhan ang mga taong magagaspang makipag-usap sa atin?

2 Hindi lahat ng gumagamit ng mapang-abusong mga salita ay wala nang interes sa kung ano ang tama. Baka ibulalas ng mga tao ang kanilang galit sa kaninumang kasama nila dahil sa labis na paghihirap o pagkasiphayo. (Eclesiastes 7:7) Ganito ang ikinikilos ng marami dahil namumuhay sila at nagtatrabaho sa isang kapaligiran kung saan karaniwan na ang magagaspang na pananalita. Hindi naman ito dahilan para maging katanggap-tanggap ang gayong pananalita sa atin bilang mga Kristiyano, ngunit makatutulong ito upang maunawaan natin kung bakit gumagamit ng gayong pananalita ang ibang mga tao. Paano tayo tutugon sa magagaspang na pananalita? Sinasabi sa Kawikaan 19:11: “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit.” At pinapayuhan tayo sa Roma 12:17, 18: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama. . . . Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”

3. Paano nasasangkot ang pagiging mapagpayapa sa mensaheng ipinangangaral natin?

3 Kung talagang mapagpayapa tayo, mahahayag ito sa saloobing ipinakikita natin. Mapapansin ito sa ating sinasabi at ginagawa, marahil maging sa mga ekspresyon ng ating mukha at sa tono ng ating boses. (Kawikaan 17:27) Nang isugo ang kaniyang mga apostol para mangaral, pinayuhan sila ni Jesus: “Kapag kayo ay pumapasok sa bahay, batiin ninyo ang sambahayan [“sabihin ninyo ang ganito, ‘Sumainyo ang kapayapaan,’ ” Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino]; at kung ang bahay ay karapat-dapat, hayaang ang kapayapaan na ninanais ninyo ay dumoon; ngunit kung hindi iyon karapat-dapat, hayaang ang kapayapaan mula sa inyo ay bumalik sa inyo.” (Mateo 10:12, 13) Mabuting balita ang mensaheng dala natin. Tinatawag ito sa Bibliya na “mabuting balita ng kapayapaan,” “mabuting balita tungkol sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos,” at “mabuting balitang ito ng kaharian.” (Efeso 6:15; Gawa 20:24; Mateo 24:14) Tunguhin natin na ibahagi sa isang tao ang mabuting balita mula sa Salita ng Diyos, hindi ang pintasan ang mga paniniwala niya o makipagtalo sa kaniya hinggil sa kaniyang mga pananaw.

4. Ano ang maaari mong sabihin kapag sinabihan kang “Hindi ako interesado” bago mo pa man masabi ang layunin ng iyong pagdalaw?

4 Kahit hindi naman talaga napakinggan ng may-bahay ang sinasabi mo, maaaring bigla niyang sabihin, “Hindi ako interesado.” Sa maraming kaso, maaari mong sabihin, “Nais ko lang sanang basahin ang maikling tekstong ito mula sa Bibliya.” Baka hindi naman niya iyon tutulan. Sa ibang mga kaso naman, baka angkop na sabihin: “Nais ko sanang ipakipag-usap sa iyo ang tungkol sa panahon na mawawala na ang kawalang-katarungan at ang lahat ng tao ay matututo nang umibig sa isa’t isa.” Kung hindi agad humiling ng paliwanag ang may-bahay, maaari mo pang sabihin: “Pero parang hindi yata kumbinyente sa iyo ang panahong ito.” Kahit na hindi mapagpayapa ang pagtugon ng may-bahay, dapat na ba nating ipagpalagay na ‘hindi siya karapat-dapat’? Anuman ang reaksiyon niya, tandaan ang payo ng Bibliya na maging “banayad sa lahat, . . . nagpipigil sa ilalim ng kasamaan.”​—2 Timoteo 2:24.

Walang Pakundangan Dahil sa Nalinlang

5, 6. Paano nakitungo si Saul sa mga tagasunod ni Jesus, at bakit gayon ang ikinilos niya?

