Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Pamilyang Napatibay ng Kaalaman sa Diyos

Mga Pamilyang Napatibay ng Kaalaman sa Diyos

Mga Pamilyang Napatibay ng Kaalaman sa Diyos

ANG “Berlin Wall.” Iyan ang tawag ng isang mag-asawang taga-Argentina sa aktuwal na pader na itinayo nila upang hatiin ang kanilang bahay! Hindi sila magkasundo; talagang kinamumuhian nila ang isa’t isa.

Nakalulungkot, pangkaraniwan ang kalagayan ng mag-asawang iyon. Maraming pamilya ang sinasalot ng hidwaan, kataksilan, at ganap na alitan. Nakapanghihinayang ito, yamang ang pamilya ay isang institusyong itinatag mismo ng Diyos. (Genesis 1:27, 28; 2:23, 24) Ang kaloob na ito mula sa Diyos ay isang kaayaayang dako para magpakita ng masidhing pag-ibig. (Ruth 1:9) Kung tutuparin ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang bigay-Diyos na mga obligasyon, mapararangalan nila si Jehova at magiging pagpapala sila sa isa’t isa. *

Dahil ang Diyos ang nagtatag ng kaayusan ng pamilya, dapat nating hayaan na ang kaniyang pangmalas ang siyang humubog sa ating pagkaunawa hinggil sa kung paano dapat gumawi ang mga pamilya. Ang kaniyang Salita ay naglalaan ng maraming praktikal na payo upang tulungan ang mga pamilya na magtagumpay, lalo na kapag bumabangon ang mga hamon. Ganito ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa papel ng mga asawang lalaki: “Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan.” Kapag tinutupad ng asawang lalaki ang kahilingang ito, nalulugod ang kaniyang asawa na magkaroon ng “matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.”​—Efeso 5:25-29, 33.

Ganito naman ang isinulat ni apostol Pablo hinggil sa ugnayan ng mga magulang at ng kanilang mga anak: “Mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Ito ay lumilikha ng magiliw na kapaligiran sa pamilya, anupat nagiging madali para sa mga anak na sumunod sa kanilang mga magulang.​—Efeso 6:1.

Inilalarawan ng nabanggit na mga punto ang mainam na payo ng Bibliya hinggil sa buhay pampamilya. Sa pagkakapit ng mga simulain ng Diyos, marami ang nakapagtatamasa ng kaligayahan sa tahanan. Kuning halimbawa ang mag-asawang taga-Argentina na binanggit sa pasimula. Pagkatapos nilang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova sa loob ng tatlong buwan, pareho nilang ikinapit ang matalinong payo nito hinggil sa pag-aasawa. Nagsikap sila nang husto upang mapabuti nila ang kanilang pag-uusap, maging madamayin sa mga pangangailangan ng isa’t isa, at maging mapagpatawad. (Kawikaan 15:22; 1 Pedro 3:7; 4:8) Natutuhan nilang pigilin ang kanilang galit at bumaling sa Diyos ukol sa tulong kapag ang mga bagay-bagay ay waring hindi na makontrol. (Colosas 3:19) Di-nagtagal, inalis na ang “Berlin Wall”!

Mapatitibay ng Diyos ang Pamilya

Mapatitibay ng kaalaman at pagkakapit sa mga pamantayan ng Diyos ang isang pamilya upang makayanan ang mga panggigipit. Napakahalaga nito, dahil inihula na ang kaayusan ng pamilya ay makararanas ng matinding pagsalakay sa ating panahon. Inihula ni Pablo ang kasalukuyang pagbagsak ng moralidad at lipunan ng tao. Sinabi niya na ang “mga huling araw” ay makikilala sa kawalan ng katapatan, kawalan ng “likas na pagmamahal,” at pagsuway sa mga magulang, kahit sa mga “may anyo ng makadiyos na debosyon.”​—2 Timoteo 3:1-5.

