Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mari—Sinaunang Reyna ng Disyerto

Mari—Sinaunang Reyna ng Disyerto

Mari​—Sinaunang Reyna ng Disyerto

“PARANG lumulutang pa ako nang dumating ako sa aking silid-tulugan nang gabing iyon pagkatapos naming ipagdiwang ng aking mga kasama ang aming magandang kapalaran,” ang gunita ng arkeologong Pranses na si André Parrot. Noong Enero 1934, sa Tell Hariri, malapit sa maliit na bayan ng Abu Kemal sa Eufrates sa Sirya, nahukay ni Parrot at ng kaniyang pangkat ang isang estatuwa na may ganitong inskripsiyon: “Lamgi-Mari, hari ng Mari, mataas na saserdote ni Enlil.” Tuwang-tuwa sila sa tuklas na ito.

Nahanap din sa wakas ang lunsod ng Mari! Bakit kawili-wiling malaman ng mga estudyante ng Bibliya ang natuklasang ito?

Bakit Kawili-wiling Malaman?

Bagaman mula sa sinaunang mga teksto ay batid naman na umiral ang Mari, matagal nang misteryo ang eksaktong kinaroroonan nito. Ayon sa mga eskribang Sumeriano, ang Mari ang sentro ng dinastiya na maaaring minsang namahala sa buong Mesopotamia. Yamang nasa pampang ng Eufrates, estratehiko ang lokasyon ng Mari sa sangandaan ng mga ruta ng kalakalan na nag-uugnay sa Gulpo ng Persia sa Asirya, Mesopotamia, Anatolia, at sa Baybayin ng Mediteraneo. Ang mga paninda kasali na ang kahoy, metal, at bato​—na pawang bihirang-bihira sa Mesopotamia​—ay nagparoo’t parito sa lunsod. Lubhang yumaman ang Mari dahil sa mga buwis na ipinapataw sa mga produktong ito, anupat naipatupad ng Mari ang kaniyang awtoridad sa rehiyon. Gayunman, nagwakas ang pamamahalang ito nang sakupin ni Sargon ng Akkad ang Sirya.

Mga 300 taon makalipas ang pananakop ni Sargon, pinamahalaan ang Mari ng sunud-sunod na mga gobernador ng militar. Sa ilalim nila, muling umunlad nang bahagya ang lunsod. Subalit pagsapit ng panahon ng pinakahuli nitong tagapamahala, si Zimri-Lim, pabagsak na ang Mari. Sinikap na pagkaisahin ni Zimri-Lim ang kaniyang imperyo sa pamamagitan ng sunud-sunod na militar na pananakop, mga tratado, at mga alyansa ukol sa pag-aasawa. Subalit noong mga 1760 B.C.E., ang lunsod ay sinakop at winasak ni Haring Hammurabi ng Babilonya, anupat tinapos ang tinatawag ni Parrot na “isa sa mga sibilisasyon na nagsilbing liwanag sa sinaunang daigdig.”

Nang wasakin ng mga hukbo ni Hammurabi ang Mari, di-sinasadyang malaki ang naitulong nila sa makabagong-panahong mga arkeologo at istoryador. Nang pabagsakin nila ang mga pader na yari sa hilaw na putik at laryo, natabunan nila ang ilang gusali nang hanggang limang metro ang taas sa ilang lugar, anupat dahil dito ay hindi nawasak ang mga ito sa paglipas ng panahon. Nahukay ng mga arkeologo ang mga labí ng mga templo at palasyo, pati na ang napakaraming sinaunang gamit at libu-libong inskripsiyon na nagbibigay ng impormasyon tungkol sa sinaunang sibilisasyon.

Bakit kawili-wili para sa atin na malaman ang tungkol sa mga labí ng Mari? Isip-isipin ang panahon nang mabuhay sa lupa ang patriyarkang si Abraham. Isinilang si Abraham noong taóng 2018 B.C.E., 352 taon pagkalipas ng malaking Baha. Ikasampung henerasyon siya mula kay Noe. Sa utos ng Diyos, umalis si Abraham sa kaniyang katutubong lunsod na Ur, at nagtungo sa Haran. Noong taóng 1943 B.C.E., nang si Abraham ay 75 taóng gulang, nilisan niya ang Haran at nagtungo sa lupain ng Canaan. “Ang pandarayuhan ni Abraham mula sa Ur patungong Jerusalem [sa Canaan] ay matatalunton sa kasaysayan noong panahon ng Mari,” ang sabi ng arkeologong Italyano na si Paolo Matthiae. Samakatuwid, mahalaga ang pagkatuklas sa Mari sapagkat tinutulungan tayo nitong gunigunihin ang daigdig na kinabuhayan ng tapat na lingkod ng Diyos na si Abraham. *​—Genesis 11:10–12:4.