5 Noong unang siglo, kilalang-kilala ang isang lalaking nagngangalang Saul dahil sa kaniyang walang-galang na pananalita, at sa kaniyang marahas na paggawi pa nga. Sinasabi ng Bibliya na siya ay ‘sumisilakbo ng pagbabanta at pagpaslang laban sa mga alagad ng Panginoon.’ (Gawa 9:1, 2) Inamin niya nang dakong huli na dati siyang “isang mamumusong at isang mang-uusig at isang taong walang pakundangan.” (1 Timoteo 1:13) Bagaman maaaring naging Kristiyano na noon ang ilan sa kaniyang mga kamag-anak, ganito ang sinabi niya hinggil sa kaniyang sariling saloobin sa mga tagasunod ni Kristo: “Sapagkat sukdulan ang galit ko sa kanila, pinag-usig ko pa man din sila maging sa mga lunsod na nasa labas.” (Gawa 23:16; 26:11; Roma 16:7, 11) Walang ebidensiya na sinikap ng mga alagad na makipagdebate kay Saul sa publiko noong gumagawi pa siya nang gayon.

6 Bakit gayon ang ikinilos ni Saul? Ganito ang isinulat niya makalipas ang ilang taon: “Ako ay walang-alam at kumilos dahil sa kawalan ng pananampalataya.” (1 Timoteo 1:13) Isa siyang Pariseo, tinuruan “ayon sa kahigpitan ng Kautusan ng mga ninuno.” (Gawa 22:3) Bagaman lumilitaw na waring malawak ang pananaw ng guro ni Saul na si Gamaliel, panatiko naman ang mataas na saserdoteng si Caifas, na nakasama ni Saul. Si Caifas ang nagpasimuno sa pakana na humantong sa pagpatay kay Jesu-Kristo. (Mateo 26:3, 4, 63-66; Gawa 5:34-39) Pagkatapos noon, tiniyak ni Caifas na pagpapaluin ang mga apostol ni Jesus, at mahigpit niyang iniutos sa kanila na huminto na sa pangangaral salig sa pangalan ni Jesus. Si Caifas ang nangasiwa sa Sanedrin sa madamdaming paglilitis na humantong sa pagkaladkad kay Esteban upang siya’y pagbabatuhin. (Gawa 5:27, 28, 40; 7:1-60) Pinanood ni Saul ang pagbato, at binigyan siya ni Caifas ng karapatang gumawa ng higit pang pagsisikap na sugpuin ang mga tagasunod ni Jesus sa pamamagitan ng pag-aresto sa kanila sa Damasco. (Gawa 8:1; 9:1, 2) Sa ilalim ng ganitong impluwensiya, inakala ni Saul na pinatutunayan ng kaniyang paggawi ang sigasig niya sa Diyos, ngunit ang totoo ay wala siyang tunay na pananampalataya. (Gawa 22:3-5) Dahil dito, hindi napag-unawa ni Saul na si Jesus ang tunay na Mesiyas. Ngunit namulat sa katotohanan si Saul nang makahimalang makipag-usap sa kaniya ang binuhay-muling si Jesus habang naglalakbay siya patungong Damasco.​—Gawa 9:3-6.

7. Ano ang nangyari kay Saul dahil sa pakikipag-usap niya kay Jesus noong naglalakbay siya patungong Damasco?

7 Di-nagtagal pagkaraan nito, isinugo ang alagad na si Ananias upang magpatotoo kay Saul. Mananabik ka kayang gawin iyon? Nangangamba noon si Ananias, ngunit mabait siyang nakipag-usap kay Saul. Nagbago na ang saloobin ni Saul dahil sa makahimalang pakikipag-usap kay Jesus noong naglalakbay siya patungong Damasco. (Gawa 9:10-22) Nang maglaon ay nakilala siya bilang si apostol Pablo, isang masigasig na misyonerong Kristiyano.