Ang pagsisikap na palugdan ang Diyos ay makatutulong na malabanan ang gayong nakapipinsalang mga epekto sa pamilya. Nasumpungan ng maraming pamilya na kailangan ang espirituwal na solusyon upang matulungan sila na mapagtagumpayan ang maraming hamong napapaharap sa kanila. Kung nais ng mga miyembro ng pamilya na mapanatili ang isang mabuting kaugnayan sa Diyos, higit sa lahat ay kailangan nilang ikapit ang mga simulain ng Bibliya at alamin na “malibang si Jehova ang magtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagpapagal ng mga tagapagtayo nito.” (Awit 127:1) Ang pinakamalaking tagumpay sa pagtataguyod ng kaligayahan sa pamilya ay nagmumula sa pag-una sa Diyos sa buhay pampamilya.​—Efeso 3:14, 15.

Sa Hawaii, nasumpungan ng isang lalaking nagngangalang Dennis kung gaano katotoo ito. Bagaman siya ay nag-aangking Kristiyano, ang kaniya namang paraan ng pamumuhay ay pinangingibabawan ng mapang-abusong pananalita at mga pakikipag-away. Matapos maglingkod sa hukbong sandatahan, lalo siyang naging agresibo at lipos ng pagkapoot. “Palaaway ako,” ang naalaala niya. “Wala akong pakialam sa mangyayari sa akin, at hindi ako takot mamatay. Nagpatuloy ang mapang-abusong pananalita at pakikipag-away. Pinasigla ako ng misis ko, na isang Saksi ni Jehova, na mag-aral ng Bibliya.”

Nilabanan ni Dennis ang mga pagsisikap ng kaniyang asawa. Gayunman, unti-unting napahupa ang kaniyang negatibong saloobin dahil sa Kristiyanong paggawi ng kaniyang asawa. Nang dakong huli, dumalo si Dennis sa isang Kristiyanong pagpupulong kasama ang kaniyang asawa at mga anak. Pagkatapos nito, napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya kay Dennis, at mainam ang kaniyang naging pagsulong. Itinigil niya ang 28-taóng bisyo na paninigarilyo at inihinto na rin niya ang kaniyang pakikisama sa mga kaibigang gumagawa ng lahat ng bagay na pinagsisikapan niyang mapagtagumpayan. Sa kaniyang pasasalamat kay Jehova, nagkomento si Dennis: “Bumuti ang aking buhay pampamilya. Nagpupunta kami sa mga pagpupulong at sa ministeryo bilang isang pamilya. Hindi na takot sa akin ngayon ang aking dalawang anak, dahil natutuhan ko nang kontrolin ang aking galit at ihinto ang mapang-abusong pananalita. Nakapag-uusap kami at nasisiyahan sa aming mga talakayan sa Bibliya. Kung hindi dahil sa katotohanan sa Bibliya, malamang na wala ako rito ngayon; napakadali kong magalit noon.”

Matatamo ng mga pamilya ang kaligayahan kung magsisikap sila nang husto na gawin ang kalooban ni Jehova. Ipinakikita ng karanasan na kahit isang miyembro lamang ng pamilya ang magkakapit ng mga simulain sa Bibliya, magiging mas maigi ang mga bagay-bagay kaysa sa walang sinuman ang magkakapit nito. Mabigat na gawain ang pagpapatibay sa isang Kristiyanong sambahayan, anupat humihiling ito ng kasanayan at panahon. Pero taglay ng mga miyembro ng gayong mga pamilya ang katiyakan ni Jehova na gagantimpalaan niya ng tagumpay ang kanilang mga pagsisikap na mapatibay ang kanilang pamilya. Maaari nilang ulitin ang mga salita ng salmista: “Ang tulong sa akin ay mula kay Jehova.”​—Awit 121:2.

[Talababa]

^ par. 4 Tingnan ang 2005 Calendar of Jehovah’s Witnesses, May/June.

[Blurb sa pahina 9]

Ang Diyos ang “pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya sa langit at sa lupa.”​—EFESO 3:15

[Kahon sa pahina 8]

LUBHANG PINAHAHALAGAHAN NI JEHOVA ANG KAAYUSAN NG PAMILYA

“Pinagpala sila ng Diyos at sinabi ng Diyos sa kanila: ‘Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa.’ ”​—Genesis 1:28.

“Maligaya ang bawat isa na natatakot kay Jehova . . . Ang iyong asawa ay magiging tulad ng punong ubas na namumunga sa mga kaloob-loobang bahagi ng iyong bahay.”​—Awit 128:1, 3.