Malapit Na ang Isang Daigdig na Wala Nang Karalitaan
Malapit Na ang Isang Daigdig na Wala Nang Karalitaan
ANG mga larawan ng Paraiso, gaya ng nasa pabalat ng magasing ito, ay nakaaakit sa mga taong namumuhay sa karalitaan. Talagang namuhay sa paraiso ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva. Naging tahanan nila ang hardin ng Eden. (Genesis 2:7-23) Bagaman nawala ang Paraisong iyon, ang paniniwala sa isang paraiso sa hinaharap—sa isang bagong sanlibutan na wala nang karalitaan—ay hindi basta panaginip lamang. Matibay itong nakasalig sa mga pangakong nasa Bibliya.
Isaalang-alang ang ipinangako ni Jesu-Kristo noong huling araw ng kaniyang buhay sa lupa. Ang isa sa mga manggagawa ng kasamaan na kasamang namatay ni Jesus ay nanampalataya sa kakayahan ng Diyos na lunasan ang mga problema ng sangkatauhan. Sinabi niya: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Ipinakikita ng pananalitang ito na naniniwala ang manggagawa ng kasamaan na mamamahala si Jesus bilang Hari at na ang mga patay ay bubuhaying muli. Sumagot si Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Makakasama kita sa Paraiso.”—Lucas 23:42, 43.
Hinggil sa mga mabubuhay sa Paraiso, ganito ang sinasabi sa Bibliya: “Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon.” (Isaias 65:21) Oo, “uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila; sapagkat ang mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo ang nagsalita nito.”—Mikas 4:4.
Gayunman, bakit pinahihintulutang umiral sa ngayon ang karalitaan? Anong tulong ang ibinibigay ng Diyos sa mga nagdarahop? Kailan magwawakas ang karalitaan?
Bakit Pinahihintulutan ang Karalitaan?
Nawala ang Paraiso kung saan inilagay sina Adan at Eva dahil sa paghihimagsik na pinasimulan ng isang napakasamang anghel, si Satanas na Diyablo. Gamit ang isang serpiyente bilang kaniyang tagapagsalita, hinikayat ni Satanas si Eva na labagin ang kautusan ng Diyos na huwag kainin ang bunga ng isang partikular na punungkahoy. Pinaniwala niya si Eva na magiging mas maganda ang kaniyang buhay kung magiging hiwalay siya sa Diyos. Nang ialok ni Eva ang ipinagbabawal na bunga kay Adan, kumain din ito, anupat tumalikod sa Diyos at sinuportahan ang kaniyang asawa.—Genesis 3:1-6; 1 Timoteo 2:14.
Makatuwirang pinalayas sa Paraiso ang mapaghimagsik na mag-asawa at mula noon ay kinailangan nilang magpagal upang mabuhay. Hanggang sa ngayon, pinahihintulutan ni Jehova na mamahala si Satanas sa makasalanang sangkatauhan, anupat naging malinaw ang mga resulta ng pagsuway sa Diyos. Pinatutunayan ng kasaysayan ng sangkatauhan na hindi kayang pairalin ng tao ang Paraiso sa lupa. (Jeremias 10:23) Sa halip, ang pagiging hiwalay sa Diyos ay humantong sa kapaha-pahamak na mga suliranin, kasali na ang karalitaan.—Eclesiastes 8:9.
Gayunman, may magagawa ang mga dukha sa maligalig na sanlibutang ito. Ang kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay naglalaman ng maaasahang patnubay para sa kanila.
“Huwag Kayong Mabalisa”
Noong nagsasalita siya sa napakaraming tagapakinig na kinabibilangan ng maraming maralita, sinabi ni Jesus: “Masdan ninyong mabuti ang mga ibon sa langit, sapagkat hindi sila naghahasik ng binhi o gumagapas o nagtitipon sa mga kamalig; gayunman ay pinakakain sila ng inyong makalangit na Ama. Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa sa kanila? . . . Kaya huwag kayong mabalisa at magsabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ Sapagkat ang lahat ng ito ang mga bagay na masikap na hinahanap ng mga bansa. Sapagkat nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”—Mateo 6:26-33.
Hindi kailangang magnakaw ang isang dukha. (Kawikaan 6:30, 31) Paglalaanan siya kung uunahin niya ang Diyos sa kaniyang buhay. Isaalang-alang ang kalagayan ni Tukiso, isang lalaking taga-Lesotho, sa timugang Aprika. Noong 1998, pinasok ng banyagang mga hukbo ang Lesotho upang pigilin ang pag-aalsa laban sa pamahalaan. Dahil sa digmaang iyon, dinambungan ang mga tindahan, nawalan ng trabaho ang mga tao, at tumindi ang kakapusan sa pagkain.
Nakatira si Tukiso sa pinakamahirap na bahagi ng kabisera. Marami sa kaniyang mga kapitbahay ang nandambong ng mga tindahan makaraos lamang sa buhay. Pagbalik ni Tukiso sa tirahan niyang may iisang silid lamang, nasumpungan niya si Maseiso, ang babaing kinakasama niya, at ang maraming panindang ninakaw nito. “Ilabas mo ang mga ito,” ang sabi ni Tukiso, anupat ipinaliliwanag na labag sa kautusan ng Diyos ang magnakaw. Sumunod naman si Maseiso. Tinuya sila ng mga kapitbahay at kinuha ang ninakaw na mga pagkain.