Mahinahong-Loob Ngunit Matapang

8. Paano ipinamalas ni Jesus ang saloobin ng kaniyang Ama sa mga taong nakagawa ng masasamang bagay?

8 Si Jesus ay isang masigasig na tagapaghayag ng Kaharian na mahinahong-loob ngunit matapang sa pakikitungo sa mga tao. (Mateo 11:29) Ipinamalas niya ang saloobin ng kaniyang makalangit na Ama, na humihimok sa mga balakyot na talikuran ang kanilang masasamang daan. (Isaias 55:6, 7) Sa pakikitungo sa mga makasalanan, nagbibigay-pansin si Jesus kapag may katibayan ng pagbabago para sa ikabubuti, at pinatitibay-loob niya ang gayong mga indibiduwal. (Lucas 7:37-50; 19:2-10) Sa halip na hatulan ang iba salig sa kanilang panlabas na anyo, tinularan ni Jesus ang kabaitan, pagtitimpi, at mahabang pagtitiis ng kaniyang Ama sa pag-asang maakay niya sila na magsisi. (Roma 2:4) Kalooban ni Jehova na magsisi at maligtas ang lahat ng uri ng mga tao.​—1 Timoteo 2:3, 4.

9. Ano ang matututuhan natin mula sa katuparan ng Isaias 42:1-4 kay Jesus?

9 Bilang pagbanggit sa pangmalas ni Jehova kay Jesu-Kristo, sinipi ng manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo ang makahulang mga salitang ito: “Narito! Ang aking lingkod na aking pinili, ang aking minamahal, na sinang-ayunan ng aking kaluluwa! Ilalagay ko sa kaniya ang aking espiritu, at kung ano ang katarungan ay lilinawin niya sa mga bansa. Hindi siya makikipagtalo, ni sisigaw nang malakas, ni maririnig ng sinuman ang kaniyang tinig sa malalapad na daan. Ang bugbog na tambo ay hindi niya dudurugin, at ang aandap-andap na linong mitsa ay hindi niya papatayin, hanggang sa magpalabas siya ng katarungan nang matagumpay. Tunay nga, sa kaniyang pangalan ay aasa ang mga bansa.” (Mateo 12:17-21; Isaias 42:1-4) Kaayon ng makahulang mga salitang iyon, hindi nakibahagi si Jesus sa maiingay na pakikipag-argumento. Kahit nasa ilalim ng panggigipit, nagsalita pa rin siya ng katotohanan sa paraang kaakit-akit sa tapat-pusong mga tao.​—Juan 7:32, 40, 45, 46.

10, 11. (a) Bagaman ang mga Pariseo ay kabilang sa mga tuwirang sumasalansang kay Jesus, bakit siya nagpatotoo sa ilan sa kanila? (b) Anong uri ng mga sagot ang paminsan-minsang ibinibigay ni Jesus sa mga sumasalansang, ngunit ano ang hindi niya ginawa?

10 Noong panahon ng kaniyang ministeryo, nakipag-usap si Jesus sa maraming Pariseo. Bagaman sinikap ng ilan sa kanila na hulihin siya sa kaniyang pananalita, hindi inisip ni Jesus na silang lahat ay may masasamang motibo. Lumilitaw na nais ni Simon, isang Pariseo na medyo mapamintas, na makasama si Jesus kaya inanyayahan niya si Jesus na kumaing kasama niya. Pinaunlakan ni Jesus ang paanyaya at nagpatotoo siya sa mga naroroon. (Lucas 7:36-50) Sa isa pang pagkakataon, isang prominenteng Pariseo na nagngangalang Nicodemo ang palihim na dumalaw kay Jesus nang gumabi na. Hindi siya dinusta ni Jesus dahil sa paghihintay na dumilim muna. Sa halip, nagpatotoo siya kay Nicodemo tungkol sa pag-ibig na ipinakita ng Diyos sa pagsusugo sa kaniyang Anak upang buksan ang daan ng kaligtasan para sa mga sasampalataya. May-kabaitan ding itinawag-pansin ni Jesus ang kahalagahan ng pagsunod sa kaayusan ng Diyos. (Juan 3:1-21) Nang maglaon ay nagsalita si Nicodemo alang-alang kay Jesus nang maliitin ng ibang mga Pariseo ang positibong ulat tungkol kay Jesus.​—Juan 7:46-51.