Ano ang Isinisiwalat ng mga Labí?

Umunlad ang relihiyon sa Mari gaya sa iba pang dako sa Mesopotamia. Itinuturing na tungkulin ng tao ang maglingkod sa mga diyos. Lagi munang inaalam ang kalooban ng mga diyos bago gumawa ng anumang mahalagang pasiya. Natuklasan ng mga arkeologo ang mga labí ng anim na templo. Kabilang dito ang Temple of Lions (sinasabi ng ilan na templo ni Dagan, na sa Bibliya ay Dagon) at ang mga santuwaryo ni Ishtar, ang diyosa ng pagiging palaanakin, at ng diyos-araw na si Shamash. Noon, ang mga templong ito ay may kaniya-kaniyang estatuwa ng diyos na hinahandugan at dinadasalan ng mga tao. Ang mga deboto ay naglalagay ng nakangiti at nananalanging mga estatuwa ng kanilang mga sarili sa mga upuan ng santuwaryo, sa paniniwalang napahahaba ang kanilang pagsamba sa pamamagitan ng mga imahen nilang ito. Sinabi ni Parrot: “Ang totoo, ang estatuwa, tulad ng kandila sa pagsamba ng mga Katoliko sa ngayon ngunit sa mas malawak na diwa, ay kahalili ng mananampalataya.”

Ang pinakakagila-gilalas na tuklas sa mga labí sa Tell Hariri ay ang mga labí ng pagkalaki-laking palasyo, na kilala sa pangalan ng huling tumira rito, si Haring Zimri-Lim. Inilarawan ito ng arkeologong Pranses na si Louis-Hugues Vincent bilang “hiyas ng sinaunang arkitektura sa Silangan.” Mahigit dalawa at kalahating ektarya ang sakop nito at mayroon itong 300 silid at looban. Kahit na sinauna ito, itinuturing ang palasyong ito bilang isa sa pinakakamangha-manghang istraktura sa daigdig. “Gayon na lamang ito kabantog,” ang komento ni Georges Roux sa kaniyang aklat na Ancient Iraq, “anupat hindi nag-atubili ang Hari ng Ugarit, sa baybayin ng Sirya, na isugo ang kaniyang anak na lalaki upang bagtasin ang layong 600 kilometro [370 milya] papaloob mula sa baybayin para lamang madalaw ‘ang bahay ni Zimri-Lim.’ ”

Bago marating ang malawak na looban, papasok muna ang mga bisita sa nakukutaang palasyo sa pamamagitan ng iisang pasukan na may tore sa magkabilang gilid. Habang nakaluklok sa isang trono na nasa plataporma, ang huling hari ng Mari, si Zimri-Lim, ay nangasiwa sa mga kapakanang pangmilitar, pangkomersiyo, at pandiplomasya; nagbaba ng mga hatol; at tumanggap ng mga bisita at mga embahada. May matutuluyan ang mga panauhin, na regular na pinaiinom at pinakakain ng hari sa mararangyang piging. Kasama sa putahe ang inihaw o nilagang karne ng baka, tupa, gasela, isda, at manok​—na pawang inihahain kasama ang maanghang na sarsang may bawang at iba’t ibang gulay at keso. Ang panghimagas naman ay prutas na sariwa, pinatuyo, o nilagyan ng asukal at mga keyk na iniluto sa mga hulmahang masasalimuot ang disenyo. Bilang pamatid-uhaw, nagsisilbi ng serbesa o alak sa mga panauhin.

May mga pasilidad sa palasyo para sa kalinisan. Natuklasan ang mga paliguang may tub na yari sa terakota at mga palikurang walang upuan. Ang mga sahig at ilalim na bahagi ng mga pader sa mga silid na ito ay pinahiran ng bitumen bilang proteksiyon. Ang maruruming tubig ay pinadadaloy sa mga kanal na yari sa laryo, at ang mga tubong yari sa luwad na nilagyan ng bitumen para di-tagusan ng tubig ay gumagana pa rin makalipas ang mga 3,500 taon. Nang dapuan ng nakamamatay na sakit ang tatlong babae mula sa harem ng hari, mahigpit ang mga tagubilin. Ang gayong babaing may sakit ay ibinubukod at ikinukuwarentenas. “Walang dapat uminom sa kaniyang tasa, kumain sa kaniyang mesa, umupo sa kaniyang upuan.”