Ganiyan ang naging paninindigan ni Tukiso dahil sa natutuhan niya sa pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nagutom ba sila dahil sa pagsunod sa kautusan ng Diyos? Hindi. Pagkaraan ng ilang panahon, si Tukiso ay hinanap ng mga elder sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova kung saan siya dumadalo at dinalhan siya ng pagkain. Sa katunayan, ang mga Saksi ni Jehova sa kalapit na mga bansa sa Timog Aprika ay nagpadala ng mahigit sa dalawang tonelada ng panustos para sa kanilang mga Kristiyanong kapatid sa Lesotho. Ang pagsunod ni Tukiso sa Diyos pati na ang maibiging tulong ng kongregasyon ay nakaantig kay Maseiso. Nag-aral din siya ng Bibliya. Nang bandang huli, silang dalawa ay legal na nagpakasal at sa gayo’y naging kuwalipikadong magpabautismo bilang mga Saksi ni Jehova. Hanggang ngayon ay tapat pa rin silang naglilingkod sa Diyos.
Nagmamalasakit ang Diyos na Jehova sa mga
dukha. (Tingnan ang kahon na pinamagatang “Ano ang Pangmalas ng Diyos sa mga Dukha?”) Maibigin siyang gumawa ng mga kaayusan upang tulungan ang iba gaya nina Tukiso at Maseiso na matuto nang higit hinggil sa kaniya. At sa kaniyang Salita, naglaan siya ng praktikal na payo para sa pang-araw-araw na pamumuhay.Kapaki-pakinabang na Paglalaan
Laging sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na ipabanaag ang pagmamalasakit ng Diyos sa mga maralita. (Galacia 2:10) Kadalasan na, kapag sinalanta ng kasakunaan ang isang lupain at naapektuhan ang tunay na mga Kristiyano, isinasagawa ang mga kaayusan upang maglaan ng kinakailangang tulong. Higit na mahalaga, ipinakikita ng mga Saksi ang pagkabahala sa espirituwal na pangangailangan ng lahat, kasali na ang mga maralita. (Mateo 9:36-38) Sa nakalipas na 60 taon, libu-libong sinanay na mga ministro ang nagboluntaryong maglingkod bilang mga misyonero sa banyagang mga lupain. Halimbawa, dahil nag-aral sila ng wikang Sesotho, naturuan ng isang mag-asawang misyonero mula sa Finland sina Tukiso at Maseiso na maging mga alagad ni Jesus. (Mateo 28:19, 20) Karaniwan nang nasasangkot sa gayong gawaing misyonero ang pagsasakripisyo ng maalwang pamumuhay sa isang mariwasang bansa at paglipat sa isang mahirap na lupain.
Hindi ipapasiya ng tunay na mga Kristiyano na magnakaw para lamang makaraos. Sa halip, nananampalataya sila sa kakayahang maglaan ng Diyos na Jehova. (Hebreo 13:5, 6) Ang isang paraan na naglalaan si Jehova para sa kaniyang bayan ay sa pamamagitan ng pambuong-daigdig na organisasyon ng kaniyang mga mananamba, na nagmamalasakit sa isa’t isa.
Tumutulong din si Jehova sa mga maralita sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng praktikal na payo sa pang-araw-araw na pamumuhay. Halimbawa, iniuutos ng Bibliya: “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi sa halip ay Efeso 4:28) Maraming tao na walang mapasukan ang nakaisip ng sarili nilang trabaho, anupat gumagawa ng mabibigat na gawain, gaya ng pagtatanim at pag-aalaga ng gulayan. Tinutulungan din ng Bibliya ang mga maralita na magtipid sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila na umiwas sa mga bisyo, gaya ng pag-abuso sa inuming de-alkohol.—Efeso 5:18.
magtrabaho siya nang masikap, na gumagawa ng mabuting gawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay, upang may maipamahagi siya sa sinumang nangangailangan.” (Isang Daigdig na Wala Nang Karalitaan—Kailan?
Ipinakikita ng Bibliya na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw” ng pamamahala ni Satanas. (2 Timoteo 3:1) Malapit nang isugo ng Diyos na Jehova si Jesu-Kristo upang hatulan ang sangkatauhan. Ano ang mangyayari sa panahong iyon? Ibinigay ni Jesus ang sagot sa isa sa kaniyang mga ilustrasyon. Sinabi niya: “Kapag ang Anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian, at ang lahat ng mga anghel na kasama niya, kung magkagayon ay uupo siya sa kaniyang maluwalhating trono. At ang lahat ng mga bansa ay titipunin sa harap niya, at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao sa isa’t isa, kung paanong ibinubukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing.”—Mateo 25:31-33.