11 Hindi naman bulag si Jesus sa pagpapaimbabaw ng mga nagsisikap na sumilo sa kaniya. Hindi niya hinayaan ang mga sumasalansang na akayin siya sa walang-saysay na mga debate. Subalit kapag angkop, nagbibigay siya ng maiikli, ngunit mapuwersang mga sagot sa pamamagitan ng pagbanggit ng isang simulain, paggamit ng isang ilustrasyon, o pagsipi sa isang teksto. (Mateo 12:38-42; 15:1-9; 16:1-4) Sa ibang pagkakataon naman, hindi na lamang sumasagot si Jesus kapag maliwanag na wala namang mabuting patutunguhan ang paggawa nito.​—Marcos 15:2-5; Lucas 22:67-70.

12. Kahit na sinigawan siya, paano nakatulong sa mga tao si Jesus?

12 Kung minsan, sinisigawan si Jesus ng mga taong sinusupil ng maruruming espiritu. Kapag nangyayari iyon, nagpipigil siya at ginagamit pa nga ang kaniyang bigay-Diyos na kapangyarihan upang paginhawahin sila. (Marcos 1:23-28; 5:2-8, 15) Magalit man ang ilang tao sa atin at sigawan tayo habang nakikibahagi tayo sa ministeryo, kailangan din tayong magpigil, at dapat nating sikaping harapin ang gayong situwasyon sa mabait at mataktikang paraan.​—Colosas 4:6.

Sa Loob ng Pamilya

13. Bakit sinasalansang kung minsan ng mga tao ang isang miyembro ng pamilya na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova?

13 Ang pangangailangang magpigil ang mga tagasunod ni Jesus ay kadalasan nang lalong kitang-kita sa loob ng pamilya. Ang isang tao na ang puso ay lubhang naantig ng katotohanan sa Bibliya ay nananabik na tumugon din sana sa gayong paraan ang kaniyang pamilya. Ngunit gaya ng sinabi ni Jesus, maaaring sumalansang ang mga miyembro ng pamilya. (Mateo 10:32-37; Juan 15:20, 21) May iba’t ibang dahilan ito. Halimbawa, bagaman makatutulong ang mga turo ng Bibliya upang tayo’y maging tapat, responsable, at magalang, itinuturo rin ng Kasulatan na sa alinmang situwasyon, mas malaki ang ating pananagutan sa ating Maylalang. (Eclesiastes 12:1, 13; Gawa 5:29) Maaaring maghinanakit ang isang miyembro ng pamilya na waring nababawasan na ang kaniyang impluwensiya sa pamilya dahil sa ating pagkamatapat kay Jehova. Kapag napapaharap sa gayong situwasyon, napakahalaga nga na sundin natin ang halimbawa ni Jesus sa pagpapamalas ng pagpipigil!​—1 Pedro 2:21-23; 3:1, 2.

14-16. Ano ang nagpabago sa ilan na dating salansang sa kanilang mga kapamilya?

14 Maraming naglilingkod kay Jehova sa ngayon ang may asawa o kapamilya na salansang sa mga pagbabagong ginagawa nila nang magsimula silang mag-aral ng Bibliya. Baka ang mga sumasalansang ay nakabalita ng negatibong mga komento tungkol sa mga Saksi ni Jehova, at marahil ay takót silang magkaroon ng di-kaayaayang impluwensiya sa sambahayan. Ano ang nagpabago sa kanilang saloobin? Sa maraming kaso, malaki ang epekto ng mabuting halimbawa. Dahil matapat na ikinakapit ng sumasampalataya ang payo ng Bibliya​—regular na dumadalo sa Kristiyanong mga pagpupulong at nakikibahagi sa ministeryo habang inaasikaso rin ang mga pananagutan sa pamilya at nagpipigil sa kabila ng anumang mapang-abusong pananalita​—kung minsan ay humuhupa ang pagsalansang ng pamilya.​—1 Pedro 2:12.