Ano ang Matututuhan Natin Mula sa mga Artsibo?

Natuklasan ni Parrot at ng kaniyang pangkat ang humigit-kumulang sa 20,000 tapyas na cuneiform na isinulat sa wikang Akkadiano. Ang mga tapyas ay binubuo ng mga liham at mga tekstong administratibo at pangkabuhayan. Sa mga artsibong ito, sangkatlo lamang ang nailathala. Gayunman, umabot ito nang 28 tomo. Ano ang kahalagahan ng mga ito? “Bago matuklasan ang mga artsibo sa Mari,” ang sabi ni Jean-Claude Margueron, direktor ng Mari Archeological Mission, “halos wala kaming alam sa kasaysayan, mga institusyon, at araw-araw na pamumuhay sa Mesopotamia at Sirya noong pasimula ng ikalawang milenyo. Dahil sa mga ito, posible nang isulat ang buong mga kabanata ng kasaysayan.” Gaya ng sinabi ni Parrot, ang mga artsibo ay “nagsisiwalat ng nakagugulat na mga pagkakatulad sa pagitan ng mga taong binabanggit ng mga ito at niyaong sinasabi sa atin ng Lumang Tipan hinggil sa panahon ng mga Patriyarka.”

Nagbibigay-liwanag din sa ilang talata sa Bibliya ang mga tapyas na natuklasan sa Mari. Halimbawa, ipinahihiwatig ng mga tapyas na ang pag-agaw sa harem ng kaaway ay “saligang bahagi ng paggawi ng monarka nang panahong iyon.” Kaya hindi na bagong ideya ang payo ng traidor na si Ahitopel sa anak ni Haring David na si Absalom na sipingan ang mga babae ng kaniyang ama.​—2 Samuel 16:21, 22.

Apatnapu’t isang ulit nang naghukay ang mga arkeologo sa Tell Hariri mula pa noong 1933. Gayunman, 8 ektarya pa lamang sa 110 ektarya ng Mari ang nasusuri hanggang sa ngayon. Malamang na marami pang kawili-wiling mga bagay ang matutuklasan sa Mari, ang sinaunang reyna ng disyerto.

[Talababa]

^ par. 8 Malamang din na naglakbay sa paligid ng mga labí ng Mari ang mga tapong Judio na dinala sa Babilonya pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E.

[Mapa sa pahina 10]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Gulpo ng Persia

Ur

MESOPOTAMIA

Eufrates

MARI

ASIRYA

Haran

ANATOLIA

CANAAN

Jerusalem

Dagat Mediteraneo (Malaking Dagat)

[Larawan sa pahina 11]

Nakasaad sa dokumentong ito ang paghahambog ni Haring Iahdun-Lim ng Mari tungkol sa kaniyang gawaing pagtatayo

[Larawan sa pahina 11]

Tiyak na natukoy ang Mari dahil natuklasan ang estatuwang ito ni Lamgi-Mari

[Larawan sa pahina 12]

Nananalangin si Ebih-Il, ang opisyal ng Mari

[Larawan sa pahina 12]

Podiyum sa palasyo, kung saan maaaring nakatayo noon ang estatuwa ng isang diyosa

[Larawan sa pahina 12]

Mga labí ng Mari, kung saan makikitang ginamit ang hilaw na putik at laryo sa pagtatayo

[Larawan sa pahina 12]

Paliguan sa palasyo

[Larawan sa pahina 13]

Ang stela ng tagumpay ni Naram-Sin, mananakop ng Mari

[Larawan sa pahina 13]

Humigit-kumulang sa 20,000 tapyas na “cuneiform” ang natagpuan sa mga labí ng palasyo

[Picture Credit Line sa pahina 10]

© Mission archéologique française de Tell Hariri-Mari (Syrie)

[Picture Credit Lines sa pahina 11]

Dokumento: Musée du Louvre, Paris; estatuwa: © Mission archéologique française de Tell Hariri-Mari (Syrie)

[Picture Credit Lines sa pahina 12]

Estatuwa: Musée du Louvre, Paris; podiyum at paliguan: © Mission archéologique française de Tell Hariri - Mari (Syrie)

[Picture Credit Lines sa pahina 13]

Stela ng tagumpay: Musée du Louvre, Paris; labí ng palasyo: © Mission archéologique française de Tell Hariri - Mari (Syrie)