Ang mga tupa sa ilustrasyong ito ay yaong mga nagpapasakop sa paghahari ni Jesus. Itinulad sila ni Jesus sa mga tupa sapagkat sinusunod siya ng mga ito bilang kanilang Pastol. (Juan 10:16) Ang mga tulad-tupang ito ay magtatamo ng buhay sa ilalim ng sakdal na pamamahala ni Jesus. Ito ay magiging isang maligayang buhay sa isang bagong sanlibutan na malaya sa karalitaan. Ang tulad-kambing na mga tao, na tumatanggi sa pamamahala ni Jesus, ay pupuksain magpakailanman.—Mateo 25:46.
Wawakasan ng Kaharian ng Diyos ang kabalakyutan. Sa gayon ay mawawala na ang karalitaan. Sa halip, ang lupa ay paninirahan ng mga taong umiibig at nagmamalasakit sa isa’t isa. Ang maibiging internasyonal na kapatiran ng mga Saksi ni Jehova ay nagpapakitang posible ang gayong bagong sanlibutan, sapagkat sinabi ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:35.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 6, 7]
ANO ANG PANGMALAS NG DIYOS SA MGA DUKHA?
Inilalarawan ng Bibliya ang Maylalang ng sangkatauhan bilang “ang Isa na nagbibigay ng tinapay sa mga gutóm.” (Awit 146:7) Naglalaman ito ng mahigit sa sandaang talata na nagtatampok sa pagmamalasakit ng Diyos sa mga dukha.
Halimbawa, nang ibigay ni Jehova ang kaniyang Kautusan sa sinaunang bayan ng Israel, inutusan niya ang mga magsasakang Israelita na huwag lubusang anihin ang gilid ng kanilang mga bukid. Hindi nila dapat tipunin ang natirang mga bunga sa pamamagitan ng muling pamimitas sa puno ng olibo o ubasan. Ang mga kautusang ito ay maibiging paglalaan para sa mga dayuhan, ulila, babaing balo, at iba pang napipighati.—Levitico 19:9, 10; Deuteronomio 24:19-21.
Bukod diyan, inutusan ng Diyos ang mga Israelita: “Huwag ninyong pipighatiin ang sinumang babaing balo o batang lalaking walang ama. Kung pipighatiin mo siya, kapag dumaing nga siya sa akin ay walang pagsalang diringgin ko ang kaniyang daing; at ang aking galit ay lalagablab nga, at tiyak na papatayin ko kayo sa pamamagitan ng tabak, at ang inyong mga asawa ay magiging mga balo at ang inyong mga anak ay magiging mga batang lalaking walang ama.” (Exodo 22:22-24) Nakalulungkot, sinuway ng maraming mayayamang Israelita ang mga salitang iyon. Dahil dito at sa iba pang masasamang gawa, nagbabala ang Diyos na Jehova sa mga Israelita sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta. (Isaias 10:1, 2; Jeremias 5:28; Amos 4:1-3) Sa kalaunan, pinangyari ng Diyos na ang teritoryo ng Israel ay malupig ng Asirya at ng Babilonya naman nang dakong huli. Maraming Israelita ang napatay, at ang mga nakaligtas ay dinalang bihag sa banyagang mga bansa.
Ipinabanaag ni Jesu-Kristo, ang minamahal na Anak ng Diyos, ang maibiging pagkabahala ng kaniyang Ama sa mga dukha. Bilang paliwanag sa layunin ng kaniyang ministeryo, sinabi ni Jesus: “Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin, sapagkat pinahiran niya ako upang magpahayag ng mabuting balita sa mga dukha.” (Lucas 4:18) Hindi ito nangangahulugang nilimitahan ni Jesus ang kaniyang ministeryo sa mga dukha. Maibigin din niyang tinulungan ang mayayamang tao. Gayunman, kapag ginagawa niya ito, kadalasa’y ipinahahayag ni Jesus ang pagmamalasakit niya sa mga maralita. Halimbawa, ibinigay niya ang payong ito sa isang mayamang tagapamahala: “Ipagbili mo ang lahat ng mga bagay na taglay mo at ipamahagi mo sa mga taong dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; at halika maging tagasunod kita.”—Lucas 14:1, 12-14; 18:18, 22; 19:1-10.
Ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak ay may masidhing pagmamalasakit sa mga dukha. (Marcos 12:41-44; Santiago 2:1-6) Palibhasa’y nagmamalasakit sa mga maralita, hindi kinalilimutan ni Jehova ang milyun-milyong maralita na namatay na. Bubuhayin niya silang lahat sa isang bagong sanlibutan na malaya sa karalitaan.—Gawa 24:15.
[Mga larawan]
Ipinakikita ng internasyonal na kapatiran ng mga Saksi ni Jehova na posible ang bagong sanlibutan
[Larawan sa pahina 5]
Sina Tukiso at Maseiso kasama ang misyonerong nakipag-aral ng Bibliya kay Tukiso
[Larawan sa pahina 5]
Si Maseiso sa pintuan ng kaniyang bahay kasama ang misyonerang nakipag-aral sa kaniya ng Bibliya