15 Dahil sa maling akala o pagmamapuri, maaaring ayaw ring makinig ng sumasalansang sa anumang paliwanag mula sa Bibliya. Ganiyan ang nangyari sa isang lalaki sa Estados Unidos na nagsabing siya ay napakamakabayan. Minsan, nang nasa kombensiyon ang kaniyang asawa, kinuha niya ang lahat ng kaniyang damit at lumayas siya. Sa isa pang pagkakataon, umalis siya ng bahay dala ang isang baril at nagbantang magpapatiwakal. Isinisisi niya sa relihiyon ng kaniyang asawa ang anumang di-makatuwirang iginagawi niya. Ngunit sinikap naman ng asawang babae na patuluyang ikapit ang payo ng Bibliya. Pagkalipas ng 20 taon mula nang maging Saksi ni Jehova ang asawang babae, naging Saksi rin ang lalaki. Sa Albania naman, nagalit ang isang babae dahil nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang kaniyang anak na babae at pagkatapos ay nagpabautismo. May 12 pagkakataon na sinira ng ina ang kopya ng Bibliya ng kaniyang anak. Pagkatapos, isang araw ay binuklat niya ang isang bagong Bibliya na iniwan ng kaniyang anak sa mesa. Nagkataon naman na nabuklat ito sa Mateo 10:36, at napag-unawa ng ina na kapit sa kaniya ang sinasabi roon. Gayunpaman, dahil nababahala pa rin sa kapakanan ng kaniyang anak, inihatid ng ina ang kaniyang anak sa bangka nang paalis na ito kasama ng iba pang mga Saksi para dumalo ng kombensiyon sa Italya. Nang makita ng ina ang pag-ibig, pagyayakapan, at ngiti sa grupo at marinig ang kanilang masasayang tawanan, nagbago ang kaniyang damdamin. Di-nagtagal pagkatapos nito, sumang-ayon na siyang mag-aral ng Bibliya. Sa ngayon, sinisikap niyang tulungan ang iba na sumasalansang sa pasimula.

16 Sa isang pagkakataon naman, isang asawang lalaki na may hawak na kutsilyo ang humarap sa kaniyang asawa, anupat pinaulanan ng masasamang paratang ang asawang babae habang patungo ito sa Kingdom Hall. Malumanay na sumagot ang asawang babae: “Halika sa loob ng Kingdom Hall, at ikaw mismo ang magmasid.” Pumasok nga ito, at nang maglaon ay naging isa siyang Kristiyanong matanda.

17. Kapag nagiging maigting kung minsan ang situwasyon sa loob ng tahanang Kristiyano, anong payo ng Kasulatan ang makatutulong?

17 Kahit Kristiyano na ang lahat ng iyong kasambahay, may mga pagkakataon pa rin na nagiging maigting ang situwasyon sa pamilya at nagiging magaspang pa nga ang mga pananalita dahil sa di-kasakdalan ng tao. Kapansin-pansin na pinayuhan ang mga Kristiyano sa sinaunang Efeso: “Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo pati na ang lahat ng kasamaan.” (Efeso 4:31) Lumilitaw, ang kapaligiran ng mga Kristiyano sa Efeso, ang kanilang sariling di-kasakdalan at, sa ilang kaso, ang dati nilang paraan ng pamumuhay ay nakaimpluwensiya sa kanila. Ano ang tutulong sa kanila na magbago? Kailangan silang ‘magbago sa puwersa na nagpapakilos sa kanilang pag-iisip.’ (Efeso 4:23) Habang nag-aaral sila ng Salita ng Diyos, nagbubulay-bulay kung paano ito dapat makaimpluwensiya sa kanilang buhay, nakikisama sa mga kapuwa Kristiyano, at taimtim na nananalangin, ang mga bunga ng espiritu ng Diyos ay higit na nagiging kapansin-pansin sa kanilang buhay. Matututo silang ‘maging mabait sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay lubusang nagpatawad din sa kanila.’ (Efeso 4:32) Anuman ang maaaring gawin ng iba, kailangan tayong magpigil, maging mabait, mahabagin, at mapagpatawad. Oo, “huwag [tayong] gumanti kaninuman ng masama para sa masama.” (Roma 12:17, 18) Ang pagpapakita ng tunay na pag-ibig bilang pagtulad sa Diyos ang laging nararapat gawin.​—1 Juan 4:8.

Payo sa Lahat ng Kristiyano

18. Bakit angkop sa isang matanda sa sinaunang Efeso ang payong masusumpungan sa 2 Timoteo 2:24, at paano makikinabang dito ang lahat ng Kristiyano?

18 Kumakapit sa lahat ng Kristiyano ang payo na manatiling “nagpipigil sa ilalim ng kasamaan.” (2 Timoteo 2:24) Ngunit una itong ibinigay kay Timoteo, na nangailangan nito nang maglingkod siya bilang isang matanda sa Efeso. Ang ilan na nasa kongregasyong iyon ay tahasan sa pagpapahayag ng kanilang mga pananaw at nagtuturo ng maling doktrina. Dahil hindi nila lubusang nauunawaan ang tunguhin ng Kautusang Mosaiko, hindi nila naiintindihan ang kahalagahan ng pananampalataya, pag-ibig, at mabuting budhi. Nagbunga ng alitan ang pagmamapuri habang nakikipagdebate sila hinggil sa mga salita, at hindi nila naintindihan ang pangunahing punto sa mga turo ni Kristo at ang kahalagahan ng makadiyos na debosyon. Upang maharap ang situwasyong ito, kailangang maging matatag si Timoteo sa pagtataguyod ng maka-Kasulatang katotohanan ngunit malumanay sa pakikitungo sa kaniyang mga kapatid. Katulad ng matatanda sa makabagong-panahon, alam niya na hindi niya pag-aari ang kawan at na dapat siyang makitungo sa iba sa paraang magtataguyod ng pag-ibig at pagkakaisang Kristiyano.​—Efeso 4:1-3; 1 Timoteo 1:3-11; 5:1, 2; 6:3-5.

19. Bakit mahalaga para sa ating lahat na ‘hanapin ang kaamuan’?

19 Hinihimok ng Diyos ang kaniyang bayan na ‘hanapin ang kaamuan.’ (Zefanias 2:3) Ang salitang Hebreo para sa “kaamuan” ay nagpapahiwatig ng disposisyon na tumutulong sa isang tao na maging matiisin sa pagbabata ng pinsala, nang hindi nagagalit at gumaganti. Taimtim nawa tayong magsumamo kay Jehova na tulungan tayong magpigil at maging angkop na kinatawan niya, kahit sa ilalim ng mahihirap na kalagayan.

Ano ang Natutuhan Mo?

• Kapag pinagsalitaan ka nang walang-pakundangan, anu-anong kasulatan ang makatutulong sa iyo?

• Bakit kumilos si Saul sa walang-pakundangang paraan?

• Paano tumutulong sa atin ang halimbawa ni Jesus upang mapakitunguhan nang wasto ang lahat ng uri ng tao?

• Anu-ano ang mga kapakinabangan ng pagpipigil sa ating pananalita sa loob ng tahanan?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 26]

Sa kabila ng reputasyon ni Saul, pinakitunguhan siya nang may-kabaitan ni Ananias

[Larawan sa pahina 29]

Ang matapat na pag-aasikaso ng isang Kristiyano sa kaniyang mga pananagutan ay makapagpapahupa sa pagsalansang ng pamilya

[Larawan sa pahina 30]

Itinataguyod ng mga Kristiyano ang pag-ibig at pagkakaisa